Huminto ang pagsipol ng lalaki kaya huminto rin ang hakbang ni Khari.
Tamang-tama na nasa madilim na silang parte ng lugar. Talagang laging tamang panahon para sa karma, pero sisiguraduhin niyang matatanggap ito ng lalaking ito ngayon. Tinikom ni Khari ang mga kamao at humarap.
Nauwi sa paghawak niya sa kaniyang dibdib ang dapat ay pagsuntok nang pigilan niya ang sarili sa pag-atakeng balak. Si Allen kasi ang nasa kaniyang harapan ngayon.
"Detective, anong ginagawa mo dito?"
"To save you?" wika nito.
Hinarap ni Allen ang hinarang na lalaki at pinilipit ang kamay nito.
"A-ah!" daing ng lalaking napaluhod.
Tumaas ang kilay ni Khari at napaatras sa nasaksihan.
Nakaagaw ng atensyon ang palahaw ng lalaki kaya nagtayuan ang mga kasama nito. Naghanda si Khari sa maaring gulo. Agad siyang naghanap ng madadampot na panghampas at mahigpit itong hinawakan.
Inilabas naman ni Allen ang kaniyang sukbit na baril at ID kaya di na nakapalag ang grupong papalapit.
"Ipadadampot ko kayong lahat kung hindi n'yo kaya ang alak sa mga katinuan niyo," wika ni Allen sabay muling pihit ng kamay ng lalaking hawak. "Khari, are you okay?" tanong sabay lingon nito sa kaniya.
Binitiwan niya ang kahoy at tumango bago lumapit kay Allen.
"Oo. Tara na, detective," aya niya.
"Mag-sorry ka," wika ni Allen sa lalaking hawak. Muli nitong inikot ang kamay ng nakaluhod.
"S-sorry- ah!" tugon sabay daing ng lalaki. Kung tutuusin ay mas malaki ito kaysa kay Allen pero di iyon nakapigil sa detective.
"Matuto kang gumalang ng babae, ha?" sabi pa ulit ni Allen.
"Tara na, detective. Bitiwan mo na siya," aya ni Khari kahit pa ang totoo ay di sapat na hindi siya ang nakaganti dito.
Nang makapagbayad ay dumiretso na sila sa parking. Tahimik silang sumakay ng sasakyan.
"Bakit di ka bumalik sa mesa natin kanina?" tanong ni Allen na di niya agad nasagot.
"Nalito ako," rason niya. Iniwasan niya ang tingin nito at itinuon sa kumukutitap na parol sa poste.
"Mas naprotektahan sana kita agad kung sa akin ka dumeretso. He could have taken advantage of you bago ako nakasunod. Ang liit-liit mo kumpara sa kaniya," muling sabi ni Allen.
"Thank you. Nataranta lang talaga ako," sagot niya kahit gusto niyang magreact sa salita nitong maliit.
Hindi naman gano'n kalayo ang height niyang five feet six inches sa height ni Allen na tantya niya ay five feet ten. Pero kung ikukumpara sa laki ng katawan noong lalaki kanina at sa payat niya, oo, maliit nga siya. Hindi niya lang talaga tinitingnan ang mga bagay na iyon pagdating sa pagganti.
"Paano mo nalamang may ginawa siya sa akin?" tanong niya.
"I've seen faces like that. I know when to watch and not," sagot nito.
" Salamat," tugon niya.
"I think mas naisip mong tumakas o kung ano man kaysa humingi sa akin ng tulong," giit pa rin ni Allen.
Walang maisagot si Khari kung di ang katotohanan. "Hindi kasi ako sanay humingi ng tulong. Pero salamat pa rin." Nilingon niya si Allen nang sabihin 'yun at sinalubong naman nlito ng binata. "Muntik na kitang maipahamak sa dami nila."
"Mukha ba 'kong natatakot sa dami nila? Mas matakot ka kung nasaktan ka nila,"sabi nito na tila lumabas ang galit sa boses.
"Hindi ako nag-isip, sorry. Basta lang ako'ng umiwas na madamay ka."
Gustong mainis ni Khari sa sinabi. Totoo 'yun sa kaniya? Bakit niya nasabi 'yun? At bakit parang gustong gusto niyang mag-sorry kay Allen?
"Don't do that again," huling komento ni Allen.
Hindi na ulit ito nagsalita at tahimik na silang bumyahe. Pakiramdam niya ay nagpipigil pa rin ito ng galit dahil sa bigat ng pagmamaneho nito. Nang makarating ng bahay, para makaiwas, naunang lumabas si Khari ng sasakyan para buksan ang gate.
"Khari-" tawag ni Allen sa likuran niya.
Nagulat siya nang makita ang binata na pahawak sa kaniyang dibdib kaya awtomatiko niya itong sinalag. Nagsalubong ang kilay ng detective. Mabilis namang lumipat ang kamay ni Allen papunta sa kaniyang leeg. Nahabol niya ito pero napaatras siya sa pagkakasakal kahit pa hindi naman ito mariin.
"A-allen-" nagtatakang tawag ni Khari.
Pagkadaka'y binitiwan siya ni Allen at inalalayan siyang umayos nang tayo.
"I'll teach you the proper way to defend yourself," sabi nito sabay gulo sa kaniyang buhok. Wala na ang dilim sa mata nito.
Sinundan niya ng tingin ang binata na nagtuloy sa pagbukas ng gate. Hindi pa siya nakakabawi sa ginawa nito ay nakarinig sila ng pagkabasag ng salamin sa loob ng bahay. Tumunog ang alarm.
"Dito ka lang," utos ni Allen. Mabilis na pumasok ang binta para alamin ang nangyari sa loob.
Sumunod pa rin si Khari at binuksan ang mga ilaw. Lumiwanag ang kabahayan. Tumakbo pakusina si Allen kaya minabuti niyang sumilip sa bintanang salamin sa hagdan. Doon niya nakita na ito ang nagkaroon ng basag. Galing sa itaas ang mga manloloob!
Nakakita siya ng anino sa bakod.
"Allen!" sigaw niya.
Umikot siya para bumaba at humabol pero nakatapak siya ng nabasag na salamin sa baitang. Dumulas siya at deretsong nahulog paibaba. Saktong dating ni Allen at nasalo siya. Sa gulat ni Allen ay sabay silang bumagsak sa sahig. Mabuti na lang at ilang baitang lang siya galing mula sa pagkakadulas.
Umumpog si Khari sa dibdib ng binata. Dumilat siya at humarap dito. Dahil yakap-yakap ni Allen ang ulo niya, halos magdausdos ang kanilang mga ilong.
"Okay ka lang ba?" tanong ni Allen nang maka-recover. Ramdam na ramdam niya ang init ng hininga ng binata samukha niya.
Nanigas ang kaniyang katawan nang mapagtanto ang hitsura nila. Halos makita niya ang sarili sa mga mata nito sa sobrang lapit ng mga mukha nila.
"O-okay lang. May nakita akong anino sa bakod," naiilang na sagot niya.
Akmang tatayo siya nang higpitan ni Allen ang pagkakahawak sa kaniyang balakang.
"Sabi ko sa labas ka lang di ba? Ang tigas ng ulo mo," sita ni Allen kahit di naman galit ang boses.
"Gusto kitang tulungan. Madilim, paano kung-"
"Kaya kitang protektahan Khari..." sabi ni Allen.
Saglit siyang di nakaimik sa mahinahong tawag na iyon ni Allen ng pangalan niya.
"Sir! Sir!"
Sabay napatingin ang dalawa sa security guards na humahangos na pumasok sa bahay. Kasunod nila ay isang pamilyar na mukha na ikinainit ng pisngi ni Khari.
"Kharizza-" Sandaling natigil ng takbo si Anton sa nasaksihang puwesto nilang dalawa bago muling lumapit.
Kikilos pa lamang siya nang igiya siya ni Allen paupo, bagay na nagbigay sa kanila ng mas nakakailang na hitsura. Mabilis na tumayo si Khari mula sa pagkakakandong sa detective saka sumalubong kay Anton.
"Ano'ng nangyari?" matigas na tanong ni Anton na sumulyap kay Allen bago inikot ang tingin sa kaniyang mukha. "Ayos ka lang ba?"
"May bumasag ng bintana. I-check ninyo ang parameters kung may makita kayong kahina-hinala," sagot-utos ni Allen sa mga rumespondeng guard.
"Anton, bakit ka nandito? Sino ang tumitingin kay Kristoff?" baling ni Khari sa kaibigan.
"Inimbitahan siya ni Pastor Oscar na matulog kasama ni Mico," sagot ni Anton na patungkol sa kalapit-bahay nilang Pastor ng kanilang sektor. "Nakita n'yo ba 'yung may gawa nito?"
Umiling si Khari.
"Mabuti pa'y pagmeriendahin mo muna si Anton. May kukunin lang ako sa itaas," paalam ni Allen na tumapik sa braso niya.
Nang makaakyat si Allen, imbes na sumunod sa instruction nito ay tinungo ni Khari ang pinto palabas sa likod ng bahay at sinipat ang paligid. Pinuntahan niya ang harap ng bakod kung saan niya nakita ang anino.
"Khari, okay ka lang ba talaga?" nakasunod na sabi ni Anton.
"Oo, may nakita ako rito. Sigurado akong sina Peter 'yun at balak nilang pumasok," sagot niya habang iniikot ang mata sa maaring maiwang gamit ng mga ito.
Kunwa'y dinampot niya ang dustpan at walis habang pabalik sa loob.
"Khari, hindi ka ligtas dito," wika ni Anton sa likuran niya.
"Pero Anton-"
"Mapapahamak ka rito. Sigurado ako," giit ni Anton. Tumulong ito sa pagdampot ni Khari ng malalaking bubog.
"May progress ako dito," bulong ni Khari.
Sumulyap si Anton sa itaas nang marinig ang pababang detective na tinatapos ang usapan sa telepono.
"Iuuwi ko na muna si Khari. Mukhang hindi ligtas dito," salubong ni Anton na ikinagulat nilang dalawa ni Allen.
"Anton, ano ba'ng sinasabi mo?" harang ni Khari.
"Walang may gusto ng nangyari at kaya kong protektahan si Khari," depensa ni Allen. "Pero... sige. Papunta ang grupo ko ngayon dito para mag-imbestiga. Ang sabi nila ay may nakita silang lalaki kaninang hapon habang nag-iikot sila sa may likuran, malapit dito." Bumaling ito kay Khari. "Hindi ka makakapagpahinga. Ipapahatid ko kayo sa mga tao ko."
"Kailangan mo ako rito," tutol ni Khari. Ngayon siya maaring may makuhang impormasyon. Hindi niya iyon mapapalampas.
"Masasagot ko ang puwede nilang itanong sa 'yo since magkasama tayong umuwi," tugon ni Allen.
Hindi mabasa ni Khari ang titig na ibinato ni Allen sa kaniya at gano'n din ang tingin ni Anton kay Allen nang lingunin niya ito. Pero hindi 'yun importante, ang mahalaga ay maantabayanan niya ang lahat ng maaring marinig sa grupo ng detective.
"Kailangan mo ako dito," giit ni Khari.
"Pero Khari-" aburidong reklamo ni Anton.
"May sugat ka..." Di niya pinansin si Anton at lumapit kay Allen para inangat ang buhok nito sa may noo. May bakas ng dugo doon. Mabilis niya itong pinunasan ng kaniyang daliri. "Mabuti na lang at ilang baitang lang ang kinabagsakan natin," sabi niya.
"Are you sure you want to stay?" tanong ni Allen habang hawak ni Khari ang noo niya.
"Oo," sagot niya sa kaharap, matapos ay lumingon kay Anton.
"Kung hindi ka uuwi, sasamahan kita dito," sagot ni Anton. "Marunong akong mag-ayos ng salamin," dugtong nito.
********
"Huwag kang malikot," utos ni Khari habang ginagamot ang noo ni Allen. Mayroon din itong bukol sa ulo. Nang dumating ang mga kasamahan ni Allen, nagkaroon sila ng pagkakataong magamot ang sugat nito.
Nakatutok ang mata niya sa sugat nito pero nakatuon ang tenga niya sa anumang maaring marinig sa mga kasamahan ni Allen na nag-iikot sa buong bahay. Nahinto lang ang kaniyang ginagawa nang mapansin niya ang pagkakatitig ni Allen sa kaniya. Idiniin niya ang bulak ng betadine sa noo saka bumitiw.
"Aw," reklamo ng detective.
"Okay na." Nilagyan niya ng band-aid ang sugat saka dumistansiya sa binata.
Nagtanong ang mata niya kay Anton na nagtatakip ng plastic sa basag na salamin. Tanong kung may naririnig ito sa mga malapit na pulis sa kaniya. Bahagyang iling ang isinenyas nito kaya dismayadong naghanda ng juice si Khari para makaikot.
"Magpahinga ka na muna, Khari. Hindi ka pa gumagaling nang husto. Uminom ka na rin ng gamot," wika ni Allen sa likuran niya habang tinitingnan ang relo. Alas onse na ng gabi.
"Bakit, ano'ng nangyari sa kaniya?" sabat ng inspektor na tiningnan sila pareho.
"Wala. Nilagnat lang siya kagabi," sagot ni Allen sa katrabaho.
"Ah, nabalitaan ko sa guards mayro'n daw napagbintangang magnanakaw dito si Ma'am Claire kagabi, ah. Alam mo ba 'yun?"
Nagsalubong ang tingin nila ni Allen. Nag-aalangang niyaya nito ang inspektor palayo sa kaniya matapos abutan ni Khari ng juice. Nilingon siya ni Allen bago tuluyang makalayo kaya nakahinga siya nang maluwag.
"Sino ang sinasabi ng Inspektor? May nangyari ba sa 'yo kagabi?" tanong ni Anton na nakalapit na sa kaniya.
Lumibot ang mata ni Khari bago sumagot, "Lumabas ako kagabi. Mabuti na lang pinalitan mo ng vitamins ang laman ng bag ko." Naalala niyang hindi nga pala niya nasabi pa sa binata ang nangyari kagabi dahil ayaw niyang mag-alala pa ito kasabay ng pagkawala ng cellphone nito.
"'Yan na nga ba'ng sinasabi ko, eh. Khari nakikiusap ako sa 'yo. Umuwi na tayo. Umalis ka na rito," ulit na naman ni Anton.
"Bakit ba, Anton? Sinabi ko na sa 'yo na okay lang ako dito at may usad ang ginagawa ko," paliwanag ni Khari.
"Sa ibang paraan mo na gawin ang paghahanap," sagot ni Anton. " Bakit dito pa na napakadelikado sa buhay mo?"
"Sigurado akong babalik sila dito. O sa kalapit na bahay. At hihintayin ko sila," tiim-bagang na wika ni Khari.
Tinapos niya ang diskusyon nilang dalawa ni Anton nang abutan niya ito ng baso ng juice.
Binitbit niya ang tray ng juice at nagsimulang umikot para mag-alok at makinig. Binuksan niya ang nakaawang na pintuan ng library nang marinig niya ang pag-uusap doon.
"Positive na may tao doon," wika ng isang pulis.
"Oo pero as good as a burner phone 'yung hawak natin dahil natapakan na. Pero mukhang buo pa naman ang simcard. May resulta na ba sa IT department?" saad ng inspektor.
"Ako na ang bahala doon. Ang importante ngayon is makahanap ng track ang Charlie team para may masundan tayo," sagot ni Allen.
Napansin nila ang presensiya ni Khari kaya pumasok na siya sa loob. Inilapag niya ang tray at namigay. May napansin siyang note sa maliit na papel kaya pasimple niyang inabot ito sa gilid ng mesa at itinago. Ang pilas ng papel ay may mga guhit at numero na hula niya ay coordinates ng isang lugar. Nang malukot niya iyon sa palad ay saka siya tumalikod para lumabas.
"Khari-"
Natigil ang hakbang niya sa pagkakatawag ni Allen. Mabilis niyang ibinulsa ang papel bago humarap sa kanila.
"Nahulog ang towel mo," sabay dampot ng detective ng asul niyang bimpo sa sahig. Lumapit si Allen sa kaniya nang magkadugtong ang kilay. "Magpahinga ka na. Patulugin mo si Anton sa quarters room. Malinis naman doon," sabi nito sabay sampay ng towel sa balikat niya. "Make sure you lock your door."
Tumango si Khari at di na nakipagtalo pa. Gusto sana niyang magdasal na sana'y di nila mapansin ang nawalang papel. Pero di siya nagdarasal. Kaya bahala na.
Itinuro niya kay Anton ang tutulugan bago siya hinatid nito sa kwarto niya. Siniguro nga niyang naka-lock ang pinto bago niya kinuha ang papel sa kaniyang bulsa.
Isa itong eksaktong location. Paano niya mapapag-aralan ang lugar na 'yon?
Tumunog ang telepono ni Khari.
Sumama ka na sa akin bukas. Itigil mo muna ito. Kung gusto mo, tutulungan kita. Pero hindi dito. -Anton
Napabuntong-hininga si Khari. Alam niyang nag-aalala lang si Anton pero alam niya rin na kailangan niyang mag-stay sa bahay ni Allen.
Gusto niyang mag-stay sa bahay ni Allen.
Kung anuman ang iniisip mong magagawa mo dito, hindi mo magagawa. Hindi dito. - Anton
Pero kaya ko. Alam kong kaya ko. - reply niya.
Malaking pagkakamali ang dumikit ka kay detective. Masasaktan ka lang sa katotohanan, Khari. Mabibigo ka.
Hindi maintindihan ni Khari ang punto ni Anton pero sumasakit na nga ang ulo niya. Naalala niya ang narinig kay Allen kanina bago ito pumasok ng trabaho. Ang habilin nito sa mga guardya ng subdivision na tila pinababantayan siya.
Tama kaya si Anton?
Pero saan siya masasaktan? Saan siya mabibigo? Ano'ng katotohanan?