Third Person’s POV
Pagod na nga sa eskwelahan, pakiramdam niya ay mas nahahapo pa ang kanyang mga kaluluwa sa tuwing umuuwi sa sariling tahanan. Inilapag niya ang gamit sa mahabang upuan na yari sa kahoy, hinubad ang itim na sapatos, isinuot ang tsinelas na nasa tabi, napaupo at nasandal sa matigas nitong headboard. Napabuntong-hininga na lamang siya.
Siya ang bunso, ngunit siya pa ang nag-aalaga sa mas nakatatandang kapatid imbes na siya ang alagaan nito. Nakasasawa. Napatingin siya sa mababaw na sugat sa kanyang kaliwang hintuturo, dulot ng paghihiwa. Napapikit na lamang siya at iidlip sana ngunit, labis na mainit sa maliit at lumang sala na kinaroroonan niya. Gamit nga pala ng kanyang kuya ang electric fan, at ayaw na ayaw nitong naiinitan.
“Anak, nakita mo na 'yong sulat?”
Binukas niya ang kanyang mga mata nang marinig ang tinig ng ina. Kapapasok lang nito sa loob at nagtatanggal pa ng sandals. Bitbit nito ang mga isdang nakasupot sa kaliwang kamay nito.
“Anong sulat nay?” Agad siyang tumayo at kinuha niya ang bitbit nito, nagtungo sa kusina, at saka isinalin sa isang lalagyan ang mga isda. Lilinisan niya ang mga ito.
“May sulat na dumating kaninang umaga pagkapasok mo. Para raw sa 'yo.” Naupo sa silyang kahoy ang ina at saka nagsalin ng tubig sa baso mula sa pitsel.
“Sulat para sa 'kin?” Takang tanong niya at nagkabit na lang ng apron upang hindi matalsikan ng kaliskis ang uniporme.
“Oo, nakalagay na para sa 'yo. Nakita ko lang sa ilalim ng pinto no'ng nagwawalis ako. Nilusot siguro tinamad kumatok.” Pagpapaliwanag ng ginang na bahagyang natawa sa ginawa ng nagpadala ng sulat.
“Luh. Uso pa ba 'yong sulat? Sino namang magpapadala ng sulat sa 'kin nay?” Natawa-tawa pa siya hindi lubos maisip na makakatanggap siya ng sulat sa panahong gadgets na ang uso.
“Teka nak, kunin ko sa taas.” Tatayo na sana ang ginang.
“Ako na nay. Saan ba nakalagay?” Naghugas siya ng kamay at iniwan muna sa lababo ang ginagawa.
“Ay naiwan ko pala sa kwarto ng kuya mo! Naku makakalimutin na talaga ako!” Napahaplos na lang ang ginang sa noo.
Dumiretso siya sa hagdang may kababawan at nagtungo sa kwarto ng nakatatandang kapatid. Hindi naman ito naka-lock. Napangiti siya nang makitang nakatutok lamang ito sa bentilador na naka-steady lang din. Tulala ito roon at hindi naman bakas ang lungkot sa mukha na minsan lang din mangyari.
“Kuya!” Bati nito at tinabihan ito sa kama. Tinignan lamang siya nito at nanatiling walang imik.
“Alam mo ba kuya, nagandahan 'yong prof ko kanina sa gawa ko! Sa susunod uuwian kita ng mga gawa namin!” Aniya sa masiglang tinig habang nakatitig sa kapatid. Batid niyang hindi siya papansinin nito, kaya kinuha niya na lang ang parisukat na puting sobreng nakapatong sa katabing lamisita ng kama. Lumabas naman ng kwarto ang kapatid at naiwan siya sa kanyang kinaroroonan. Hinayaan niya lamang ito.
“Seryoso? Sulat?” Natawa na lamang siya habang binubuksan ang sobreng pangalan niya lang sa harap ang nakalagay at bukod doon ay wala nang iba pang impormasyon. Ni wala ngang address kung saan nanggaling.
