Habang naglalakad sila sa paligid ng hacienda, napansin ni Fabio na parang hindi mapakali si Stefany. Palingon-lingon ito sa kanya, tila ba may gustong sabihin pero hindi masabi.
Bigla itong ngumiti, saka tumingin nang diretso kay Stefany. "Bakit? May dumi ba ako sa mukha?" tanong niya, sabay nguso sa sarili niyang pisngi.
Nagulat si Stefany at mabilis na umiwas ng tingin. "W-Wala! Ano ka ba, wala akong tinitingnan!" sagot niya, pero halata ang pamumula ng kanyang pisngi.
"Ah, ganun ba? Baka naman nagagandahan ka lang sa akin," sabi ni Fabio na may kasamang nakakalokong ngiti. Tumigil ito sa paglalakad at tumingin kay Stefany, nakataas pa ang kilay. "Aminin mo na. Hindi naman masamang humanga."
Napahinto rin si Stefany, agad na nagtaas ng kilay at nag-cross ng braso. "Ang kapal naman ng mukha mo! Sino bang humahanga sa’yo? Ang yabang mo, ha!"
"Eh bakit ka patingin-tingin kanina? Huwag mong sabihin na ina-appreciate mo na ako," sabi ni Fabio habang sinasadya pang yumuko para mas makalapit sa mukha ni Stefany.
"Ano ka ba! Hindi ako tumitingin sa’yo! Baka ikaw nga ang tumitingin sa akin!" sagot ni Stefany, sabay irap at mabilis na tumalikod. Pero hindi niya maitago ang pagngiti habang naglalakad palayo.
Tawa nang tawa si Fabio habang sinusundan siya. "Sige na, Stefany. Aminin mo na! Para kang teenager na nahuli sa crush niya!"
"Ikaw ang teenager! Tumigil ka nga!" sagot ni Stefany, sabay hampas sa braso ni Fabio gamit ang hawak niyang panyo. Pero kahit inis ang ipinapakita niya, hindi niya mapigilan ang sarili na kiligin sa mga biro nito.
"Okay, okay, sorry na. Pero ang cute mo kapag nagagalit," hirit pa ni Fabio bago siya muling humalakhak.
"Ayoko na! Ayoko na makipag-usap sa’yo!" sagot ni Stefany, pero imbis na lumayo, nagpatuloy lang siya sa paglalakad sa tabi ni Fabio.
Pagkarating nila sa kubo, agad na kinuha ni Fabio ang mga bitbit ni Stefany. "Ako na, baka mabigatan ka pa," sabi niya habang inilalapag ang mga ito sa mesa.
"Hindi naman mabigat," sagot ni Stefany, pero hinayaan na rin niyang si Fabio ang mag-asikaso. Naupo siya sa isang bangko at nagpahinga, habang pinapanood si Fabio na abalang nag-aayos ng dala nilang pagkain.
Bigla namang sumulpot si Mang Berting, nakangiti at may dalang baso ng kape. "Aba, mukhang may meryenda tayo ngayon, ah!" sabi nito, sabay upo sa kabilang dulo ng mesa.
"Oo naman, Mang Berting! Kasama ka syempre," sagot ni Fabio habang inaayos ang mga plato.
"Ang swerte ko naman! Ang saya kapag may dalaw na maganda at mabait dito sa hacienda," biro ni Mang Berting habang nakatingin kay Stefany.
Napangiti si Stefany, pero nagkunwaring walang narinig. "Ano po ba ang paborito ninyong meryenda, Mang Berting?" tanong niya.
"Aba, kahit ano, basta libre at may kasamang magandang kwentuhan," sagot ni Mang Berting sabay tawa.
Nagkatinginan si Fabio at Stefany, sabay silang natawa sa kakulitan ng matanda. "Mang Berting, baka magalit si Aling Pilar kapag nalaman niyang inuubos mo ang oras mo dito sa amin," biro ni Fabio.
"Hay, Fabio, masaya na akong nakikita kang masigla. Parang iba ang ngiti mo ngayon, ha. Dahil ba 'yan kay Stefany?" tanong ni Mang Berting, na nagdulot ng mabilis na pamumula sa pisngi ni Stefany.
"Ano ka ba, Mang Berting. Meryenda na lang po tayo!" sagot ni Stefany, sabay abot ng plato sa matanda para maiwasan ang tanong.
"Oo nga, meryenda na! Huwag na tayong mag-usap ng kung ano-ano," sabat ni Fabio, pero hindi maitago ang kanyang ngiti habang nagtitimpla ng kape.
Habang abala si Stefany sa pagkain ng meryenda, halos hindi na niya napansin ang usapan nina Fabio at Mang Berting. Masarap na masarap siya sa suman at manggang hinog na inihain ni Fabio.
Napatingin si Mang Berting kay Fabio, saka bumuntong-hininga. "Fabio," bungad niya, medyo mahina ang boses, "kailan mo ba sasabihin kay Stefany ang totoo?"
Napalingon si Fabio kay Mang Berting, saglit na napatigil sa pag-inom ng kape. Mabilis siyang nagbago ng ekspresyon, nagkukunwaring hindi seryoso ang tanong. "Ano ka ba, Mang Berting? Huwag kang magtanong ng ganyan ngayon," sabi niya habang pilit na ngumiti.
Hindi nagpatalo si Mang Berting. "Alam mo, hindi magtatagal, malalaman din niya. Bakit hindi mo pa aminin habang maaga?" tanong niya, mas mababa ang boses para hindi marinig ni Stefany.
Napakunot ang noo ni Fabio, pero saglit niyang nilingon si Stefany, na tila walang pakialam sa usapan at mas abala sa pagkain. Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga bago muling bumulong kay Mang Berting. "Hindi pa tamang panahon, Mang Berting. Gusto ko munang tuklasin kung sino talaga si Stefany... at kung ano ang totoo niyang dahilan sa pagdating niya rito," sagot niya nang mahina ngunit may seryosong tono.
Nag-angat ng tingin si Mang Berting, na tila gustong sumagot pa, pero pinili na lang niyang tumango. "Ikaw ang bahala, Fabio. Pero sana, huwag kang magtagal. Hindi mo hawak ang oras," sabi niya bago muling tumikim ng kape.
Napatingin muli si Fabio kay Stefany, na abala pa rin sa pagkain. Hindi niya maiwasang mapangiti nang bahagya. "Malalaman din niya... sa tamang panahon," sabi niya sa isip niya, sabay inabot ang baso ng tubig kay Stefany na agad namang ngumiti pabalik.
Habang nag-uusap sina Fabio at Mang Berting, biglang tumayo si Stefany mula sa kinauupuan niya at lumapit kay Fabio. May nakakalokong ngiti sa kanyang labi na agad napansin ni Fabio. Napakunot ang noo nito at tinanong, "Ano na naman ang iniisip mo, Stefany?"
Imbes na sumagot, tumikhim si Stefany at biglang sinabuyan si Fabio ng malamig na tubig mula sa pitsel na nasa mesa. "Mainit ang panahon, baka kailangan mong magpalamig," biro niya habang tumatawa nang malakas.
Napamulagat si Fabio, sabay napalingon kay Mang Berting na halos mabilaukan sa kakatawa. "Ikaw talaga, Stefany! Hindi mo ba alam na hindi ka dapat nang-aasar ng gwapo?" sabi ni Fabio, kunwaring nagagalit pero halatang aliw na aliw.
"Ano? Gwapong basa? Bagay naman sa'yo!" sagot ni Stefany habang patuloy ang pagtawa.
Biglang tumayo si Fabio, kinuha ang tabo sa gilid ng kubo, at naglakad papunta sa poso. "Ah, ganun pala ha? Humanda ka!" sabi niya sabay sumalok ng tubig.
"Uy, Fabio! Biro lang! Biro lang!" sigaw ni Stefany habang nagtatakbo palayo, pero mabilis siyang hinabol ni Fabio.
Nagkabulung-bulungan ang mga tao sa paligid habang si Fabio at Stefany ay naghabulan sa may damuhan. Sa huli, naabutan ni Fabio si Stefany at bahagyang sinabuyan ito ng tubig. "Ayan, para patas tayo!" sabi ni Fabio habang tumatawa.
Basang-basa na silang dalawa, pero hindi nila mapigilang magtawanan. Si Mang Berting naman ay natatawa na lang habang umiiling. "Kung di ko pa alam, parang mag-jowa na talaga kayo," bulong nito sa sarili.
Habang parehong basang-basa na, biglang tumingin si Fabio kay Stefany at nagbiro, "O, since basa ka na rin, diretso na lang tayo sa poso para hindi sayang ang tubig."
"Ano?! Naliligo ka ba sa poso?!" tanong ni Stefany, halatang hindi sanay sa ganitong simpleng pamumuhay.
"Oo naman! Bakit, ayaw mo?" sagot ni Fabio habang papunta na sa poso at sumalok ng tubig. "Sige na, Stefany. Subukan mo na rin. Refreshing 'to!"
Napapangiwi si Stefany habang hawak ang mga braso niya. "Fabio, ang lamig-lamig kaya ng tubig dito! Hindi ko kaya!"
Napangisi si Fabio at nagbanta, "Kung ayaw mo, baka tulungan na lang kita."
Bago pa makatakbo si Stefany, mabilis siyang sinabuyan ni Fabio ng malamig na tubig mula sa tabo. "Ay! Fabio! Ang lamig nga sabi, eh!" sigaw ni Stefany habang napatalon sa gulat.
"Arte mo kasi!" sagot ni Fabio habang tumatawa. "Sige na, sanayan lang 'yan. Subukan mo na."
Wala nang nagawa si Stefany kundi lumapit sa poso, nanginginig pa habang unti-unting nagsalok ng tubig. "Kung hindi lang kita gusto sabunutan ngayon, Fabio, hindi ko 'to gagawin," reklamo niya.
"Hala, Stefany! Gawin mo na lang, huwag mo nang sabihin," pang-aasar ni Fabio.
Sa huli, parehong nagbasaan at nagtawanan ang dalawa habang naliligo sa poso. Si Stefany, kahit nagrereklamo noong una, ay hindi mapigilang ngumiti habang tinitingnan si Fabio na parang batang masayang-masaya sa simpleng gawain.
"Hmp, nakakainis ka talaga," sabi ni Stefany habang nagpupunas ng mukha.
"Pero inaamin mo, nag-enjoy ka, 'di ba?" balik ni Fabio, sabay kindat.
Hindi na sumagot si Stefany, pero halata sa kanyang mukha ang ngiting hindi niya maitago.
STEFANY POV
Pagkatapos naming maligo sa poso, pakiramdam ko ay mas magaan ang araw ko. Kahit malamig ang tubig at parang gusto ko nang mag-walkout kanina, iba talaga si Fabio. Kahit na nakakainis siya sa kakulitan niya, hindi ko maitanggi na may kakaibang saya siyang nadadala sa akin.
Habang naglalakad kami pabalik sa kubo, hindi ko maiwasang mapatingin sa kanya. Yung simpleng ngiti niya, parang may magnet na hinihila ang mga mata ko papunta sa kanya. At kahit pa sabihing makulit siya, nararamdaman ko na hindi naman siya gumagawa ng kahit ano para lang asarin ako. Gusto niya lang siguro akong makita na masaya, na hindi ko man maamin, nagagawa niya naman nang madalas.
Kanina, habang nagtatalsikan ang tubig at nagtatawanan kami, parang nawala lahat ng iniisip kong problema. Parang ang simple lang ng buhay kapag kasama siya. Hindi ko alam kung bakit gano'n, pero ramdam ko na hindi ko na gusto yung mga araw na hindi ko siya nakikita.
"Stefany, nakangiti ka mag-isa," sabi niya bigla, kaya nagulat ako at parang nabasa niya ang iniisip ko. "Sabi ko na nga ba, nag-e-enjoy ka talaga kapag kasama mo ako."
"Excuse me, ang kapal ng mukha mo!" sagot ko agad, pero alam kong hindi rin niya ako tinantanan.
Ang totoo, gusto ko na nga yatang aminin sa sarili ko na... masaya ako kapag nandiyan siya. Pero bakit parang ang hirap? Parang gusto kong intindihin kung bakit ang bilis ng t***k ng puso ko tuwing naririnig ko ang tawa niya o kapag lumalapit siya sa akin.
Ano ba 'to? Bakit kahit alam kong nakakainis siya, parang ayoko nang mawala siya sa tabi ko?
Pagkatapos naming maligo, inabot ni Fabio ang isa sa mga lumang damit niya.
"Suotin mo muna 'to, baka magkasakit ka," sabi niya habang inaabot ang simpleng puting t-shirt na halatang malaki para sa akin.
"Sigurado ka? Mukha namang hindi kasya sa akin," biro ko, pero sa totoo lang, tuwang-tuwa ako.
"Bagay naman sa'yo. Malay mo, mas lalo ka pang gumanda," sagot niya habang nakangiti, at hindi ko mapigilang mag-blush.
Habang nagbibihis ako sa likod ng kubo, naririnig ko pa rin ang boses niya, tila nag-aalala kung okay lang ba ako. Nang lumabas ako, ramdam kong nakatitig siya sa akin.
"Uy, wag kang tumingin nang ganyan. Baka ma-in love ka," sabi ko, pilit na nililihis ang usapan.
"Mas bagay sa'yo 'yung damit ko kaysa sa akin," tugon niya habang tinatawanan ako.
Sa gitna ng aming biruan, biglang sumulpot si Elena, bitbit ang basket ng prutas. Kitang-kita sa mukha niya ang pagkagulat nang makita ang suot ko.
"Stefany, ano 'yang suot mo?" tanong niya, pero halatang may halong inis ang tono niya.
"Ah... damit ni Fabio," sagot ko nang walang kaabog-abog.
"Oo, pinahiram ko. Gusto mo rin ba?" biglang sabat ni Fabio na parang sinadya pang asarin si Elena.
"Hindi na. Salamat," matabang sagot ni Elena, sabay talikod, halatang naiinis.
Pag-alis niya, humalakhak si Fabio. "Mukhang may napikon."
"Ewan ko sa'yo. Basta ako, ayoko nang ma-involve sa ganyang drama," sabi ko, pero alam kong may konting saya akong naramdaman. Parang sa kabila ng lahat, masarap isipin na kahit papaano, pinapansin ako ni Fabio higit pa sa iba.
Habang nakaupo ako sa tabi ng bintana ng maliit na kubo, naramdaman ko ang malamig na simoy ng hangin. Ang saya at ingay kanina ay biglang napalitan ng tahimik na pag-iisa. Hindi ko mapigilang maalala ang pamilya ko sa Maynila.
Kamusta na kaya sila? Pinaghahanap ba nila ako? Naaalala pa kaya nila ako? O baka naman masaya na sila ngayon na wala ako?
Sa totoo lang, hindi ko alam kung may halaga ba ako noong umalis ako. Parang lagi akong pakiramdam na ako ang pabigat sa kanila. Ang bunso na laging nagkakamali, ang palaging pinagsasabihan. Pero kahit gano'n, pamilya ko sila. At kahit na masakit isipin, umaasa pa rin akong hinahanap nila ako.
Bumalik sa isipan ko ang mga huling araw ko sa Maynila. Ang gulo, ang sakit, ang pakiramdam na parang hindi ako naiintindihan. Kaya ako umalis. Hindi para takasan sila, kundi para hanapin ang sarili ko. Pero ngayon, habang narito ako, hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko—may halaga ba talaga ako sa kanila?
Napansin ko na may luha na palang tumutulo sa pisngi ko. Agad kong pinahid iyon at pilit na ngumiti. Ayoko nang magpaka-emo. Pero ang bigat sa dibdib ko, parang ayaw akong tantanan.
"Kamusta na kaya kayo?" mahinang bulong ko habang nakatingin sa mga bituin sa labas. Sana, kahit papaano, iniisip din nila ako gaya ng iniisip ko sila ngayon.