CHAPTER 7

1291 Words
Alexis' POV Isang mahika ang kaniyang ginawa at bigla na lamang kami napadpad sa nakakabighani na kagubatan, kaakit-akit ang paligid pagka't nababalot ito ng birheng puno, bulaklak, d**o at iba pa. Ang mga hili ng mga kakaibang ibon ay nakakabighani rin, mga makukulay na paruparo ay tila bahaghari sa aking paningin, lahat ng makikita rito ay nakakaakit. Ito ay paraiso. "Nagbalik na siya!" "Ang ating reyna!" "Kamahalan!" Rinig kong bigkas ng mga maliliit na insekto at saka lumapit sila sa akin. Nang makalapit na sila ay napagtanto kong mga diwata pala sila ngunit kasing laki lamang sila ng aking palad. "Kamahalan, ang tagal niyo pong nawala," bigkas ng isa sa kanila. Ngumiti lang ako at nanatiling tahimik, ako'y naguguluhan pa rin sa nangyayari. Gusto kong itanong kay Karma ang lahat ng bumabagabag sa akin at nang ako ay maliwanagan ngunit parang may kung ano sa kaloob-looban ko na ayaw malaman ang katotohanan. Hindi ko rin maintindihan e, parang gusto ko pero ayaw ko. Hindi ko alam. "Alexis, y-you're so gorgeous," ako'y napalingon sa nagsalita. "Mahal na prinsipe?" nagtataka kong tanong. Siya ay nakabalik na sa kaniyang anyo, hindi ko iyon napansin kaagad dahil ang atensyon ko ay nakuha ng kapaligiran. "Y-You look a-amazing," wika nito sa nauutal na tono kaya napatingin ako sa aking sarili. Ang panga ko ay nalaglag sa aking nakita. Ang kasuotan ko ay kumikinang na parang mga bituin at ang aking mahabang buhok ay naging kulay asul, "A-Anong nangyari sa a-akin?" tanong ko habang pinagmamasdan ang mga pagbabago sa aking sarili. Lumapit si Karma sa amin at sinabing, "Tayo ay nasa kaharian mo, kamahalan. Ang sino mang makakapasok dito ay gagaling sa kanilang sakit, makakalaya sa puot na dinaramdam nila, mawawala ang kanilang pighati, babalik sila sa kanilang tunay na kulay o anyo, at ang lahat ng nandito ay walang dungis ng galit sa puso. Alexis, ikaw ay itinadhana upang maging reyna namin at iyan ang tunay mong kulay at anyo," Matapos niyang sabihin iyon, gumawa siya ng malaking usok sa harapan ko at isang napakalaking salamin ang nabuo, "Pagmasdang mabuti ang inyong sarili, kamahalan," dagdag niya. Ako'y hindi makapaniwala sa aking nakikita, mukha akong diyosa sa aking kumikinang na puting bestida, maalon na kulay asul na buhok, at nagniningning na kulay pula na mata. Hindi ako karapat-dapat sa maharlikang anyo na ito. "Hindi ako karapat-dapat," wika ko. "Kamahalan, hindi kami ang pumipili. You are destined to be our queen," wika ni Karma. Kumunot ang aking noo at nadapo ang paningin sa mahal na prinsipe Kira na kanina pa pala nakatitig sa akin, "P-Pero bakit ako?" tanong ko kay Karma ngunit ang aking mga mata ay nakatuon pa rin sa prinsipe. Ano bang problema niya? Titig na titig e. "Dahil ikaw ay ang muling pagkakatawang-tao ni reyna Cotton, siya ang reyna namin ngunit nabulag siya ng kadiliman." nakuha no'n ang aking atensyon. "P-Pagkakatawang-tao?" nagtataka kong tinanong. Hindi ko maintindihan, bakit parang mas lumabo ang mga bagay? Tumango siya at lumapit sa akin, "Siya ang mahal na reyna," aniya at isang imahe ng babae ang nabuo sa mga ulap. "Tingnan mo nang mabuti ang sunod na mangyayari, kamahalan." dagdag niya. Imahe ng mahal na reyna ang nasa ulap habang siya ay naglalakad sa nakakabighaning paraiso. Si Karma at ang dalawa pa nitong kasama ay nagbabantay sa kaharian, sila pala ay tagabantay. Isang gabi, isang maitim na usok ang nakapasok sa silid ng mahal na reyna at ang usok na iyon ay nag-anyong tao, kinausap niya ang reyna at sila ay naging matalik na magkaibigan. Hindi naglaon ay naging mainitin ang ulo ng reyna hanggang sa namuo ang kasamaan sa puso nito. Pinapasok niya ang kadiliman sa kaniyang kaharian at lahat ng mga puno't bulaklak ay namatay. Ang isang tagabantay ay umibig ng isang mortal na tao kaya't tinanggalan siya ng kapangyarihan at tinapon siya sa mundo ng mga tao. Si Karma naman ay napilitang sundin ang mga utos ng reyna kahit labag ito sa kalooban niya, dahil nangako siyang pagsisilbihan ang reyna hanggang sa dulo ng hininga niya. At ang pangatlong tagabantay naman ay lumayas at tinakwil ang kaharian, dumaan ang mga araw, siya ay muling bumalik at pinatay ang mahal na reyna. Dahil sa galit ng kaniyang puso at sa kasamaang nagawa nito, siya ay napagsumpaan na hindi na muling makakabalik sa kaharian at habang buhay siyang lalamunin ng kadiliman. Sa pagkawala ng reyna ay nawala na rin ang kadiliman sa kaharian at muling nabuhay ang kaharian sa pamamahala ni Karma. Taon taon ay inaabangan nilang lahat ang pagbabalik ng reyna sa anyo ng iba, at sa wakas ay nagbalik na nga... at imahe ko ang huling nabuo sa ulap. Pumatak na lamang ang aking mga luha sa aking nalaman. "Alexis, you are the reincarnation of queen Cotton," wika ng prinsipe. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ako. Kung bakit ako ang itinadhana. "Mahal na reyna," pumwesto si Karma sa harapan ko at agad na lumuhod, "Pagsisilbihan kita hanggang sa dulo ng aking hininga," dagdag nito saka yumuko. Si Kira naman ay ngumiti at lumuhod din, "Well, Ikaw ang reyna dito e." wika niya saka yumuko. Lumuhod din ang mga diwata, ang mga hayop at pati ang gumagalaw na puno, lahat ng may buhay ay lumuhod sa aking harapan. Mas lalo akong napaluha sa ginawa nila. "Maraming salamat..." taos puso kong binigkas kahit na hindi ako sigurado kung magagampanan ko ba talaga ang pagiging isang reyna. Parang ayaw ko, pakiramdam ko ay masyadong mabilis ang lahat. Masyadong mabilis ang responsibilidad na ito at ako ay isang simpleng tao lamang, wala akong kaalam-alam sa pamumuno lalo na't ang pamumunuan ko pala ay mundong mahika. Nagsitayuan silang lahat at agad namang nagsalita si Kira, "Bakit hindi rin napagsumpaan ang mahal na reyna tulad no'ng tagabantay gayong may kasamaan din siya sa puso niya?" "Siya ay makapangyarihan, walang nang hihigit pa sa kapangyarihan ng isang reyna kaya't nakokontrol niya ang lahat," sagot ni Karma. "E, bakit hindi man lang niya naprotektahan ang sarili niya doon sa pumatay sa kaniya? Akala ko ba makapangyarihan siya?" Halatang curious na curious ang prinsipe. "Who knows? Iyan rin ang katanungan ko noon na hanggang ngayon ang hindi pa nasasagot." Sagot ni Karma. Nagsibalikan na ang mga diwata, punong may buhay, ibon, lahat ng may buhay dito ay nagsibalikan na sa kanilang ginagawa. Kaming tatlo na lamang ang naiwan. "Nga pala Karma, hindi ba't ikaw ang nagbigay ng kapangyarihan sa akin?" tanong ko. Ngumisi siya at napatingin sa akin, "Biro ko lang iyon, syempre mabibigla ka kapag sinabi kong ikaw ang nakatadhanang maging reyna namin at may kapangyarihan ka na since birth," sagot niya saka naglakad nang dahan-dahan, sumunod naman kami ni Kira. Napakunot na lamang ako ng noo, "Ibig mo bang sabihin ay may kapangyarihan ako simula pa lang nung bata pa ako? At kahit wala 'yong libro?" tanong ko. "Oo, binigay ko lang naman ang libro upang dahan-dahang ipakilala sa'yo ang mundo ng mahika," "Pero bakit hindi na ako nakakapagsalamangka no'ng biglang nag-iba ang mga letra ng libro?" Sumeryoso ang kaniyang mukha at nahinto sa paglalakad kaya't nahinto rin kami, "Mahal na reyna, makapangyarihan ka. Ngunit 'wag mo pong sanayin ang sarili mo na gumawa ng mga bagay na hindi ginagamit ang puso, hindi ba't sabi ko sa'yo na gamitin ang puso?" Napaisip naman ako, "Alin ba ang mali sa nagawa ko, Karma?" "Syempre, 'yung ginawa mo akong pusa," sabat ni Kira. "Hindi lang iyon, hindi ba't gusto mong gumamit ng salamangka dahil gusto mong matapos agad ang trabaho mo upang hindi ka na mapagod? Puso ba ang ginamit mo kamahalan o ang lukso ng pagnanais?" Bigla ko na lamang napagtanto na mali pala ang ginawa ko, "P-Patawad," ka ko. "Okay lang, marami ka pang matututunan, kamahalan," "Pero Karma, paano mo nagawang pigilan ako sa pagsasalamangka? No'ng nag-iba ang mga letra ng libro ay 'di na rin ako nakakapagsalamangka. Hindi ba't sabi mo na walang hihigit sa kapangyarihan ng isang reyna?" muli kong tanong. Lumipad siya at tiningnan ako, "Dahil hindi mo pa alam na makapangyarihan ka," sabi nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD