Maligayang naglalakad sa mall habang naka-holding hands with matching pa-cute smile ang ating mga bida na sina Uno at Alfa. Feeling love is in the air ang binata na tuwang-tuwa sa newly-found love of his life. Masaya na sana ang moment nila hanggang may nambulyaw sa kanila na nagmamadaling maglakad mula sa likod nila.
"Ang babagal maglakad! Sa inyo ba ang daan?" yamot na pagrereklamo ng lalaking hindi naniniwala sa happy ever after dahil nakailang basted na siya sa mga nililigawan. "Kung maglalandian kayo, doon kayo sa malapit na motel!"
Napasimangot at napahinto sa paglalakad si Uno sa narinig at tinitigan ang lalaki mula ulo hanggang paa. Napaurong ang pakialamero, este, ang mamang bitter nang mapansin na higit na umaapaw ang angas ng lalaking pinagsabihan nang hindi maganda.
"Huwag mo nang patulan," binulong ni Alfa kasabay ng pagpisil sa palad nito upang kumalma. Batid kasi niya na mabuting tao ang binata pero huwag susubuking hamunin ang pagiging maangas nito. "Tara na, honeybunch ko."
"Hindi ako makakapayag na pagsalitaan niya tayo nang ganito!" pahayag ng binata sapagkat nabastusan siya sa sinabi ng estranghero lalo na at pinagmukha nito na naglalandian lamang sila.
"Maluwag ang daan!" pagturo niya sa may kanan kung saan nga ay tama naman siya dahil mga dalawang metro pa ang madadaanan ng kausap. "Puro ka kasi satsat! Hindi ka marunong tumingin sa dadaanan mo!"
"E bakit kasi ang kukupad niyo?" pasinghal na pagdadahilan pa rin ni Manong Bitter. "Kung maglalampungan kayo, pumunta kayo sa walang nakakakita!"
"Bakit ba? Para saan ba ang mall? Hindi ba para mag-relax at mamasyal?" sinagot naman ni Uno sa walang katuturang pahayag ng kaalitan. "Kung gusto mo nang mabilisan, sumali ka sa Olympics, mag-marathon ka!"
"Tama na," pag-awat na ni Alfa na naaalarma na sa init ng ulo ng kasama.
"Sandali, hindi pa ako tapos-" natigilan na ang binata nang hatakin siya ng ka-date palayo. Halos mapasubsob siya sa sahig nang hilain siya nito na parang papel lamang siya. Tinawanan pa siya ng kasagutan kaya mas lalong uminit ang ulo niya subalit wala lang siyang magawa sapagkat mala-Superman ang lakas ng pumipigil sa kanya.
"Wala ka pala e, under the saya ka!" pang-aasar nito sa kanya habang papalayo na sila.
"E ikaw, walang mag-a-under sa iyo kasi bitter ka!" pagsagot pa rin niya kahit halos makaladkad na siya sa bilis nang paglalakad ni Alfa na ang hangarin lamang ay huwag nang palakihin pa ang issue. "Bitter na, pangit pa!"
"Uy, ang bad mo naman!" pinagsabihan na siya ng nobya upang mahinto ang pagiging mapanglait nito. "Nagkamali siya pero sobrang harsh ka naman! Huwag ganoon! Pogi ka pero stay humble pa rin!"
"Siya naman kasi ang nauna e!"
"Kahit na, darling ko. Init lang ng ulo 'yan kaya kalma na. Minsan, ang maliit na bagay lumalaki kasi nagpapadala tayo sa galit."
Nakunsensya siya nang marinig ang mga words of wisdom mula sa true love niya. Nakaramdam din siya ng hiya sapagkat hindi niya man lang napigil ang sarili na ipakita ang masamang pag-uugali sa pinakamamahal.
"I'm sorry," mahina niyang paghingi ng paumanhin. Nag-init ang mga pisngi niya nang dahil sa magkahalong kahihiyan at mas nag-aalab na pag-ibig kay Alfa. Sa paningin niya ay mas naging lovable at wife material ito dahil hindi nito kinukunsinti ang mali at kaya pa siyang pagsabihan nito.
Touching na sana ang eksena subalit aksidente naman siyang nabangga sa dingding ng sinehan na papasukan sana nila. Sa pagmamadali ng ka-date na makapanood ng horror movie, nawala sa isipan nito na may kinakaladkad palang nilalang sa katauhan ni Uno Emir Semira!
"Sandali, aray ko!" pagpupumiglas na ng kaawa-awang Earthling habang bahagyang hinihila pabalik ang nobya. "Mabubukulan pa ako! Be gentle naman!"
"Ay!" napatili si Alfa nang masaksihan ang nangyari sa buko-honey pie niya. Hinaplos niya ang noo nito na namula pa nang dahil sa pagtama sa malamig na sementong may bahid pa ng natuyong kulangot na pinahid ng isang 'di kilalang tao, three days ago. "Sorry naman! Napalakas yata ang paghatak ko! OK ka lang ba?'
"Hindi ako OK," may panunupladong tugon ni Uno kaya mas nag-panic ang kausap. Pero napalitan din iyon ng kilig nang marinig ang susunod na mga pahayag nito.
"Magiging OK lang ako kung i-ki-kiss mo ako," may tono nang panunukso na sinabi niya kasabay ng malagkit na tingin na may halong landi sa girlfriend.
"Sa lips," nakangising panuto pa niya habang tinuturo ang mga labi. "I-kiss mo ako...here..."
"Graveh ka!" Napatakip si Alfa ng bibig at pinalo sa braso ang pinakamalanding Semira sa balat ng lupa. "Ang flirt mo naman! Huwag naman dito, my gosh! Maraming nakakakita!"
"Pero pwede ba sa walang nakakakita?" paghirit pa rin nito.
"Ewan ko sa iyo!" panunuplada na niya. Patakbo siyang nagtungo sa cashier at iniwan ang kabiruan upang bumili ng movie tickets at popcorn.
Pailing-iling na sumunod ang binata na may ngiti sa mga labi. Nakukyutan kasi siya sa Bow-wowian kapag medyo naiinis na sa kakakulit niya. Nilalambing lang naman niya ito at hindi naman masama ang loob kung hindi man siya mapagbigyan sa inaasam na kiss.
Nasa kalagitnaan sila ng horror scene nang halos mabitiwan ni Uno ang hawak na popcorn nang magtitili sa sindak ang babaeng katabi niya. Yumakap pa ito sa kasintahan na handa namang i-comfort siya. Nakaramdam siya ng bahagyang inggit at umasa na sana ay gawin din sa kanya ni Alfa iyon. Dismayado niyang pinagmasdan ito na enjoy na enjoy pa na sumusubo ng popcorn kahit na karumal-dumal na ang nangyayari sa pelikula.
"Hindi ka ba...natatakot?" pagtataka na niya.
"Hmmm," Sumipsip muna si Miss Alien ng iced tea bago sumagot. "Hindi naman nakakatakot e!"
"Kahit...slight lang?"
"Uhmm. Let me see," Nag-isip pa ito kung may dapat nga bang ikatakot sa pagpugot ng ulo ng monster sa isang kaawa-awang lalaki na mabubuhay naman sana kung hindi lang ito medyo tang*. Imbis kasi na tumakbo nang makarinig ng kalampag mula sa haunted house, pumasok pa ito at nagtanong ng "Anybody home?" kaya sinunggaban siya ng halimaw at nilapa nang walang awa hanggang sa magkahiwa-hiwalay ang katawan nito at mga lamang-loob. Napalunok nang malapot si Uno nang makita ang nakakapanghilakbot at nakakadiring scene. Hindi naman siya nasisindak pero "yucky" lang sa paningin ng yamanin at medyo maselan na bida.
"Uhmm..ikaw yata ang natatakot?" pagbabalik nito ng tanong sa binata na namumutla na at umiikot ang sikmura sa nasasaksihan na extremely b****y and gory scene.
"Ako? Matatakot? No!"
"Weh? Kahit madilim, nakikita ko ang pamumutla mo," pangangantyaw nito.
"Oo, natatakot nga ako," pagkukunwari na niya upang makakuha ng TLC* mula sa nobya. "Pwede bang pa-hug?"
(Tender loving care)
"Sabi na mga ba e." Nilahad niya ang kamay upang mas lumapit ito sa kanya. "Yayakapin ko na si baby butatat ko kasi scared daw siya."
