Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatulala ngayon sa loob ng kuwarto ko. Sinusubukan ko kasing iproseso sa utak ko ang mga nangyari pero kahit ano ang pilit ko, wala akong maintindihan.
“f**k!” bulong ko at mabilis na sinuklay ang aking buhok. “Saan ba kasi ako?”
Wala kasi talaga akong idea. Ngunit sa interior design ng kuwarto ko, ibang-iba sa buhay na kinagisnan ko. Ito kasi, parang interior ng castle. Hindi pa man ako nakapupunta roon, sigurado ako dahil madalas ko naman nakikita ang ganitong design. Kaso totoo nga bang nasa isang palasyo ako o nag-a-assume lang ako na ganito?
Ipinilig ko ang aking ulo at pilit inaalis sa isipan ko ang posibilidad na ganoon nga. Although, hindi naman malabo ang bagay na iyon pero paano naman ako mapupunta sa isang palasyo, hindi ba? Wala namang ganoon sa camp site. Imposible.
“Hindi mo ba sinabi sa kaniya ang katotohanan?” tanong naman nang kung sino. Kagaya ng lalaking nakausap ko kanina, malalim din ang kaniyang boses at may halong lamig ang paraan ng kaniyang pagsasalita.
Hindi ko nga lang sigurado kung sino iyon, pero mukhang hindi siya iyong lalaking kausap ko kanina. Possible na may mga kasama pa siyang hindi ko pa nakikita.
“Bakit ko naman sasabihin?” tanong naman nang pamilyar na boses. Kung hindi ako nagkakamali, siya iyong lalaking nakausap ko kanina.
Ngunit natigilan ako sa paglalakad papunta sana sa dining area. Well, hindi ko naman kabisado ang lugar na ito pero masasabi kong castle talaga ito. Sa sobrang lawak, halos malula ako habang pababa ng hagdan kanina.
Mabuti nga at may nakita ako kaninang babae na naglalakad. Maid siguro nila pero hindi naman nakasuot ng maid uniform. Probably one of their right hands? Not sure. Kaya tinanong ko na mismo sa kaniya kung saan nga ba ang dining area. Mabilis naman niyang itinuro sa akin pero kaagad din naman siyang umalis. Mukhang may gagawin.
Dahil nga malawak ang lugar, nag-e-echo ang kanilang boses sa pintuan ng dining area. Kaya tumigil ako roon upang pakinggan sila kaso nakarinig ako ng pagtikhim.
“Huwag kang magtago. Pumasok ka lamang,” ani naman nang malamig na boses na para bang nakikita niya kung nasaan ako.
Mabilis naman akong napalunok at kinurot pa ang aking braso para gisingin ang katawan ko. f**k it! Mukhang hindi lang iisang tao ang nandito. Baka marami sila.
Kaya nang masiguro kong maayos na ang pakiramdam ko, unti-unti akong naglakad papasok. Ngunit kaagad akong natulos sa kinatatayuan ko habang nakatingin sa kanila.
Seven pairs ng mga hazel na mga mata ang nakatingin ngayon sa aking gawi. Parang inaabangan talaga nila ang pagpasok ko bago nila tuluyang bawiin ang kanilang mga mata sa aking gawi at piniling titigan ang mga nakahain ngayon sa hapag.
Ilan sa kanila ay nakasuot din ng mga long-sleeves. Iba’t ibang kulay rin iyon na para bang may kaniya-kaniya silang paboritong kulay sa mga damit. May nakasuot ng navy blue, black, white, brown, maroon, gold at higit sa lahat ay kulay gray.
Halos lahat din sila ay magkamukha, pero hindi naman ako sigurado kung magkakapatid nga ba sila o magpipinsan. Wala rin lang naman akong balak alamin pero nakagugulat lang dahil ang guguwapo nila at magaganda ang katawan.
Nanuyo naman ang aking lalamunan nang nanatili ang mga mata sa akin ng lalaking kausap ko kanina. Hindi ko sigurado kung binabasa ba niya ang utak ko ngayon, pero base sa kaniyang pagtitig nakakatakot.
“Huwag kang mahihiyang tumuloy, Hyacinth,” aniya na nagpatuyo ng aking laway.
Bakit kapag naririnig ko ang boses niya, halos mabaliw na ako? Is there something wrong with my mind and heart?
“Ipapakilala ko sa iyo ang mga kapatid ko,” he uttered, which made me stunned.
