AGAD niyang itinali ang kanyang buhok pagkarating niya sa maids quarter. Habang tinatali niya ang buhok hindi niya maiwasan na ikutin ng kanyang paningin ang buong kwarto. May double deck sa isang gilid habang sa kabilang direksyon ay mini sala na. May sofa na two seaters, may center at side table. May TV rin at divider sa ibaba nito.
Umangat ang dulo ng kanyang labi dahil bigla siyang namangha. Malaki ang magiging kwarto niya at hindi niya alam kung may kasama ba siya o wala pero dahil patuloy na gumagala ang kanyang mga mata, masasabi niya na wala siyang kasama sa kwartong iyon.
Malinis ang mga kama at wala pang punda ang mga unan. Parang hindi na rin natutulogan ang kwarto dahil may nakikita siyang mga sapot sa kisame at sa ibang bahagi ng sulok ng kwarto.
Kung tutuusin, kasing lawak na ng harapan nila ang maids quarter na uukupahin niya. Nadagdagan na naman ang pagkamangha niya at mas lalo lang siyang nakakapag-isip na talagang ubod ng yaman nga ang lalaking iyon pero may parte sa isip niya na sinasabing ubod rin ng yabang at suplado ang lalaking iyon–na kahit siya na marunong makisama sa iba ay mukhang hindi niya iyon magagawa sa lalaki! Masyadong mayabang at arogante ang lalaking ‘yon. Bukod doon, mukhang walang puso rin at tila dinaig pa ng mga taong hindi nakapag-aral. Kung tutuusin, dapat ang mga taong kagaya ng lalaking iyon ay sila pa dapat ang malawak ang pang-unawa dahil sila ang may sapat na kaalaman pero hindi eh! Kabaliktaran siya ng mga taong elementrarya lang ang tinapos pero marunong umintindi at umanawa ng kapwa.
Wala siyang kailangan ayusin sa mga gamit niya dahil wala naman siyang gamit na dala kaya saglit siyang umupo sa kama at saka pansamantalang nag-isip.
Tiningnan niya ang kanyang cellphone. Malapit nang mag alas sais ng gabi. Kapag ganun, trenta minutos na lang at lalabas na siya sa kanyang trabaho. Bibili na siya ng isang kilong isda at iba't-ibang klase ng gulay para maibigay niya sa kanyang Papa. Hihingi na lang siya kapag naluto na nito. Pero ngayon, hanggang pag-iisip na lang ang ginagawa niya.
Hindi niya nga alam kung alam ba ni Mrs. Sulit na basta na lang siya tinangay kanina! At ang malala pa, over na siya sa advance sa kinontrahan niya kaya napapaisip siya ngayon kung paano niya iyon mababayaran gayong hindi niya naman alam kung may masasahod ba siya sa pagiging maid niya sa lalaking iyon!
Napabuntong hininga siya matapos isipin ang mga naiwan niyang problema. Parang kahapon lang din siya tumingin sa horoscope niya. Ang nakasaad para sa kanya magiging masuwerte siya ngayong araw tapos ang lucky number niya ay thirty tapos ang lucky color ay black! Eh nasaan na kaya ang swerte niya? Bakit kamalasan ang dumating sa kanya?
“Miss Janiyah? Kailangan niyo na po gawin ang una mong trabaho.” Boses iyon ng driver na siyang nagmamaneho kanina sa range rover na sinakyan niya.
Kaagad siyang tumayo pagkatapos niyang ilagay sa ilalim ng unan ang cellphone niya.
“Seryoso ba talaga sila? Halos labas na ng isang katulong kapag ganitong oras kung ang katulong ay uwian!” Reklamo niya habang naglalakad papunta sa pinto.
Pagkabukas niya, parang robot ang driver. Seryoso ang mukha at nakatayo lang ito ng tuwid na tuwid habang ang mga kamay ay nasa likuran nito.
Patay malisya siyang ngumiti habang sinasara ang pinto.
“Hindi po ba pwedeng bukas ko na lang po simulan ang trabaho ko? Kahit aagahan–”
“Kahit pumayag ako sa gusto mo Miss Janiyah si Dylan pa rin ang masusunod. Tagasunod niya lang din ako.”
Ngumiwi siya saka saglit na nagkamot sa kanyang ilong. Mukhang umaatake na naman kasi ang kanyang allergy.
Allergy siya sa mga taong mayabang at walang puso! Lalo na sa mga taong nakaitim!
“Namumula na po ang ilong mo Miss Janiyah.” Puna ng driver.
Humagikhik siya saka hinampas ang kamay sa hangin.
“Umaatake na naman po yata ang allergy ko Kuya pero hayaan niyo na, mamaya ay mawawala rin ito kapag naging maayos na ulit ang kaisipan ko."
“Ah. Sumunod ka na sa akin Miss Janiyah, ituturo ko sa'yo ang una mong gagawin,” sabi nito saka nag patiunan nang maglakad palabas ng hallway.
Nginiwian niya ang driver habang nakasunod siya dito. Pero habang binabaybay nila ang hallway, namamangha na naman siya. Paanong hindi, eh parang sa telebisyon niya lang kasi nakikita ang ganitong mansyon. Hindi niya tuloy alam kung bawat kwarto na dinadaanan nila ay may natutulog ba o wala! Ang pagitan ng bawat kwarto ay isang metro tapos nasa pang anim na kwarto pa yung maids quarter.
“Kuya may tanong lang ako!” Hindi niya napigilan na sabihin iyon.
Tumigil ang driver saka hinarap siya nito.
“Limitado lang ang isasagot ko sa'yo Miss Janiyah."
Para talagang robot ang taong ito, sabi niya sa kanyang isip.
Bahagya siyang ngumisi pero sinaway niya rin agad ang sarili dahil mukhang robot naman kasi ang kaharap niya!
“Okay lang po! Itatanong ko lang kung ilan bali ang mga kasama kong katulong dito? Staka may mga natutulog po ba sa mga kwartong iyon?" Sabay turo niya sa mga kwartong dinaanan nila.
Napatingin doon ang driver at agad rin ibinalik sa kanya ang atensyon.
“Ikaw lang at si Nadia ang katulong dito. Pero tuwing sabado at linggo lang pumupunta dito si Nadia para maglaba at maglinis ng buong bahay, Miss Janiyah.”
Kagaya kanina, yung isang tanong niya lang ang sinagot nito kaya parang nagsisisi na siya na pinagsabay niya sa isang tanungan lang ang mga tanong niya.
Hihirit pa sana siya kaso tinalikuran na siya ng driver kaya sumunod na lang siya at tahimik na nagmamasid sa mga dinadaanan nila.
Naisip niya na sabado na pala bukas. Kung ganun, makakasama niya si Nadia. May makakausap na siyang matino. Pinapanalangin niya na lang na sana kasing edad niya lang ang Nadia na iyon dahil kung pangalan pa lang at pagtawag ng driver sa Nadia na ‘yon ang pagbabasehan, mukhang bata pa ito.
“Limitado lang din ang isasagot sa'yo bukas ni Nadia kung sakaling marami kang katanungan sa kanya, Miss Janiyah.” Biglang sabi ng driver kaya halos mapatid siya sa dinadaanan nila kahit wala namang bagay na nakaharang!
“Kuya, nakakabasa po ba kayo ng iniisip ng isang tao?” Diretso niyang tanong sa halip na kung manghuhula ba ito ang itatanong niya sana. Alam niya na iisang tanong lang din ang sasagutin nito kaya tinumbok na niya.
Bumababa na sila sa maraming baitang na hagdanan.
Tumikhim ang driver bago nagsalita.
“Hindi po Miss Janiyah.”
Umangat ang isa niyang kilay, tila hindi kumbinsido.
“Eh kung hindi bakit niyo po–”
“Nasa kusina ang pagkain ni Dylan, Miss Janiyah dalhin mo ‘yon sa kanyang kwarto. At habang hinihintay mo siya na makatapos sa pagkain, pwede kang mag linis sa kanyang library.” Imporma nito ng tuluyan na silang makababa ng hagdanan.
Medyo madilim sa buong sala kaya hindi niya masyadong maaninaw kung saan banda ang kusina kaya kinulbit niya sa likod ang driver ngunit bigla itong nagulat at agad na huminga ng malalim.
Lihim siyang natawa pero agad niyang inayos ang sarili ng basta ito humarap sa kanya.
“Miss Janiyah, bawal niyo po akong hawakan o kulbitin o tapikin,” bilin nito saka dumistansya sa kanya.
“Sorry po Kuya! Hindi ko alam na magugulatin ka pala?” Natatawa niyang sabi.
Biglang nabuhay ang mga ilaw sa sala kaya halos mapapikit siya dahil sa pagkasilaw.
At sa oras na ‘yon, muli na naman siyang namangha dahil sa mga nakita ng unti-unti niyang imulat ang mga mata.
Kung pwede lang siyang magmura, kanina niya pa iyon nasabi dahil sa pagkamangha. Ngayon na halos manginang ang buong sala dahil sa mga palamuti at sa mga bagay na nakadisplay sa loob nito, parang gusto niyang tumakbo palabas ng mansyon at sumigaw ng putang ina dahil sa takot na baka makabasag siya ng kahit alin sa mga palamuti at idagdag na naman ng lalaking iyon sa kanyang utang kahit wala naman talaga siyang utang!