Ang pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay ng aming angkan at isa na din ang pagiging kapitan sa mga basnig. Isa na dito si Lolo Cypress, ang lolo ng lola ko. Mas kilala soya sa tawag na Lolo Cipreng. Isa din siyang kapitan at ang gamit nila noon sa pangingisda ay yung boat na kung tawagin ay basnigan.
Madalas silang mangisda sa karagatan ng Palawan at Borneo. Noon kasi wala namang agawan ng dagat, lahat malayang makapangisda.
Dumating yung panahon na kukonti ang huli nilang isda. Kaya kahit anong mabingwit, malaki man o maliit ay binibenta pa din nila at ginagawang daing.
Maghahapon nung pinlano nila na umahon na, dahil ika nga nila "inaalat" ang pangingisda. Nang hilahin nila ang basnig, kahit papaano ay meron naman silang nahuli. Pero biglang naghiyawan ang mga mangingisda dahil may nahuli Silang kakaiba.
Isang batang sirena.
Taliwas kay Little Mermaid, hindi ito ganoon kaganda. May kaliskis ang ibang parte ng mukha nito at ang mata ay tulad ng nga mata ng isa. Manipis ang itim na itim nitong buhok. Madulas ang buntot nito at kulay lumot na madilaw ang kulay.
Halata ang takot ng sirena sa mga mangingisda.
"Daingin na yan!"
"Ibenta na lang sa ospital!'
"Isabit natin dito sa basnigan!"
Mga kantyaw ng iba. Pero naawa naman si Lolo Cipreng at sinabi niya na tanggalin ito sa lambat at pakawalan. Hindi na ito nagpatumpik tumpik pa at inalis ang kawawang sirena sa lambat.
Mabilis na lumangoy papalayo ang batang sirena. Hindi alam ni Lolo Cipreng na nagbabantay pala ang mga magulang ng sirena dito.
Lumipas ang ilang araw ay pumalaot muli sila. Pero ang kaibahan, biglang umulan ng malakas at sobrang nagngangalit ang alon. Nang muling sumipa ang malakas na alon ay natangay si Lolo Cipreng nito at bumagsak sa dagat. Akala ng matanda ay doon na ang katapusan pero parang may humawak sa kanya upang dalhin sa ibabaw.
Nagising na lamang si lolo cipreng na nasa dalampasigan na siya. Madaming nag alala sa kanya at inakalang patay na dahil hindi na siya nakita matapos humupa ng bagyo.
Naalala niya yung nangyara at kinapa niya ang bulsa. Doon ay merong itim na bato na parang may kulay puting bilog sa loob na parang perlas. Mula noon hindi niya inalis yun sa kanya at ginawa niyang kuwintas.
Iniisip ni Lolo Cipreng na regalo ito ng mga sirena dahil sa pagligtas niya sa anak nito. Doon nagsimula na yumaman si Lolo Cipreng. Dahil kahit kailan ay hindi na sila “inaalat” kapag nangingisda. Talagang umaapaw ang mga basnig kapag nangingisda siya.
May pagkakataon pa daw na kaya ni Lolo Cipreng na lumangoy ng higit sa isang oras at parang pakiramdam niya ay ilang minuto lang. Kailanman ay hindi sila nakakaengkwentro ng bagyo kapag nangingisda.
Ngunit katulad nga ng kasabihan, sing dulas din ng mga isda ang yaman niya.
Nalulong siya sa sugal pero kapag pumapalaot naman siya ay nababawi niya kung ano ang nawala sa kanya.
Umabot sa edad na 100 si Lolo Cipreng, at bago ito pumanaw ay hiniling niya na muli siyang dalhin sa pusod ng dagat at doon ay ibinalik niya ang hiram na perlas kung saan ito nararapat.
Ilang tao na din daw ang nagtangka na nakawin ang perlas, pero kahit kailan ay hindi sila nagtagumpay. Noong nagkaroon ng apo si Lolo Cipreng na kamukhang kamukha niya ay iniregalo nito ang perlas na bigay ng sirena, ngunit nagkaroon ng malubhang sakit ang apo niyang ito at parang laging nalulunod sa tuwing matutulog ito at kalaunan ay binawian ng buhay. Kayat minabuti na lamang niyang ibalik ito.
Dahil kung may biyaya man itong dala, sing bigat din nito ang parusang kaakibat