INUMPISAHAN ko ang trabaho ko sa pag pupunas ng mga bagay na naka-display sa sala. Bawat hawak ko sa mga naka-display, dobleng ingat ang ginagawa ko dahil paano na lang kung makabasag ako? ‘Di lalo na akong tumingga dito eh ni singko naman wala akong kita sa pagiging katulong ko dito! Paano na lang ang pangarap kong Toyota Vios?
Jusko, napapadasal ako sa tuwing hinahawakan ko ang isang antique na vase. Inuurusayunan ko pa habang nilalapag ko ito sa sahig dahil kailangan kong punasan ang pinaglalagyan nito.
Kung bakit ba kasi ang daming mga antique na bagay dito sa sala pero parang hindi naman appreciated ang mga bagay na’to dahil ni kurtina ay hindi man lang mahawi! Palibhasa kasi walang babae dito kaya parang walang ilaw ang tahanan. May babae naman pala, si Nadia, ‘yon nga lang wala namang karapatan na gawin ang gusto dahil limitado rin ang gagawin pagdating dito sa mansyon.
“Miss Janiyah–”
“Ay, Miss Janiyah!” Gulat na gulat kong bulalas ng basta ako tawagin ni Kuya Romz!
Mabuti na lang talaga at nailapag ko na ang antique na vase bago niya ako tawagin!
“Si Kuya Romz naman!” Nakanguso kong reklamo habang nakasapo sa aking dibdib ang isa kong palad dahil sa kaba.
As usual, common lang ang reaksyon niya. Nagkamot lang siya sa ulo niya na medyo…namamanot na ang buhok sa tuktok.
“Nagulat yata kita Miss Janiyah.”
Tumayo na ako saka kinuha ang feather duster.
“Hindi naman masyado Kuya Romz! Mabuti na lang at nailapag ko na ang vase bago niyo ako ginulat,” sabay hagikhik ko para lang masabi niya na nagbibiro lang ako.
Ganun pa rin ang reaksyon niya, walang pinagbago, walang naidagdag.
Bahagya siyang lumapit sa akin at kinuha sa aking kamay ang feather duster na hawak-hawak ko.
“Libre ngayong oras si Nadia Miss Janiyah, pwede ka niya samahan kahit diyan lang sa labasan para makabili ka ng mga damit mo–”
“She cannot leave this house until I say so, Romy.” Biglang nakulong ng istriktong boses ang buong sala ng biglang magsalita si Dylan.
Napaurong bigla si Kuya Romz ng nag overtake sa kanya si Dylan. Magkaharap na kami at parang lalamunin niya ako dahil sa mga tinginan niyang masakit at nandidilim.
Hindi ako nakagalaw dahil parang isa siyang pader na kontrolado ang espasyo sa pagitan namin na kung sakaling pipilitin kong gumalaw, baka bigla akong makuryente.
“Pero Dylan wala na kasing masusuot si Miss Janiyah kung hindi siya bibili ng kanyang mga damit.” Paliwanag ni Kuya Romz ng makabawi.
Hindi lumingon si Dylan kay Kuya Romy. Ni hindi man lang gumalaw ang mga mata niya para tingnan niya ito sa gilid. Ganun pa rin kasakit ang bawat pataw niya sa akin, tila sinusunog niya ako sa mga titig niyang mainit.
Para makawala sa tensyunadong sitwasyon, patay malisya akong tumawa. Yung tawa na tanging sarili ko lang din ang nakakarinig.
“Lalabhan ko na lang po ang mga hinubad ko tuwing gabi para may masusuot ako kinabukasan,” natatawa kong paliwanag kay Kuya Romz. Sa kanya ako nakatingin pero ramdam ko pa rin ang masakit na paninitig sa'kin ni Dylan.
Hindi nakagawa ng kahit anong reaksyon si Kuya Romz hanggang sa walang sabi ako na tinalikuran ni Dylan.
Saka lang ako nakahinga ng maluwag.
“Make a list of the things you need to buy and give it to Nadia. She will buy them.” Malamig niyang bilin bago lisanin ang sala.
Tumango-tumango sa akin si Kuya Romz bago patakbong sumunod kay Dylan pabalik sa kung saan man ito galing.
Napabuntong hininga na lang ako dahil sa nararamdaman kong bigat. Bakit napaka-suplado niya? Bakit parang kinokontrol na rin niya ako? Oo, given na may kasalan ako sa kanya dahil di umano may utang ako sa kanya pero hindi ba pwedeng maging malaya na lang ako dito sa puder niya total nagbabayad naman ako ng utang ko sa kanya!
Pero hindi eh!
Kailangan ko na talaga alamin kung bakit ako nagkautang sa kanya dahil kung ako ang tatanungin, maputol man lahat ng daliri niya, inosente talaga ako dito!
Hindi ako scammer at hindi ako utangerang tao!
Mabilis akong nagpunta sa maids quarter para maglista ng mga kailangan kong ipabili kay Nadia. Pero nang makatapos akong maglista, naisip ko bigla, saan pala ako kukuha ng pera pambili ng mga ipapabili ko?
Natuptop ko tuloy ang noo ko!
Pero siguro pwede naman akong bumali kay Dylan? Tama, babali na lang ako sa kanya kesa naman umutang! Wala akong pambayad kapag umutang ako. Pero kapag bumali ako at least may dahilan. Nagtatrabaho ako sa kanya, dapat lang pagbigyan niya ako na mag cash advance!
Bahala na!
Dumiretso ako sa library niya. Kumatok agad ako ng nasa tapat na ako ng pinto.
“Come in.” As usual, malamig niyang boses ang narinig ko.
Marahan kong pinihit ang doorknob pero habang ginagawa ko ‘yon, kung ano-ano na ang iniisip kong sasabihin sa kanya.
Hanggang sa bumungad sa akin ang madilim niyang library! Parang nabulag ako dahil sa kadiliman ng silid! Halos ipikit ko na lang ang mga mata ko para lang maaninaw ko kung nasaan siya banda naka-upo!
“D-Dylan?” Tawag ko sa kanya habang nangangapa ako sa dilim.
“What do you want?” Suplado niyang sagot. Nasundan ko agad ang pinanggalingan ng kanyang boses kaya napalingon rin ako sa bandang iyon.
Nasa parteng kanan siya kaya nag dahan dahan akong naglakad papunta sa gawi niya kaso natigil ako sa pag hakbang ng bumunggo ako sa matigas niyang katawan!
Napamura ako sa aking isip kasabay ng paghapit niya sa aking bewang para lang hindi ako mawalan ng balanse! Pero hindi ko hinayaan na tumagal sa paglapat ang kamay niya sa bewang ko dahil pakiramdam ko, nasusunog ako na parang nakukuryente!
“Ba-bakit kasi ang dilim-dilim dito?” Mariing reklamo ko matapos ayusin ang aking sarili.
Naramdaman ko ang paghinga niya ng malalim dahil tumama sa aking mukha ang mainit niyang hininga. Dahil do’n, niyaya ko ulit ang sarili na umurong para lang makadistansya ulit sa kanya.
Hanggang sa naramdaman ko ang tela ng kurtina na nasagi ng likuran ko kung kaya’t walang babala ko itong hinawi para magkaroon ng liwanag.
“f**k!” Mariing mura ni Dylan ng sumentro sa kanya ang liwanag ng sikat ng araw.
Bahagya siyang nakatalikod habang nakasangga sa kanyang mukha ang kanyang mga kamay pero hindi nakaligtas sa mga mata ko ang itsura niya na tila takot na takot sa sinag ng araw.
Para akong naestatwa kaya hindi ko alam ang gagawin ko!
“Close the fúcking curtain, Janiyah! Damn!” Malakas niyang bulyaw kaya parang nagising ako bigla.
“S-Sorry…Dylan!” Sabi ko habang hinihila ulit ang kurtina para matakpan ang liwanag na pumapasok sa silid.
Kagat ang ibabang labi habang ginagagap ko ang direksyon ng switch ng ilaw para mabuksan iyon at dahil sa katarantahan hindi ko na rin alam ang ginagawa ko.
Nagmura ulit siya ng buhayin ko ang ilaw. Nakasangga pa rin ang mga kamay niya kaya nag-aalala akong lapitan siya.
Agad ko siyang hinawakan sa kanyang braso kaso lumayo siya sa akin. Para akong isang immortal na hindi pwedeng humawak sa kanya dahil baka mapaso siya.
“Leave me alone. Now!” Bulyaw niya.
“Pero namumula ang braso mo, Dylan–”
“Leave, Janiyah!” Bulyaw niya ulit.
Napapikit ako dahil sa lakas ng sigaw niya pero hindi ko pa rin siya sinunod.
Nagmatigas ako at humakbang palapit sa kanya para hawakan ulit ang namumula niyang balat pero tinabig niya ang kamay ko.
Medyo masakit ang naging impact dahil may kalakasan ang pagtabig niya. Hindi ko iyon ininda at tiningnan ko na lang ang ginawa niya.
Umupo siya sa kanyang swivel at may kung anong bagay siyang kinuha sa drawer ng kanyang office table. Inilahid niya iyon sa namumula niyang balat.
“Next time, don't…open the curtain without my permission. All the curtain in this mansion,” kalmado niyang bilin habang ibinabalik sa drawer ang bagay na nilahid niya.
Napayuko ako dahil sa ginawa kong pagkakamali.
“Pasensya na. Hindi na mauulit Dylan–”
“Ano ba kasi ang kailangan mo?”
Biglang umahon ang mukha ko at tuwid ko siyang tiningnan ng maalala ang pakay ko sa pagpunta dito.
“Ah..eh..” Nagkamot ako sa ulo dahil parang nawawalan ako ng lakas ng loob na sabihin sa kanya ang pakay ko! Kung makatingin kasi parang lalamunin na naman ako!
“What, Janiyah?” Nakataas ang isang kilay na kwestyun niya.
Suminghap ako saka pinagpatuloy ang sasabihin. “Kasi nakapaglista na ako ng ipapabili ko kay Nadia kaso naalala ko na wala pala akong pera… Dylan baka pwedeng…mag cash advance muna ako?” Diretso kong paliwanag at saka kinurot ang mga daliri ko.
Hindi siya nagsalita at malamig lang siyang nakatitig sa akin. Yung titig na lampasan. Ganun!
Pero ilang segundo lang ang dumaan at umiwas siya ng tingin sa akin.
“Binigay na ni Romy kay Nadia ang pera para sa mga ipapabili mo. You can go now if you don't have anything to ask or say.” Aniya habang may nililikot na kung ano sa ilalim ng kanyang lamesa.
Lihim akong napaumis.
Medyo mabait naman pala siya eh.
“Thank you, Dylan..” Sabi ko saka siya tinalikuran.
“Nakalista ‘yon sa utang mo Janiyah so, you don't need to thank." Habol niyang sinabi.
Nasa tapat na ako ng pinto, nakahawak na sa seradura ang kamay ko pero bago ko ito buksan, nilingon ko muna si Dylan. Nagtama ang paningin namin. Bahagya akong ngumiti pero pilit lang dahil ang totoo, nahahabag na ako sa sarili ko.
“Okay lang! Nagsisimula na naman akong mag…bayad sa'yo." Sabi ko sa boses na masaya pero ang totoo, habag na habag na ako sa sarili ko. Saka ko pinatay ang ilaw ng silid, pinihit ang seradura at lumabas na ng tuluyan.