***Irene POV***
ISANG matandang lalaki si Ka Serbio na ang edad ay nasa sisenta. Moreno sya at puro puti na ang buhok. Paborito nyang suot ay checkered na polo na laging naka-tuck-in sa kanyang asul na pantalon kaya humahakab ang kanyang may kalakihan na tiyan. Lagi rin syang may suot na sumbrero at hindi nawawalan ng sigarilyo sa bibig. Meron din syang baril na palaging nakasuksok sa kanyang tagiliran.
"Magandang hapon ho, Ka Serbio," bati ni tatay.
"Hmm, magandang hapon din, Gaston," ganting bati rin ni Ka Serbio sabay hithit ng sigarilyo at buga ng usok sa ere. Bumaling sya sa akin at hinagod ako nang tingin mula ulo hanggang paa sabay ngisi.
Ngumiti naman ako sa matanda. "Maganda hapon din po, Ka Serbio," bati ko rin sa kanya.
"Magandang hapon din, iha. Parang mas lalo ka pa yatang gumanda ngayon. Dalagang-dalaga ka na. Ilang taon ka na nga, iha?"
"Seventeen po."
"Hmm.."
Muling hinithit ni Ka Serbio ang sigarilyo at binuga ang usok habang hindi nya inaalis ang titig sa akin. Nakaramdam naman ako nang pagkailang at kilabot dahil parang kakaiba ang tingin nya ngayon sa akin.
Tumikhim si tatay. "Napaaga ho yata ang pag uwi nyo rito, Ka Serbio."
Naputol ang titig sa akin ni Ka Serbio at bumaling sya kay tatay. "Maagang natapos ang appointment ko kaya napaaga ang pag uwi ko rito. Mukhang may lakad kayong mag ama."
"Magsisimba ho sana kami. Pero kung may ipag uutos ho kayo ay bukas na lang ho kami ng hapon magsisimba."
Ngumisi si Ka Serbio at tinapik sa balikat si tatay. "Magsimba na muna kayong mag ama. Kakausapin ko muna ang mga tauhan ko at mamaya ay tayong dalawa naman ang mag uusap."
Matipid na ngumiti si tatay. "Sige ho, aalis na ho kami."
"Mag iingat kayong mag ama."
"Salamat ho. Halika na, Irene," untag sa akin ni tatay.
Tumingin naman ako kay Ka Serbio at tipid na ngumiti sabay yuko ng bahagya at sumunod kay tatay.
Tahimik kami ni tatay habang bumi-byahe patungo sa simbahan. Patagilid ang upo ko sa kanyang likuran dahil naka-dress ako. Nakikita ko sa side mirror ang seryosong mukha ni tatay na parang may malalim na iniisip.
"Irene."
"Po?" tugon ko.
"Kapag nasa casa si Ka Serbio ay huwag kang pupunta roon ng mag isa."
Kumunot ang noo ko. "Bakit po, tay?"
"Basta, sundin mo na lang ang sinasabi ko," mariin na turan nya.
"Opo," sabi ko na lang.
Hindi na nagsalita si tatay at diretso lang ang tingin sa kalsada. Napabuntong hininga naman ako. Masyado talagang seryoso si tatay sa buhay. Kahit noong nabubuhay pa si nanay ay ganito na sya. Pero seryoso man ay nakikita kong takot sya noon kay nanay. Kapag galit kasi ito ay hindi sya makaimik..
Paglabas namin ng simbahan ni tatay ay kumain kami sa paborito naming kainan na puro seafood ang lutong pagkain. Kapag sa gabi kami nagsisimba ay dito kami kumakain pagkatapos ng misa. Sariwa ang mga seafood dito at mura pa. Si nanay ang naaalala ko kapag dito kami kumakain. Paborito nya kasi ang seafood at nag te-take out pa sya..
.
.
