Ikatlong Yugto

2070 Words
Tanghaling tapat. Mataas ang sikat ng araw. "Avah!!!" Sabay-sabay na tawag ng mga batang sina Miguel, Ryza, at Lorraine sa tapat ng bahay ng kanilang kaibigan. Nakapinta sa kanilang mga bilugang mukha ang kasabikan. Mabilis na nagbukas ang pintuan na maraming abubot na nakasabit ngunit nagbago ang ekspresyon ng mga bata na mula sa sabik ay naging takot sapagkat imbis na si Avah ang bumungad sa kanila ay ang maarte at masungit nitong nakatatandang kapatid na si Andrea. Nakaporma itong itim na pangtaas, pantalon na may disensyong gupit-gupit, at itim na sapatos. Bahagya silang napaatras at napayuko isa-isa. "Katanghaliang tapat ay eto kayo at nambubulabog na kayo. Tumabi nga kayo diyan sa pintuan! Mga harang at pasaway eh." Pagtataray na bulyaw ni Andrea sa mga musmos. Bigla rin namang sumulpot ang kaibigan nila na si Avah na inaayos pa ang tali na pulang laso sa kanyang buhok na kanina pa nila hinihintay. Hingal ito na para bang galing sa paligsahan ng pagtakbo. "Ay pasensya ka na ate. Huwag ka nang magalit. Aalis na kami." Panimula niya at sinaluhan ang mga kaibigan. Akmang hahakbang na paalis ang mga paslit ay may kung anong pumasok sa isip ni Andrea. Napangiti siya nang parang may balak para sa kapatid. "Teka nga Avah. Sinong nagsabing pwede kang lumabas ngayon ng bahay?" Sa mapaglarong tono ng pagsasalita na turan niya. Nilingon siya ng mga magkakaibigan. "Ay ate, nagpaalam na ako kay mama--"  Nahinto si Avah sa pagsasalita nang singitan siya ng kanyang kapatid na tuwang-tuwa sa pang-aasar sa kanya.  "Pero sa pagkakaalam ko. Hindi pa rin pwede. Mamamalengke si mama mamaya at walang bantay dahil aalis din ako. Ang ibig sabahin ay maiiwan ka at hindi makakasama sa mga bulinggit na kaibigan mo." Nakangising saad niya. "Pero ate..." Tila nawawalan ng pag-asa si Avah dahil sa mga gantong sitwasyon ay wala siyang magawa. Masyado pa siyang bata para sa mga pagtatalo at mas nakakatanda ng ilang taon si Andrea kaya laging ito ang nasusunod. "Makikipagdate ka lang naman." Mahinang bulong ng pilyong si Miguel pero hindi pa rin nawaglit sa matatalas na tenga ng dalaga. "Anong sabi mong duwende ka???!!?" Bulyaw ni Andrea, buti na lamang ay naging alerto ang kanyang kapatid at siya nang pumagitna. "Ate wala naman siyang sinabi. Sige Miguel, Lorraine at Ryza, una na kayo. Hindi na ko makakasama eh. Walang bantay sa bahay. Sa susunod na lang tayo maglaro at magpinta hah. Pasensya na talaga." Mahinahong saad niya ngunit bakas pa rin rito ang lungkot. Napataas ng kilay ang kanyang kapatid at nakaukit sa kanyang mukha ang isang napakalapad na ngiti na para bang nanalo. “Sigurado ka ba Avah? Nakahanda na sa bahay naming yung mga laruan at gagawin nating arts eh?” Saad muli ni Miguel. “Aba’t talagang! Ikaw duwende ka, hindi ka ba talaga magpapaawat? Hindi ka ba nakikinig sa akin?!” Pagtataray ni Andrea.             Hinila na nina Ryza at Lorraine si Miguel palayo sapagkat namumula na sa galit ang dalaga dahil sa pagkairita nito. “Sige Avah! Una na kami, sa susunod na lang!”             “S-sige, pasensya na rin!” Pagkaway ni Avah sa kanila. Nagbuntong-hininga na lamang ang kanyang mga kaibigan at walang nagawa kundi ang umalis nang tuluyan. Pero nagpahabol pa ang pinakabatang si Miguel at binelatan si Andrea. "Ikaw duwende ka!” Nagtitimping saad niya at padabog na isinarado na ang pintuan. Abalang nag-aasikaso ng pagkain sa kusina ang ina ng magkapatid at nakaalis na rin ng bahay si Andrea para gumala. Walang magawa ang musmos na si Avah kundi ang magmukmok na lamang sa sulok ng kanilang bahay. Bakas ang lungkot sa kanyang mga mata at nawalan na rin siya ng ganang laruin ang kanyang mga manika. Gaya ng dati, pumwesto siya sa bintana para dungawin ang kagaya niyang mga bata na malayang naglalaro sa kalsada. Nadako ang kanyang paningin sa bahay ni Tandang Gresa. Kahit sa liwanag na tinataglay ng katanghaliang tapat ay hindi makapasok ang kahit anong sinag sa loob ng pamamahay na iyon dahil nakakandado ang mga pintuan at mga bintana na aakalain mo ay abandonado na. Muli niyang inalala ang nakita nung isang gabi. Nais niya na lang iyong ipagwalang-bahala at isipin na baka guni-guni niya lamang iyon ngunit malakas ang kutob niya na may nangyayaring kakaiba sa bahay na iyon, yun nga lang ay di niya mapagtanto kung ano iyon. Ano nga ba naming magagawa ng isang batang paslit na kagaya niya na kahit sa nakatatandang kapatid niya ay hindi man lamang siya makapalag kahit nakikita niya na ang mapang-abusong gawain nito sa kaniya. Samantala, Si Andrea ay kakarating lamang sa destinasyon nito, isang munting kainan. “Andrea dito!” Pagkaway ng isa sa mga kaibigan niya na prente nang nakaupo sa sulok ng lugar kasama pa ang isa nilang kaibigan. Agad siyang pumaroon sa kanila. May mga nakahanda nang pagkain sa mesa. “Pasensya na girls. Ngayon lang ako, yung kapatid ko kasi inasar ko pa hahahha.” Napailing ang kaniyang mga kaibigan. “Yan na naman, kinakawawa mo na naman yang kapatid mo na si Avah. Kailan ka ba magiging sweet sa kaniya na para bang totoong ate hah?” Napangisi saglit si Andrea sa narinig. “Sweet? Hindi kahit kalian. Ayoko.” Nagkatinginan ang dalawa niyang kaibigan at sabay na napailing sa katigasan ng puso ni Andrea para sa kapatid. “Mabait na bata ang kapatid mo. May mga kapatid din kami at ang swerte mo na dahil hindi lumalaban yang si Avah. Alam mo naman yan. Hindi ka naming maintindihan hays.” Lumingon si Andrea sa isang litratong nakadisplay sa kainan, isang pampamilyang litrato, masaya ang mga mata nito at may mga wagas na mga ngiting nakaukit. Naalala niya ang mga panahong siya ang unica hija ng kanilang pamilya. Natatangi, nasa kaniya ang lahat ng atensyon, lalo na ng kanilang lola ngunit nagbago ang lahat mula nang isilang ang kapatid. “Basta ayoko lang. Sapat naman na kasi ako para sa pamilya namin. Bakit kailangan pa siyang dumagdag? Kumain na nga lang tayo.” “Apakatagal naman kung magkimkim ka Andrea.” “Tama na ang paksa. Teka, may naisip na ba kayo na gagawin nating tatlo para sa pasko?”             Inilabas ng isa niyang kaibigan ang isang papel na may mga nakalistang salita. Kaniya iyon kinuha at tila pinag-aralan.             “Mga opsyon pa lamang iyan. Pero kung may suwestiyon ka mas maganda.”             Napako ang kaniyang paningin sa dulong bahagi ng papel, nakasulat dito ang hindi niya inaasahang gagawin. ‘Ghost-hunting/Paranormal Activity’             “At ano naman itong nasa huling numero? Kailan pa kayo nahilig sa mga nakakatakot na bagay? Tsaka naniniwala kayo sa multo? Ayos lang ba kayong dalawa?”             “Ah iyan! Looking forward kami diyan. Naghanap kasi kami sa internet ng mga aktibidad at magandang suwestiyon yan, exciting eh! Nakumbinsi kami na hindi lang naman pang undas ang gawaing yan, pwede rin sa pasko!”             “Nababaliw na ba kayo? Hindi totoo ang multo! Hindi, hindi, hindi natin ‘to gagawin. Ayaw ko.”             “Ang kj mo naman Andrea!”             “Ou nga pumayag ka na!” Gatong pa ng isa.             Matiim na tiningnan sila ni Andrea na parang hindi makapaniwala na ito ay isa sa mga nakalista sa mga gagawin nila para sa pasko. “At sige nga aber? San naman tayo magghoghost hunt? Dadayo pa tayo ng ibang lugar para lang sa kalokohan niyong ito? Tigilan niyo na ‘to.” Kumuha siya ng ballpen mula sa kaniyang dala-dalang bag at nilagyan ng ekis iyon sabay abot sa kaniyang mga kaibigan na halata naming nadismaya sa hindi nito pagpayag.             “Andrea naman. Kung ayaw mo kami na lang.” Pagtatampo ng mga ito.             “Ipipilit niyo talagang dalawa yang gusto niyo? Kayo ang bahala.”             “Hindi mo naiintindihan. Ikaw nga ang kailangan namin dito eh kasi kapitbahay niyo si Tandang Gresa.”             Napatigil sa pagkain si Andrea at kunot-noong bumaling sa maga kaibigan na hawak hawak pa rin ang listahan ng kanilang mga aktibidad para sa kapaskuhan. “Ano naming kinalaman ng matandang yun sa ‘kin at sa kalokohang balak niyo?”             Ngumiti nang pagkalawak lawak ang kaniyang mga kaibigan na kahit siya ay kinikilabutan na. Naglabas ng munting kwaderno ang isa sa kanila at ibinigay iyon kay Andrea na kaniya ring inabot. “Ano naman ito?”             “Nagsaliksik kami sa mga pwedeng puntahan dito sa lugar natin para sa ghost hunting at itong bahay ni Tandang Gresa ang perpektong lugar para sa gagawin natin!”             Kaniyang binuksan ang kwaderno. Para itong isang munting journal at nakatala ang iba’t ibang mga kasaysayan. Hindi niya maintindihan ang mga nakasulat dito.             “Basahin mo ang kasaysayan ng bahay ni Tandang Gresa, walang gaanong nakakabahalang mga pangyayari ngunit base sa saliksik naming maraming mga haka-haka at gusto naming madiskubre kung alin nga bang haka-haka ang totoo at hindi. Malay mo sumikat tayo sa gagawin nating pagdiskubre hindi ba?”             “Kalokohan ‘to.” Tugon niya.             “Pero ikaw lang Andrea ang pwedeng makatulong samin sa pagpasok sa bahay na yun!”             “Kalimutan niyo na.” Pagtatapos niya na may diin at hindi na sumagot ang mga kasama niya. “Avah, halika na, kumain na tayo.” Pagtawag ng kanyang ina nang maayos na ang pananghalian sa hapag upang kumain na agad naman niyang tinanguan. Silang dalawa lang na mag-ina ang nasa bahay kaya walang maririnig na ingay bukod sa alingawngaw na galing sa labas. "Akala ko ba makikipaglaro ka mga kaibigan mo? Kila Miguel? Hindi na ba natuloy iyon?" Panimula ng kanyang ina habang nagsasalok ng sabaw sa isang babasaging mangkok. Hindi naman niya magawang magsumbong sa ina sa panlalamang na ginagawa ng kanyang nakatatandang kapatid dahil mayayari siya kapag nagkataon. Sa halip na sagutin ang ina ay hindi na lamang siya kumibo at ipinagpatuloy na lamang ang pagkain. "At dahil nandito ka naman ay mapayapang makakaalis ako mamayang hapon para mamalengke sa iluluto ko para bukas dahil bagsak presyo mamaya. Baka gabihin ako, wag kang aalis dito sa bahay ah. Ikandado mo ang pintuan at hintayin mo ang papa at ate mo." Malumanay na wika ng kanyang ina. Tango lamang ang tinugon niya. Maya-maya ay may narinig silang mabibilis na yabag na para bang nagtatakbuhan mula sa labas. Tumayo ang kanyang ina upang silipin kung ano ang nangyari. Nang mabuksan ang pintuan ay bumungad sa kanya ang mga bata na hingal na hingal at halos maiyak sa sobrang takot na mukhang napadaan sa bahay ni Tandang Gresa. Napailing na lang siya at bumalik na sa hapag para saluhan ang anak. "Wag kang gagaya sa mga batang iyon Avah hah. Wag na wag mo na ulit subukang tumambay o di kaya sumilip sa bahay ni Tandang Gresa dahil isang nakapangingilabot na bulyaw lang ang bubungad sayo. Buti dumating ang ate mo kahapon at hindi kayo naabutan ng matanda." Saad ng kanyang ina. Ang bilin na iyon ay halos araw araw niyang naririnig mula pa nung bata siya kaya naman ay talagang seryosong sermon ang inabot niya kahapon sa nangyaring pag labag niya sa kaisa-isang biling iyon. Naging mabilis lamang ang kanilang pananghalian. Tahimik na bata si Avah kung ikukumpara mo sa iba ngunit may kung anong kyuryosidad nanaman ang bumalot sa kanya dahilan para basagin ang kanina pang namumuong katahimikan. "Mama, bakit ganun siya? Bakit ganun si Tandang Gresa?" Tanong ni Avah. Napatigil naman sa pagaayos ng plato ang kanyang ina at hinarap siya. "Anong ibig mong sabihin? Anong bakit ganun siya?" "Ayaw niya sa mga tao. Lalo na sa aming mga bata. Ba't ang sungit niya? Hindi naman ganun si lola ah?" May pagtatampo sa tono nito. "Sabihin na lang natin na marahil ang dahilan ay tumanda siya ng dalaga kaya ganun na lamang ang ugali niya. Matagal na rin siyang naninirahan mag-isa mula pa nun kaya hindi na nakapagtataka na ayaw niya sa mga ingay lalo na ang ingay ng mga mumunting bata. Basta anak, lumayo ka na lang sa kanya." Paliwanag na may kasamang paalala ng kanyang ina. "Napagalitan ka na rin ba niya ma noon? Nabulyawan? Halos katapat lang natin ang bahay nila eh." Dagdag na tanong ni Avah na alanganing tinugon ng ina. "Ahmmm... Ba't mo naman naitanong biglaan yan anak?" Pinagpatuloy niya na ang paglilinis ng mesa. “Medyo interesado lang po. Pero hindi na po talaga ako uulit! Gusto ko lang talaga malaman anong meron kay Tandang Gresa.” "Avah, makinig ka. Nung bata pa kasi ako hindi pa ganun katanda si Tandang Gresa. Pero ou. Ilang beses na rin niya akong napagalitan at nabulyawan sa kakasilip sa bahay na iyon. Pati ang lola mo ay pinagbabawalan ako dahil nung kasing edad mo ko lagi rin akong sumisilip sa bahay nila." Mailing-iling na saad nito. "May nakita po ba kayo?" Napakagat-labi pa si Avah nang matanong niya iyon sa ina. Hindi niya rin inaasahan na lalabas iyon sa kanyang bibig. "Nakita? Anong nakita?" Takang tanong ng ina. "Nakitang ano po…Kahit ano... Bata?"  "Bata ba kamo? Hindi pa siya nagkaroon ng kahit sinong bisita sa pagkakaalam ko. At siguro wala rin namang magtatangka. Oh siya, mag-aasikaso na ako ng listahan sa pamamalengke." Wika ng kanyang ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD