CERISE
KAKAIBA ang excitement na nakapalibot ngayon sa school. Bukod kasi sa napapabalitang ground breaking ceremony ng gagawing HRM Hotel laboratory, pinag-uusapan din ang tungkol sa pag-enrol ni Angelo Cruz bilang estudyante sa kalagitnaan ng semester.
Ang totoo? Hindi ko alam kung ano ang trip niya. Maayos na ang buhay niya, sa katunayan, kilala siya bilang pinakabatang bilyonaryo sa buong Pilipinas. Bakit pa niya kailangang mag-aral ulit?
Narinig kong pumalakpak si Savannah habang sinalubong ako, "andito na pala ang FAMEwhore!"
"Savannah, ayoko ng gulo," mahina kong sambit.
"Sinong may sabing nanggugulo ako?" sarcastic na tanong niya, "I was just trying to congratulate you dahil nagtagumpay ka. Wow! Sikat ka na, pwede bang magpa-autograph?"
Sasagutin ko sana siya pero narinig kong may tumikhim sa likod ko. Napansin ko rin na agad tumuwid ang pagkakatayo ni Savannah saka nag-iwas ng tingin, "S-sorry Cerise," pagmamadali niyang saad saka umalis kasama ang kanyang mga alipores.
Nagtaka ako sa biglaang pagbabago ng asal ni Savannah kaya nilingon ko ang taong nasa aking likuran. It was Angelo Cruz, flashing me his most angelic smile. Nakita ko naman sa aking peripheral view ang pagbubulong-bulongan ng mga taong nakatingin sa amin kaya agad akong pumihit upang magpatuloy sa paglakad. Alam kong dadami ang bashers ko kapag magpakita ako ng kilig dahil sa presensya niya. Paniguradong gagawan nila ako ng kwento at baka nga mahalungkatin nila ang nakaraan ko na matagal ko nang ibinaon sa limot.
Naramdaman ko ang pagsunod niya. Hahayaan ko na lang sana siya kaya lang hindi na ako mapakali sa kakaibang tingin ng mga estudyanteng nakakasalubong namin. Dahil dito hindi na ako nakatiis at hinarap ko siya, "Sinusundan mo ba ako?"
"Hindi, bakit? Gusto mo?" nakangiti niyang sagot.
"Eh bakit ka nakasunod sa akin?" inis na tanong ko.
"Papunta ako sa klase ko. Bakit? May rules ba dito na sa fire exit lang dapat dumaan ang mga new students?" natameme ako sa sagot niya. Tama nga siya, nasa main hall kami kaya natural na dito siya dadaan.
"Huwag ka na lang masyadong malapit sa akin," mahina kong saad.
"Bakit?" tanong niya.
"Wala nang masyadong tanong," napabuntong hininga ako, "basta lumayo ka na lang ng konti dahil pinagtitinginan tayo."
"Anong problema doon?" tanong niya.
"Ang problema? Pinag-uusapan tayo, ‘yun ang problema!" inirapan ko siya.
"Eh di masaya," nagkibit balikat siya saka mas lumapit sa akin.
"Pwede ba?" saad ko, "maghanap ka na lang ng ibang pag-aaksayahan mo ng panahon. Huwag ako. Marami kang makikita diyan. Ordinaryong tao lang ako kaya marami kang makikitang katulad ko."
"Ayoko ng katulad mo," malagkit niya akong tinitigan, "gusto ko IKAW MISMO."
Okay, fine! Kinikilig ako. Sino ba ang hindi kikiligin kung isang Angelo Cruz ang nagpapapansin sa’yo? Pero mahirap paniwalaan eh. Sino ba ako para mapansin ng isang Adonis? Bakit ako pa? Hindi ko tuloy maiwasang isipin na siguro natalo siya sa isang pustahan kaya naging dare niya ang maging buntot ko o baka naging boring lang ang buhay niya at naisipan niyang paglaruan ako. Ilang araw kaya siyang ganito? Oh baka hanggang may makuha siya sa akin? Hindi ko na lang siya kinibo at nagpatuloy na lamang sa paglakad hanggang room namin. Pero huminto ako sa may pintuan nang makita kong susunod sana siya.
"Don't tell me dito ang klase mo," hinarap ko siya sabay taas ng isang kilay.
"Dito nga," ngumiti siya.
Ewan ko ba sa lalaking 'to! Pakiramdam niya siguro camera ang mga mata ko. Para kasing laging nagpapapicture sa tuwing titingin ako sa kanya. Lagi kasing nakangiti, taliwas sa mga nakikita kong pictures niya sa magazines na laging fierce ang dating.
"Seryoso ka?" saad ko.
"Bakit? Mukha ba akong nagbibiro?" binigyan niya ako ulit ng matamis na ngiti kaya nainis ako.
"Naka-drugs ka ba?" tanong ko.
"Bakit mo natanong?" saad niya.
"Kanina ka pa kasi ngumingiti eh," inirapan ko siya ulit.
"Sorry, hindi ko lang talaga mapigilang mapangiti pag-nandiyan ka," banat niya.
"Ang keso mo!" pagbara ko sa kanya.
"Okay lang akong maging keso basta ikaw ang tinapay," banat niya ulit.
"Ang bastos mo," napakunot ang noo ko.
"Anong bastos sa pagkain?" tanong niya.
"Wala," mahina kong sagot.
"Di ko alam na berde ka rin pala," saad ni Angelo.
"Anong berde?" nalukot ang mukha ko, "hoy lalaki! Huwag kang mambintang. Hindi mo pa ako kilala."
"Ano bang binibintang ko sa’yo?" natatawa niyang saad.
"Pinagbibintangan mo akong berdeng mag-isip!" tinarayan ko siya.
"Sinabi ko ba ‘yun ?" napakamot siya ng ulo, "pinuna ko lang naman ang team mo sa sportsfest."
Hindi ako nakakibo saka yumuko kung saan siya nakatingin. Nakadikit pala sa likod ng ID ko ang team color ko kaya napapikit ako ng mariin. Bakit ba ako natataranta sa taong 'to?
'Hay naku Cerise!' sa isip ko, 'si Angelo Cruz ‘yan! Natural na matataranta ka.'
Pumihit ako at tinungo ang lugar ko sa seatplan.
"Good morning, class," bati sa amin ng propesor. Nakita ko namang nagpaiwan si Angelo sa may pintuan.
"Dahil may bago tayong estudyante, we have to re-arrange your seatplan para hindi masira ang alphabetical order," saad ng propesor.
Nagsitayuan ang ibang kaklase kong pina-urong ng propesor saka ko narealize na Bernard ako saka Cruz siya. Ibig sabihin, magkatabi kami. Sinikap kong hindi siya lingunin sa buong klase pero nagulat ako nang ipasa niya ang kanyang notebook.
"Alam mo ba ‘yung salitang, 'mamansin'?" nakasaad sa sulat niya.
Inirapan ko siya saka sinulat, "Oo, bakit?"
"Try mo, hindi nakakamatay," sagot niya sa sulat ko.
"Ayoko sa makulit at mahangin," sagot ko naman.
"Hindi ako makulit at mahangin, football player lang," sulat niya.
"Anong konek?" sagot ko.
"Ikaw kasi ang goal ko,"agad niyang sinagot.
Napahilot ako sa noo dahil sa kakulitan niya. Hindi talaga ako tatantanan ng Adonis na 'to. Malaki siguro ang kapalit ng pustahan kaya kahit anong pang-iiwas ko, hindi siya sumusuko. Sorry na lang siya. Matalino ako at hindi ako papayag na paglalaruan lang nila.
ANGELO
NAIINIS ako sa sarili dahil lahat na atang pambabanat na niresearch ko sa google ay nasabi ko na pero walang epekto sa kanya. Pati nga mga pampapakilig na tinuro sa akin ng mga kabarkada ko ay nagawa ko na pero wala talaga akong napala. Talagang matatag ang babaeng ‘to. Hindi man lang ako nakascore. Ipinagdamot din kahit konting ngiti. Mukhang kailangan ko na talagang gumamit ng konting dahas.
"Ikaw ang adviser ng publication club, ‘di ba?” tinext ko si Akie.
"Yes sir," agad niyang sagot.
"I-assign mo si Cerise na mag-interview sa akin. Sabihin mong kailangan niyang i-account ang daily activities ko for one week," utos ko.
"Matalino si Cerise. Siguradong kukwestiyunin niya ang i-uutos ko lalo na nasa news siya nakatalaga," natanggap kong sagot.
"Ikaw ang adviser, Ms. De Jesus. Gawan mo ng paraan," inis kong tinype ang sagot ko.
"Sige po," sagot ni Akie.
Ako si Angelo Cruz, walang sinuman ang pwedeng pagtawanan ako o barahin ang mga gusto ko.
Nagpatuloy sa pagsasalita ang propesor hanggang sa inutusan niya si Cerise na ipa-photocopy ang mga worksheets namin.
Tatanggapin na sana ni Cerise ang worksheets pero agad ko itong inagaw.
"Ako na po," saad ko.
"Hindi ako na," inirapan ako ni Cerise, "ako ang inutusan."
"Eh sige, ipaphotocopy mo," hinayaan ko pero sumunod ako sa kanya.
"Saan ka pupunta?" tanong niya sa akin.
"Sasamahan kita," sagot ko.
"Malapit lang ang photocopier at hindi ako maliligaw kaya hindi mo ako kailangang samahan," tinarayan na naman niya ako.
"Samahan na kita, baka mahulog ka pa," saad ko.
"Ano ako, lampa?" inirapan niya ako habang nagsimula namang mag-ingay ang mga kaklase namin dahil kami ngayon ang naging center of attraction.
"Oo, lampa ka," sagot ko.
"Aba! At bakit mo naman nasabing lampa ako?" galit na bulyaw niya sa akin na siya namang ikina-ingay ng buong klase.
"Eh kasi dumaan ka lang sa isip ko, nahulog ka na sa puso ko," sagot ko kaya naghiyawan ang buong klase at pati propesor namin ay nakisali na rin.
"Pasama ka na Cerise," kantiyaw ng mga kaklase namin, "Mukhang ikaw lang naman ang subject na ini-enroll ni Angelo."
Padabog siyang pumihit at tinungo ang pintuan ng classroom habang namulsa naman akong sumunod sa kanya.
Mali pala ako. Ako si Angelo Cruz, walang sinuman ang pwedeng pagtawanan ako o barahin ang mga gusto ko maliban lang kung siya si Cerise Romijn Bernard.