Tinanggal niya sa pagkakatupi ang papel nasa sa loob ng sobre at binasa ang nakasulat dito.
Sa susunod na dalawang taon, ay hindi pa okay ang sitwasyon ni kuya. Please iligtas mo siya. Sa school kung saan nagmula ang lahat, doon niya wawakasan ang buhay niya. Kapag nalaman ni nanay na patay na siya, susumpong ang sakit niya sa puso at ikamamatay niya yun. Aatakihin. Maiiwan kang mag-isa. It hurts alam mo yan. Gawin mo ang lahat para mailayo si kuya sa lugar na yun...
May karugtong pa ito ngunit nahinto siya nang mapako ang mata sa salitang nakasulat sa dulong bahagi ng liham. Sa babang kanan, nakasulat ang kanyang pangalan. Ngunit may karugtong ito— 'ng Omega'
C A N D A R Y
'Wo-wow! Glow up nga!' Sabi ko na lang sa isip-isip ko.
Pinilit ko ang sarili kong mas mabilib kaysa matakot sa nakikita ko ngayon sa harap ko.
Pagkaggaling ko sa school ay dumiretso na ako rito sa bahay. Hinahanap ko si mama dahil sarado ang bakery pero bukas ang gate. Alam naman ni mama na uuwi ako eh. Hindi naman siya nagsabi kanina o nag-text man lang na aalis siya o magsasara nang maaga. Wala na rin ang mga helpers namin.
Kukuha lang ako ng tinapay na mamemeryenda dahil alas-kwatro palang at nakakagutom. Ngunit heto, pagpasok ko sa maliit naming bakery, tumambad sa akin ang glow up version ko. Nakaupo sa monoblock chair malapit sa lagayan ng mga brown paper bags. Tinititigan niya ako ngayon!
“Hindi pala ako ganoon kaganda no'n ahahaha!” Naka-indian seat pa siya. Suot ang unipormeng kagaya ng sa akin. Mas makinis, mas mahaba rin ang mga buhok. Na-naka-make up din! 'yong may kilay na! At meron pa sa talukap! At sa magkabilang kamay niya ay hawak-hawak ang tig-dalawang cheesy pandesal namin!
Siya ba talaga 'to? Para akong napipi sa nakikita ko.
“Huy umupo ka muna! Ako lang 'to. I mean, ikaw lang 'to oh! Hahaha!” Sunud-sunod ang pagkagat niya sa tinapay na hawak-hawak.
Hinatak ko naman ang isang upuan na nandito sa may nakatuping katsa sa tabi ng isang estante.
“Ikaw ay ako?” Natulala man ako sa kanya, nagtanong ako at tinuro pa ang sarili ko at siya nang pabalik-balik. Ugh! Hindi ko naman kasi inaasahan na ngayon siya magpapakita!
“Oo? Hays. O siya saglit lang ako rito. May curfew din above heavens no! Ang bagal mo kasi kanina pa mita inaantay nako. BTW, ma-masarap ang tinapay pero mas sasarap pa 'to. Gagawan ni'yo 'tong ube version ni mama.” Dali-dali niyang sinubo ang natitirang tinapay sa magkabilang kamay.
Kung limited lang pala ang oras niya, kailangan ko agad malaman ang mangyayari tama! Medyo kumakabog ang dibdib ko dahil hindi pa rin ako makapaniwalang galing siya sa hinaharap, ako ay siya, siya ay ako! Hayss! Medyo kakakilabot pero buti ay inasahan ko na 'to. Ganito rin kaya ang naramdaman ni Vaughn noon? Sabi niya pa noong nasa faculty kami nila Sir Thomas ay mahaba ang bangs ng future Vaughn. Pero noong nakita ko ay parang bagong gupit. O baka nakaayos lang ang hair? Ah basta! Bakit ko ba iniintindi 'yon?
Kinuha ko agad ang listahan at ballpen na nasa gilid ko. Ramdam ko rin ang pagbubutil-butil ng pawis sa noo ko. “Game! Sabihin mo sa akin lahat ng kailangan kong pigilang mangyari!”
“Kalma. Kaunti lang 'to. Sorry kung una kong pinuntahan 'yung Vaughn. Nainis lang ako na kagagawan niya pala ang reason bakit ako, o ikaw ay made-dedu. Ganito kasi 'yon, nakatanggap ako ng sulat mula sa Omega Dimension.” Sumeryoso ang mukha niya.
“O-Omega?” Nabanggit sa akin ni Vaughn ang ilang dimensions na binanggit ni glow up Vaughn pero wala yata akong 'Omega' na narinig.
“Oo! Nakakakilig nga eh!” Idinampi niya sa magkabilang pisngi ang parehong kamay at saka kumurap-kurap na para bang nagpapa-cute.
"Paanong nakakakilig? Akala ko ba mamamatay si mama?" Para akong nakaharap sa salamin na mas pagagandahin ang itsura mo. Parang ilusyon.
“Ay sorry! Nadala lang! Teka 'eto na. Wait, nabanggit naman na siguro sa 'yo no'ng Vaughn na may iba't-ibang dimensyon pa liban sa Daigdig?” Tanong niya at tumango-tango ako.
“Sa Omega, super advanced doon! Hindi ko alam kung 40 years ba? Siguro.” Tumingin siya sa taas na tila inaalala ito.
Ang ibig sabihin, magkaibang dimension ang pinagmulan ng sulat ang future na ako at Vaughn. Si Vaughn, mula sa Beta, si glow up self naman ay mula sa Omega. Just wow. Siguro 'di abot ng signal towers kaya makalumang method para makapagpadala ng mensahe hehe.
“Tingin ko 'yung prince charming natin 'yung nagpadala ng sulat. Makinig ka, ito ang kanyang sabi. Hindi raw siya mag-aasawa dahil nga magsu-suicide ka. Meaning, nakita ka niya o makikita palang at may gusto siya sa 'yo? Nakasaad pa sa sulat na tatanda siyang binata dahil nga roon. At ang ugat ng pagpapakamatay mo ay ang kagagawan ng binatang Vaughn ang ngalan. Hitting two birds with one stone ba tawag doon? Kapag nabago natin ang hinaharap mo— ang mapigilan ang mangayayari dulot ni Vaughn, ganoon din ang kanya.” Makulit siyang tumawa bahagya. “Hindi na siya tatandang binata.”
Okay, nawindang ako roon. Love life pala ituu. Bakit parang mas-light ang dating ng kwento niya? Dahil ba 'to sa prince charming na 'yon. Ah! Ang mahalaga, parehas ang sinabi nila no'ng isa, si Vaughn pa rin ang dahilan! Agad naman akong nag-jot down sa listahang kinuha ko.
“Paanong? Napadala ang sulat? Bakit si Vaughn pa?” Tanong ko habang nagsusulat.
“Hindi ko rin alam. May mga bagay na Diyos lang ang nakakaalam. O kaya ang mga alagad ng Diyos. Ilegal nga ang pagpapadala ng sulat mula sa ibang uniberso, pero magaling 'yong knight in shining armor natin at nagawa 'yon! Sa ngalan ng pag-ibig!” Ngumiti siya ng malawak at saka sinuklay ang mahahabang buhok gamit ang dalawang kamay. Naka-indian sit pa rin siya. Ma-may Diyos na ba akong sinasamba sa future? Sabagay agnostic lang ako, 50/50.
“Eh ikaw? Si Vaughn? Paano kayo nakapunta sa mundo namin?” Wala sa mga librong siniyasat namin ni Vaughn ang sagot. Nasa kanya. Nasa kanila na galing sa Foxtrot.
Akma na niyang sasagutin ang tanong ko nang maulit ang naranasan ko sa plaza. Isang matinis na tunog dahilan kaya napatakip ako ng madiin sa mga tainga ko. Masakit masyado sa mata ang puting liwanag na bumabalot sa kung nasaan ako ngayon, kaya napapikit ako. Alam kong kapag mulat ng mga mata ko ay wala na siya.