Kinabukasan, napansin ni Aling Pilar na tila tahimik si Stefany habang abala ito sa pag-aayos ng bahay. Hindi ito ang karaniwang masigla at maarte niyang Stefany na laging may reklamo sa simpleng gawain.
"Stefany, anak, bakit parang ang lungkot mo ngayon? Hindi ka ba nakatulog nang maayos?" tanong ni Aling Pilar habang iniaabot ang kape sa dalaga.
"Ah, wala po, Aling Pilar," sagot ni Stefany, pilit na ngumiti. "Siguro po, pagod lang ako."
Napailing si Aling Pilar. "Huwag mo akong lokohin, ha. Hindi kaya hinahanap mo si Fabio?" biro nito, sabay kindat.
Nagulat si Stefany at agad na umiling. "Hindi naman po! Bakit ko naman hahanapin 'yung lalaking 'yun? Abala lang siya sa hacienda nila, kaya siguro hindi nakapunta."
"Kung hindi mo siya hinahanap, bakit kanina pa parang lutang ang utak mo?" pangungulit ni Aling Pilar.
Hindi na sumagot si Stefany, bagkus ay umiling na lang muli at itinuloy ang kanyang ginagawa. Ngunit sa loob niya, hindi niya maitanggi na may kulang sa araw niya. Bakit parang nasanay na ako sa presensiya niya? Hindi naman ako ganito dati ah!
Habang abala si Stefany sa pag-aayos ng mesa, biglang sumagi sa isip niya ang huling biro ni Fabio bago ito nagpaalam. "Huwag mo akong masyadong ma-miss, ha. Baka malungkot ka."
Napabuntong-hininga si Stefany. "Nakakainis talaga 'yung lalaking 'yun! Bakit ba ang lakas ng epekto niya sa 'kin?"
Sa hacienda naman, abala si Fabio sa mga gawain. Pero paminsan-minsan, napapahinto siya at napapangiti habang naaalala ang mga reaksyon ni Stefany sa mga biro niya. Ano kaya ang ginagawa ng babaeng 'yun ngayon? Sana hindi siya nagagalit dahil hindi ako nakapunta.
Habang papalubog ang araw, si Stefany ay nagkukulong sa kwarto, iniisip kung babalik pa ba si Fabio kinabukasan. Sa isip niya, Hindi naman ako naghihintay... Pero bakit parang gusto kong makita ulit siya?
Kinagabihan, habang abala si Stefany sa panonood ng lumang TV sa sala, bigla niyang narinig ang mahinang katok sa pintuan. Agad siyang tumayo at binuksan iyon.
Nagulat siya nang makita si Fabio na may dalang malaking mangkok at nakangiti. "Pasok ka," sabi niya, kahit pilit niyang itinatago ang tuwa sa kanyang boses.
"Mainit-init pa," sabi ni Fabio habang itinaas ang mangkok. "Sopas. Ako mismo ang nagluto nito. Baka sabihin mo, nakakalimutan na kita."
Napataas ang kilay ni Stefany, pero halatang natuwa. "Talaga? Baka naman binili mo lang 'yan at sinabing ikaw ang nagluto."
"Wow naman! Wala ka talagang tiwala sa akin, ano?" pabirong sagot ni Fabio habang inilalapag ang mangkok sa lamesa. "Sige, tikman mo kung gusto mo, pero huwag kang magreklamo kung mapapatikim kita ng talento ko sa pagluluto."
Agad na naupo si Stefany at sinimulang tikman ang sopas. Pagkuha pa lang ng unang subo, hindi na niya napigilan ang mapangiti. "Hmm... Masarap nga," inosenteng sabi niya, pero agad siyang napatingin kay Fabio na parang nahuli siyang nagsabi ng papuri.
"See? Sabi ko sa'yo, magaling ako," ani Fabio habang naka-krus ang braso at mayabang na nakatingin sa kanya. "Sa totoo lang, kung ako ang magiging husband-to-be mo, hindi ka na magugutom."
Biglang natawa si Stefany. "Bakit ba palaging ikaw ang bida sa usapang 'yun? Baka sa susunod, ikaw na rin ang magsabi na ikaw ang pipiliin ko."
"Malay mo," pabirong sagot ni Fabio. "Hindi natin alam ang future."
Habang kumakain si Stefany, si Fabio naman ay abala sa pag-aayos ng lamesa at paghahanda ng inumin para sa kanya. Tahimik niyang pinagmamasdan ang dalaga na tila ba napapawi ang pagod niya sa simpleng makita itong masaya.
"Fabio," biglang sabi ni Stefany matapos ang ilang sandaling katahimikan, "salamat, ha. Kahit busy ka, naisip mo pa rin akong dalawin."
Ngumiti si Fabio. "Siyempre naman. Paano ko kakalimutan ang pinakapaborito kong 'trabaho'?"
Napataas ang kilay ni Stefany. "Trabaho? Ano na namang ibig sabihin niyan?"
"Ikaw," mahinang sagot ni Fabio, pero puno ng biro ang boses. "Trabaho ko nang siguraduhing masaya ka."
Hindi na nakasagot si Stefany, pero hindi rin niya napigilan ang pamumula ng kanyang pisngi. Sa gabing iyon, ramdam niyang espesyal siya, kahit hindi niya pa lubos na nauunawaan kung bakit ganoon ang epekto ni Fabio sa kanya.
Matapos magligpit ni Fabio ng pinagkainan nila, napansin niyang tahimik si Stefany na tila may iniisip. Nakatayo lang ito sa tabi ng pintuan, kunwari’y abala sa pag-aayos ng kurtina pero panay ang silip sa kanya.
“Stefany, mauna na ako,” sabi ni Fabio habang inaabot ang sombrero niya.
Biglang bumaling si Stefany, nakapamewang at kunwaring masungit. “Bakit ang bilis mo namang umalis? Kakadating mo lang, aalis ka na agad?”
Napangiti si Fabio sa sinasabi niya. “Anong gusto mong gawin ko? Maglagi dito magdamag?” biro niya habang nakangisi.
“Ewan ko sa’yo,” sagot ni Stefany sabay irap, pero halatang gusto niyang pigilan si Fabio. “Wala naman akong sinabi na huwag kang umalis, pero parang… nakakainis lang na parang lagi kang nagmamadali.”
Natawa si Fabio at lumapit sa kanya. “Bakit, namimiss mo ba agad ako? Aminin mo na kasi, Stefany. Hindi ka sanay na wala ako sa paligid mo.”
“H-ha? Ang kapal ng mukha mo!” sagot ni Stefany habang pilit itinatago ang pamumula ng pisngi. “Sino namang nagsabi niyan? Baka ikaw ang hindi sanay na wala ako!”
Napailing si Fabio, ngunit ang ngiti niya ay hindi maitatago. “Alam mo, Stefany, kung gusto mo talaga akong magtagal dito, sabihin mo na lang. Huwag ka nang magdrama.”
“Hindi nga!” sagot ni Stefany, pero halatang natataranta. “Wala akong pakialam kung aalis ka o hindi. Bahala ka sa buhay mo!”
Naglakad si Fabio papunta sa pintuan, pero bago siya tuluyang lumabas, huminto siya at tumingin kay Stefany. “O, sige na, aalis na talaga ako. Pero huwag ka nang magkunwari, ha? Alam ko naman ang totoo.”
“T-totoo? Anong totoo?” tanong ni Stefany, nagtataka pero halatang kinakabahan.
“Na ayaw mo akong umalis,” sagot ni Fabio sabay kindat, bago tuluyang lumabas ng bahay.
Naiwan si Stefany na nakatulala, hindi alam kung matatawa o maiinis sa sinabi ni Fabio. “Ang yabang talaga ng lalaking ‘yun,” bulong niya sa sarili. Pero kahit paano, hindi niya maitatanggi na may kakaibang saya siyang naramdaman sa mga sinabi nito.
*******
Pagkaalis ni Fabio, napaupo si Stefany sa maliit na bangkito malapit sa pintuan. Habang hawak ang tasa ng sopas na iniwan ni Fabio, napatingin siya sa kawalan, tila nagmumuni-muni.
“Ang yabang talaga ng lalaking ‘yun,” bulong niya sa sarili, pero hindi maikakaila ang bahagyang ngiti sa kanyang labi. Sa isip niya, paulit-ulit na bumabalik ang mga ngiti ni Fabio, ang kanyang mga biro, at ang parang laging kampanteng kilos nito.
“Kung artista lang siya, siguro ‘yung tipong leading man sa teleserye,” naisip niya. “Yung masungit pero may charm, ‘yung tipo na kahit nakakapikon minsan, hindi mo mapigilang mapansin.”
Napahawak si Stefany sa kanyang pisngi. “At saka ‘yung ngiti niya... Diyos ko, parang pang-commercial ng toothpaste! Ang perfect ng ngipin at ang kapal ng kilay. Saan kaya nakakabili ng ganung klaseng ngiti?”
Napalunok siya ng laway habang naaalala ang malalim na boses ni Fabio. “Tapos ‘yung boses niya... parang ‘yung mga bida sa pelikula na kapag nagsalita, parang ikaw na lang ang tao sa mundo. Nakakainis! Bakit ba parang laging nasa kanya ang atensyon ko?”
Napatingin siya sa bintana at napabuntong-hininga. “Pero hindi ko naman sinasabi na gusto ko siya. Siguro lang... ewan, parang ang hirap iwasan na mapansin siya. Lalo na ‘yung mga mata niya, parang laging nangungutya pero ang lambing din tingnan.”
Bigla niyang pinandilatan ang sarili sa salamin malapit sa pinto. “Ano ba, Stefany! Ang dami mo nang sinasabi tungkol sa kanya. Hindi ka naman fangirl, ano?”
Pero kahit anong pilit niyang iwaksi sa isipan si Fabio, hindi niya maiwasang isipin ang bawat kilos nito, bawat salita, at bawat ngiti. Sa bawat paggunita, lalong lumalalim ang tanong sa kanyang isipan.
“Sino ka ba talaga, Fabio? At bakit parang mas lalo akong nalilito sa tuwing kasama kita?”
Kinabukasan, tila sumikat ang araw nang mas maliwanag para kay Stefany. Habang nag-aayos ng sarili, hindi mapigilan ang ngiti sa kanyang mga labi. Kahit hindi dumalaw si Fabio kagabi, naisip niyang siya naman ang dadalaw ngayon.
"Siguro naman matutuwa siya kapag nakita niya ako," bulong niya sa sarili habang nag-aayos ng kanyang buhok sa harap ng salamin. "Tsaka alam ko namang busy siya sa hacienda. Baka kailangan niya ng konting break."
Pagkatapos magbihis, dumiretso si Stefany sa kusina at nagpaalam kay Aling Pilar. "Manang, pupunta lang po ako kay Fabio. Alam ko pong abala siya, kaya dadalhan ko siya ng konting merienda."
"Hay, aba! Mukhang nagkakapalitan na ng effort, ah!" biro ni Aling Pilar habang nakangiti. "O sige, iha, dalhin mo ‘tong suman at mangga. Masarap ‘yan, baka sakaling magustuhan ni Fabio."
Matapos makuha ang merienda, maingat na tinahak ni Stefany ang daan papunta sa hacienda. Habang naglalakad, ramdam niya ang excitement sa kanyang puso. Hindi man niya aminin, parang nasanay na siya sa presensya ni Fabio, at ngayon, gusto niyang ipakita ang pasasalamat niya.
Pagdating niya sa hacienda, nakita niyang abala si Fabio sa pagtuturo sa mga tauhan nito. Suot ang simpleng damit pangtrabaho, halatang hindi siya tumitigil sa kakagalaw. Tumigil si Stefany sa may di kalayuan at tahimik na pinanood si Fabio.
"Ang sipag naman," bulong niya sa sarili habang hinahangaan ang pagiging hands-on nito.
Bigla namang napansin ni Fabio ang kanyang presensya. Napataas ang kilay nito at naglakad palapit. "Anong ginagawa mo dito? Hindi ka ba busy?" tanong niya, pero may halong ngiti sa labi.
"Aba, hindi naman pwedeng ikaw lang ang laging dumadalaw, di ba? Ngayon, ako naman," sagot ni Stefany habang iniaabot ang dalang merienda. "Dinalhan kita ng suman at mangga. Baka hindi ka pa kumakain."
Tila nagulat si Fabio, pero ngumiti ito nang totoo. "Aba, may ganito ka palang side, ha. Salamat. Pero sigurado ka bang hindi ka naliligaw? Mukhang first time mong pumunta dito nang mag-isa."
"Hoy! Alam ko kaya ang daan!" sagot ni Stefany, kunwaring nagtatampo, pero bakas sa mukha ang saya.
Napangiti si Fabio at iniabot ang kamay niya. "Halika, ipapakita ko sa’yo ang paligid habang nagme-merienda tayo."
Habang magkasabay silang naglalakad, ramdam ni Stefany ang kakaibang init ng araw. Hindi lang dahil sa panahon, kundi dahil sa presensyang nasa tabi niya.