Akmang yayakap at asang-asa na makukulong sa mga braso niya ang balingkinitang katawan ni Alfa nang maramdaman niyang may sumipa sa likod ng kanyang upuan. Yamot na lumingon siya at mas lalo siyang nainis nang malaman kung sino ang may kagagawan noon.
"Ikaw?" hindi makapaniwalang nasambit niya.
Matalas na tinignan siya ni Sean na kanina pa pala sila ini-stalk. Sarkastiko siyang sumenyas na manahimik sa pamamagitan nang paglalagay ng kanyang hintuturo sa harap ng labi.
Nais man na mag-enjoy ni Uno ay nasira na ni Sean ang gabi niya nang dahil sa pagsunod nito sa kanila. Gayunpaman ay sinikap pa rin niyang kumalma upang hindi na mas ma-stress si Alfa. Pagkatapos ng pelikula, upang mailigaw ang ex ng nobya, binalak na niya itong ayain na lumabas sa tagong exit na nasa dulo ng mall. Subalit, matalas din ang pakiramdam ng prinsipe at alam nang pagkakaisahan nga siya kaya pasikreto pa rin niya silang pinagmanmanan. Bago pa man sila nakalapit sa lagusan palabas, nagulat na lamang si Alfa sa mabilis na paghatak sa kanya ng ex-fiance at hindi man lang siya nakapalag.
Sa bilis ng pangyayari ay napasubsob pa ang dalaga sa dibdib nito na dati-rati ay kanlungan niya sa tuwing siya ay nangangamba. Pag-angat ng paningin niya ay isang pares ng amber eyes ang masuyong tumitig sa kanya. Ilang sandali rin siyang natigilan nang dahil sa kakisigan ng prinsipe na para bang nagmula siya sa fairy tale. Naalala niya na noong siya ay teenager pa lamang, nakaramdam din siya ng crush dito. Hindi naman kasi maipagkakailang gwapo ito at mukhang mayaman kaya tunay na kaakit-akit sa sinumang babaeng makakakita sa kanya.
Subalit, saglit lamang ang crush na iyon at nawala rin.
Kahit na naging engaged pa sila nang dahil sa pagkakasundo ng mga magulang nila, hanggang kaibigan lamang ang pagtingin niya rito.
"S-Sean..." nauutal na winika niya.
"Alfa," malambing na pagtawag nito sa kanya.
"Cupcake ko," kasunod na taguri pa nito na noon ay term of endearment ng prinsipe sa dating kasintahan. "Maaari ba na, pagbigyan mo ako ngayon? Mag-usap tayo at ayusin pa natin-"
"Bitiwan mo siya," mariing panuto ni Uno na pinipigil ang sarili na magsalita ng hindi kaaya-aya nang dahil sa selos.
"Let her go," tiimbagang na pag-uulit niya kay Sean na walang balak na pakawalan nga si Alfa. "Ayaw ko ng g**o!"
"S-Sandali!" pag-awat na ng dalaga. Tinulak na niya palayo ang ex at pumagitna na sa dalawang lalaki na parehong malalakas at palaban ang personality. "Tama na! Please lang, nasa mall tayo, huwag tayong mag-eskandalo rito!"
"Alfa," pakikiusap ni Sean. "Pagbigyan mo naman ako kahit sandali lang. Baka naguguluhan ka lang kaya nakipaghiwalay ka sa akin. Give me another chance..."
"Chance?" nanggagalaiti sa selos na napabulalas si Uno. "Nakakalalaki ka na, a! Hihingi ka ng chance, sa harapan ko pa na nobyo na niya!'
"Nobyo?" Hindi makapaniwala si Sean sa narinig kaya siya rin ay nagdilim ang paningin nang dahil sa panibugho.
"I can't believe this!" Halos gumuho ang mundo niya nang malaman na may ibang nagmamay-ari na pala sa puso ng ex-fiancee. "Anybody, but him! Ipagpapalit mo ako sa pathetic race car driver na 'yan? This is a big insult for me!"
"Sean, stop!" Maging si Alfa ay nakaramdam na ng inis dahil sa tinuran nito sa pinakamamahal. Dedepensahan pa sana siya ang boyfriend subalit biglang nakaramdam siya ng kakaiba. Tila ba umikot ang sikmura niya at muntikan nang maduwal. Mabuti na lamang at mabilis siyang naalalayan ni Uno bago pa man siya natumba.
