"Ano'ng sabi mo?"
Hindi pinansin ni Khari ang tono ng boses ni Anton sa telepono.
"Biglaan, eh. Ikaw na muna ulit ang bahala kay Kristof. Alam mo'ng kailangan kong gawin 'to," simpleng paliwanag niya.
"Pero, Khari..."
Pinutol niya ang linya para di na makipagtalo kay Anton. At halos mapaigtad siya pagkalingon nang makita niyang naghihintay si Detective Allen sa dulo ng isle ng grocery store kung saan niya piniling kausapin si Anton.
Nakakunot ang noo nito at tila ngayon lang siya tunay na inoobserbahan at kanina pa pinakikinggan.
Narinig kaya niya ang pinag-uusapan namin? - pag-aalala niya.
Lumapit siya at kinuha ang trolley sa detective nang di kumikibo.
"Kaano-ano mo ba talaga si Bro. Anton?" sabi nito na nakasunod na sa kaniya.
"Kaibigan," simpleng sagot niya.
"Para mo kasi siyang... boyfriend," alanganing sabi nito. "Magkasama pa kayo sa bahay," dugtong pa nito.
Kumunot ang noo ni Khari sa sinabi nito. "Malambing ba akong nakipag-usap sa kaniya?" tanong niya para na rin malaman kung ano ang narinig nito.
"Hmm, hindi naman. Pero parang malalim ang relasyon n'yo," sagot ni Detective Allen.
Bumuntong-hininga si Khari habang kunwari'y naghahanap ng bibilhin.
"Malalim nga. Malaki kasi ang naitulong niya sa aming magkapatid mula nang maulila kami," sabi ni Khari na agad niyang pinagsisihan. Hindi niya inaasahang masasabi niya iyon sa isang estranghero.
"Nakikitira kami sa kaniya kaya gusto ko sana magkatrabaho para makatulong," paliwanag niya.
Tumango-tango si Detective Allen. "Ilang taon ka na ba?" kasunod na tanong nito.
"Hindi na ako minor, huwag kang mag-alala," sagot niya.
"You know what? You're so edgy, and still-" iiling-iling na sabi ng detective.
"Still, ano?" curious na tanong ni Khari.
"Wala, tara na. Okay na 'yan pangmerienda. Sigurado ka ba, ikaw ang magluluto?"
"Suswelduhan mo 'ko, di ba?" mataray niyang sagot.
********
Tahimik na nag-aasikao si Khari sa kusina nang isa-isang magdatingan ang mga kasamahan ni Detective Allen. Sumilip siya at pum'westo sa maririnig niya ang usapan.
"Mamayang gabi, I want two teams to patrol in the vicinity. Kausap ko na ang chairman at nabigyan na ako ng mapa ng paligid ng area na 'to at ng San Simon," dinig niyang instruction ni Detective Allen.
Lumapit pa nang kaunti si Khari nang may mag-doorbell at mahinto ang usapan. Naiirita siyang bumalik ng kusina para patayin ang pasta. Narinig niya ang pamilyar na boses ng babae na tila papunta sa kaniyang direksyon.
"Oh. I didn't know you have a visitor," sabi ng babaeng nakita niya kanina sa clubhouse. Si Claire.
"Ah, yeah. She wanted to cook for us, so..." naiilang na paliwanag ni Detective Allen sabay tingin sa kaniya nang may paumanhin.
Ayaw ni Khari na mabulilyaso ang pakay niya sa bahay na ito kaya napilitan siyang ngumiti sa bwisita.
"Hi," tanging nasabi niya.
"I hope you don't mind. Since Tito and Tita, I mean, Mr. and Mrs. Del Rosario asked me to look out after Allen, I use to come here and visit him all the time... if he needed anything," sopistikadang sabi ng tila kaedadan ng detective habang ibinababa ang dala-dala nitong merienda.
Hindi agad nakapagsalita si Khari kaya natatawa itong naglakad palapit sa lagayan ng mga platito.
"It's alright," harang ni Khari sa plano nito nang makabawi. "Ngayong nandito na ako, he won't be needing your assistance. Trabaho ko na 'yun from now on."
Binuksan niya ang cabinet saka kumuha ng mga plato bago ngumiti nang matamis kay Claire.
"Nagluto ako ng pasta, so your desert is for later," dugtong niya.
Tumaas ang kilay ni Claire pero di 'yun nagpabago ng ngiti niya.
"Well... I better go, Allen. Laters," sabi ni Claire na pinatilapon pa ang mahabang buhok nito pagtalikod at di na lumingon kay Khari.
Napabuga ng hangin si Detective Allen bago lumapit kay Khari.
"Nice. Pasensiya ka na ulit," sabay kamot nito ng ulo.
Tahimik na kumuha pa ng mga plato si Khari at inihanda sa ito counter nang hindi umiimik sa detective.
"Hey-"
"-Ah..." Napaatras si Khari nang mahawakan ni Detective Allen ang sugat niya sa braso.
"Sorry- may sugat ka?" Itinaas nito ang mangas niya at lumitaw ang bandage n'yang may mantsa ng dugo.
"Wala ito. Nahulog kasi ako sa hagdan nang mahilo ako nung isang araw," alibi ni Khari.
"Stay here," dugtong ang kilay na sabi ni Detective Allen na tumalikod at pumasok sa isang pinto.
Agad kumilos si Khari. Inalis niya ang apron at nagbalak nang tumakas nang makaramdam ng panganib. Palampas na siya sa salas nang tawagin siya ng detective.
"Khari."
Napahinto siya, lalo na nang maglingunan ang mga kasamahan nito sa salas dahil sa may kalakasang pagtawag nito sa kaniya. Nakita niya ang hawak na box ni Detective Allen nang harapin niya ito at palapitin siya. Umupo ulit sila sa kusina. Itinaas nito ang mangas niya.
"Ano'ng ginagawa mo?" alanganing tanong niya. Lalo na siyang kabahan.
Binuksan ni Detective Allen ang box at inilabas ang gunting. Isa pala itong first-aid kit.
"Huwag," harang ni Khari. Hindi niya alam ang sasabihin sa detective tungkol sa sugat niya.
Tiningnan siya ni Detective Allen ng may awtoridad, bagay na ngayon lang niya nakita sa mata nito.
Hinawakan nito ang kaniyang braso at saka ginunting ang gasang nakabalot sa sugat niya.
"Marumi na ang gasa mo. Gusto mo ba 'yan maimpeksyon?" sabi nito.
Hindi nakaimik si Khari pero di rin ito mapakali. Napahinto ang detective nang makita ang tahi ng sugat. Nagsalubong ang mata nila ngunit di nagsalita ang binata. Nilinis nito ang sugat ng antiseptic saka tinakpan ulit ng bagong gasa.
"Bakit ka nahilo?" tanong nito.
"H-huh?"
"Sabi mo nahilo ka kaya ka nahulog sa hagdan. May sakit ka ba?" tanong ng detective.
"K-kulang lang ako sa dugo. Normal na sa 'kin 'yun," paliwanag ni Khari.
Maingat na ibinaba ni Detective Allen ang manggas niya.
"Salamat," tanging nasabi ni Khari.
"Inumin mo 'tong antibiotic para sa sugat mo. Tutulungan na kita maghain," sabi ng detective na kumuha na ng mga plato.
"Okay lang ako, ako na ang mag-seserve," salo ni Khari. "Kaya ko naman."
"It's okay. Don't worry. Hindi ka aalis dito."
Nagtatakang tumingin si Khari sa binata.
"Alam kong kailangan mo' to," sabi ng Detective. "Narinig kita kanina," dugtong nito na tila nahihiya.
Hindi na umimik si Khari at hinayaan na ang detective na isipin kung anuman ang kalagayan niya. Tinulungan pa rin siya nito na ihain ang pagkain sa mga kasamahan.
Naghuhugas siya ng pinaggamitan nang isa-isang magpasukan ang mga pulis, bitbit ang mga pinagkainan nila.
"Kayo na ng Charlie team ang umikot sa paanan ng bundok na 'yun. Kami nang Bravo team ang iikot dito sa paligid ng subdivision. Okay na ba sa inyo ang anim na tao?" Ngumiti sa kaniya ang inspektor na lumapit at nag-okay sign tungkol sa luto niya habang inilalapag ang plato sa lababo.
Bahagya siyang tumango.
Mabilis na tumakbo ang isip ni Khari sa mga dapat niyang gawin ayon sa mga narinig. Kailangang maunahan niya ang mga ito sa pagtuklas ng hideout ng mga demonyong target niya.
Mayamaya'y narinig na niya'ng nagpaalam ang mga kasamahan ng detective.
"Khari, gagabihin ako. Puwede ka bang mag-stay dito?" tanong ng detective na ikinagulat niya.
Hindi ako uuwi? -sabi ng tingin niya sa detective.
"You just told Claire that I wouldn't need her help anymore. Take responsibility," duro ng detective sa kaniya. "I don't think ipapahiram pa niya sa 'kin ang kasambahay niya unless I requested it to her personally. And I don't wanna do that."
Hindi niya inaasahan ang sitwasyon na iyon. "Pero wala man lang akong damit pamalit," alibi niya.
Kailangan niyang makauwi para makakuha ng mga gamit niya. At ang ibig sabihin no'n ay ang kaniyang baril at patalim. Hindi siya napakali.
"Okay, ihahatid kita," nangingiting wika ng detective na tumingin sa relo, "Saka kita ibabalik dito bago ako pumunta ng station."
Hindi na nagreklamo si Khari kahit pa gusto niyang magreklamo.
Pinag-aralan niya ang puwesto ng mga cctv na nakita sa bahay. Habang palabas ng subdivision, pasimple niya ring minatyagan ang mga posteng may camera.
"Kinakabahan ka ba?" tanong ni Detective Allen na ikinagulat niya. "Kanina ka pa tumitingin sa mga cctv, eh."
Hindi agad nakaimik si Khari at humanga sa matinik nitong obserbasyon. Pero hindi niya 'yun ikinatuwa. Ibig sabihin lang ay nakamatyag din ito sa kaniya.
"Ilan ba ang guards dito? Marami bang nagbabantay sa gabi?" tanong niya. Sinadya niyang magmalumanay ng tono.
"Don't worry, dalawa ang nagroronda dito maghapon at doble sa gabi," sagot ng detective. "Just lock the gate, lock the doors and you'll be fine."
Tumango-tango si Khari at ngumiti nang bahagya. Kailangan niyang umastang mahina at delicate para di siya nito pagdudahan.
Pagdating nila sa bahay ay agad sumalubong si Anton.
"Sandali lang, ha?" paalam niya kay Detective Allen. "Bibilisan ko lang."
"Take your time. Maaga pa naman," mabait na sagot ng kausap.
"Khari..."
Nilampasan ni Khari si Anton matapos kumaway sa detective.
"Sandali lang, ha? Bibilisan ko lang," gaya ni Anton kay Khari habang umaakyat sila ng hagdan. "Take your time. Maaga pa naman," gaya naman nito sa detective.
"Huwag ka ngang maingay," sita ni Khari na nagulat sa inasta ni Anton.
Ito ang unang pagkakataon na nag-astang bata ito. Siya naman ay bumalik na sa normal niyang tono. Seryoso, malamig at kadalasa'y walang emosyon.
"Ano ba'ng naisip mo at namasukan ka na lang basta sa pulis na 'yun?" di pasupil na sita ni Anton.
"Shh! May lead sila na kailangan kong malaman. Hindi ako magtatagal sa kanila," sagot ni Khari matapos dumiretso sa kaniyang mga damitan.
Isinaksak niya ang ilang pares ng damit sa kaniyang maliit na bag at tinabunan ang kaniyang 9mm pistol, ice pick at balisong.
"Delikado 'yang ginagawa mo, Khari. Masyado kang nagpapadala sa emosyon mo," harang ni Anton nang maisara ni Khari ang bag.
"Anton, please," pakiusap ni Khari. "Hindi ko puwedeng palampasin ito."
"Khari, pakiusap din. Hindi ka nag-iisip nang malinaw. Detective ang kasama mo ngayon," diin ni Anton sa salita para lang magising ang kausap.
"No, Anton. Ngayon lang ako nakakapag-isip nang matalas. Can't you see? Ito na ang huli. Kapag nakuha ko na ang hustisyang gusto ko, magagawa ko na ang pinakahihiling mo... Ang makapagpahinga ako." Lumambot ang mga mata ni Khari at napabuntong-hininga na lang si Anton.
"Hindi ka pa malakas. Papayagan kitang kumolekta ng impormasyon pero hindi ka pa kikilos, naintindihan mo? Ikapapahamak mo ang sumugod sa kondisyon mo ngayon," wika nitong pigil-pigil ang bag ni Khari.
"Okay, pangako, mag-iingat ako." Ngumiti si Khari at hinawakan ang pisngi ng binata.
"Sa oras na may nangyari sa 'yo-"
"Ate Khari."
Hindi naituloy ni Anton ang nais sabihin nang sumulpot si Kristof. Nabitiwan ni Khari ang bag nang makita ang kapatid sa ibaba ng hagdan. Pinuntahan niya at niyakap ito.
"Kristof, dito ka muna, ha? Magpakabait ka," habilin niya.
"Saan ka pupunta, ate? Hinuhuli ka ba ng pulis sa labas?" tanong nito.
"Hindi, bakit naman niya ako huhulihin? Pero sasama ako sa kaniya. Magta-trabaho lang si ate para may regalo ako sa 'yo sa bagong taon," pampalubag-loob niya.
"Baka di ka na niya ibalik, ate," nag-aalalang sabi ng kapatid.
Niyakap niya ang kapatid. Niyaya niya si Kristof palabas para makita ang sasakyan ng detective. Nakatayo na ito at nakasandal sa kaniyang kotse habang naghihintay.
Kumaway naman ito sa kanila nang nakangiti na ipinagpasalamat niya nang lihim para sa kaniyang kapatid.
"Huwag kang magpasaway kay kuya Anton, ha?" muling habilin ni Khari sa bata.
"Isosoli ko 'yung malaking laruan, basta umuwi ka, ate," sabi ni Kristof na ikinangiti niya.
"Para sa 'yo talaga 'yun, Kristoff. Magta-trabaho lang si Ate Khari mo sa bahay ko. Kailangan ko kasi ng tulong, okay?" paliwanag ng detective.
"Oh, naniniwala ka na?" masayang tanong ni Khari.
Sasakay na siya ng kotse nang iabot ni Anton ang bag niya sa kaniya.
"Mag-iingat ka, Kharizza," seryosong bilin nito.
"Salamat. Uuwi rin ako agad," paalam ni Khari na kumaway na.
Habang papalayo ay nakadungaw pa rin si Khari sa dalawa.
"They look so worried," puna ni Detective Allen na tumitingin sa front mirror. "Ako ba ang may gagawing di mabuti o ikaw?" tanong nito.
Alarmang tumingin si Khari sa kaniya. Napakapit siya sa kaniyang bag. Kung di pa ngumisi ang detective ay maiiisip na niyang dumukot ng kahit anong armas sa loob ng bag niya.
"Hindi ba talaga uso sa 'yo ang joke?" natatawang wika ng detective. "Saang parte ba ng Palawan ka nakakulong? Marami namang turista do'n," patuloy nitong pang-aasar.
Tumingin na lang sa daanan si Khari at huli na nang makuha ang ibig nitong sabihin sa kaniya. Pigil siyang napangiti. Kahit natatawa ay pinaalalahanan niya ang sarili na maging mahinahon kung ayaw niyang mapagdudahan nito.
Pagdating sa bahay nila detective ay agad nitong itinuro sa kaniya ang isang pinto.
"Dito ka matutulog. Okay lang ba?"
Nilibot ni Khari ang may kalakihang kuwarto. "Ang laki naman ng quarters ninyo," sambit niya.
"Quarters? Hindi. Guest room namin ito. Maraming gamit sa quarters, huwag ka do'n. May CR na 'yan sa loob kaysa sa kusina ang gagamitin mo."
"Pero okay lang naman ako-"
"Dito ka. End of discussion."
Tumalikod na ang detective at saka umakyat sa itaas. Pagbaba ng detective ay nakapagpalit na ito ng suot. Pinagmasdan ni Khari ang puwesto ng baril na isinabit nito sa may dibdib at baywang. Pagbaba nito, inayos naman ang revolver sa ilalim ng kaniyang pantalon.
"Gwapo na ba?" Nagulat si Khari sa biglang pagharap ni Detective Allen sa kaniya.
"Huwag mong i-deny, kanina mo pa 'ko pinapanood," sabi nitong may ngisi sa gilid ng kaniyang labi.
"Hindi naman ako sa mukha mo nakatingin," depensa ni Khari na biglang pinag-initian ng pisngi.
"Ngayon ka lang ba nakakita ng baril?" sabay tingin nito sa gamit niya. "It might amaze you but don't even try. It's extremely dangerous," pangaral nito.
Sumunod si Khari palabas ng bahay.
"Here's the key and my number. Save it." Matyagang pumindot si Khari sa kaniyang old model phone. "Kung may problema, tawagan mo lang ako. I have my own keys so just lock every doors, even yours. And this gate. Okay?"
"Okay."
Pinanood ni Khari na makalayo ang sasakyan ng detective bago niya inilibot ang mata sa paligid. Ilang sandali na lang ay papadilim na. Agad niyang ni-lock ang gate at ang lahat ng pintuan ng bahay. Dahil sa pagkagat ng dilim, mayroon siyang aasikasuhin.
*****
Muling sinilip ni Khari ang bintana sa hagdanan kung saan kita doon ang maliit na daan ng kabilang liblib na lugar. Salamat sa matatas na poste ng ilaw galing sa subdivision, hindi siya masyadong mahihirapan.
Matapos niyang magluto, isa-isa niyang pinatay ang ilaw ng buong kabahayan saka pumasok sa kaniyang kuwarto. Ilang sandali lang, maingat siyang lumabas dito. Suot ang itim na jacket at bitbit ang kaniyang bag, maingat siyang tumaliwas sa tatamaan ng cctv upang makalabas nang di nakikita dito.
Mula sa likod ng bahay, umakyat ng bakod si Khari at tinalon ang kabila. Sigurado siyang ito ang tinutukoy ng team ni Detective Allen patungkol sa grupo ng mga demonyong tinutugis niya. Mabilis niyang tinunton ang daan patungo sa madilim at liblib na lugar.
Bago pa makalayo nang husto ay lumihis na siya ng daan upang makapagtago sa kakahuyan. Sa tantiya niya ay may kalahating oras na siyang naglalakad. Malayo-layo na ang narating niya at ni isang bahay o kubo ay wala siyang nakita. Sa di kalayuan, may nahagilap na ang kaniyang mata na isang lumang kubo. Napapalibutan ito ng yero na tila naabandona sa pagbuo. Sa loob noon ay tila mahinang sindi ng lampara o siga pero dahil sa layo ng distansiya ay di niya masigurado.
Papalapit na sana siya para magmanman nang makarinig siya ng mga tapak sa tuyong dahon at sanga. Muli siyang nagtago sa dilim. Ilang sandali pa ay namatay ang ilaw sa loob ng kubo at nawala ang ingay ng mga yapak. Nakaramdam siya ng panic. Hindi niya alam kung may nakakita ba sa kaniya o tumatakas na ang mga naroon. Pilit niyang nilakasan ang pakiramdam.
Hindi puwedeng makalayo ang mga nandoon. Kailangan niyang makita kung sino ang mga ito!
Umakyat siya ng puno para makapagtago. Pero sa kasamaang palad, dumulas ang kaniyang paa at tuluyan siyang nahulog. Mahigpit ang pagkakabalot ni Detective Allen sa sugat niya sa braso pero hindi na ang balot niya sa kaniyang sugat sa tagiliran. Halos mamilipit sa sakit si Khari nang tumama sa bato ang tagiliran niya.
Muli siyang nakarinig ng mga yapak kaya kahit di siya makahinga ay pinilit niyang tumayo at lumayo. Nakakita siya ng ilaw ng flashlight na lalo niyang ikinabahala. Di niya inalintana ang sakit ng sugat at pilit nag-focus sa pagtakas.
Sa wakas ay nakita niya ang wasak na pader ng subdivision. Lumampas na siya sa dapat niyang balikang bakod.
Di na siya nagdalawang-isip na tumalon at pumasok dito. Saktong dumaan naman ang motorsiklo ng nagrorondang guardiya at nagtapat ng flashlight sa kaniyang direksyon. Mabuti na lang at nagawa niyang gumilid sa malagong halamanan at di siya nito namataan.
Lumabas si Khari at itinago ang mukha sa kaniyang hood nang makalayo ito. Mabilis siyang naglakad. Ilang bahay na lang at abot na niya ang gate nila Allen nang may humarang sa kaniya.
"You're a thief!?"
Nagulat si Khari sa biglang pagsulpot ni Claire sa harapan niya.
"I'm right, am I?" malakas nitong sabi. "I knew there's something odd with you. Niloloko mo si Allen!"
Hindi makaimik si Khari. Hindi niya napaghandaan ang bagay na ito. Kumabog lalo ang puso niya nang huminto bigla ang kotse ni Detective Allen sa harap nila.
"What's happening here?" tanong nito.
"Good, you're here," matapang na wika ni Claire. "Why don't you ask your so-called girlfriend? Or is she your new maid? Seriously, Allen, I'm not sure if you know what you're doing," dere-derechong sabi nito.
Sinulyapan ni Detective Allen si Khari saka tumingin nang masama kay Claire.
"Don't talk to my girlfriend like that," matigas na sabi nito.
"Okay, fine. She's your girlfriend. Pero kailan mo ba nakilala ito at saan? I caught her lang naman na tumatakas sa roving guard at patakbo na ulit sa bahay mo, looking like that," sabi ni Claire na tinuturo ang hitsura niya. "I didn't even see her go out and now she's here?"
Nakaramdam ng sabay na init at lamig si Khari sa kaniyang mukha. Tila naduduling na siya at nasusuka, di niya malaman kung sa kabang kan'yang kinakaharap o sa kaniyang sugat na kumikirot, lalo ngayon na nakatingin sa kaniya si Detective Allen.
"Khari, what is she saying?" naguguluhang tanong ng binata."Saan ka nanggaling?"
"You barely know her, do you?" gatong ni Claire. "Why don't you check her bag?"
Napakapit nang mahigpit si Khari sa strap ng bag na nasa likuran niya. Hindi na talaga siya makaimik sa nangyayari.
"Sa bahay na," sabi ng detective.
"No, Allen. Ako ang nakahuli sa kaniya, I want to see it for myself," giit nito.
Bumuntong-hininga si Detective Allen matapos ang ilang sandali. "Khari, just give me your bag," utos nito.
Hindi pa nakakakilos si Khari ay hinablot na ni Claire ang bag niya. Nagmamanhid na ang kaniyang ibabang katawan. Tanging nagawa na lang niya ay titigan ang kaniyang bag na magdudulot sa kaniya ng kaniyang katapusan.