Nakatitig ako sa singsing na ibinigay sa akin ni Paul Shin bilang promise ring niya. Kasyang-kasya iyon sa akin. Hindi masikip, hindi rin maluwang. Tila ba sinadyang sinukat ang daliri ko, o sinadyang ipagawa ang singsing base sa sukat ko. Simple lang naman iyon, may maliit lang na bato sa pinakagitna at manipis ang katawan nito. Ngunit ganoon na lamang ako mamangha. Kulang na lang din ay matunaw ito sa sobrang paninitig ko. Hindi lang din talaga ako makapaniwala na binigyan ako nito ni Paul Shin. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang ideyang bigyan ako ng promise ring. Nakakataba ng puso, literal na nakakakilig. "Here," anang Paul Shin at saka pa inamba sa tapat ng bibig ko ang isang kutsara. Bumuka naman ang bibig ko upang tanggapin ang pagkain. Narito kami sa unit niya, sa kusina

