"Ate? Ikaw lang pala yan. Tinakot mo ‘ko." Saad ni Avah habang hawak hawak pa ang laruang tambol.
"Anong ginagawa mo rito sa tapat ng bahay ng bruha na iyon? Buti na lang at nakita kita na papunta rito. Pag nalaman to ni mama lagot ka sigurado. Hindi ba’t pinagsabihan ka na niya? Pinagbilinan?" Nakangising tugon ni Andrea habang hinihila niya na ang kapatid palayo sa bahay ng matanda.
"Ate may bata---“
"Buti hindi ka naabutan nung bruhang yun. Kung hindi patay kang bata ka. Lagot ka talaga nito kay mama."
Lumingon muli si Avah sa madilim na bahay. "Ate making ka may bata---"
"Patay kang bata ka talaga." Nakapasok na sila sa kanilang bahay.
Hindi alam ng magkapatid na sa pagpasok na pasok nila sa bahay ay siya namang paglabas ng isang matandang babae sa madilim na bahay. Balot na balot ito ng itim na kasuotan, nangungulubot na ang balat na tanda ng katagalan sa pamamalagi o pamumuhay sa mundong ibabaw at ang nagtataasang buhok na purong puti lamang. Mas lalong dumami ang guhit nito sa mukha ng magtagpo ang kilay at ang mga ngipin ay tila nagngangalit. Masama ang tingin niya sa bahay kung saan naninirahan ang magkapatid na sina Avah at Andrea.
"Hihihihihi..." Sa boses na iyon ay napalingon ang matanda sa sariling bahay kung saan tumambad ang imahe ng isang batang babae. Humahagikhik at ilang saglit ay nawala na lamang ito bigla.
Pumasok na ang matanda at siniguradong nakakandado na ang gate.
May mga bilang na bata ang napadaan ngunit halata naman sa kanila ang pangingilag lalo na't masama ang tingin sa kanila ng kilalang bruha sa lugar. Bigla na lamang silang nagtakbuhan dala ng sobrang takot.
Tapos nang kumain ang pamilya nina Avah para sa hapunan. Nakatanggap ng mga sermon ang bata. Si Andrea naman ay tila natututwa sa nasaksihan na pagpapagalit sa bata.
“Oh sige na. Umakyat ka na Avah.” Wika ng ina nang matapos na ang sermon.
“Opo.” Malungkot na sagot nito.
“Ikaw din Andrea. Umakyat na.”
“Oh bat ako nadamay? Bat ako kasama sa aakyat? Eh siya lang naman ‘tong pasaway. Pupunta punta sa bahay ng bruha eh.”
“Aba? Dahil sa gabi na. Umakyat na kayo at matutulog na kayo.”
“Agh.” Pagrolyo ng mata ng dalaga.
“At tsaka pwede ba Andrea, ilang beses ko na sinabi na wag mong tawaging bruha si Tandang Gresa. Lalo na pag andiyan ang lola niyo. Matanda na rin yun at pag narinig ka nun---“
“Opo Alam ko ma. Lagi naman akong pinagsasabihan nun ni lola eh tapos itong si Avah hindi man lang. Talking about favorites.”
Padabog na umakyat si Andrea para sumunod sa kapatid sa kwarto.
Malalim na ang gabi. Nakababad pa rin si Andrea sa sariling cellphone at tipa ng tipa rito.
“Ano kayang magandang bilhin ngayon? Wala man lang ako makita. Makatulog na nga lang.”
Nasa iisang kwarto lamang sila ng kanyang kapatid na ngayon ay hindi makatulog. Mula pa kanina ay hindi pa rin magawang sabihin ni Avah ang nakita niya na alam niyang hindi pangkaraniwan.
"Avah. Tutal di ka pa naman tulog. Patayin mo na nga yung ilaw matutulog na kasi ako." Utos ni Andrea na may kasama pang pagwawasiwas ng kamay. Nakatitig lang naman sa kanya ang kapatid. "Oh bakit ganyan ang tingin mo? Nakatameme ka lang? Sabi ko patayin mo na!" Bulyaw niya at inayos ang kanyang kumot.
"Eh kasi ate hindi pa ako makatulog eh."
"Bakit na naman? Kasi pinagalitan ka? Goodness! Hindi ka na baby!" Tsaka kasalanan mo naman di ba? Binilinan ka na wag pupunta pero pumunta ka? Anong inaasahan mo? Bibigyan ka ng matandang yun ng kendi? Nagngangalit na sabi ni Andrea.
