1995.
Nagkaroon ng kaguluhan o riot sa isang kilalang High School sa Maynila.
Mabilis ang pagtakbo ni Bailey (lalaki po siya) dahil kung abutan man siya ng mga bwisit na mga g**g members ay paniguradong bugbog sarado siya.
Halos magkanda dapa dapa siya makarating lang sa likod ng eskwelahan at makalabas sa gate doon nang may bigla siyang nahagip isang babaeng na kaschool uniform din nila.
Mabilis na inakyat ni Bailey ang gate pero sa sobrang takot niya at hindi man lang siya makausad. May kwento kwento na sa likod na parte ng kanilang eskwelahan ay may nagmumultong estudyante. Madami din haka haka kung paano ito namatay. Nagpakamatay daw siya matapos iwan ng nobyo, may nagsabi daw na nabagok, pinagsamantalahan daw ng teacher at kung anu-ano pa. Pero isa din sa nakakatakot ay kumukuha daw ito ng "makakasama".
Muling tumingin si Bailey sa babae na tahimik lang nakaupo sa kumpol ng mga sirang upuan na basta lamang itinambak. Hindi naman ito mukhang multo, anito sa sarili.
"Hoy, Miss. Umakyat ka na din dito, patay ka kapag nakita ng mga yun!" Banta ni Bailey sa babae. Tumingin ang babae sa kanya at umiling. Ngumiti. "Hindi. Salamat na lang, may hinihintay kasi ako." Sagot naman nito.
"Sigurado ka? Tulungan na lang kita umakyat dito." Alok muli ni Bailey. Natatakot kasi siya sa kahihinatnan nito kung maabutan ang babae ng mga g**g members.
Tumango ang babae at ngumiti. May hinugot si Bailey sa bag at ibinigay iyon sa babae. Isang ballpen at isang screw driver na ginagamit niya sa kanilang TLE Subject.
"Basta, ingat ka ah. Alis ka na din pag alis ko." Tinuro ni Bailey ang daan papunta sa isang gusali. "Doon. Safe doon. May teachers pa doon." Payo niya sa babae.
"Sige, salamat." Nakangiting sabi nito. Tumalikod na siya at nagsimulanh akyatin ang gate. Nang ligtas na makababa ay tumingin siya muli sa babae at ngumiti.
2007.
Muling pumunta si Bailey sa kanyang alma mater para kumustahin ang mga paborito niyang guro at para na din kumuha muli ng copy ng transcript niya.
Kasama niya ang kanyang anak na si Alexan, isang batang lalaki edad 5.
Madami nang nagbago sa eskwelahan. Ang dating malungkot at maduming facade nito ay napalitan ng mas malinis at maaliwalas na kulay.
Nadagdagan din lalo ng mga naglalakihan at mas modernong building ang eskwelahan. At ngayon din ay mas payapa na ito, wala nang kaguluhan. Mas sumusunod at may respeto na ang mga estudyante sa kani-kanilang guro.
Napasarap ang usapan ni Bailey sa kanyang dating guro sa Aral Panlipunan. Hindi niya namalayan na mag isang ini-explore ni Alexan ang lugar. Dahil sa taranta ng misis ni Bailey ay agad niyang hinanap ang anak na wala naman sa kalayuan.
Pero ang lubos na ikinabigla ni Bailey ay ang hawak nito.
Ang ballpen na mabango ang tinta at ang screw driver niyang ibinigay sa estudyanteng babae 12 YEARS AGO! Paanong sakto talaga na ballpen at screw driver ang dala ni Alexan?
"Daddy, sa'yo ito eh." Yun lang ang sabi ni Alexan. Minabuti ni Bailey magsindi ng kandila sa eskwelahan para sa babaeng iyon. Kung sino man siya ang hiling lagi ni Bailey ay makatawid na siya at maging payapa na.
Tatlong araw na nilagnat si Alexan matapos ang pangyayari na iyon. Ang payo sa kanila ng albularyo ay issurender ang ballpen at screw driver sa simbahan at sila na ang bahala doon. Dahil tila yata, sumusunod ang kaluluwa ng babaeng iyon kung nasaan ang mga gamit.
Taimtim na nagdasal si Bailey kinagabihan at hiniling sa babae na sana ay lubayan na nito ang anak at hayaan sila maging payapa. Kinaumagahan, naging maayos na ang lagay ni Alexan at sama sama silang mag anak na isinurender ang mga gamit sa simbahan at nagdasal muli para sa pagtawid ng kaluluwa.
Nang palabas na sila Bailey sa simbahan may nakita siyang silouhette ng isang tao. Siguro, siya na yun. Nasa tahanan na siya ng panginoon. Matatahimik na din siya.
Magmula ng araw na iyon, hindi na nagparamdam pa ang babaeng estudyantr. At sa pangalawang pagkakataon, ay iniligtas siyang muli ni Bailey.