Kapatid niya ang anim na kasama niya ngayon?
Hindi ko alam na kaya pa rin ng isang tao na magkaroon ng anak nang ganito karami. Kasi kung tutuusin, pinakamarami na ang tatlo sa kanila. Hindi na kasi kagaya nang dati na kahit anim o higit pa sa anim ang anak nila. Kahit pa mahirap ang buhay, nagagawa nilang itaguyod. Ngunit kung sabagay, mukhang mayaman naman sila base sa estado nila sa buhay. Sa castle ba naman sila nakatira?
Nang hindi pa ako gumagalaw sa aking kinatatayuan, mabilis na lumapit sa akin ang lalaking sobrang sungit. Hinawakan niya ang aking pulsuhan at hinila nang kaunti hanggang sa makapunta ako sa dining table.
Hindi pa siya nakuntento dahil nagawa niya pang hilain ang upuan para sa akin bago ako paupuin.
Sinuri ko naman ang mga pagkain na nakahain sa hapag, at hindi ko maiwasang mapangiwi na lamang. Ang dami kasi. May lechon manok pa, karne ng baboy at mga gulay. Parang pang-isang linggo na nga yata ang inihain nila ngayon at halatang hindi ito mauubos kaagad.
Ganito ba talaga sila kayaman?
“Sila ang mga kapatid ko,” aniya nang mapakilala niya ang kaniyang mga kapatid.
Tiningnan ko naman sila isa-isa at alanganing ngumiti sa mga ito. Seryoso kasi sila at intimidating ang aura nila. Kahit pa may mga nakasalamuha na akong mga kagaya nila sa business world noon, hindi pa rin ako sanay sa ganoong bagay.
Bukod pa roon, nagtataka talaga ako kung bakit malalalim na Tagalog ang ginagamit nila. Parang ang formal nilang kausapin. Kaya sinusubukan ko nga ring mag-adjust kahit na mas sanay akong makipag-usap nang English sa kung sino.
Sa totoo lang din, wala akong maintindihan ngayon. Ang tanging nasa isip ko lamang ay ang mga lalaking kasama ko ngayon. Hindi kasi ako sigurado kung anong klaseng tao sila. Pero base sa kung paano sila gumalaw at kumain ngayon, parang mga prinsipe.
“Paano ako napunta rito?” tanong ko sa kanilang lahat nang hindi ko na talaga kayang pakinggan ang nakabibinging katahimikan.
Sobrang sakit kasi sa tainga. Hindi rin ako mapakali. Someone was trying to push me to know more about the things I shouldn’t have. Yes, they might be thinking that I’m stubborn. Hindi na nga kasi sinagot ng lalaking katabi ko, or should I say si Nikolai Louvent, ang tanong ko kanina noong nasa kuwarto ko siya pero heto ako ngayon, inuulit na naman.
“Seriously? No one would give me the answer that I wanted to hear,” napipikon na sambit ko nang nagpatuloy lang sila sa kanilang pagkain na parang hindi ako narinig.
Bahagyang namula tuloy ang aking pisngi dahil sa kahihiyan. Kaya nilingon ko si Nikolai sa sobrang inis ko pero hindi ko inaasahan na umiigting ang kaniyang panga na nakatingin sa aking gawi.
“Hindi mo na nga kailangang malaman,” saad niya pero umiling ako.
Napatawa pa nga ako nang pagak, dahil hindi ko inaasahan na uulitin na naman niya ang bagay na iyon. Ano ba ang mahirap sa tanong ko sa kaniya?
Ayaw ko pa sanang makipag-away sa kaniya dahil nga nasa hapag kami. Parang ang bastos kasi kapag aawayin ko siya. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin dahil gulong-gulo na talaga ako.
For Pete’s sake, nasa camp site lang ako kanina, pero paggising ko nandito na ako sa isang hindi pamilyar na lugar sa akin? f**k this! Sino ba ang ginagago nila? Malamang aalamin ko talaga.
“Ano ba ang itinatago mo? Deserve ko namang malaman. Hindi naman puwedeng wala akong alam, hindi ba? Kasi as far as I remember, nasa camp site lang ako at nasa gilid ng lake,” paliwanag ko pero hindi siya nagsalita. Nakatitig lamang siya nang mariin sa akin na para bang ayaw niyang sagutin ang katanungan ko.