Hindi ko inaasahan na ganito kabilis ang mga pangyayari.
Hindi pa ako handa.
Iyon ang unang pumasok sa isip ko habang nakaupo ako sa loob ng sasakyan.
Kasalukuyan na papunta na ako sa lugar kung saan gaganapin ang aming kasal.
Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa aming pagsasama.
Si Theo ang sumundo sa akin sa bahay.
“Hindi ka na magtatanong kung saan tayo pupunta? ” bigla niyang wika, hindi pa rin tumitingin sa akin.
Napangiti ako nang mapait. “May silbi pa ba? Kung batid ko naman na ito ang araw na pinakahihintay ng ating mga magulang? "
Bahagya niyang itinaas ang isang kilay. “At least honest ka.”
Tumalikod ako sa bintana. Mas malinaw na ngayon ang takot ko. Hindi ito simpleng lakad. Hindi ito dinner. Hindi ito event.
Ito na iyon.
Huminto ang sasakyan sa harap ng isang munisipyo.
Nakatitig lang ako sa gusali hanggang sa marinig ko ang boses nito.
“Baba,” utos niya.
Bahagya pa akong nagulat sa sinabi niya.
Hindi paman kami kasal ngunit ramdam ko na agad ang bigat ng presensya niya.
Bumaba ako, nanginginig ang mga tuhod ko. Ang hangin ay malamig, dumadampi sa balat ko na parang paalala kung gaano ako nag-iisa. Nakasuot ako ng simpleng bestida na puti, walang disenyo, walang drama. Hindi ko nga napansin kung kailan iyon inihanda. Basta na lang may nag-abot, at sinuot ko.
“Bakit dito? ” tanong ko, hindi ko mapigilan.
“Dahil ito lang ang lugar kung saan ligtas,” sagot niya.
“Ligtas para kanino? ” mahina kong tanong.
"Saan pa ba kundi sa mga tao na kakaladkarin ang pangalan ko sa kahihiyan."
Bigla ako natahimik dahil alam ko na kung ano ang ibig niya sabihin.
Nagmula kami pareho sa kilalang pamilya kaya hindi maiiwasan na magkaroon ng mga reporter kaya't para maiwasan iyon ay dito na lang nila naisipan ikasal kami.
Sa loob ng munisipyo, ay may ilang tao na nakakakilala sa amin. Ngunit pinili na lang nila manahimik na tila ba ay hindi nila kami kilala.
Marahil ay pinalano nila sadya iyon upang hindi makalabas ang balita tungkol sa gaganaping kasal. Pag dating namin sa office ng mayor ay nakita agad namin ang isang lalaki na may edad na, isang abogado na may hawak na folder, at sa dulo, ang mga magulang ni Theo. Maayos ang postura nila, parang nanonood lang ng isang kasunduang matagal nang napagdesisyunan.
Walang kahit anong emosyon sa mga mata nila nang tumingin sila sa akin.
Isa lang akong papel na pipirmahan.
Sa kabilang bahagi naman ay naroon ang pamilya ko ngunit wala si kuya doon.
Lumapit si Theo sa altar, sinundan ko siya. Ang bawat hakbang ko ay mabigat, parang bawat hakbang ay may kapalit na piraso ng sarili ko.
“Let’s get this over with,” bulong niya.
Tumango ako.
Nagsalita ang Mayor, ngunit parang lumulutang ang boses niya sa hangin. Hindi ko maintindihan ang mga salita. Ang tanging malinaw ay ang bigat sa dibdib ko, at ang malamig na presensya ng lalaking katabi ko.
“Do you accept Theo—”
“Opo,” sabay naming sagot, parang sanay na.
Walang tinginan. Walang pag-aalinlangan.
Nang isuot niya ang singsing sa daliri ko, bahagya akong napasinghap. Hindi dahil sa saya, kundi dahil sa katotohanang iyon na ang nagselyo sa kapalaran ko.
Mabigat ang singsing.
Parang posas.
“You may now sign the documents,” wika ng abogado.
Diretso wika nito ni Wala man lang kiss the bride tulad ng napapanood ko sa T.V.
Lumapit kami sa mesa. Isa-isang pirma. Pangalan ko. Apelyido ko. Para bang bawat letra ay unti-unting nagbubura sa dating ako.
Pagkatapos noon ay lumapit sa amin ang aming mga pamilya.
“Congratulations,” malamig na wika ng ina ni Theo, walang ngiti.
Tumango lang ako.
Habang si Daddy naman ay lumapit sa akin. Hinawakan niya ang kamay ko.
"Good job, anak; may nagawa Karin Tama para sa pamilya natin," nakangiting wika nito.
Bigla akong nakaramdam ng bigat sa aking dibdib. Hindi ko inaasahan na iyon ang sasabihin niya sa akin.
Iniisip ko pa naman na hihingi ito ng sorry ngunit nagkamali ako.
Biglang gumuhit ang sakit sa aking dibdib dahil sa sinabi niyang iyon.
Matapos ng eksena na iyon ay lumabas na kami. Municipyo. Wala ni isang camera. Walang alaala. Walang ebidensya.
maliban sa singsing sa daliri ko at sa papel na itatago nila sa isang ligtas na lugar.