“Sorry.”
“Hindi ka pa ata nakuntento sa kendi na nakuha niyo ih. At yung bruha pa talaga ang naisipan mong pangarollingan? Pinapatawa mo ko Avah.”
"Kasi yung bata." Pahina ng pahihina ang bawat mga salita habang sinasambit niya. Inalis na rin niya muna ang pulang laso at ibinuhaghag ang buhok.
Nagkatagpo ang kilay ni Andrea. "Anong bata? Sinong bata? Ano na naman yan? Eh ikaw yung bata. Avah hah! Mga kalokohan mo! Don't me!" Tila hindi siya interesado.
"Sa bahay ni Tandang Gresa may bata..."
Natigilan si Andrea.
"May bata sa loob." Saad ni Avah na para bang inaalala ang nakita.
"Tumigil ka na. Imahinasyon mo lang yan. Imposible yang sinasabi mo. Wala pang batang bisita yung matandang yun." Pagpapahinto ni Andrea. Mababakasan na ang kanyang mukha at tono ng pagsasalita ng takot.
"Nakita ko talaga ate---"
"Tumigil ka na sabi eh. Paano mangyayari yun? Ayaw nun sa bata. Ayaw nun sa pasko. Ayaw nun sa kahit ano. Patayin mo na lang yung ilaw." Pambabalewala niya sa nais sabihin ng kanyang kapatid.
“Galit na galit ka kay tandang Gresa ate? Nabulyawan ka na ba nun dati?”
“Wala kang pake. Ang dami mo naming satsat. Gusto mo bang sa’yo malipat yung galit ko?”
"Paano kung kailangan niya tulong nung bata---"
"Ano ba?! Nababaliw ka na yata eh! Wag mo kong idamay sa mga kalokohan mo Avah! Wala akong pake! Tumigil ka na rin sa panonood ng kung anu-ano! IMAHINASYON mo lang yan. Kapag di ka pa tumigil sa mga ganyan-ganyan mo, isusumbong ulit kita kay mama. Tingnan natin kung di ka mapagalitan ulit!" Bulyaw niya sa kapatid at nagtalukbong.
Sinunod naman ni Avah ang utos na patayin ang ilaw kahit medyo kabado pa rin hanggang ngayon.
Samantala, sa bahay ng Tandang Gresa. Maingat na pinupunasan ng matanda ang mga nakadisplay na laruan sa isang kahon gamit ang basing bimpo. Matiim ang mga tingin nito sa bawat laruan. Nadako ang tingin nito sa isang lumang manika. May bakas na ito ng tinta sa mukha. Kupas na ang kulay at pinta sa buong katawan. Pati na rin ng suot na damit ng manika ay nababalutan na ng dilaw na mantsa sa tagal ng pagkakaimbak doon. Kaniyang sinuklay ang buhok ng manika gamit ang mga nangungulubot na daliri nito. Ginto ang kulay ng hibla ng buhok.
Ang mga mata ng matanda ay parang may inaalala mula sa pagkabata nito. Pumikit siya nang mariin. Hanggang sa isang hindi pamilyar na senaryo ang rumehistro sa kaniyang isipan. Sigaw at iyak, dugo at luha. Nabitawan niya ang manika. Mabilis niyang sinarado ang kahon na puno ng mga laruan.
Tumayo siya at pinagpag ang mga kamay. Tumungo siya sa kaniyang paboritong upuan niya mula pa nun.
Tanging ang ingay lamang na ginagawa ng upuang tumba-tumba na gawa sa kahoy ang maririnig. Nakaupo rito ang matanda at mariing nakatitig sa apoy na tila nagsasayaw sa pinakatuktok ng itim na kandila.
Maya-maya ay may lumitaw na batang babae mula sa likod niya. Buhaghag at purong itim ang buhok nito na parang sa isang manika. Marahan ding sumilay ang isang mapaglarong ngiti sa manipis at maputlang labi ng bata.
Napatigil sa pag-ugoy ang matanda na tila ba ramdam ang presensya ng kung sinong nilalang sa likod niya. Nagbago rin ang temperatura sa buong silid na dahilan para agad mamatay ang tanging kandilang nakasindi sa buong bahay. Ngunit biglang nagkaroon ng buhay ang pahabang bumbilya sa kisame, nagpatay-sindi ito na ikinailing ng matanda.
"Rosa." Gahol na sambit ng matanda. Humakbang ang paa ng bata papunta sa harap ni Tandang Gresa, nakaukit pa rin sa mukha ang mapaglarong mga ngiti at tusong mga mata.
"Nais ko nang maglaro." Wika ni Rosa, pangalan ng batang babae.
"Tumigil ka na." Pakiusap ng matanda sa seryosong tono. Nawala ang ngiti sa bata at napalitan ito ng hindi maipaliwanag na ekspresyon. Nawalan nang buhay ang mga mata nito pero nakangisi siya.
"Kailangan ko ng bagong kalaro." Matigas na saad ni Rosa. Hindi naman ito pinansin ng matanda. “Bakit hindi mo ko payagan? Bakit mo ko hinahadlangan? Gusto ko lang ay maging masaya. Gusto ko lang ng kalaro.” Umaalingawngaw sa buong kwarto ang boses nito. Naglakad ito patungo sa kahon na kanina lamang ay inaasikaso ni Gresa.
“Wag mong gagalawin ang mga yan.” Kahit hindi nakatingin ang matanda ay tila alam nito ang kilos ng bata.
“Ayaw mo kong kalaro. Ayaw mo kong bigyan ng kalaro. At ayaw mo kong maglaro.” May diing sambit nito. Inihimlay niya ang munting kamay nito sa ibabaw ng kahon. Tila pinakikiramdaman ang laman nito. Hinihimas himas niya iyon. Ang mga mata niya’y hindi maipaliwanag ang ekspresyon. “Gusto kong maglaro.”
"Hindi iyon mangyayari hangga't buhay ako." Turan ni Tandang Gresa. Nawala na rin ang ngisi ng munting bata. Bigla na lamang nagkaroon ng malakas na ihip ng hangin na galing kung saan-saan at mararamdamang paikot-ikot sa silid. Patuloy pa rin ang pagpatay sindi ng ilaw.
Kahit nakasarado ang mga bintanang may pinturang itim ay marahas na nagsasayawan ang mga kurtinang patay ang kulay.
Tila nagtatagisan naman sa magkasalubong na tinginan ang matanda at ang bata. Matikas na tumayo ang matanda, hindi alintana ang mga hindi normal na pangyayari sa kanyang bahay.
"Gusto ko na ng kalaro ngayon." Mas naging malalim ang boses ng bata na animo'y galing pa sa pinakailalim ng lupa. Nakatingala na ito ngayon kay Tandang Gresa, masama ang titig sa kanya na para bang papatay kahit anong oras.
Hindi tumugon ang matanda.
Ilang saglit lang ay inangat ni Rosa ang kanyang kamay at biglaang mahigpit na kinapitan ang leeg ng matanda. Nagulantang ang matanda na para bang hindi niya inaasahan iyon. Ramdam niya ang tila yelo sa lamig ng kamay ng paslit. Ramdam niya ang paggahol ng sariling hininga. Bahagyang nawalan ng lakas ang tuhod ng matanda at napaluhod ito sa sahig.
Unti-unting lumuha ng pulang likod ang bata. Mas nagiging malamlam din ang mga mata niya. Nagtatayuan ang buhok at gigil na gigil gawin ang isang brutal na pagpatay.
Kahit gahol ay pinilit magsalita ng matanda. "Pa-p-patayin mo ba ang nakababatang kapatid mo?" Sa pagkarinig na pagkarinig nun ng bata ay tila natauhan ito. Nagbalik sa dati ang kanyang mga mata at marahang lumuwang ang pagkakasakal sa matanda.
"Gresa..." Sambit ni Rosa at tuluyan nang naglaho.
Maubo-ubo si Tandang Gresa, nawala na ang lamig, nawala na ang ihip ng hangin, namatay na ang bumbilya at muling nagkaroon ng apoy ang kandila.
Nakita niya ang kaniyang sarili na hingalo. "Lumalala na. Hindi ito maaari" Sambit niya habang hawak-hawak ang leeg. Tumayo siya upang alisin sa pagkakabuhol ang pulang laso na nakatali sa kaniyang tumba tumba. Hinawakan niya ito nang mahigpit at tumapat sa salamin. Napaluha ang kaniyang mga mata nang makita sa repleksyon ang isang matandang nababalutan ng itim na tela at hawak-hawak ang pulang laso.
“Hindi ko kaya. Patawad.” Saad nito.