NAPASINGHAP ako nang kamuntikan ko nang mahiwa ang isang daliri ko. Agad ko iyong tiningnan at nakahinga ng maluwag nang makitang nabalatan lang iyon ng manipis.
"Nahiwa ka?" tanong ni Aling Manda na napahinto sa paghihiwa ng mga gulay.
Ngumisi ako. "Muntik na po. Mabuti balat lang po."
"Peeler kasi ang gamitin mo sa pagbabalat ng patatas."
"Ayos lang po. Para masanay po ako sa pagbabalat gamit ang kutsilyo lang," katwiran ko at itinuloy na ang pagbabalat pero mas maingat na ngayon.
"Mukhang balak mong maging chef, a. Yan ba ang kukunin mong kurso sa college?"
"E.. sana po. Kaya lang mahal po iyon, e. Pero malay po natin, someday maging chef din ako."
"May potential ka naman maging chef dahil masarap kang magluto."
Napangiti ako sa sinabi ni Aling Manda. "Salamat po, Aling Manda."
Pangarap ko talagang maging chef someday dahil mahilig akong magluto. Noong buhay pa si nanay ay tinuturuan nya ako. Sa tuwing nagluluto sya noon ay lagi akong nanonood sa kanya hanggang sa tinuturuan na nya ako. Ten years old ako nang matuto at ang una ko ngang niluto noon ay tinolang manok dahil iyon ang madalas naming ulam. Ako na nga ang madalas nagluluto ng ulam namin ni tatay pero kapag busy ako sa mga homeworks ko ay sya ang nagluluto.
"Parang ang dami po yatang lulutuin ngayon, Aling Manda," saad ko.
"Oo, may mga tauhan para raw kasing darating mamaya."
Tumingin ako sa ale. "Talaga po?"
"Oo, yun ang sabi ng tatay mo."
"Ang dami naman po palang tauhan ni Ka Serbio."
"Sinabi mo pa. Kaya salamat at tinulungan mo, 'ko. Wala kasi Alma kaya wala akong ibang makakatulong dito."
"Ayos lang po. Gusto ko nga po iyong ganito, e. Naghihiwa ng mga rekado."
"Sige, sa susunod ikaw na ang tumulong sa akin."
"Kung papayagan po ako ni tatay."
"Kuh, yan talagang tatay mo masyadong mahigpit sayo."
"Oo nga po, e. Bantay sarado ako," natatawang pag sang-ayon ko.
"Ganun talaga. Nag iisang anak ka at babae pa.. saka maganda. Kaya dapat lang na bantayan ka. Mahirap na, marami pa namang mga luko-luko ngayon at halang ang kaluluwa."
"Opo, Aling Manda. Naiintindihan ko naman po si tatay."
Wala akong tampo kay tatay sa tuwing hinihigpitan nya ako dahil naiintindihan ko sya. Pinangangalagaan lang nya ako dahil anak nya ako at mahal nya. Swerte ko nga na sya ang tatay ko. Mabait sya na masungit pero responsable. Ang ibang tatay nga ay iresponsable at pabaya sa pamilya tapos lasinggero na abusado pa.
"Irene."
"Po, tay." Lumingon ako kay tatay na pumasok sa kusina.
"Pagkatapos mong tumulong riyan ay umuwi ka na sa bahay."
"Opo, tay," tugon ko.
"Bakit naman pauuwiin mo na agad si Irene? Hayaan mo muna sya rito," singit ni Aling Manda.
"Darating ang ibang mga tauhan dito mamaya. Hindi natin sila lubos na kilala," seryosong turan ni tatay.
"Kunsabagay.."
"Gaston, tawag ka ni Ka Serbio."
Sabay kaming napalingon sa tumawag kay tatay. Isa iyon sa mga tauhan.
Tumingin muna sa akin si tatay bago sya muling lumabas ng kusina.
"Masyado yatang maraming tauhan ngayon dito sa casa at mga aligaga pa sila," wika ni Aling Manda.
