Bang!
Napadilat sa gulat si Kharizza sa nakakabinging tunog na iyon. Napabalikwas siya mula sa kaniyang pagkakahiga at sinalubong siya ng mga yero, buhangin at kadiliman. Sinalubong siya ng pagkalito, sakit ng katawan at bigat ng dibdib.
Napahalukipkip siya habang umiiyak. Damang-dama niya ang kirot na dulot ng mga bala sa kaniyang manipis katawan.
Pinatay nila ako, nilapastangan! -usal niya sa sarili.
Humalo ang dugo sa kaniyang luha na gumapang mula sa kaniyang noong sugatan. Kumirot ang kaniyang tagiliran nang bahagya siyang kumilos na ikinahirap niyang huminga. Pagkadaka'y nalanghap niya na ang amoy ng kalawang at malansang dugo. Dugo ng isang patay na nasilayan niya sa kaniyang tabi.
Doon nagbalik ang realidad sa kaniya. Nasa lumang bodega pa siya; nakipagpatayan sa kaniyang mga kalaban. Nawalan siya ng malay at ngayon ay nasa tabi niya si Santiago. Ang kaniyang tropeo ngayong gabing ito.
Pilit niyang itinayo ang sarili gamit ang nangangatal na mga braso. Kailangan niyang makaalis bago siya matagpuan ng mga pulis kasama ng mga walang buhay na katawan.
Bago tuluyang tumalikod, tinapunan niya muli ng tingin si Santiago.
Kadalasan, ipinagdarasal ang kaluluwa ng mga namatay. At mga pinatay. Pero hindi sa pagkakataong ito. Bukod sa hindi siya nagdarasal sa Dios na di niya na pinaniniwalaan, hindi dapat ipagdasal ang taong ito.
"Masunog sana paulit-ulit ang kaluluwa mo sa impyerno," wika ni Khari sa lalaki matapos itong duraan at tuluyang talikuran.
Hinigpitan niya ang tali sa sugat niya para makakilos at makatakas na. Nakarinig na rin siya ng mahinang palahaw ng sirena. Paparating na ang mga pulis.
Tinungo niya ang daan sa likuran ng gusali. Nakalusot siya sa isang lagusan na dating dinadaanan ng mga basura ng pabrika patungo sa sapa hanggang kabilang tawiran. Doon siya naghintay habang pinapanood ang pagdating ng mga pulis.
Napansin niya ang isang mukhang Indiyanong pulis na tila leader ng grupo. Nagmamatyag ito sa paligid. Nagtago siya nang makitang lumilingon ito sa direksyon niya. At bago pa kumalat ang mga tauhan nito, tuluyan na siyang lumayo.
******
"Patuloy na iniimbistegahan ang nasabing barilan na naganap noong makalawang gabi, araw ng Lunes, sa abandonadong pabrika sa bayan ng Pililia. Nakilala na ang isang bangkay na si Santiago de Dios; ang leader ng isa sa mga batikang akyat-bahay gang sa buong Rizal.
Sinasabing ang grupo nito ay unang nakita sa cctv sa isang kalapit na subdivision.
Ayon sa report, nilooban nila ang bahay ng isang Chinese family na kasalukuyang nasa ibang bansa para sa Christmas holiday vacation. Makikita sa cctv na nagkaroon ng ilang putukan sa loob ng bahay bago lumabas ang isang naka-jacket na itim na sinasabing huling dumating at dinala ang isang motorsiklong nakatalang nanakaw sa kalapit na bayan. Sumunod ang limang lalaki na siyang natagpuang bangkay sa loob ng pabrika ayon sa mga suot nito nang matagpuan.
Isang palaisipan ang inihayag ni Detective Allen Del Rosario: Ito raw ay maaring isang di pagkakaintindihan ng grupo o isang nais pumigil sa kanilang masamang balakin.
Kung mapapansin, limang katao lang ang namatay sa anim na lumabas sa naturang bahay.
Naibahagi ng detective na may isang anonymous call ang nagbigay sa kanila ng maaring lugar ng p*****n kung kaya't sila ay agad natagpuan. May hinala ang detective na ang ikaanim ay isang vigilante na patuloy na gumagawa ng ganitong estilo gaya sa mga naunang manloloob na natagpuan ring patay sa ilang kalat na lugar ng bayan ng Rizal at kalapit na bayan. Samantala..."
Dumilat si Khari matapos marinig ang ibang detalye ng balita sa TV.
Nakilala na ang bangkay ni Santiago. Dapat ay maglitawan na ang buo niyang kagrupo sa lalong madaling panahon, - matiim na banggit ni Khari sa sarili.
"Ate Kharriza, gising ka na." Lumapit sa kaniya ang kapatid na nasa siyam na taong gulang. Hinaplos nito ang kaniyang buhok at malumanay na ngumiti.
Likas na maamo ang mukha ng kapatid na natatandaan niyang nakuha sa mukha ng kaniyang ina. Mahal na mahal niya ito kahit di niya ito kamukha dahil ang kawangis niya ay ang seryosong mukha ng kaniyang ama.
"Kristof, bakit narito ka? Hindi ba't may pasok sa school?" Pilit siyang ngumiti sa kapatid habang nagtatanong. Marahan siyang umupo mula sa pagkakahiga para kausapin ang kapatid at hagurin ang malambot nitong buhok.
"Christmas vacation na, Kharriza." Lumitaw ang binatang nasa may taas na five feet nine inches, may bitbit na kape at inabot iyon sa kaniya. Si Anton. Ang taong tanging nakakakilala ng kaniyang buong pagkatao sa pangalawa niyang buhay.
"Salamat," nahihiya niyang sabi. "Sige na, Kristof, maglaro ka muna sa labas, ha? Pero huwag kang lalayo, at huwag makipag-usap sa di kakilala," habilin niya tulad ng dati.
"Opo. Merry Christmas, ate," bati ni Kristof sa kaniya. May inabot itong maliit na card na may ribbon.
"S-salamat. Ahm... Hindi pa ako-"
"Nagustuhan ni Kristof ang regalo mong robot sa kaniya," harang ni Anton sa sasabihin ni Khari.
"Salamat po, ate Kharriza." Yumakap ito sa kaniya bago tuluyang tumalikod.
Nagkatinginan sila ni Anton na agad ngumiti sa kaniya nang may kahulugan.
Napasuklay si Khari sa nanlalagkit sa pawis niyang buhok. Taon-taon ay si Anton ang bumibili ng regalo para sa kaniyang kapatid sa ganitong okasyon. Ayaw na niyang magkaroon ng kahit na anong kinalaman sa Pasko. Kapaskuhan din noon nang mangyari ang trahedya sa kaniyang pamilya at tuluyan na siyang nawalan ng gana sa okasyong iyon.
Tumabi si Anton sa kaniya at pinunasan ng towel ang kaniyang mukha.
"Thank you," sambit ni Khari tungkol sa regalo.
"Ayos lang," sagot ni Anton. "Kumusta ang pakiramdam mo? Medyo malalim ang sugat mo," buong pag-aalalang sambit ni Anton. "Dalawang araw kang walang malay. Siguradong gutom ka na," sabi pa nito na humawak sa kaniyang noo.
Kinapa ni Khari ang kaniyang tagiliran na ngayon ay maayos at mahigpit nang nakabalot. Gano'n din ang kaniyang sugat sa braso na natahi na at nakagasa. Pakiramdam niya nga ay papagaling na ang mga ito.
Magaling si Anton sa mga halamang gamot at may kasamang ointment kaya hindi nagtatagal ang bakas ng sugat sa kaniyang katawan. Hindi na malinaw sa kaniya kung paano siya nakauwi nu'ng gabing iyon. Alam lang niya ay kapag nakita na niya si Anton , makakapagpahinga na siya.
At hindi pa siya nabigo ni Anton.
"Okay na ako. Magaling ang doktor ko," nakangiting sagot ni Khari sa binatang may pag-aalala sa mata.
Si Anton lang naman ang matyagang gumagamot sa kaniya tuwing malalagay sa panganib ang buhay niya. At ito lang ang tanging pinapahawak niya sa kaniyang katawan.
"Patay na si Santiago. Nakapaghiganti ka na," wika ni Anton.
Umiwas ang dalaga at tumalikod sa katabi. Heto na naman kaming dalawa, wika ni Khari sa sarili.
"Hindi lang siya ang nangbaboy sa akin," malumanay ngunit mariing paalala ng dalaga.
Dinampot at pinunasan niya ang baril niyang puno ng tuyong dugo kaysa tumingin sa kausap.
"Kailangan mo ba talagang habulin silang lahat?" mahinahong tanong ni Anton.
Lumingon si Khari, pagkadaka'y ipinakita sa kausap ang pilat sa balikat at sa likod mula sa pagkakabaril sa kaniya.
"Hangga't nakikita ko at nakakapa ko ito, maaalala ko ang kademonyohang ginawa nila sa pamilya ko. Nila, Anton. Hindi siya nag-iisa," ulit niya.
"Pero Khari... Ilang kriminal na ba ang hinabol mo habang hinahanap sila? Baka hindi ka na suwertehin. Tingnan mo ang nangyari sa'yo ngayon, muntikan ka nang mapahamak," paliwanag ng binata.
"Ipapaalala ko na naman ba na I was just fourteen when I was r***d and killed, pero kinaya ko? Pinaghandaan ko ang panahon na ito," paalala muli ni Kharriza.
"Khari, alam ko 'yon, okay? Kasama mo na ako mula nang magising ka. Pero... kulang pa ba? Kasalanan pa rin sa Diyos ang pumatay," wika ni Anton.
"Kailangan, Anton! Hindi sapat ang makulong lang sila. Makakabalik sila sa pangbibiktima at hindi 'yon hustisya! Kung mayroon mang may kasalanan dito, Diyos mo 'yon! Kung hinayaan niya na akong mamatay, tahimik na sana ako ngayon," mapait na balik ni Khari ng mga salita sa kaibigan.
"Khari, huwag kang magsalita ng ganiyan sa Panginoon. Alam mong may dahilan kung bakit Niya-"
"Kung bakit Niya hinayaang mangyari 'yon? Kung bakit Niya 'ko binuhay pa? Dapat ko bang ipagpasalamat 'yon?" sumbat ni Khari. "Ito! Ito ang dahilan, brother Anton. Maybe, maybe He wanted me to get back at them," diin niya sa katagang nagpapaalala sa kaniya na si Anton na kawal ng Diyos ay heto at tumutulong sa kaniya ngayon kahit sa paraang labag sa simbahan.
"Kasalanan ko ba talaga na gumaganti ako?"
Lumapit si Kharriza sa bintana at huminga nang malalim para tapusin ang pagtatalo. Lagi siyang sinusubukang pigilan ni Anton tuwing makakapatay siya ng kriminal sa kung saan. Ngunit di naman nito magawang isuplong siya sa may awtoridad.
"Khari- "
"Anton, ngayon pa lang ako nakaganti sa totoong sumira ng buhay namin. Di ba? At hindi ako titigil hangga't hindi ko sila napapatay lahat," pagtatapos ni Kharriza. "I'm actually doing your God a favor."
"Huwag ka nang magalit. Please. Gusto lang kitang paliwanagan at pagaanin ang bigat na dinadala ng puso mo," paliwanag nito habang papalapit.
"Hindi ako galit." Huminga ulit si Khari nang malalim. Kumakalma na rin ang dibdib niya kapag naririnig na niya ang malambing na tono ng boses ni Anton.
"Manhid na ang puso ko sa dami ng poot." Humarap siya sa binata at hinaplos ang pisngi ng maamong mukha nito. "Hinding- hindi ko makakalimutan ang pagsagip mo sa 'kin. Ang pagtuturo mo sa 'kin ng self-defense, na nagbalik ng lakas ko. Malaking utang na loob ko rin ang naitakas natin si Kristof sa bahay-ampunan. Kaya hinding-hindi ako magagalit sa 'yo."
Tipid na ngumiti si Anton at hinawakan ang kaniyang kamay na nasa pisngi nito, bago umiwas ng tingin. Bagay na nakasanayan na niya tuwing ipapaalala sa kaibigan ang mga sakripisyong nagawa nito sa kanila ng kapatid niya.
Ilang buwang comatose si Kharriza matapos ang karumal-dumal na pangyayari sa kaniyang pamilya. Nagising siyang si Anton ang regular volunteer helper sa ospital na araw-gabi siyang inaalagaan. Nang dalahin si Kharriza sa DSWD, tumakas siya sa tulong na rin ng binata. Hinanap at itinakas din nila ang kapatid niya sa ampunang kinalagyan nito. Mabuti na lang at naunahan nila ang pagtakas kay Kristof bago ito nasundo ng bagong aampon sa bata.
At sa loob ng pitong taon, sa tulong ng naiwang pera sa kaniya ng kanilang mga magulang sa banko, matapos nilang magpagaling at magpalamig sa probinsiya ay namuhay silang nagtatago sa likod ng kapilyang ito na kinabibilangan ni Anton.
"Huwag ka nang mag-alala, daplis lang ito. Sayang naman ang lahat ng natutunan ko sa 'yo, kung di ko magagamit nang husto," tila biro pa ni Kharriza sa kaharap.
"Pangarap kong makabalik na tayo sa Palawan. Gusto kong mamuhay na tayo nang tahimik," suko ni Anton sa kaniya.
Hindi umimik si Kharriza. Napakaganda ng lugar na iyon nang dalhin sila ni Anton para magtago, magpagaling at magpalakas. Pero hindi niya alam kung kailan nila 'to ulit makikita.
Tahimik siyang humarap sa bintana at tinanaw ang kapatid na naglalaro sa ibaba. Nahagip ng mata niya ang paparating na kotseng itim at nag-park malapit sa kaniyang kapatid. Agad siyang naalarma nang makitang armado ang dalawang lalaking lumabas dito. Di pa rin mawala ang takot sa dibdib niya na maaring ipinahahanap ng mga umampon kay Kristof ang bata. Balita niya noon ay mag-asawang sundalo ang magiging bago nitong magulang bago niya naitakas.
"Ako na," harang ni Anton sa nakitang balak ni Khari. "Mapapansin nila ang mga sugat mo." 'Yun lang at bumaba na si Anton para puntahan si Kristof at alamin ang pangyayari sa ibaba.
Alam ni Khari na kayang-kaya ni Anton na ipagtanggol ang kaniyang kapatid pero mabilis pa rin siyang nag-ayos at nagpalit ng damit para sundan ang dalawa.
"Khari... " salubong ni Anton sa kaniya habang nagtatali siya ng lampas-balikat na buhok. Mabilis nitong hinagod ang tingin sa kaniya. Nagawa niyang makapagsuot ng disente at bulaklaking bestida para magmukhang ordinaryong dalaga. Pinatungan niya ito ng cardigan upang maitago ang galos sa braso.
"Sina Detective Allen Del Rosario at Police Inspector Mario Gomez. Gusto raw nilang magtanong- tanong tungkol sa nangyaring insidente noong nakaraang gabi," mabilis na pahayag ni Anton. "Sir, si Khari, kas-"
"-kaibigan ako ni Anton," dugtong ni Khari na kaswal na kinuha ang kapatid at itinabi sa kaniya.
"Good afternoon, nag-iikot lang kami sa mga kalapit-lugar para magtanong-tanong. Sa may itaas lang doon natagpuan ang nakaw na motor na ginamit noong nakaraang araw sa isang nakawan," Nag-abot ng kamay si Detective Del Rosario na tinanggap naman niya.
Namukhaan niya ito doon sa lugar ng pangyayari kaya nakadama siya ng alinlangan. "Sunog na ang motor. Wala na kaming makuhang prints pero alam kong di siya malayo dito.Napansin namin na medyo liblib itong lugar ninyo at di malayong pagtaguan ng masasamang tao," mahabang paliwanag nito.
Maaliwalas ang mukha at nasa boses ng detective na pala-kuwento ito, at kung di sila mag- iingat ay maaring madulas sila ng impormasyon.
Dapat mag-ingat.
"Totoong medyo liblib nga rito pero maraming nagsisimba sa lugar na ito. Maya't-maya ang dayo ng mga ka-sitio namin at bente-kuwatro oras ang mga tanod na nag-iikot," sagot ni Anton.
"Maari ba namin makita ang kapilya?" tanong ng inspektor.
"Oo naman. Khari, puwede mo ba silang samahan muna?" wika ni Anton na di niya inaasahan.
Walang nagawa si Khari kung di ang sumunod sa utos ni Anton na naglakad na patungo sa likod ng chapel. Nagpatiuna naman siyang pumasok sa harapan para sundan siya ng mga bisita.
"Gaano na katagal ang chapel na 'to?" tanong ni Detective Allen.
"May katagalan na. Naabutan ko na itong ganito. Pero kada taon ay inaayos 'to at pinipinturahan para di maluma," simpleng sagot ni Khari na itinuturo ang mga dingding.
"Dito ka nakatira?" sunod na tanong ng inspektor.
"Pansamantala. Bumisita lang ako kay Anton," sagot niya. Ganito ang laging sagot niya. Hindi siya taga-rito.
"So taga-saan ka?" dugtong ng inspektor.
"Sa Palawan po." Napalingon si Khari sa kapatid na sumagot. Ilang taon pa lang si Kristof nang manirahan sila sa Palawan pero tanda nito ang lugar.
"Kristof, maglaro ka na ulit sa labas. Huwag kang lalayo," pagtataboy ni Khari. Ayaw niyang madamay ang bata at makarinig ng pagsisinungaling galing sa kaniya.
"May mga pinto sa gilid ng kapilya. Andoon ang maliit na opisina sa kanan at pahingahan naman ng Pastor sa kaliwa," pagtuturo niya.
Dumiretso ang inspektor sa kaliwa at sa kabila ang detective. Maingat na umupo si Khari at nagmasid sa dalawa. Tumutok ang kaniyang mata sa harapan hindi para magdasal kundi para bantayan ang isa pang pinto doon na mukhang pupuntahang sunod ng detective.
Lihim na napakuyom ang kamay ni Khari. Kinapa niya ang nakatagong kutsilyo sa ilalim ng kaniyang palda. Hindi niya pinangarap makapatay sa loob ng simbahan pero kung kailangan ay gagawin niya. Ang pintong iyon ay magtuturo sa bahay nila ni Anton. Naroon ang lahat ng itinatago ng kaniyang pagkatao.
Tumayo na siya para sumunod sa Detective.
"Magmeryenda muna kayo." Sumulpot si Anton sa likuran niya.
Nakahinga nang maluwag si Khari nang mahinto ng paglalakad ang detective at sabayan ng paglapit ng inspektor.
Dinampot ng inspektor ang tinapay na bitbit ni Anton at agad kumagat. Tahimik naman na humigop ng kape ang Detective na panaka-nakang sumusulyap kay Khari.
"Hindi na kami magtatagal, thank you. Kung may mapansin kayong kakaiba o di kilalang tao dito, tawagan n'yo ako. Ilang araw kami ng grupo ko dito sa area kaya madali kaming makaka-rescue." Nag-abot ng calling card si Detective Del Rosario na tinanggap ni Anton bago ito muling nakipagkamay sa kanilang dalawa.
Babawiin na sana ni Khari ang kamay niya nang pigilan siya ng detective. Napansin niyang nakatingin ito sa may ibaba ng kaniyang mukha.
"Ano'ng nangyari sa 'yo?" tanong nito.
Napakapa si Khari sa kaniyang leeg.
"Bumagsak siya sa banyo," sagot ni Anton para sa kaniya.
"Ah, ilang araw na kasi ang trangkaso ko't nahilo ako noong isang gabi," sang-ayon ni Khari. Muli ay pasimple niyang inilapit ang kamay sa parte ng patalim sa kaniyang hita.
"May kaibigan ako sa hospital na malapit dito. Puwede kitang i-refer or kung gusto mo, sasamahan ko-"
"Hindi na. Okay na 'ko, salamat," harang ni Khari sa detective.
Pagkadaka'y sumang-ayon na ang dalawa at umalis. Doon lang tuluyang nakahinga si Khari at Anton. Ito ang unang beses na nakatagpo sila ng mga taong may direktang kinalaman sa ginawa niya.
"Mabuti pa, pumunta tayo mamaya sa peryang itinayo sa bayan malapit sa mall. Makakapamili tayo doon ng kaunting handa," yaya ni Anton na ikinakunot ng noo ni Khari.
"Ikaw na lang. Magpapahinga na lang ako," tanggi niya.
"At kung bumalik sila? Haharapin mo sila mag-isa? Tara na. Para makabawi ka naman kay Kristof," nakangiting alok muli ng binata.
Napangiti na rin nang bahagya si Khari na nahawa sa mga biloy ni Anton.
******
Maingay ang paligid. Lahat ay nagdidiwang. Sa mga ganitong panahon nakaramdam si Kharriza ng guilt. Na parang kasalanan para sa kaniya ang sumaya. Na hindi dapat. Hindi pa oras. At kung darating pa ang oras na 'yun, hindi niya alam.
"Kuya Anton, doon tayo!" excited na turo ni Kristof sa ferry's wheel.
"Dito na lang ako, " agarang pagtanggi ni Khari.
Tinapunan siya ng makahulugang tingin ni Anton pero di na nagsalita. Iniabot nito ang hawak na cotton candy sa kaniya saka isinakay si Kristof sa ferry's wheel. Tiningala niya ang dalawa at tahimik na pinanood.
"Afraid of heights?"
Halos mapaigtad sa gulat si Khari nang marinig ang boses sa likuran niya. Bagay na di normal sa kaniya.
"Detective," wika niya sabay iwas ng tingin sa lalaking tumabi. May kung ano sa hitsura ng detective na hindi siya komportable kahit noong unang pagkakita niya pa lamang.
"Bakit hindi ka sumama?" tanong nito.
"Wala akong hilig sa carnival rides," simpleng sagot niya.
"You look too sad for the holiday. At palagay ko, alam ko kung bakit," sabi nito natumingin sa kaniya nang makahulugan.
Pinigilan ni Khari ang magtaas ng kilay pero di niya napigilan ang sulyapan ang katabi. Nagawa niyang kainin ang cotton candy upang matakpan ang inis sa mukha niya.
Sumeryoso ang mukha ng detective at lumabas ang pagka-Indyanong mukha nito.
"Bakit?" hamon niya.
"Hm... You were hurt. You're still hurting," sagot naman nito.
Sa pagkakataong ito, tinitigan ni Khari ang kausap na nakatingin din sa kaniya nang matiim.
"Tama ako, right? I always know the truth. Smile, Kharriza, it's Christmas."