CHAPTER 7

3895 Words
BUKOD kay Cielo ay naging mailap na rin ako sa mga magulang ko. Hindi pa rin nawawala ang problema namin ngunit iniiwasan kong makisali sa usaping bahay at lupa lalo na sa tuwing nababanggit ang Senyorito Alaric. Kahit ano ang mangyari ay hindi ko sasabihin sa kanila ang naging kapalit. Dalawang araw na ang nakalilipas at wala pa ring palya ang pagmasid ng pulang sasakyan sa amin tuwing gabi. Hindi rin ako nakakapasok sa trabaho ko sa downtown dahil na rin ay pinagbawalan ako ni Tatay. Bukod doon ay wala rin akong maayos na tulog dahil dalawang gabi nang laman ng panaginip ko ang Senyorito Alaric. At hindi ko alam kung bakit. At gustohin man naming humingi ng tulong sa polisya lalo na at nakakabahala ang pagmasid sa amin tuwing gabi ay hindi namin magawa dahil alam naman naming hindi kami pakikinggan doon lalo na at nagkaroon na doon ng record si Tatay kahit hindi naman totoong ninakaw niya ang mga pataba ng asyenda. Lahat ng iyon ay set up lamang ng mga tauhan ng Ferranci. “Uy, Prinsesa, uuwi ka na?” At katulad ng mga naunang araw ay hinabol ako ni Cielo nang mag-uwian na. Dahil dati naman ay nagsasabay kaming dalawa. “Oo, Cielo,” tipid na sambit ko. Ni ang tingnan ito sa kanyang mga mata ay hindi ko na magawa. Iniiwasan ko na si Cielo para masanay na ako at baka kapag nalaman niya na hindi na ako ang Ysa na kilala niya ay pandirian niya ako katulad ng kay Martina. Mali ang ginawa ko at nagpadala ako kay Senyorito Alaric pero ayaw ko na dumating kami sa puntong huhusgahan ako ng matalik kong kaibigan. Tama na ang ganito lang. “Teka nga, Prinsesa!” Natigil ako sa paglalakad nang hawakan ako sa braso ni Cielo. Bakas din ang kaseryosohan sa boses nito. “C-Cieolo a-ano kasi, n-nagmamadali ako,” sambit ko na lang at sinubukan alisin ang pagkakahawak niya sa akin ngunit pinaharap niya ako sa kanya. “Iniiwasan mo ba ako, Prinsesa?” Umiling ako kahit iyon naman talaga ang totoo. Napaismid naman si Cielo. “Sinungaling!” sambit nito at bago ko pa maibuka ang bibig ko upang magsalita ay tinalikuran na ako nito. Napakurap kurap ako. Gusto kong habulin si Cielo pero kung gagawin ko naman iyon ay para saan pa? Hindi ko naman alam ang sasabihin ko sa kanya. Isa pa ay totoo naman talaga ang paratang niya. Kaya imbis na tawagin ito ay tumalikod na lang ako salungat sa direksyon ng nilalakaran niya. Nag-abang ako sa labas ng campus ng d’yip pauwi sa amin. Hindi pa ako makakapasok ngayong gabi sa resto bar. Dahil bukod sa kulang ako sa tulog ay madami din akong gagawing school works ngayon at magpapaalam pa ako kay tatay. Ilang minuto ang itinagal bago may dumaang dyip mula sa pwesto ko. Mabuti at hindi pa punuan. Pumasok na ako sa loob ng sasakyan. Nakatuon ang atensyon ko sa bag ko at kumukha ako ng bayad. Matapos nun ay inabot ko iyon sa katabi ko habang isinasara ko na ang zipper ng bag na dala ko. “Paabot naman po ng bayad. Salamat po,” ani ko. “Saan ito? Sa downtown ba, Miss Ganda?” ani ng pamilyar na boses. Napakunot ako ng noo. “Ay hindi ho! Sa San Juan lang po—” Naputol ang sinasabi ko nang