Simula: Takbo, Aira

862 Words
“PAPA! TAMA NA PO!” MAS LALO ATANG nagpantig ang tainga ng aking ama nang marinig nito ang makabibingi kong sigaw. Sapat na para marinig din ng mga kapitbahay. Sapat na para makahingi ng tulong. Sa sumunod kong pagkurap, kitang-kita ko ang mapupulang mga mata ni papa na sanhi ng pagpapakalunod niya sa alak at ang hawak nitong kutsilyo. Mabilis ang mga pangyayari, nakaramdam na lang ako ng pagsirit ng nakakakamatay na sakit. Agad na dumapo ang tingin ko sa brasong ginamit kong pangdepensa sa sarili. Halos malusaw ang katawan ko sa sobrang takot. Totoo! Totoong mapupulang dugo ang nakikita ko sa mga braso ko ngayon. Nang magtaas ako ng tingin sa ama, nagawa na nitong mabitawan ang kutsilyo. Siguro ay dahil sa gulat, siguro ay dahil hindi rin nito inasahan ang pupwede niyang magawa. Ilang segundo rin akong nabingi; nabingi dahil sa sigaw at palahaw ng inang alalang-alala sa akin. Mabilis niya akong dinaluhan, ngayon ay may hawak na siyang maiksing tela at pinilit na pagbugkusin ang dalawang dulo noon habang nakalibot sa braso ko. Hindi ako makagalaw. Hindi ko alam kung saan ako nabigla; doon ba sa mga dugong nagkalat na maging sa damit ko o doon sa katotohanang nagawa iyon ng amain. “A-Anak, hindi ko sinasadya.” Nagsimula na siyang humagulgol pero nanatili akong nakapako sa kinatatayuan. Maging ang emosyon ko ay halos hindi ko rin mahagilap. Blanko ang ekspresyon sa mukha ko habang nakatitig sa kanya. Hindi siya ang tunay kong ama. Pero dahil mahal nito si mama ay natutunan niya na rin akong mahalin. Natutunan niya na rin akong ituring na anak — maliban lang sa tuwing nalalasing. Anak ako sa labas. Bunga ako ng kataksilan ni mama kay papa noong nagtatrabaho pa ito sa ibang bansa, kaya ganoon na lang ang galit nito tuwing may tama ng alak. Doon niya kasi naalala ang lahat ng pagkakamali ni mama. Doon siya nagwawala, doon siya nananakit. Kung tutuusin pupwede naman siyang tumigil sa pag-inom pero hindi niya binibigyan ng priyoridad na gawin. “Papatayin mo ba talaga ang anak ko? Ganyan ka ba gumanti?” Sabay pa kaming napatingin kay mama na halos umusok ang tainga at ilong sa sobrang galit habang nakataas ang kanang kamay na may hawak na duguang kutsilyo. Bumalik na naman ang takot sa sistema ko. Hindi sila pwedeng magpatayan. Hindi ako pwedeng mawalan ng magulang. Ang kalmado ko na sanang ama ay mas lalo lang nag-alab. Naghalo-halo na ang emosyon niyang ipinapakita. Nakita kong dumeretso siya sa aparador at nanginginig ang mga kamay na kinuha roon ang pinakatatago-tago niyang baril. Dahil doon ay nagsimulang na akong magsisisigaw. Doon ko na sila pinilit patigilin pero sa pagkakataong iyon, sila naman ang nagmistulang mga bingi. “Papa, Mama. . . parang awa niyo na po,” sabi ko habang nakaalalay pa rin sa brasong patuloy pa rin ang pagkirot. “Aira, tumakas ka na. Umalis ka na rito bago ka pa mapatay ng tarantadong 'to!” Nakakatakot. Lumaki ako sa isang mapayapang pamilya kaya hindi ko matanggap na ganito lang ang kahihinatnan naming tatlo. “Mama, please. . .” “Sabing alis na!” Hindi ko alam ang tama. Hindi ko alam ang dapat gawin. Ngunit kahit nanghihina at tuloy-tuloy pa ang panginginig ng mga tuhod ay wala akong ibang nagawa kundi piliting lumakad patungo sa pinto. “Aira, 'wag kang aalis,” sabi ni papa na mas lalo pang nagpagulo sa akin. “Patawarin mo ako, anak.” Wala itong ginawang masama sa akin noon pa man. Kahit hindi niya ako anak, hindi niya man lang ako, ni minsan, napagbuhatan ng kamay. Katunayan nga, kinupkop niya ako at tinuring na parang totoong sakaniya. Totoong madalas itong magalit kay mama tuwing lasing pero hindi niya ako nagawang idamay. Nagkataon lang sigurong nakialam ako ngayon at sinabayan ko ang galit niya kaya ako ang napagbuntungan nito. Huminga ako nang malalim habang nakapikit pa ang mga mata. Sa sunod na pagdilat ay agad ko siyang nginitian. Nakatutok pa rin ang baril niya sa ina kong nakahanda rin ang kutsilyong hawak. Pagkatapos, sinamantala ko nang gamitin ang natitira pang lakas para tumakbo. Ayoko pang mamatay. Ayokong iwan si mama pero nangangako akong babalikan ko siya. Wala akong nakikitang pag-asa sa sitwasyong iyon kaya wala akong ibang magagawa kundi tumakas at iligtas ang sarili ko. “Aira!” Malayo na ay naririnig ko pa rin ang paulit-ulit na pagsigaw ni papa sa pangalan ko. “Bilisan mo, Aira. Bilisan mo ang pagtakbo! Hinahabol ka niya!” Hindi ko na halos naiintindihan. Hindi ko rin naaaninag nang maayos ang dinaraanan dahil madilim na ang paligid. Sa takot na baka maabutan, napapikit na lang ako at saka binuhos ang natitira pang katiting na lakas para ipagpatuloy ang pagtakbo. “Tulong!” Muli akong napadilat noong malalaking tipak na ng bato ang natatapakan ko. May kalayuan na ito sa amin pero hindi ko pa rin magawang makampante. Takot man at nanginginig, dineretso ko ang pagtakbo. Sumunod ko na lang namalayan ang malakas na pagbagsak ko sa lupa dahil sa lakas ng pagkabunggo ko sa kung sino. Hindi ko ito kaagad na naaninag dahil sa bali-balikong paningin. For once, ginawa ko ang lahat para makalayo at tumakas kaya sana lang ay hindi ko nakabunggo ang kamatayang tinatakbuan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD