"Halika!" masayang pag-aya ni Uno kay Alfa sa may bungad ng kusina.
Kagagaling lang niya sa interview ng isang sikat na television network. Habang papauwi, nadaanan niya ang mall at pet shop kaya naisipan niyang bilhan ng mga regalo ang babaeng sinusuyo.
"May surprise ako!"
"Saan tayo pupunta?" tugon naman nito habang binababa ang mga pinggan. Pinunas niya ang basang kamay sa suot na apron at takang-taka na lumapit sa kausap. "Anong meron?"
"Basta!" Hinawakan na niya ang braso nito at nagpunta sila sa labas kung saan pansamantala munang naka-park ang kotse. Binuksan niya ang trunk ng sasakyan at tumambad ang isang aquarium.
"Para sa alaga natin na si Fifi," pagsurpresa niya sa katabi. "Pinasadya ko 'yan kanina kaya medyo natagalan ako ng uwi. May comfort room, kitchen at bed. May mini playground din kaya makakapag-exercise pa siya."
"OMG! Ang ganda at ang laki ng bagong bahay niya!" masayang napabulalas si Alfa. "Matutuwa ang baby natin niyan. Naku, salamat!"
"Sana nga matuwa si baby Fifi. Sobrang cute kasi niya kapag tinitigan nang matagal."
"Yes na yes!" pagsang-ayon naman nito sa pahayag niya. "Alam mo ba na sobrang smart din? Marami siyang tricks na kayang gawin! Ipapakita ko sa iyo minsan kapag hindi ka busy."
"Wow." Napabilib siya sa kakayahan ng maliit na ipis. "Marunong ba siya ng play fetch?"
"Oo! Ang ginagamit ko, palito ng posporo. Pagkahagis, dadamputin ng mga antenna niya at iaabot sa akin," pagmamalaki pa ng amo nito. "Sinali ko pa dati sa cockroach obedience contest sa Bow-wow, nag-first place nga e!"
"Sobrang talented pala ni Fifi!" may pagkamanghang paghanga naman ni Uno. "'Di hamak na mas matalino pa sa naging alaga ko noong bata pa ako na albino phyton, na walang alam gawin kungdi mangagat at mag-play dead. Isang araw, natuluyan na sa kaka-play dead."
"Hala, baka naman kulang sa training ang alaga mong ahas. Kawawa naman at namatay kaagad."
"Siguro, OK na rin na namahinga na kasi muntik nang kinain 'yun pusa ni Wiz," pagkukuwento niya sa hindi kaaya-ayang pangyayari na kagagawan ng salbaheng ahas. "Nagkatampuhan pa nga kami dahil doon. Hindi ko talaga inaasahan na makakawala 'yun phyton sa kulungan atsaka busog na busog naman. Nakita na lang ng kasambahay namin na nilalamon 'yun pusa. Mabuti na lang at naisalba namin dahil kung hindi, malamang, hanggang ngayon ay hindi ako kikibuin ng pinsan ko."
"Ngi, delikado pala ang mga ahas niyo rito!" nanlalaki ang mga matang napagtanto ni Alfa. "Sa amin, mababait naman 'yan. Ang daming bagay pa ang hindi ko talaga alam sa planeta niyo kaya sana huwag kang magsawa sa pag-o-orient sa akin."
"Basta ba kapag kaduda-duda, tanungin mo muna ako," suhestiyon ni Uno upang hindi na malito pa ang kasama at maiwasan din ang aksidente. "Hindi lang ahas ang delikado rito, maging ang mga tsismoso't tsismosa sa kanto na walang alam kungdi magkalat ng fake news kaya mag-iingat ka rin. Lalo na 'yun mga tanong nang tanong ng mga personal na bagay, iwasan mo."
Marahan niyang hinawakan sa mga balikat si Alfa at pinalapit na sa may backseat kung saan naroon ang ibibigay pa niyang mga regalo.
"Heto pa," sinambit niya kasabay ng pagbubukas ng pintuan. Doon ay tanaw ang samu't-saring mga paper bags. Napatakip na ang sinusurpresa sa bibig nang makita na napakarami pala ng mga regalo para sa kanya.
"Para sa akin ba lahat 'yan?
Lihim siyang natuwa dahil kakaibang ningning ang nasilayan sa hazel eyes ng dalaga.
"Oo, para sa iyo lahat 'yan."
"Bongga!" Inabot niya ang isang pink package kung saan nakapaloob ang bag na pambabae. "I really appreciate this, pero nahihiya ako kasi gumastos ka pa para sa akin."
"Sa dami ng naitulong mo sa gawaing-bahay, kulang pa 'yan."
"Hindi a!" hindi pagsang-ayon ni Alfa. "Sa pagtanggap mo sa akin sa tahanan mo, happy na talaga ako! Pagkatapos, sobrang thoughtful ka pa to give me these! Thank you talaga! Gagamitin ko ang mga ito kaya hindi masasayang!"
Sa labas ng garahe, kung saan maligayang nag-uusap ang dalawa ay pinagmamasdan pala sila ng lalaking magtatatlong buwan nang hinahanap ang babaeng pinakamamahal.
Siya ay si Sean Eugin Torres, ang prinsipe ng bansang Bow-wow...
At ang ex-fiancee ni Alfa.
Kusa rin siyang nagtungo sa Earth upang hanapin ang dating kasintahan. Sa tagal nang pagte-trace niya sa kinaroroonan nito ay napawi na ang pag-aalala niya nang malamang maayos ang kalagayan nito.
Ngunit, iba ang pakiramdam niya sa lalaking kasama nito.
Para sa kanya ay mukhang hindi ito mapagkakatiwalaan lalo na at ibang klase itong makatingin sa dalaga. Nabagabag siya na baka ano pa ang gawin nito sa kanyang prinsesa kaya naisip niya na nararapat na nga itong sumama sa kanya upang masiguro ang kaligtasan.
"Hindi ko siya kayang pabayaan. Baka kasi naguguluhan lang siya kaya naglayas," pagkumbinsi niya sa sarili kahit nasasaktan man sa pag-ayaw nito sa kanya. "Susuyuin ko pa rin siya hanggang bumalik sa akin..."
"Mabigat 'yan. Ako na," pagpigil ni Uno kay Alfa dahil binibitbit na nito ang lahat ng mga damit at abubot na pasalubong niya.
"Hindi ba sinabi ko, malalakas kami na Bow-wowians?" pagpapaalala nito. "Kaya ko ito! Sobrang gaan pa nga! Kahit nga buong kotse mo, kaya kong buhatin e!"
"Sige na nga," pagpayag na niya dahil tunay nga na mas malakas ang kausap kaysa sa kanya.
"Pero ako na ang magdadala sa aquarium, ha," pag-offer naman niya. Kahit kasing lakas pa ni Superman si Alfa, ayaw naman niya na magbuhat pa rin ito ng mabibigat dahil sa paningin niya ay babae pa rin ito na kailangan ng aruga.
Hindi pa nakakalayo si Alfa sa may gate ay may nahulog na isang shopping bag. Naapakan niya iyon at naging dahilan ng pagkakadapa.
Hindi na nakatiis si Sean sa mga nasasaksihan kaya napatakbo siya sa kinaroroonan ng ex-fiancee upang masaklolohan.
"Ayos ka lang ba?" pag-alalay ni Uno sa dalaga. "Ako na kasi ang magbubuhat. Hindi ka ba nasaktan-"
Hindi pa niya natatapos ang sasabihin nang hinatak na siya ni Sean at tinulak palayo. Dahil sa pwersa nito ay bumangga pa si Uno sa nakaparadang sasakyan. Sa lakas ng pagkabagsak niya sa hood, tumunog pa ang kotse dahil na-activate ang sensor nito na nagde-detect ng posibleng pagnanakaw sa loob.
"Anong problema mo?" pagtatanong niya sa estrangherong bigla na lamang sumulpot sa likuran nila at nagawa pa siyang saktan.
"Inaalila mo ang fiancee ko!" pagbibintang nito habang dinuduro siya.
"F-Fiancee?" nauutal na pag-uulit ng binata sa pahayag nito. Bahagya pa siyang kinabahan na baka nga hanap nito si Alfa upang ayaing bumalik sa Galaxy 100,000,007.
"I-Ikaw ang ex-boyfriend niya?"
"Yes! You heard it right!" pagkumpirma naman nito. "You asked me kung anong problema ko? Ikaw ang may malaking problema! Paano mo nagagawa ito sa babae?"
"Wait! Hindi kita maintindihan! Naka-high ka ba?" Tinabig na niya palayo ang kamay ni Sean na patuloy pa rin sa pagduro sa kanya kaya mas lalo silang nagkapikunan. Sinunggaban niya si Uno sa kwelyo at pinagbantaan.
"Hindi ako makapapayag na saktan mo si Alfa! Ako ang makakalaban mo!"
"Ano ba ang pinagsasabi mo? Saang parte na sinasaktan ko siya kasi wala akong matandaan?" panunuya na niya sa prinsipe. "Baka puyat ka lang! Itulog mo na 'yan!"
"Kitang-kita ko na pinabubuhat mo ang mabibigat na gamit kaya nadapa siya!"
"Sean," pagsingit na ni Alfa upang paliwanagan ito sa tunay na nangyari. "Aksidente 'yun. Hindi ako sinasaktan o inaalila ni Uno."
"Bakit hindi mo na lang aminin?" pagtanggi pa rin nito na tanggapin ang katotohanan. "Sponsor mo ba siya sa Earth kaya malaki ang utang na loob mo? Gusto mo ba, bayaran ko na lang ang mga nagastos niya para palayain ka na sa pang-aabuso?"
"Ikaw pala ang fiance niya, huh?" pang-aasar na ni Uno dahil nainsulto na siya sa tinuran nito na sponsor lang siya at abusado pa. "Should I say 'ex'? Kaya pala iniwan ka niya, masyado kang possessive at mahirap paliwanagan! Uulitin ko, hindi ko sinasaktan si Alfa!"
Mas hinigpitan ni Sean ang pagkakahawak nito sa kaalitan na tila ba kaunting galaw na lang ay masasakal na niya ito.
"Sandali! Misunderstanding ito!" pag-awat na ni Alfa ngunit dahil uminit na rin ang ulo ni Uno, gumanti na rin siya ng pagsunggab sa kaalitan.
"Iwan mo na kami," instruksyon nito sa kanya. "Akong bahala sa mayabang na ito. I don't care if he's a prince! Itatapon ko siya palabas ng subdivision!"
"Uno! Sean! Huminahon kayo!"
Hindi na nila narinig ang mga pakiusap niya dahil sila ay nagsimula nang magbuno sa sementadong daan. Mabilis na nagtungo siya sa barangay hall upang humingi na ng tulong.
Napailalim si Uno kaya ilang beses din siyang nasuntok sa mukha, dahilan upang pumutok ang kanyang labi. Ramdam niya ang lakas ng katunggali na mas higit sa kanya at kahit sino pa na Earthling.
Mabuti na lang at na-train siya at karamihan ng mga lalaking Semira, sa self-defense na akma sa mga ganitong kaso na mas malakas ang kaaway. Naipasa ang sikretong martial arts na ito mula pa sa mga ninuno nila na namuhay sa Tsina. Sila ang naisulat sa mga legend na hunters ng masasamang elemento katulad ng mga bampira at demonyo. Sa paglipas ng panahon ay unti-unti na silang nawala at ang mga Semira na lamang ang nakakaalam ng self-defense na ito, kung saan pinahihina nito ang pinakamalakas na energy points ng kalaban sa ulo, puso at tiyan.
Sa pag-agos ng dugo mula sa kanyang bibig ay mas ginanahan siya na makipaglaban. Mabilis niyang pinatamaan ang pressure point ng katunggali sa likod ng tainga upang madisbalanse ang enerhiya na mayroon ito. Nagdudulot din ito ng panandalian ngunit matinding sakit sa ulo at panga kaya madalas ay nawawala sa focus ang kahit sinong nilalang na mabiktima.
Nang pansamantalang nagpantay ang kanilang lakas, bumaling pakanan si Uno kaya naibaligtad niya ang sitwasyon. Si Sean naman ang napahiga at nakatanggap ng mga suntok mula sa kanya.
Angas sa angas.
Yabang sa yabang.
Nagkabanggaan ang ego ng dalawang lalaki na abot-langit ang mga kumpiyansa sa sarili. Kahit na ilang suntok at sipa ang matanggap nila ay walang gustong sumuko.
"Ayan po!" Natatarantang tinuro ni Alfa sa mga tanod ang mga lalaki. Pigilan niyo po sila!"
Pinaglayo na ang magkaaway ngunit para silang mga halimaw na ayaw magpaawat. Sa inis ng mga tanod ay nahampas pa ng batuta ang kanilang mga binti upang magsitigil. Pinosasan pa sila upang madala sa Police Station.
"Hindi pa ako tapos sa iyo!" nanlilisik ang mga matang dineklara ni Sean. "Babalikan kita!"
"Anytime!" tugon naman ni Uno sa hamon nito. "Puntahan mo ako rito at babasagin ko ang mukha mo!"
Lalapit na sana si Alfa kay Uno upang dumamay subalit pinigil na siya ng mga tanod.
"Kami na ang bahala rito, Miss."
"Uno," pagtawag pa rin niya dahil hindi niya maatim na iwanan ito lalo na at tanaw niya na patuloy pa rin ang pagdugo sa noo at labi nito.
"Pumasok ka na sa loob," pagbibilin ni Uno habang iniiwasan na tumingin sa kanya. "Ako na ang bahalang mag-ayos nitong gulo."
"Sasamahan na kita. Baka saktan ka nila sa kulungan!"
"Ang sabi ko, pumasok ka na sa loob ng bahay! Ang kulit-kulit mo naman, e!" naubos na ang pasensyang inutos niya kay Alfa.
Nagulat ang dalaga dahil sa naging masamang pakikitungo nito sa kanya samantalang nag-alala lang siya.
Kaagad na nangilid ang luha sa mga mata niya nang dahil sa pagtataboy nito. Bago pa man tuluyang mapaiyak, tumalikod na siya at nagtungo sa loob ng bahay.
Maging si Uno ay hindi makapaniwala sa nagawa. Sising-sisi siya dahil alam niyang nasaktan ang damdamin nito. Ayaw lang sana niya itong madamay pa sa g**o ngunit aminadong naging agresibo nga siya dala na rin ng init ng ulo at sakit ng katawan.
"Tsk! Nang dahil sa pagiging tactless mo, nakasakit ka pa!" pinagalitan pa niya ang sarili. "Sa susunod, kontrolin mo ang bibig mo!"
Habang patungo sila sa estasyon ng mga pulis ay iniisip na niya kung paano makakahingi ng tawad at makakabawi sa naging masamang asal. Inisa-isa rin niya ang mga kahinaan upang sa susunod, maiwasan nang makapanakit ng damdamin ng iba, lalong-lalo na ang pinakamamahal na si Alfa.
Simula nang awatin sila ng mga tanod ay tahimik na nagmamasid pala si Sean kina Uno at Alfa.
Nais man niyang itanggi ay hindi mapagkakailang may pagtingin ang dalawa sa isa't-isa.
Naikumpara pa niya ang malamig na pakikitungo sa kanya ng dating kasintahan sa reaksyon nito nang makita ang kalagayan ng katunggali.
Hindi niya mapigil na magdamdam, sapagkat hindi man lang siya nagawang kumustahin nito kahit siya rin ay may mga pinsalang natamo.
"Bakit?" puno ng kalungkutan na naitanong niya sa sarili habang inaanalisa ang mga dahilan nang paglayo ng loob ni Alfa na tila ba isa na lang siyang estranghero.
"Bakit hindi mo ako kayang mahalin?" umalingawngaw ang katanungan sa kanyang isipan.
Bumagsak ang kanyang mga balikat habang unti-unting naramdaman ang pagkadurog ng kanyang puso.