Sweet Scent
Disclaimer:
This is a work of fiction. Any names, characters, events, businesses, songs, places, and ideas are the product of the author's imagination. Any resemblance to an actual person, living, dead or events are purely coincidental.
I don't own the photo used on the book cover.
All Rights Reserved ⓒ
Sweet Scent
Vanderhart Series #1
Hyacinth Myrtle Monroe
“What the f**k?” gulantang na bulong ko habang nakatingin sa isang lalaki na ngayon ay nakatingin pa rin sa akin. “Who are you?”
Hindi ko alam kung nasaan ako ngayon. Paggising ko kasi, bigla na lang bumungad sa akin ang magarbong kuwarto. Ang tanging nakikita ko kasi ngayon ay puro gold o hindi kaya ay diamond.
Itong lalaking nasa harapan ko ngayon, nakasuot lamang nang simpleng white long-sleeves at itim na slacks. Ngunit ang nakaagaw ng pansin ko ay ang suot niyang hikaw dahil sapphire iyon. Natamaan kasi nang liwanag na nanggagaling mismo sa chandelier kaya bahagyang kumislap.
“Bakit ako nandito?” tanong ko nang hindi niya ako sagutin.
Guwapo siya ngunit hindi naman ibig sabihin no’n ay magpapadala na ako sa mainit na titig na ipinupukol niya sa akin.
“Hyacinth,” malalim na boses niyang tawag sa aking pangalan na mas lalong nagpalalim ng kunot ng aking noo.
Paano niya nalaman ang pangalan ko kung hindi ko naman ipinaalam sa kaniya?
“Kailangan mong kumain,” aniya na nagpairap sa akin.
Tinatanong ko kung ano ang pangalan niya at kung nasaan ako pero hindi man lang niya nasagot iyon?
“Huwag mong ibahin ang usapan. Bakit ako nandito?” tanong kong muli nang hindi na ako makapagpigil.
Nakita ko naman ang pag-igting ng kaniyang panga habang nakatitig sa akin ang kaniyang kulay hazel na mata. Hindi ko alam kung bakit sa tuwing tinititigan ko ang mga mata niya, kumakalabog nang malakas ang puso ko.
Halatang pinipigilan niya ang inis niya pero kalaunan ay huminga naman siya nang malalim.
Sinulyapan ko naman ang tray na nasa ibabaw nang isang babasaging mesa at nakita ko kung ano ang mga pagkain na nandoon. Puro gulay.
“Kumain ka muna. Mukhang nanghihina na ang katawan mo,” pinadasahan naman niya ang aking katawan at mas lalong nagdilim ang kaniyang mga mata sa galit. “Malaki ang ibinawas ng iyong timbang. Mamaya na natin pag-usapan ang bagay na iyan.”
Mas lalong umusbong ang galit sa aking puso dahil sa kaniyang binitawang salita. Wala akong ibang nararamdaman ngayon kung hindi ay galit.
Nagpunta lang naman ako sa gubat para mag-camping. Para magsulat at bigyan ng emosyon ang mga character sa manuscript ko. Pero ano ang nangyari? Napunta ako sa kung saan pero hindi man lang niya nagawang sagutin.
Dapat nga ay hindi ako nagtitiwala sa mga kagaya niya. Ngunit ano ang magagawa ko kung siya lang naman ang bumisita sa kuwarto ko?
“Why can’t you just answer my question?” napipikon na tanong ko.
Inis na umalis na rin ako sa kama at kaagad na nilapitan ang binatang nasa harapan ko. Mas matangkad siya nang ilang dangkal sa akin. Kaya ngayon ay nakatingala ako sa kaniya habang siya naman ay bahagyang nakayuko.
“Hindi naman mahirap sagutin iyon, hindi ba?” naghahamon na sambit ko.
“Hyacinth, huwag mong ubusin ang pasensiyang mayroon ako,” nagbabanta niyang pahayag pero napatawa ako nang pagak.
“Bakit ba hirap na hirap kang sagutin ang tanong ko?”
Binasa niya ang kaniyang ibabang labi habang nanatiling nakatitig sa aking mga mata. Nanuyo naman ang aking lalamunan sa kaniyang ginawa lalo na nang sulyapan niya ang aking labi na bahagyang nakauwang.
“Huwag matigas ang ulo, Hyacinth. Nagtitimpi ako,” paliwanag niya sa akin bago mabilis lumabas sa aking kuwarto.