"Pansin ko nga rin po. Ano po bang meron?" tanong ko.
"Hindi ko alam."
Sabay na lang kaming natahimik ni Aling Manda at tinuloy na ang ginagawa.
Matapos ko ngang tulungan si Aling Manda sa pagluluto ay umuwi na ako sa bahay. Inabala ko na lang ang sarili ko sa cellphone. Mabuti na nga lang at libre ang internet dito. Naka-connect kasi kami sa internet ng casa.
.
.
"Bakit Rupeng?"
Napalingon ako kay tatay habang kinukuskos ng sponge ang plato.
"Ganon ba. Sige, papunta na ako riyan.."
Binaba na ni tatay ang cellphone at bumaling sa akin. "Lalabas lang ako saglit. Magsarado ka na ng mga bintana pagkatapos mong maghugas," bilin nya.
"Opo."
Lumabas si tatay at sinarado ang pinto. Tinuloy ko naman ang paghuhugas ng mga plato. Parang sobrang busy naman yata ngayon sa malaking bahay. Buong araw na nga naroon si tatay at pagabi na nang umuwi sya kanina. Ngayon ay pinapatawag na naman sya. Kapag narito si Ka Serbio ay normal nang busy ang malaking bahay. Pero ngayon ay parang doble ang pagka-busy at mas marami ang mga tauhan. Para bang may pinaghahandaan silang bisita.
Pagkatapos kong maghugas ng plato ay nagsarado na ako ng mga bintana. Hindi muna ako pumasok sa kwarto at tumambay muna sa sala. Nakipag-kulitan ako sa mga kaibigan sa gc..
Humikab ako. Nakaramdam na ako ng antok. Tiningnan ko ang oras sa cellphone. Alas diez y medya na ng gabi pero wala pa rin si tatay.
'Ang sabi nya saglit lang sya.'
Bumangon ako at umupo sa sofa'ng kawayan sabay inat at hikab. Pero natigilan ako nang marinig ang tahulan ng mga aso sa labas na parang may bisitang dumating. Mukhang tama nga ang hinala ko na may bisita nga kaya busy ang lahat kanina sa malaking bahay.
Tumayo ako at lumapit sa bintanang jalousie na sinarado ko kanina. Binuksan ko iyon at sumilip sa labas. Nakita ko ang mga aso na nagtatakbuhan palapit sa harapan ng malaking bahay habang tumatahol.
Muli kong sinarado ang bintana at tinungo ang nakasaradong pinto. Binuksan ko iyon at lumabas. Gusto kong makita kung sino ang bisitang dumating.
Huminto ako sa malalagong halaman sa gilid ng malaking bahay at matiyagang sumilip doon. Hindi ako pwedeng lumapit ng husto dahil baka makita ako ni tatay na katabi ng mga tauhan, siguradong papagalitan nya ako.
Nakahilera ang mga tauhan sa harapan ng malaking bahay at nasa gitna nila si Ka Serbio. Nakaharap sila sa driveway at inaabangan ang papalapit na tatlong sasakyan. Mayamaya pa ay huminto ang tatlong sasakyan sa harapan ni Ka Serbio at ng mga tauhan. Bumukas ang pinto ng mga sasakyan at bumaba ang ilang kalalakihan. Isang lalaki ang lumapit kay Ka Serbio.
"Ka Serbio, dala na namin ang bihag."
Natigilan ako. Tama ba ang narinig ko? Bihag?
Ngumisi si Ka Serbio at hinithit ang sigarilyo sabay buga ng usok sa ere.
"Sige na. Ibaba nyo na sya at dalhin sa bodega."
Bumalik ang lalaki sa sasakyan at may sinenyasan sa loob ng isang bukas na van. May lumapit namang dalawa lalaki doon at pumasok. Ilang sandali pa ay meron silang binabang malaking lalaki na naka-blindfold.
*****