Ikaapat na Yugto

1472 Words
Muli naman na siyang pumuwesto sa bintana nang makaalis na ang ina upang mamalengke. Naiiwan siyang mag-isa imbis na nakikipaglaro sa kanyang mga kaibigan kagaya ng plano. Ilang saglit lang ay napahikab siya. Nararamdaman niya na ang antok at ang bigat ng kanyang mga talukap. Tahimik na rin ang labas dahil gantong oras ay nasa bahay na ang mga bata na marahil ay natutulog o di kaya naghahanda na para sa pangangarolling mamayang gabi. Napakamot siya sa kanyang mga mata at akmang aalis na sa sofa na kinalalagyan para umakyat na sa kanyang kwarto ay natigilan siya at nawala ang antok na kanina pa iniinda. Marahang lumalabas ang isang matanda na si Tandang Gresa na nababalutan ng itim na kasuotan at itim na balabal sa kanyang bahay. May dala dala itong lumang bayong na parang bibigay na. Palinga-linga rin ito at parang laging napapalibutan ng maitim na atmospera. Kinandado niya ang nangangalawang na gate at tsaka marahang humakbang paalis. Napatayo sa Avah sa kinauupuan. Mabilis siyang lumabas ng bahay at sinilip ang matanda kung saan ito paroroon ngunit bigla itong nawala nang parang bula. Muling nadako ang tingin niya sa bahay ni Tandang Gresa. Walang tao ngayon dun. Nais niya muling sumilip. Gusto niya ulit makita ang babaeng bata kaniyang nakita ngunit nag-aalangan siya lalo na't napagsabihan na siya. Sandali siyang napatungo at napayukom ang mga kamao. “Saglit lang naman ‘to. Saglit na silip lang ang gagawin ko at agad babalik dito pauwi. Hindi naman nila malalaman.” Bulong niya sa kaniyang sarili. Akmang ihahakbang na niya ang kanyang mga paa papunta roon ay may isang kamay ang humawak ng pagkahigpit-higpit sa braso niya. "At san ka pupunta?" Bumungad sa kanya ang nakatatandang kapatid na si Andrea. Nakangisi ito at mahigpit na nakakapit sa kanya. "Ate..." Nanghihinang sambit niya. Pakaladkad na ipinasok siya nito sa bahay. "Ate. Aray! Nasasaktan ako." Reklamong saad ni Avah habang hinihimas ang braso na may bakat pa ng kamay ni Andrea. "Wala akong pake. Umakyat ka na sa kwarto mo. Tatakas ka pang bata ka hah. Pwes wala ka nang takas dahil nandito na ko! Akyat sabi!" Bulyaw ni Andrea at pasalampak na humiga sa sofa habang kinakalikot ang cellphone. Napayuko naman si Avah at matamlay na sinunod ang kapatid, umakyat na siya sa kanilang silid. Imbis na magmukmok siya sa kanyang higaan ay mabilis niyang hinawi ang makulay na kurtina ng kanilang bintana at buong lakas na binuksan niya iyon. Bibihira lamang buksan ang dungawan na iyon kaya napaubo siya dahil sa alikabok na nasgiliparan sa kaniyang mukha. Winasiwas niya ang kaniyang mga kamay roon. Pumasok ang liwanag sa kwarto. Mula sa kinapupwestuhan niya ay mas tanaw niya ang kabuuan ng bahay ni Tandang Gresa. Halos katapat niya na rin ang silid sa ikalawang palapag na bahay na iyon. Hindi niya na namalayan na nakatulala na pala siya nun at nabalik lang sa reyalidad nang marahan ding bumukas ang bintana roon. Sa pagkakaalam niya ay walang tao roon kaya paanong magbubukas iyon? Pinasingkit niya pa lalo ang kanyang mga mata. Ngunit purong kadiliman ang bumabalot doon. Hanggang sa may isang maliit ngunit napakaputing kamay ang biglang lumitaw at kumapit sa bintana ng silid na iyon. Mula sa singkit na mga mata ni Avah ay tuluyan itong namilog sa nakikita. Mas lumilinaw ang imahe at parang tumatayo ang taong kung sino mang nagmamay-ari ng kamay na iyon hanggang sa lumilitaw na rin ang ulo na may napakakintab na buhok. Hindi makapaniwala si Avah sa nakikita. Tuluyan na ngang nagpakita ang isang pigura ng batang babae na nakita rin ni Avah nung isang gabi. Kasalukuyan na itong nakangiti sa kanya. Tila napako naman ang mga paa ni Avah. Maya-maya ay marahang inilahad ng batang babae ang kanang kamay niya papunta sa direksyon ni Avah na para bang niyayaya siyang pumunta roon. Dahil sa murang pag-iisip ni Avah ay wala siyang alinlangang tumango. Inayos niya ang pagkakatali ng pulang laso sa kaniyang buhok at hinigpitan pa ito. "Teka bata! Sandali lang!" Sigaw niya sa batang babae at mabilis na lumisan sa silid. Sinilip niya ang kapatid mula sa mga bakal na harang ng hagdan at nakita niyang abala ito sa pagtawag sa telepono. Patawa-tawa pa ito sa nakikita sa screen ng telepono nito at tipa nang tipa ang mga daliri na animo’y may sariling buhay. Muli na siyang bumalik sa kanyang silid ngunit nang dumungaw na siya sa bintana para tingnan din ang halos katapat na bintana sa isang silid ng bahay ni Tandang Gresa ay wala na ang batang babae. “Asan na siya?” Nagtagpo ang kanyang mga kilay.  