"Anong nangyayari sa iyo?" pag-aalala nito habang inaakay siya patungo sa malapit na upuan. "Nahihilo ka ba?"
"Ewan ko rin sugar babes ko," matamlay na tugon nito. "Pwede bang umuwi muna tayo?"
"Pasensya na. I'm so sorry for all the stress I've put you through," pagsusumamo niya habang hinahaplos ang buhok nito. "Kaya mo bang maglakad? O buhatin na lang kita?"
"Hindi na kailangan," pagtanggi nito kasabay nang paghinga nang malalim. "Pahinga lang ako saglit, pagkatapos, balik na muna tayo sa bahay."
"Sige, basta pag-uwi, magpahinga ka na. Huwag ka nang mangungulit na magkikilos," instrukyon niya rito na namumutla pa rin at namamawis nang malapot. Butil-butil na pawis ang dumaloy mula sa noo pababa sa leeg ng kasintahan kaya nagdalawang-isip na rin siya kung tama ba na iuwi na ito. Kinuha niya mula sa bulsa ang cellphone upang matawagan si Luis at makonsulta kung nararapat bang ipa-checkup si Alfa.
"Sa sitwasyon niya, hindi ko siya pauuwiin. Common sense lang ang magsasabing nararapat na dalhin siya sa ospital," paggambala ni Sean sa usapan nila. Pormal man ang itsura nito, bakas na rin sa mga mata niya ang pag-aalala. "How could you be so careless? Baka mapahamak pa siya nang dahil sa iyo!"
Nagpantig ang tainga ni Uno sa mga paratang ng karibal. Nais man niyang gumanti sa masasakit na salita nito ay isinawalang-bahala na lamang niya alang-alang sa kalagayan ng sinisinta. Itinuon niya ang pansin sa pagkontak sa pinsang doktor ngunit sa kasamaang-palad, hindi nito nasasagot ang tawag niya. Kasalukuyan kasing may ginagamot na pasyente si Luis kaya hindi na niya napansin ang pag-ring ng cellphone.
"Wala naman akong malalang sakit," pagkontra ni Alfa. "Atsaka noon pa man e medyo mahiluhin na ako kapag kulang ako sa iron. Iinom na lang ako ng vitamins!"
"Hindi maganda ang kalagayan mo. Sana ay makinig ka naman sa akin ngayon," pagmamatigas na ni Sean. Tinawagan niya ang mga tauhan upang maihatid ang dalaga sa malapit na pagamutan. Wala man isang minuto ay tumapat na sa may exit ang magarang kotse ng prinsipe.
"Halika na," pag-aya niya rito. Nilahad niya ang palad upang alalayan sana ang tinuturing pa rin na prinsesa. "Come with me..."
"Save it!" Sinagi palayo ni Uno ang kamay nito bilang pagtutol. Nainsulto siya sa pamamaraan ni Sean na ipamukha sa kanya na mas may kakayahan na maibigay ang lahat ng pangangailangan ni Alfa. Hindi man siya kasingyaman nito, may kumpiyansa naman siya sa sarili na kaya niyang alagaan ang nobya.
"Akong bahala sa kanya!" pahayag niya.
Sa isang iglap ay pinasan niya si Alfa na tila ba sila ay bagong kasal. Naglaho na parang bula ang pagkahilo ni Miss Alien nang malanghap ang fresh na fresh na scent na nagmula sa imported na sabong pangligo ng labs niya. Kinilig pa siya dahil feel na feel niya na sila ay newlyweds na nga.
"Nakakahiya, hihihi!" pabebe niyang winika habang nakasandal sa papalicious na balikat ng sweetie apple pie crunch niya. "Para akong nasa koreanovela! Isa ka na rin certified na oppa!"
"Higit pa ako roon," pagmamayabang naman ng ating bida, na wala pa rin makakatalo sa pagiging pinakamalandi sa mga lalaking Semira, pero ayaw pa niyang aminin.
"Hindi mo pa nga ako nasusubukan nang lubusan, Alfa," may kapilyuhang naisip pa niya habang maingat na binababa sa upuan ng passenger's seat ang pinakamamahal.
"Just wait and see..."