Pumasok kami ulit sa sasakyan.
“Asawa na kita,” bigla niyang sabi, diretso, parang binabasa lang ang isang report.
“At estranghero pa rin,” sagot ko.
Hindi siya tumingin, ngunit napansin kong humigpit ang hawak niya sa manibela.
Pagdating sa penthouse, mas malamig ang katahimikan kaysa dati. Parang mas malaki ang espasyo, mas bakante.
“Ito na ang magiging kwarto mo,” sabi niya, tinuro ang isang pintuan. “Magkahiwalay tayo.”
“Alam ko,” sagot ko. “Kasama sa rules.”
Tumango siya. “Good.”
Bago siya tuluyang umalis, huminto siya sa pinto. “Huwag mong kakalimutan wala kang karapatan sa buhay ko.”
Napangiti ako. “Hindi rin naman kita inaangkin.”
Saglit siyang napatingin sa akin. Isang segundo. Dalawa.
Pagkatapos ay umalis.
Agad ako pumasok sa aking silid, at doon na nagsimula magpatakan ang aking mga luha na kanina ko pa nais pigilan.
Ang bigat ng dibdib ko na kanina pa nais sumabog.
Maya-maya lang ay narinig ko na ang pagsara ng pinto ng penthouse, tanda na umalis ito at iniwan ako mag-isa.
Nang gabing iyon, umupo ako sa kama, tahimik na nakatingin sa singsing sa daliri ko. Dapat ba akong umiyak? Sumigaw? Magwala?
Ngunit wala akong ginawa.
Sa halip, huminga ako nang malalim.
At saka binuga iyon upang lumuwag ang aking dibdib.
"Ito na ang bagong laro na kahaharapin ko," seryosong wika ko sa aking sarili.
Pinilit ko patatagin ang sarili ko kahit ramdam ko ang panghihina ng aking katawan.
Sa larong ito bawal kang maging mahina dahil pag ginawa mo iyon ay ikaw rin ang mauubos.
Sisiguraduhin kong hindi ako ang unang matatalo.
Hindi ito kwento ng pag-ibig.
Ito ay kwento ng dalawang taong ikinasal sa kasinungalingan at isang kasunduan.
at ng babaeng hindi papayag na manatiling tahimik at walang ginagawa.
Hindi ako umiyak noong gabing iyon.
Hindi dahil wala akong nararamdaman, kundi dahil pakiramdam ko’y naubos na ang luha ko bago pa man ako ikasal. Nakaupo lang ako sa gilid ng kama, tahimik, hawak ang kamay kong may suot na singsing. Paulit-ulit kong iniikot iyon, tila ba umaasang mawawala kapag hinila ko nang sapat.
Pero nandoon pa rin.
Matigas. Totoo.
May asawa na ako.
Hindi sa puso…kundi sa papel.
Maya-maya, narinig ko ang mahinang yabag ng mga paa sa labas ng kwarto. Huminto sa tapat ng pinto ko. Ilang segundo ang lumipas bago may marahang katok.
Hindi ako sumagot.
“Victoria,” tawag niya. Unang beses niyang binanggit ang pangalan ko mula nang ikasal kami.
Tumayo ako at binuksan ang pinto. Nakatayo siya roon, walang emosyon ang mukha, ngunit halatang pagod. Tinanggal niya ang suit jacket niya, nakalaylay sa isang braso.
“May sasabihin lang ako,” wika niya.
Tumango ako, umatras para papasukin siya. Ngunit nanatili siya sa may pintuan.
“Simula bukas,” dagdag niya, “kailangan mong matutong gumalaw bilang asawa ko. Hindi ngayon, hindi bukas, pero darating ang oras.”
“Sa harap lang ng pamilya mo,” paalala ko.
“Yes,” sagot niya. “Pero kahit iyon, hindi puwedeng may mali.”
Napatawa ako nang mahina. “Hindi mo ba ako pinagkakatiwalaan? ”
Tinitigan niya ako nang diretso. “Hindi ko pinagkakatiwalaan ang kahit sino.”
May kirot ang sagot niya…hindi dahil sa akin, kundi dahil halatang matagal na niya iyong bitbit.
Tumalikod na siya para umalis nang muli siyang nagsalita.
“At Victoria…”
“Hmm?”
“Huwag mong kalimutan. Ang kasal na ito ay isang kasunduan lang."
Napakunot ang noo ko. “Magal ko na iyang alam at Hindi mo na kailangan ipamukha iyan sakin. ”
Hindi na siya sumagot. Tuluyan na siyang naglakad palayo.
Matapos ng pag-uusap na iyon ay muli kong isinara ang pinto at saka ako tuluyang nahiga. Ngunit kahit pumikit ako, ang isip ko’y gising na gising pa rin. Halos wala akong naging tulog noon. Nakatulog lang ako ng sumapit ang alas kwatro ng madaling araw. Gumising lang ako bago sumapit ang alasyete ng umaga, at sa pagdilat ng aking mga mata ay nagising ako sa isang bagong realidad ng aking buhay.