Ilang saglit lang ay dumating na si Tandang Gresa, naglalakad ito habang bitbit-bitbit ang mga gulay sa kanyang bayong. Akmang bubuksan na ng matanda ang nangangalawang na gate nito ay napatigil siya. Halos mapatigil din si Avah sa paghinga. Luminga-linga ang matanda at nadako ang paningin niya kay Avah. Napaatras ng isang hakbang ang natatakot na batang paslit. Nais niyang kumawala sa mga nakakatakot na titig ni Tandang Gresa ngunit nakalimutan na yata ng katawan niya kung paano gumalaw. Mas lalong sinamaan ng tingin ng matanda ang kawawang bata at parang naghihingalong binulyawan niya ito na akmang susugurin. Kahit nasa sariling silid si Avah ay dama pa rin niya ang takot. Agad niyang sinarado ang bintana at ibinaba ang kurtina. Agad din siyang lumisan sa kwarto para puntahan ang kapatid at siguraduhing nakasarado ang pintuan. Sumilip siya sa bintana na lagi niyang tambayan at nakita niyang nandun pa rin ang matanda at nakakatitig sa kanyang silid. Mas lalo siyang natatakot. Mabilis ang pagtaas at pagbaba ng kanyang dibdib. Napansin iyon ni Andrea kaya ibinaba niya muna ang telepono at masungit na binalingan ang parang wala sa sariling kapatid. "Hoy Avah! Anong ginagawa mo diyan? Ano bang nangyayari sa iyo? Diba sabi ko dun ka lang sa kwarto? Sinusuway mo ba ako?" Pansin ng kaniyang ate sa kakaibang kinikilos nito. Mabilis pa rin ang t***k ng puso niya at halos maiiyak na. "Avah! Humarap ka saking bata ka! Kinakausap kita!" Singhal ni Andrea. "A-ate. Natatakot ako kay Tandang Gresa." Bakas sa mga salita niya ang kakaibang takot. Napangiwi naman si Andrea at tinaasan ng kilay ang kapatid. "Sino bang hindi? Lahat naman dito sa baryo takot sa kanya. Bruha nga siya diba pero kung patuloy kang mag-iinarte, ay gagawin din kitang bruha! Mamili ka Avah! Sege umakyat ka na ulit sa kwarto tsaka ano yang ma kamay mo puno ng alikabok?" “W-wala…” Pagtago ni Avah ng kaniyang mga kamay sa likod. Tumayo ang kaniyang nakatatandang kapatid at marahang humakbang patungo sa kaniya na may malapad na ngisi. “Sabihin mo, may ginawa ka noh?” “W-wala…” Pag-iwas ng tingin nito. “Eh bakit ganyan ka kumilos? Sabihin mo.” "Ate... Natatakot ako..." Muling wika ni Avah at hinila-hila ang laylayan ng damit ni Andrea. Tinabig ni Andrea ang mumunting kamay ng kapatid at inirapan ito. “Ano bang ginawa mo? Bat ka ganyan umasta ngayon?” "Ate may bata sa loob. Baka anong gawin ni Tandang Gresa sa kanya..." May pag-aalalang saad ni Avah. Natigil si Andrea. Natapat ang kaniyang mga paningin sa pulang laso na nakatali sa buhok ng kapatid. May rumehistrong pangyayari sa kaniyang isipan. Mga ngiti, halakhak, at saya sa mga mata, at mga papuri. Lahat yun ay dati para sa kaniya ngunit dumating isinilang si Avah. Pinikit niya nang mariin ang mga mata upang alisin ang mga imahe’t tunog na iyon at muling bumaling sa paksa ng usapan nilang dalawang magkapatid. "Anong sabi mo? Bata?” “Ou ate! Yung bata na sinasabi ko rin sa’yo siya yun! Nakita ko siya! “Yan na naman tayo sa batang yan eh! Ang tagal-tagal na natin dito eh! Lalo na ko kumpara sa iyo! Wala pa kong nakitang bata sa bahay nay un! Walang bata ayos ba? Tsaka kung meron man, baka yun yung mga makukulit na kagaya mo! At sana nga kainin yun tapos ay isunod ka na nang mawala ka na nang tuluyan sa buhay ko." Hindi napigilan ni Avah ang kaniyang mga luha. Tuluyan na itong tumulo. Natauhan naman si Andrea sa kaniyang mga sinabi. Alam niya sa sarili na mali na hilingin ang pagkawala ng kapatid. Napayukom ang mga kamao nito, ngunit dahil sa pride ay hinding hindi ito hihingi ng tawad o di kaya bawiin ang mga sinabi sa nakababatang kapatid. "A-ate… Bakit galit na galit ka sa akin?” “Kasalanan mo. Kasalanan mo Avah. Kung anu-ano kasi ang pinagsasasabi mong kalokohan!” “P-pero ate totoo talaga ang sinasabi ko ate! Maniwala ka naman sa akin pakiusap." Pagmamakaawa ni Avah. "Bahala ka nga diyan! Ako na lang dun sa kwarto!" Saad niya at nilisan ang kapatid. Samantala, muli nang binawi ni Tandang Gresa ang kanyang tingin mula sa bahay nina Avah at ibinaling na lang ang atensyon sa pagpasok sa kanyang bahay. "Ano ang pangalan nung batang iyon?" Tanong ng isang batang babae na biglaan na lamang lumitaw sa kanyang tabi. Hindi naman siya pinansin ng matanda at dere-deretso lang sa pagpasok. "Gresa, nais ko siyang maging kalaro. Pagbigyan mo na ako Gresa..." Pagmamakaawa nito. Sinundan niya ang matanda hanggang sa makapasok pero hindi pa rin siya nito pinapansin.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD