Hindi siya makahinga.
Hindi siya makahinga!
Kumikirot ang ulo ni Khari. Hindi lang dahil hindi siya mapakali sa loob ng simbahan, kung di dahil dapat ay nasa ibang lugar siya, gumagawa ng mga bagay na di pangsimbahan.
Dapat ay nasa ibang lugar siya ngayon, tinatapos ang matagal na niyang misyon!
"Dahil ngayon ay panahon ng kapaskuhan, ng pagkabuhay ni Kristo na simbolo ng pag-asa at kapatawaran, ang papalapit na bagong taon... "- patuloy na sermon ng pastor.
"Ang saya ko na sana na nakasama kita ngayon," pasimple at nakangiting bulong ni Anton sa may tenga ni Khari. "Mas masaya lang kung tatlo lang sana tayo nila Kristof."
Matalim na tingin ang pasimpleng ibinato niya kay Anton bago siya sumilip sa kabilang side ng helera nila. Nahuli niyang nakasilip ang mga magulang ni Allen sa kaniya habang ang detective ay sumusulyap din sa kaniya nang walang expression ang mukha.
Hindi pa rin makapaniwala si Khari na sumama dito sa kapilya ang buong pamilya ni Allen. Nagulat siya nang biglang mag-yaya ang mga ito na dito sa kaniya tumuloy.
Maging si Anton ay nagulat na makita siyang dumating. Hindi niya na alam pa kung ano ang tumatakbo sa utak nito nang makita ang kan'yang mga kasama.
Ang rason ni Mrs del Rosario ay hindi raw nila gustong mag-unang mass na di kasama si Allen. Inaasahan kasi nilang sa kaniya sasama ng pagsimba ang anak nila dahil magkasintahan sila.
"Ate, ang ganda mo," sabay ngiti nang maaliwalas ni Kristof. Naniningkit ang mata nito sa tuwa.
"Salamat, hiram lang ito," sagot niya patungkol sa kaniyang bestida.
"Pakipaliwanag mamaya kung ano'ng nangyayari sa 'yo sa bahay na 'yun." Napatingin si Khari sa tono ng boses ni Anton. Tila may talim na ang salita nito.
"Hindi ko rin alam," sagot niya. Hindi niya maaamin kay Anton ang sitwasyon nila ni Allen ngayon. Lalo kasi itong mag-aalala at maguguluhan.
"Shhh..." mahinang saway ng daddy ni Allen. Hindi na muling umimik sina Khari.
Sumunod siya nang lahat ay magtayuan. Nagsimulang tumugtog ang "Ama Namin" at nagulat si Khari nang kunin ni Allen ang nakababa pa rin niyang kaliwang kamay at gano'n din si Anton sa kaniyang kanan. Sumingit naman si Kristof sa pagitan nila ni Allen saka kinuha ang kamay ng kapatid.
Lumilipad ang isip niya sa bundok na dapat niyang kinalalagyan ngayon nang kalabitin siya ng kapatid. Tumayo ito sa upuan at hinalikan siya sa pisngi. "Peace be with you ate, sabi ni Pastor," sabi nito.
Tumango lang si Khari at pilit na ngumiti sa kapatid.
"Peace be with you." Napapitlag si Khari nang idikit ni Allen ang labi sa pisngi niya. Mabilis sumangga ang kamay niya pero naibaba 'yun ni Allen bago pa makita ni Mrs. Del Rosario na lumapit at niyakap siya nang mahigpit.
"Peace be with you, hija," bati nito.
"P-peace be with you po," napilitang tugon niya. Itinulak siya ng mommy ni Allen papunta sa daddy nito na nag-angat ng kamay at ngumiti. Wala siyang nagawa kung di ang tanggapin ang bisig nito.
"Peace be with you, Khari, " sabi nito na tinugunan niya ang pagyakap. "Kristof, right?" tawag nito sa kapatid niya.
Nang lingunin niya ang kapatid, kakakalas lang nito ng yakap sa ina at kapatid ni Allen at masayang tumakbo kay Mr. Del Rosario.
Lumayo ng tingin si Khari nang may kumurot sa puso niya sa eksenang nakikita. Huli na nang mapansin niya ang nagmamatyag na tingin ni Allen at ng nasa likod nitong si Anton.
*****
"Khari, can we talk?" wika ni Mrs. del Rosario.
Binitiwan ni Khari ang sandok at lumapit sa ina ni Allen na nasa kitchen table at tinutulungan siyang magluto.
"Bakit po, T-tita?" Awkward niyang tanong pagkalapit niya dito.
"Alam kong wala ako sa posisyon para magtanong ng personal na bagay pero..." hinawakan siya nito at ngumiti nang may paghingi ng paumanhin. "Ilang taon ba kayo nang mawala ang inyong mga magulang? Ano ang ikinawala nila?"
"Bata pa po kami. Pero okay lang po ako, totoo po. Ayoko lang po'ng mapag-usapan kung okay lang," derechong sagot ni Khari. Ayaw niyang maging bastos pero hindi niya gustong pag-usapan ang topic.
Hindi nawala ang ngiti ni Mrs. Del Rosario, sa halip ay pinisil nito ang kaniyang mga kamay.
"Hindi pa tayo matagal na magkakilala, pero somehow, I know what Allen saw about you. You're a strong, independent and a good person, Khari, I can see that, too," wika niya.
Nalugod ang puso ni Khari sa kabaitan ng mommy ni Allen. Bagay na naaalala niya sa mommy niya. Ni minsan ay di niya nakita ang mommy niya na humusga o makipagchismisan sa buhay ng may buhay. Madalas pa nga ay naririnig niyang ipinagtatanggol ng mommy niya ang ibang tao. Laging nakagitna.
Kaya naman nahihirapan siyang patuloy na magsinungaling sa kaniyang kaharap.
"Ma'am... Ang totoo po... Ang totoo po'y namasukan ako kay Allen para mag-asikaso dito. Wala po talaga kaming relasyon," pag-aamin ni Khari. "Hindi lang po niya masabi sa inyo dahil-"
"-Dahil gusto ka niya," sagot ng kaharap.
"Hindi po gano'n-" paliwanag ulit ni Khari na tinawanan lang ng ina ni Allen.
"I may not know you, young lady, but I know my own son pretty well," sambit nito. " I knew it the very first minute he introduced you. And look," sabay turo nito sa garden kung saan naghahabulan si Allen at ang kaniyang kapatid. Niyayaya nila si Kristof na mag-stay sa kanila for a day na agad inoohan ng bata.
"Don't tell me, gusto lang niya ng bunsong kapatid," sabi nito. "And how would you explain 'yung naabutan namin kagabi?" nangingiting tanong nito.
I am f****d. - tanging nasabi ni Khari sa kaniyang isip. Naramdaman na naman kasi niya ang pag-init ng tenga niya.
Natawa si Mrs. Del Rosario.
"Mom," humahangos na lapit ni Allen. "Baka hindi na ako makakain dito. I need to go."
"Bakit, may nangyari ba?" tanong agad ni Khari.
"Nothing. Just work," tipid na sagot ni Allen kay Khari bago lumingon kay Kristof na papalapit na rin sa kanila.
"Hey, buddy, bantayan mo ang ate mo at sila mommy, okay? Saka kita bibigyan ng police uniform pagbalik ko," habilin nito.
"Yes, sir Detective!" sabay saludo ni Kristof kay Allen.
"Carry on. Alis na ko Ma, Khari," paalam nito matapos sumaludo pabalik sa bata.
"Take care, son," basbas ng ina.
"Mag-iingat ka," sagot din ni Khari. May kakaiba siyang kutob sa lakad ni Allen ngayon. Lalo na nang ikabit ni Allen ang mga holster ng baril bago ito nag-jacket.
"Alpha one, we're on our way, roger," message sa radyo nito habang palabas ng bahay.
Agad inalis ni Khari ang apron saka tyumempo ng paalam.
"Ma'am, iuuwi ko muna po si Kristof."
"Bakit?" tanong ni Mrs. Del Rosario
"Ahm, may aayusin po kasi ako sa school niya bago magpasukan ulit," alibi niya.
"Gano'n ba? Linggo ngayon, di ba?" nagtatakang tanong nito.
"Kalapit lang po namin 'yung school nila. Building po iyon ng principal at doon siya nakatira."
"I see. Kung hindi naman kailangang sumama ni Kristof, iwan mo na lang siya dito," sabi nito. "Kristof and I will play with baby Cholo, right?" sabi nito sa kapatid niya na komportableng nakasandal sa yakap ng matanda.
Gustuhin man n'yang kumontra, wala na siyang oras. Kailangan niyang makasunod kay Allen o maunahan ito. Malakas ang kutob niyang tungkol sa grupo ni Peter ang biglaang pagtawag sa binata ng mga kasamahan niya.
"Kayo po ang bahala. Kristof, halika sandali," tawag niya sa kapatid. Umupo siya at bumulong dito nang makalapit ito. "'Pag dumating si kuya Anton at kinuha ka, sumama ka, naiintindihan mo?" mahinang bilin niya.
"Bakit po?"
"Kristof, naiintindihan mo ba?" ulit ni Khari.
"Opo," malungkot na sagot ng bata.
*****
Tahimik na pinasok ni Khari ang kakahuyan. Imbes na baybayin ang dating dinaanan, umikot siya paitaas para masilip sila sa ibaba. Inikot niya ang paningin para mamataan ang grupo ni Peter at mga tauhan ni Allen.
Mula sa kaniyang pwesto, kita niya ang kubong tinigilan ng mga kasamahan ni Peter. Walang tao sa labas. Mayamaya pa'y nahagip na ng mata niya ang grupo ni Allen sa 'di kalayuan.
Hindi! Dapat ko silang maunahan!- sigaw ng utak ni Khari.
Tantya niya ay may kinse minutos ang layo ng posisyon ng mga tao ni Allen sa hinihinalang niyang kuta ni Peter. Mabilis siyang umikot sa kabila para babain ang kubo. Sa di inaasahang dahilan, may puno at malalaking tipak ng bato mula sa itaas ang biglang gumuho at gumulong paibaba. Tinamaan ang kubo.
"Hindi!" bulalas ni Khari. Mabilis niyang binaba ang lugar. Hindi niya makita sa nabagsakang kubo kung may tao dito o wala. "Hindi, hindi, hindi..." natatarantang bigkas niya. Narinig niya na ang mga yabag ng takbo sa di kalayuan. Marahil ay grupo na iyon ni Allen pero pilit niyang sinilip ang kubo. Nakakita siya ng mga marka ng sapatos sa putik na lupa at agad niya 'yun sinundan.
"Men, over here!" dinig na niyang sigaw ni Allen.
Napilitan na siyang lumayo at tuluyang sinundan ang marka sa putikan. Hindi niya pinangarap ang mahuli lalo pa sa kamay ni Allen.
Natagpuan niya ang isang lalaking binabaybay ang ilog. Isa ito sa mga nakita niya sa kubo.
Dinikitan niya ng distansiya ang lalaki habang sinusuyod niya ng tingin ang paligid kung kasama nito sina Peter. Nang makatawid na rin siya ng ilog, biglang nawala ang sinusundan. Nilakihan niya ang mga hakbang para makahabol, pero di niya ito makita.
"Sino ka!"
Biglang napaatras si Khari nang may humila ng buhok niya. Kinaladkad siya nito patungo sa kakahuyan.
"Bitiwan mo ko!" laban niya.
"Kasama ka ba ng mga pulis? Ha? Puwes, bago ka nila masundan, yari ka na sa 'min!" wika ng lalaki.
Sandaling nawala ang panic sa dibdib ni Khari dahil naging malinaw sa kaniya na buhay pa sina Peter. Hindi na siya nanlaban. Panaka-naka'y pumipiglas siya pero ang totoo'y gusto niyang matagpuan kung saan ang bago nilang pinagtataguan. Delikado pero wala siyang pakialam.
"Boss! May regalo akk-" Bago pa matapos ang sasabihin ng lalaki, nakapa na ni Khari ang kutsilyo na nakasukbit sa kaniyang beywang at hiniwaan ang brasong nakasabunot sa kaniya. Kasunod ay ang mabilis niyang pagduyan ng kutsilyo sa lalamunan nito na agad ikinabagsak ng lalaki.
Umikot siya sa isang malaking puno at nagtago. Maingat siyang sumilip para matantya ang eksaktong lugar nila Peter.
Mula sa ilang metrong layo, lumitaw ang isa pang lalaki na nagulat nang mamataan ang kasamahan niyang nakahandusay sa lupa.
"Arnel!" Inuga nito ang patay. "Boss! May kalaban!"
Tinalon ni Khari ang lalaki kasabay ng pagsaksak sa likod nito. Pero dahil maagang nakalingon, nakaiwas ang lalaki na sa balikat lang tinamaan. Agad itong nakasuntok kay Khari na napaatras sa bangkay kaya napahiga siya.
"Tarantado ka, ha." Sinunggaban siya ng lalaki at sinuntok sa mukha. Nakaiwas siya at sa may leeg tinamaan. Nakaramdam si Khari ng bahagyang hilo. Inangat siya nito hawak ang damit niya. "Akala mo kaya mo kami, ha?"
Humanap ng balanse si Khari sa pagkakatayo at saka humugot na panibagong kutsilyo sa kaniyang boots. Itinarak niya 'yun sa braso ng lalaki malapit sa pulso at saka hinila ito. Napahiyaw ang lakaki at nanlambot ang pagkakawak nito sa kaniya kaya agad niyang inikutan ito, sinipa ang alak-alakan saka sinaksak ito sa may leeg. Pumalahaw ang hiyaw nito.
Nakarinig ng putok ng baril si Khari. Galing 'yun sa direksyon kung saan siya nanggaling. Hinuha niya ay nakasunod na rin sila Allen.
Nakita niya ang dalawang lalaki na tumatakbo sa kabilang direksyon kaya agad niya 'yun hinabol.
Hindi pa siya nakakalayo ay may sumalubong na hampas sa kaniyang ulo at nagdilim ang kaniyang paningin.
*****
Nanuot ang masangsang na amoy sa kaniyang ilong na dahan-dahang nagpabalik ng kaniyang kamalayan. Nang buksan niya ang kaniyang mata ay madilim na. Nakasandal siya sa isang ugat ng malaking puno at may punit na tela sa kaniyang mukha. Doon nanggaling ang mabahong amoy.
Parang amonia.
Mabilis siyang naalarma nang magbalik sa kaniya ang pangyayari bago siya nawalan ng malay. Medyo nahihilo pa siya nang makatayo. Doon niya napansin na ang nakalaylay na tela ay galing sa damit niya na tila napilas. Inikot niya ang paningin sa paligid para matanto kung nasaang parte siya ng kakahuyan.
Matapos ang mahigit-kumulang na kalahating oras, natagpuan niya ang daan papunta sa ibaba. Binalikan niya ang bag niya sa malaking tipak ng bato kung saan siya nagtago kahapon pero wala na ito doon. Lalong sumakit ang ulo niya.
Nasaan ang bag niya?
*****
"Ano ba talaga ang nangyari, ayos ka lang ba?" Salubong ni Anton sa kaniya paglabas niya ng banyo. Dumeretso siya sa bahay ni Anton mula sa bundok para makapag-ayos ng sarili. Umupo siya sa tabi ng binata bago ito tumayo at pumwesto sa likod niya.
"Muntik ko na silang mahuli. May humampas lang sa ulo ko kaya nawalan ako ng malay," maikling kuwento niya.
Napapikit si Khari habang nilalagyan ni Anton ng betadine ang sugat sa ulo niya. Maingat niyang tinakpan ng buhok ang sugat na ayaw niyang palagyan ng bandage.
"Kukunin ko na si Kristof. Delikado na ang buhay mo, Kharizza, kilala ka na nila," babala ni Anton. "Wala sa plano natin ang mapahamak ka."
"Huwag, ako ang mag-uuwi dito kay Kristof," sagot niya. "Magdududa sila kung hindi na ako magpapakita. Isa pa, buhay pa rin ang hayop na Peter at Simon na 'yun," dugtong niya. "Kailangan ko lang ng mas maiging plano."
Umiiling na humarap si Anton sa kaniya matapos lapatan ng bandaid ang mga galos niya.
"Hindi na kita mabasa," wika nito. "Parang wala nang halaga ang kahit ano sa 'yo, Khari. Paano kami? Si Kristof? Paano ako?"
Huminga nang malalim si Khari. "Hindi mo ako naiintindihan, Anton. Malapit ko na 'to matapos," pagkukumbinsi niya muli sa binata.
"Oo Khari. Sa ginagawa mo, malapit ka na ngang matapos. Lalo na 'yang buhay mo," matigas na sabi ni Anton.
"Anton..."
"Khari, uulitin ko sa 'yo, kahit mapatay mo sila, hindi na babalik pa ang dati sa buhay mo. Ang buhay natin. Hindi ka na magkakaroon ng katahimikan," babala ni Anton.
"Alam ko 'yun! At wala akong pakialam. Ang mahalaga, wala nang matulad pa sa amin ni Kristof," galit na rin na giit niya. Tumayo na siya at nagpatong ng long sleeve na polo.
"Aalis na 'ko," paalam niya.
"Magpahinga ka muna sandali," harang ni Anton. Suko na ulit ang boses nito.
"Baka hanapin ako ni Allen... At ni Kristof," dahilan niya. Inalis niya ang kamay ni Anton sa balikat niya at tumungo na sa hagdan.
"Tatawagan kita," habol ni Anton.
"Hindi mo 'ko makokontak. Nawala ang gamit ko."
******
Nang makarating ng subdivision, agad binanggit ng mga guard sa gate na wala ang pamilya ni Allen at hindi pa bumabalik kaya wala siyang inaasahang tao sa bahay ng mga Del Rosario.
Tahimik siyang pumasok ng bahay at dumiretso sa kaniyang kuwarto. Ipinahinga niya ang pagal na katawan sa nagiging pamilyar na kama. Kahit masakit ang kalamnan ay kailangan niyang makapagplano nang maayos sa susunod niyang mga gagawin. Sinipat niya ang mga lumang sugat niya, maayos naman ang mga 'yon. Nadagdagan lang siya ng mga pasa at ang sugat niya sa ulo. Medyo masakit din ang kaniyang mukha pero dahil sa ointment ni Anton ay parang manhid na ito. Pumasok siya ng banyo para tingnan ang foundation na inilagay. Natatakpan naman no'n ang maga sa ilalim ng kaniyang mata.
Sinilip niya ang oras pagbalik sa kama, alas otso pa lamang ng gabi. Marahil ay pauwi pa lang ang pamilya ni Allen. Kahit papaano ay nakaramdam siya ng kasiyahan para sa kapatid. Siguradong masaya ito maghapon. Kung sana'y 'di nawala ang bag niya, matatawagan niya sana si Kristof para kumustahin. Ngayon ay kakailanganin na naman niya ng bagong--
Nahinto ang kaniyang pagpapahinga nang makarinig siya ng ring ng cellphone. Pamilyar ang tunog nito kaya agad siyang napatayo ng kama. Mabilis siyang lumapit sa pintuan ng kuwarto, bitbit ang kabog ng dibdib.
Pagbukas ng pintuan, sumalubong si Allen, hawak ang cellphone niya.
"Sino ka talaga, Khari?"