pag-angat ko ng aking ulo sa unahan ay bumungad sa akin ang nakangiting si Clint. Tila kumikinang din ang mga mata nito sa kapilyuhan. “Okay! Sa San Juan daw ho, Manong si Miss Ganda,” sambit nito saka itinuon ang atensyon sa driver nitong d’yip. Matapos nitong iabot ang bayad ay muli itong bumaling sa akin. “S-salamat,” ani ko at agad na nag-iwas ng tingin. Tatlong beses ko nang nakikita ang lalakeng ito at dalawang beses na kaming nagkasabay sa loob ng dyip. Hindi naman araw-araw ay nagkakasabay kami ng sasakyan. O sadyang hindi ko lang pansin dahil hindi ko pa naman siya kilala noon. Nagkataon lang na tinuro siya sa akin ni Cielo. Hindi naman sa assuming ako na baka ligawan ako nito katulad ng sinabi ni Cielo na baka tipo ako ng binata. Sadyang umiiwas lang talaga ako ngayon sa mga lalake. Kaya nga ay tipid na ngiti lang ang ginawad ko kay Clint matapos ako nitong ngitian. Simula pa lang sa umpisa ay iwas na talaga ako sa mga kalalakihan dahil ang prioridad ko ay ang pamilya ko. Nakakaramdam din ako ng paghanga sa iba minsan ngunit hanggang doon lang iyon. Hindi ko na lang iyon pinagtutuunan ng pansin at pilit na lang isinasawalang bahala. At mas lalo ko pang iniiwas ang sarili ko sa kanila kahit na sa kabila ng napakadami kong manliligaw ay dahil sa nangyari sa akin. Lagi nang nakatatak sa isipan ko na wala nang tatanggap pa sa aking lalake dahil hindi na ako buo at hindi na iyon mabubura pa. Katulad ng nakagawian kapag umaandar na ang dyip ay yayakapin ko ang bag ko bago ko ipipikit ang mga mata ko at isasandal ang ulo ko sa likuran. Kahit ilang minuto man lang ay ma-relax ang isipan ko. Kalahating oras din ang byahe pauwi sa San Juan. Unti-unti ko na rin nararamdamang nagsisibabaan ang mga pasahero sa loob. May bababa at mayroon ding sasakay kaya naman ay napapausog din ako sa unahan. “Pausog naman sa kanan oh! Meron pa!” dinig kong ani ng konduktor kaya idinilat ko ang mga mata ko upang umusog. Akmang ipipikit ko na ulit ang mga mata ko nang makaupo na ang bagong sakay na pasahero nang may magsalita naman sa kanan ko. “Kamusta?” Nilingon ko ang nagsalita. Hindi ko namalayan na kami na pala ang magkatabi. At katulad kanina ay nakatambad sa paningin ko ang malalim niyang dimple. Nakangiti kasi ito dahilan din upang sumingkit pa lalo ang mga mata ni Clint. Tumikhim naman ako at tipid na ngumiti. “Ayos lang ako. Salamat sa pagtatanong,” tipid na sambit ko. Ayokong pahabain pa ang pag-uusap namin. Hindi naman sa nagiging bastos ako. Dahil bukod nga sa iwas ako sa mga kalalakihan ay hindi ko naman siya kilala. Maliban sa pareho kami ng unibersidad na pinapasukan, team captain siya ng basketball at Clint ang kanyang pangalan—ay iyon lang ang tanging alam ko sa kanya at hindi na ako interesado pang alamin ang buong pagkatao niya. Iniyakap ko ng mahigpit ang bag ko at muling sumandal sa likuran ko. Muli ko sanang ipipikit ang mga mata ko dahil malayo pa naman ang sa amin nang marinig ko itong magsalita muli. “Ako pala si Clint. Clint Santos. Lagi kitang nakakasabay sa d’yip tuwing uwian. Ngayon lang tayo nagkatabi.” Ah so tama pala ang iniisip ko kanina na nagkakasabay na rin kami. Sadyang hindi ko pa siya kilala noon. Tumango naman ako. “Ysa…” Iyon lang ang sinabi ko. Ayokong magbigay ng motibo na gusto ko siyang makausap dahil halata namang nakikipag kaibigan ito. Ayokong magpapasok ng kung sino sa buhay ko lalo na kapag lalake. Saka sabi ni Cieolo ay mag-ingat ako kay Clint dahil tirador daw ang huli ng kababaihan. Playboy kumbaga. Hindi na nagsalita si Clint. Ngumiti na lang ito sa akin bilang tugon. Baka ay nakaramdam na hindi ako interesadong kausapin siya. Mabuti naman kung ganoon. Tinuloy ko ang balak ko kanina. Niyakap ko ang bag ko at pinikit ang aking mga mata. Hindi naman ako matutulog at baka lumagpas ako sa amin. Ire-relax ko ang isipan ko. Napabuntong hininga ako. Isang araw na naman ang natapos. “San Juan! San Juan! May bababa ng San Juan?” Ilang saglit pa ay naririnig ko na ang driver kaya naman ay idinilat ko na ang talukap ng mga mata ko. “Meron ho,” pasigaw na ani ko. At nang tumigil na nga ang d’yip ay saka ako walang lingon na bumaba mula sa katabi ko kahit ramdam ko ang titig nito sa akin. “Ingat Ysa,” dinig ko pang sambit ni Clint sa akin. *** DUMIRETSO ako papasok sa loob ng bahay. Saktong naabutan kong nagka-kape si nanay at tatay. Lumapit ako sa kanila at nagmano. Halatang kagagaling pa lamang ng huli sa bukid habang si nanay ay pinagsisilbihan. Napangiti ako. Talagang napaka-simple ng buhay namin. Okay lang na mahirap ngunit puno naman ng pagmamahalan ang loob ng tahanan. Kung hindi lang dahil sa nangyaring gulo siguro ay hindi ko makikitang nahihirapan ang mga magulang ko. “Mano po,” sambit ko pagkalapag ko ng aking bag sa upuan. “Kaawaan ka ng D’yos anak,” ani tatay sa akin. “Magmeryenda ka na, Ysa. Ipagtitimpla kita ng gatas mo.” Niyakap ko si Nanay sa kanyang beywang. “Maraming salamat, Nay. Sige ho. Sasaluhan ko kayo ni Tatay…” Ngumiti naman si nanay at hinaplos ang buhok ko bago kumuha ng tasa upang ipagtimpla ako ng kape. “Kamusta ang araw mo, anak ko?” “Ayos lang naman, tatay. Kayo ho? May nagmamasid pa rin ho ba sa tapat ng bahay natin?” Ang ganoong bagay ay dapat ikabahala. Natatakot ako at baka bigla ay pasukin na lamang kami sa loob ng aming bahay. Napabuga ng hangin si Tatay. “Nakausap ko ang Tiyo Rudy mo kanina. Sinabi ko sa kanya ang sitwasyon natin. Nakuha ko kasi kagabi ang plate number ng pulang sasakyan. Tinanong ko sa kanya kung may ganoon sa asyenda. At…” Matagal itong nawalan ng imik. “At pagmamay-ari daw iyon ng batang Ferranci.” Natigilan ako. Alam ko at narinig ko mula sa kanilang pag-uusap na nasa Cordova na nga ang Senyorito Alaric. Pero ang malamang gabi-gabi ito nagmamasid sa tapat ng bahay namin ay lubusang nagdala ng takot sa akin. P-para saan pa? B-bakit niya ginagawa iyon? Paalisin niya na ba kami dito? Porque nakuha niya na ang hinihingi niyang kapalit sa akin? D’yos ko. Wala na akong maibibigay sa kanya kapalit ng paninirahan namin dito. Nilinlang niya na ako. Ano pa ba ang gusto niya? “Anak, magtapat ka nga sa akin.” Mula sa pagkakatungo ay napaangat ako ng tingin kay tatay. Bigla ay dinagundong ako ng kaba. “Talaga bang kinausap mo lang ang batang Ferranci na iyon na ‘wag tayong paalisin dito?” Inabot ni tatay ang kanang kamay ko at pinisil iyon. “S-sigurado ka ba na wala iyong hininging kapalit mula sa ‘yo?” Pilit na hinuhuli ng aking ama ang aking paningin. Ilang segundo akong hindi nakaimik. Alam ko na masamang magsinungaling sa mga magulang ngunit ayoko naman magsabi ng totoo. Masasaktan sila ni nanay. Binawi ko ang kamay ko kay tatay at pinaglaruan ko ang mga daliri ko dito. Nag-iwas din ako ng tingin. Napatikhim ako. “S-sigurado ho ako. Kinausap ko lang siya. Nagmakaawa ako. Dahil kung may hininging kapalit ang Senyorito, eh di sana ay nakabalik na sa atin ang titulo ng bahay at lupa at hawak na natin ito.” Sinubukan kong hindi mautal. Dahil alam kong malalaman din ni tatay kapag nagsisinungaling ako. Pero sa mundong ito ay napagtanto ko na paminsan minsan ay hindi masamang magsinungaling lalo na kung pinoprotektahan mo lamang ang sarili mo. Napabuga ng hangin si tatay at napailing. Hinilot nito ang kanyang sintido. “Basta ang maipapayo ko lamang ay iwasan mo ang lalakeng iyon. ‘Wag na ‘wag ka nang makipag-usap doon. Kami na ng nanay mo ang bahalang gumawa ng paraan.” Hindi ako nagsalita dahil hindi ako sangayon sa sinabi niya dahil hangga’t kaya ko ay tutulong ako at gagawa ng paraan upang maisalba ang tanging ari-ariang mayroon kami. At hangga’t kaya ko ay susubukan kong hindi sila biguin. “Anak, heto na ang gatas mo. Pasensya na at natagalan ang nanay, ha? Nag-init pa ako ng tubig sa labas…” Tila nawala ang tensyong namumuo sa kusina nang marinig ko ang magiliw na boses ni nanay. Napasulyap pa ako kay tatay bago ako lumingon kay nanay. “Salamat Nanay.” Nakangiting hinaplos ng huli ang buhok ko. “Walang anuman, anak. Basta para sa Prinsesa namin,” tugon niya at saka pumwesto ng upo sa tabi ni tatay. Napangiti ako. Kahit gaano kahirap ang pagsubok na dinadaanan namin ay hindi ako susuko. Para sa kanila. *** MATAPOS magmeryenda ay tumulong muna ako kay nanay sa paghanda ng hapunan naming mamayang gabi. Matapos nun ay nagmadali na akong gumawa ng school works ko lalo na at mahirap mag-aral sa gabi dahil wala kaming kuryente. Gasera lang ang katuwang ko sa pag-aaral dito sa bahay. Mahirap pero kinakaya ko dahil alam ko namang itong sakripisyong ginagawa namin ng magulang ko ay magbubunga din balang araw. Pasadong alas otso nang tawagin ako ni nanay upang maghapunan. Iniwan ko muna saglit ang ginagawa ko para kumain. Matapos nun ay agad din akong bumalik at tinapos ang school works. Napahikab ako at napainat ng katawan ko nang tuluyan akong matapos. Sumasakit na ang likod at mata ko. Kaylangan ko na rin magpahinga at alas nwebe na ng gabi. Tumayo ako mula sa pagkakaupo at lumabas ng silid para uminom ng tubig matapos kong magligpit ng mga gamit ko. “Tay…” Katulad ng nagdaang gabi ay naabutan ko ang aking ama sa mesa. Napansin ko pa ang itak sa ibabaw nun. “Bakit hindi pa ho kayo matulog? Ilang gabi na ho kayong puyat. Baka naman ay magkasakit kayo n’yan.” Maaga din kasing nagigising ang tatay kaya bitin na bitin ang pagtulog nito. “Binabantayan ko lang kayo, anak. Tuso ang mga Ferranci. Baka biglang lumusob ang mga tauhan nila dito at paalisin tayo ng wala sa oras,” nangangambang anito. Napabuntong hininga ako. “Wala hong mangyayaring masama sa atin, Tay. Sige na ho. Ako na lang ang magbabantay total ay hindi pa ako tapos sa ginagawa ko. Gisingin ko na lamang ho kayo pag may napansin akong kakaiba,” pagsisinungaling ko. Tapos na ako at patulog na pero hindi naman pwedeng gabi gabi ay ganito si tatay. “Anak,” nag-aalalang sambit ng huli. Ngumiti ako at niyakap ito. “Sige na, tatay. Magpahinga na ho kayo. Ako na ang bahala.” Upang wala nang magawa si tatay ay iginaya ko na ito papasok sa silid nila nanay. Hanggang sa paghiga nito ay nakatanaw pa rin siya sa akin. “Wala hong mangyayaring masama. Magtiwala ho kayo sa akin…” Malawak ang ngiting iginawad ko kay tatay bago ko hinawi ang kurtina nila pasara. Ngunit sa oras na tumalikod ako at bumalik sa kusina ay agad na nabura ang ngiti ko. Napakuyom pa ako ng kamao dahil sa galit na nararamdaman ko kay Senyorito Alaric. Ano pa ba ang kaylangan niya? Kahit minsan niya na akong nilinlang ay handa akong makipag-usap sa kanya. Matigil lamang ang pagmasid na ginagawa niya gabi-gabi sa tapat ng bahay namin. Dahil lahat kami ay apektado na. Naaawa ako kay tatay at ang lalim ng iniisip lagi. Katulad ng sinabi ko kay Tatay ay nagbantay ako ng bahay. Panay na ang paghikab ko ngunit pinipigilan ko ang antok ko. Nakatungo na ako sa mesa at napapapikit na rin ako. Pasado alas onse na. Labing limang minuto na lang at mag-aalas dose na. Naka dalawang tasa na rin ako ng kape ngunit wala pa rin. Tinatamaan talaga ako ng antok. Kaya naman napag-isipan kong magpahangin sa labas upang mawala ang antok ko. May upuan kasi kami sa labas ng bahay. Hindi naman iyon delikado dahil may bakod ang bahay namin. Matutusok muna ng matatalim na kahoy ang sino mang magtangkang lapitan ako dito. Naupo ako at nagmasid sa tapat ngunit wala ang pulang sasakyan ni Senyorito Alaric. Napahaplos ako sa aking magkabilang braso nang maramdaman ko ang malamig na simoy ng hangin. Naririnig ko pa ang mga kuliglig. Halatang masyado nang malalim ang gabi. Muli ay napahikab ako mayamaya. Mas lalo akong inaantok dahil sa hangin. Napatayo ako at nagmasid pero wala pa rin ang pulang sasakyan. Pasado alas dose na rin. Kaylangan ko ng matulog. Hindi na ako naghintay pa ng ilang minuto at pumasok na ako sa loob ng bahay. Sinarado ko na ang pinto at dumiretso na ako sa silid ko. Nahiga ako. Kapag nasaktuhan ko ang Senyorito ay kakausapin ko ito. Hindi pwede ang ganitong ginagawa niya. *** HINDI ako pinapansin ni Cielo kinabukasan. Sinubukan ko itong ngitian sa klase ngunit nag-iwas lang ito ng tingin sa akin. Nangibit balikat ako matapos kong ngumiti ng mapait. Okay na ‘yon. Mabuti nga iyon para hindi na ako mahirapan pang iwasan siya. Kaya naman sinasanay ko na ang sarili kong mapag-isa. Nakakapanghinayang ang pagkakaibigan namin ni Cielo ngunit ayoko namang may itinatago sa kanya. Para saan pa ang pagkakaibigan namin kung may ililihim lang ako sa kanya? Natatakot lang kasi ako na baka husgahan niya ako. “Uy Prinsesa himala ata hindi kayo nagpapansinan ni Cielo?” tanong ng numero unong tsismosa ng blockmates namin na si Rona. Natigil ako sa pagsusulat nang tumabi sa akin si Rona. “H-ha?” “Hakdog! Hay naku! Bahala ka d’yan. Sabi ni Cielo ay sa amin na raw siya sasama. Kawawa ka tuloy. Mag-isa ka,” anito saka umalis. Sinundan ko ito ng tingin at saktong tumama iyon kay Cielo. Ako na lang ang unang nag-iwas dito. Desisyon naman iyon ng huli. Mabuti nga iyon para hindi na siya malungkot. Pagpatak naman ng uwian ay nauna na akong lumabas ng silid. Nakakapanibago lang at walang maingay na Cielo na nangungulit sa akin. Napabuntonghininga ako at dumiretso palabas ng campus. Mag-aabang ako ng dyip at tutungo akong downtown. Papasok ako ngayon sa trabaho. Nagpaalam na ako kay tatay at buti naman pinayagan ako. Nakausap ko din ang huli kanina at sinabing walang nagmanman sa labas namin kagabi. “Downtown! Isa na lang aalis na!” sigaw ng konduktor kaya naman ay nagmadali na akong pumasok doon sa d’yip. Pagkaupo ko ay agad ko ring binigay ang bayad ko. “Downtown ho. Kasasakay lang.” Katulad ng nakagawian ay sinandal ko ang likod ko at hinintay makaalis ang sasakyan. *** PAGKARATING ko sa restobar ay agad na akong dumiretso sa locker room at nagmamadaling magbihis. Kaylangan kong bumawi ngayon sa trabaho at dalawang araw din akong hindi pumasok. “Ysa! Tagal mong nawala ah! Hindi ka tuloy updated ngayon sa mga pangyayari!” bati ni Lulu nang makita akong papasok ng kitchen area. Tipid akong ngumiti dito. “Naging abala lang,” simpleng saad ko. Hindi ko naman kasi pwedeng sabihin sa kanya ang totoong rason kung bakit hindi ako nakapasok nung nakaraan. Isa sa mga natutunan ko ay ‘wag basta basta magbibigay ng impormasyon sa mga taong hindi mo naman kaano ano. Dahil lahat ng tao ay maaari kang siraan. “Ah. O siya. Umakyat ka muna sa itaas at kakausapin ka ni Manager. Kahapon ka pa hinahanap nun.” “B-bakit daw? T-tatanggalin na ba ako ni Madam?” nag-aalalang tanong ko. Hindi pwedeng mangyari iyon. Natawa si Lulu saka pabiro akong hinampas sa braso ko. “Sira! Mabait iyon ano saka may puso sa mga working student na kagayao mo. Sige na.” Napatango ako at agad na tumalima. Kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag dahil doon. Pumanhik ako sa hagdan patungong second floor. Nandodoon kasi ang opisina ni Manager. Nang makarating sa tapat ng pinto ay ilang beses pa akong napabuga ng hangin bago kumatok. Talagang kabado ako at hindi ako mapapakali hangga’t hindi ko nalalaman ang pakay ni Manager sa akin. “Come in!” Dahan dahan kong pinihit ang seradura ng pinto at nakatungong pumasok sa loob. “M-Madam g-gusto niyo raw ho akong makausap,” ani ko, nanataling sa mga sapatos ko nakatuon ang paningin ko. “Yes, Ysa. Come here…” Mabait naman si Madam at mukhang hindi naman galit ang boses kaya napagdesisyonan ko nang iangat ang aking ulo. Ngunit agad na nagsalubong ang magkabila kong kilay nang maabutang hindi lang kami ni madam ang nasa loob ng opisina. “Take a seat, Ysa. May ipapakilala ako sa ‘yo.” Tumango ako at naupo, hindi iniintindi ang lalake sa tapat ko. “Dalawang araw kang nawala ano?” “P-pasensya na ho. M-may nangyari lang ho sa bahay,” ani kong hindi makatingin ng diretso sa manager ng resto bar. “I understand. Pero para makabawi ka, okay lang ba na bigyan kita ng task?” Napatango tango ako nasa kay madam na ang paningin ko. “O-oo naman po…” ‘Wag lang nila akong alisin sa trabaho at lahat ay gagawin ko. “Great! So you see, may kasama tayo ngayon. He’s Clint and he’s a student like you. Part time din siya dito,” panimula ni madam. Napatingin naman ako kay Clint. Nakangiti rin ito sa akin. At upang hindi magmukhang bastos ay nginitian koi to pabalik. “Hi! Ako si Clint,” anito na animo’y ito ang unang beses na nagpakilala siya sa akin. “Y-Ysa,” tipid na ani ko saka muling ibinalik ang paningin kay madam manager. “Ysa, as I was saying. He’s a student like you. And he’s just new here. Ang gusto kong gawin mo ay ikaw ang magturo sa kanya ng mga gagawin dito. May tiwala ako sa ‘yo. Tatlong buwan ka pa lang dito pero mabilis kang natuto. So I am expecting, ikaw ang aalalay kay Clint hoping na mabilis din siyang matuto.” *** WALA akong karapatang magreklamo sa inuutos ng manager. Kaya kahit naman naasiwa ako sa presenya ni Clint ay ginampanan ko ang trabaho ko. Masasabi kong mabilis naman itong matuto at halata mong seryoso sa ginagawa niya. “Out mo na, Ysa?” Nagulat ako nang bigla itong bumulsot sa harapan ko pagkalabas ko ng locker. Nailagay ko pa ang kanang palad ko sa dibdib ko dahil doon. “A-ah, oo…” tugon ko naman. Alas dose pa lamang ng gabi ngunit plano ko nang umuwi. Hindi ako magpapaabot ng alad dos at maaga ang pasok ko kinabuksan. “Sakto! Pauwi na rin ako! Taga San Juan ka hindi ba? Sa San Joaquin lang din ako. Iisang d’yip lang tayo. Kaya sabay na tayo, Ysa…” “H-hindi na—” tatanggi pa sana ako pero pinutol na ako nito. Hinila ako ni Clint sa kamay papalabas ng restobar. Naabutan pa kami ni Lulu sa ganoong posisyon! Panigurado ay tsismis ito bukas kahit wala namang kahulugan. “Mabuti na lang at ikaw ang unang bababa sa atin. Makikita ko kung safe ka,” kausap sa akin ni Clint pagkapasok naming sa d’yip. Tinanguhan ko lamang ito at pinikit ang mga mata ko pagkaabot ko ng bayad ko. Masasabi kong madaldal pala ang lalakeng kasama ko. Mabuti at marunong itong makiramdam at hindi na ako kinausap pa. Mabilis akong nakarating sa amin dahil malalim na ang gabi. Wala nang gaanong traffic. “Ingat Ysa!” sigaw ni Clint pagkababa ko. Tipid na ngiti lamang ang tinugon ko dito. Gusto ko nang magpahinga at inaantok na ako. Kaya naman ay inihakbang ko na ang mga paa ko patungo sa bahay nang bigla ay matigilan ako nang may umilaw sa likuran ko. At nang paglingon ko ay pulang sasakyan ang bumungad sa paningin ko. Agad na dinagundong ng kaba at takot ang dibdib ko nang bumukas ang pinto at iniluwa noon si Senyorito Alaric.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD