CHAPTER 6

3627 Words
“HOY! Ysa! Natulala ka na! Narinig mo ba iyong sinasabi ko? Naku! Kawawa talaga ni Martina!” Napakurap kurap ako nang maramdaman ko ang pagtapik ni Cielo sa mesa. Napailing iling pa ito na tila dismayado talaga. Napa iwas naman ako ng tingin sa kanya. Hindi ko siya kayang tingnan ng diretso sa kanyang mga mata. Narinig ko ang sinabi niya at lahat ng iyon ay tumatak sa akin. Bawat salitang binitawan niya ay hindi na mawala sa isipan ko. Hindi ako si Martina pero nasaktan ako sa opinyon niya. Tama si Cielo, hindi lang si Martina ang mahihirapan makahanap ng lalakeng totoong magmamahal sa kanya. Paniguradong matapos ng nangyari sa akin, hindi na ako makakahanap pa ng lalakeng tatanggap sa akin. Dese otso pa lang ako pero alam ko nang virginity naming p********e ang batayan kung totoong malinis ba kami. Sa unibersidad na pinapasukan ko ay halos lahat konserbatibo at malaking bagay dito ang kalinisan namin. Kapag hindi ka na buo ay ibig sabihin marumi ka. Sadyang hindi lang patas ang mundo dahil napakadami nang mapanghusga. Sinong babae naman ang gugustuhing mawala ng maaga ang virginity? Napabuntong hininga ako. Hindi ko inintindi si Cielo. Bagkus ay niligpit ko ang mga librong hiniram ko, plano nang ibalik sa librarian. Nawalan ako ng gana mag-aral bigla. “Teka, Ysa! Saan ka pupunta? Mag-kwentuhan muna tayo.” Habol ni Cielo sa akin pero hindi ko siya inintindi. Dire-diretso akong nagpunta sa librarian at sinuli ang mga libro. May pinapirmahan naman ito sa akin saka binalik ang library card ko. “Ano, Miss Sanchez, naabala ka ba ng kaibigan mo? Kahit siguro hinaan niya ang boses niya ay maririnig pa rin dito sa buong library,” ani ng librarian, ibinaba pa nito ang kanyang salamin. Tipid naman akong napangiti kay Mrs. Bulalacao. Kahit papaano ay malapit na ako sa matanda at minsan ay naglilinis ako sa bahay nito kapag wala akong pasok. Pandagdag man lang sa allowance ko lalo na at minsan ay may kinakailangan akong i-photo copy. Hindi ko pa kasi afford ang bumili ng mga libro ng sabay-sabay. “Tapos naman na ho ako magbasa, Ma’am. Babalik na ho ako sa klase. May exams kami maya-maya,” magalang na sambit ko. Tumango ang ginang. “Good luck sa pagsusulat mo, Prinsesa. Pero maiba ako, may gagawin ka ba sa linggo? Alam mo na, kukunin sana kita ulit para maglinis ng bahay.” Napangiti ako. Mabuting balita! Sakto at kapos na ako ngayon sa allowance. Bihira lang kasi ako manghingi sa mga magulang ko lalo na at kaya ko pang gawan ng paraan. “Wala ho, Ma’am. Sige ho aagahan ko na lang sa linggo. Salamat po.” “Sige Ysa. Ipaghahanda rin kita ng paborito mong—” Dumukwang sa akin si Mrs Bulalacao at bumulong sa teynga ko. “Ng paborito mong maja.” Natawa ako at dumukwang din sa kanya. “Sige ho, Ma’am. Samahan niyo na rin ho ng malamig na ice tea.” *** KAHIT papaano ay nalibang akong makipagkwentuhan kay Mrs. Bulalacao. Nawala pansamantala sa isipan ko ang mga sinabi ni Cielo. Lumabas na ako ng library lalo na at hindi ko na doon nakita ang huli sa pwesto namin. Pero pagkarating sa labas ay naabutan ko ito sa bench sa tapat ng library. Agad ako nitong nilapitan at inakbayan. “Ysa, si Martina—” Bago pa nito matapos ang sasabihin ay pinutol ko na ito. “Cielo, nakapag-review ka na ba? May exams tayo mamaya hindi ba?” ani ko at nagpatuloy sa paglalakad, hindi inintindi ang mga varisty players ng basketball na napapalingon sa amin nang dumaan kami sa tapat nila. “Uy! Nakita mo iyon, Prinsesa? Kinindatan ka ni Clint! Bruha! Ikaw na talaga!” saad nito sabay hila sa buhok ko. Napangiwi naman ako. “Aray ko naman, Cielo! B-baka ikaw iyong kinindatan! Saka sino ba iyang Clint na iyan?” ani ko habang hinihimas himas ang anit ko. Minsan mapanakit talaga itong si Cielo. Pero tinitiis ko na lang at kaibigan ko naman siya. Napatingin ako sa mga varsity. At tumama ang mga mata ko sa pinaka matangkad sa kanila. Iiwas na sana ako dito ng tingin nang ngitian ako nito dahilan upang lumitaw ang dimple nito sa magkabilang pisngi. At upang hindi magmukhang bastos ay nginitian ko rin ito pabalik saka nag-iwas ng tingin. “Gaga! Hindi mo kilala? Sabagay hindi ka nanunuod ng basketball! Pero si Clint, siya lang naman ang team captain ng basketball,” aniya. Naramdaman ko ang pagyakap niya sa kanang braso ko. Dumukwang ito sa teynga ko na animo ay seryoso talaga sa sasabihin niya. “Naku! Mag-iingat ka sa kupal na iyan! Pogi nga pero tirador ng mga kababaihan! Panigurado wasak ang p********e mo d’yan. Conservative ka pa naman,” dagdag pa ni Cielo sabay hagikhik. Muli ay napa-iwas ako ng tingin upang hindi makita ni Cielo ang lungkot at pangamba sa mga mata ko. Guilty ako dahil alam ko sa sarili ko na hindi na ako ang babaeng inaakala niya. Conservative ako sa paningin niya pero dahil dala ng kadesperaduhan ay nawala iyon sa akin. Ngayon ay wala na akong maipagmamalaki. Napatango na lang ako kay Cielo. “Ah. Tara na. Balik na tayo sa building. Mag-review ka. May exams tayo kanina ko pa sinasabi…” Hinila ko si Cielo at hindi na pinansin ang mga pinagsasabi nito. Pagdating sa building ng business administration ay agad na akong nagtungo sa silid namin. Dumiretso ako sa pinaka dulong upuan at nagbasa kahit pilit akong ginugulo ng mga sinabi ni Cielo sa isipan ko. Hindi ko na rin kinausap ang huli. Hindi dahil sa wala akong interes sa mga sinasabi niya. Sadyang nasasaktan lang ako para sa sarili ko kahit si Martina ang tinutukoy niya. Natatamaan ako sa mga sinasabi ni Cielo. At hindi ko alam kung matatanggap pa ba niya ako oras na malaman niyang hindi na rin ako buo. “Oo nga! Baka mabuntis din iyon ng maaga si Martina! Sasayangin niya lang iyong ganda niya! Ang bata-bata pa kaya natin para ibigay natin ang sarili natin sa lalake! Tanga lang ang gagawa nun!” At muli ay narinig ko ang boses ni Cielo na tila hindi pa maka-move on sa kay Martina. Kausap nito ang isa sa blackmates naming. Napatungo ako at pinikit ang mga mata ko. Napahigpit din ang hawak ko sa hand outs na binabasa ko. Tama na! Hindi ako si Martina at mas lalong hindi ako tanga. Hindi katangahang ibigay ko ang sarili ko sa inaakalang ibabalik sa amin ang titulo ng bahay at lupa. Hindi tangang nagtiwala ako kay Senyorito Alaric. Hindi tangang nagpauto ako dito. Hindi ako tanga. Sadyang desperado lang. Kahit nakapikit ay naramdaman ko ang pagiging basa ng mga mata ko. Pasimple ko itong pinunasan saka ako tumayo. Nakatungo akong naglakad papalabas ng room. “Uy Prinsesa! Saan ka pupunta?” dinig kong sigaw ni Cielo sa akin. “B-banyo lang,” saad ko, nanatiling nakatungo ang aking ulo. “Gusto mo samahan kita?” tanong naman niya. “Baka matagalan ka lang sa labas eh! Dami mo pa naman manliligaw,” anito sa akin pero umiling lang ako. Akmang aalis na ako nang marinig ko namang nagsalita ang isa sa kausap ni Cielo na si Rhona. “Oo nga! Kung si Martina ang pinaka maganda sa engineering building, dito naman sa Business Ad ay si Ysa. Oh ha! Lamang na lamang pa tayo! Virgin si Ysa, si Martina hindi,” anito at nagtawanan sila. Ngumiti na lamang ako ng pilit sa kanila at walang anu ay lumabas ng sillid. Napabuga ako ng hangin. Grabe na ang mga naririnig ko sa kanila. Walang kasalanan at alam si Cielo pero masakit sa parte ko na marinig iyon sa labi ng kaibigang pinagkakatiwalaan ko. Siguro kung alam lang nila na hindi na rin ako buo ay panigurado ay ako naman ang pulutan nila sa tsismisan. Siguro ay kaylangan ko nang iiwas ang sarili ko sa kanya. Bago pa kami tuluyang masira. *** “UY Prinsesa! Uuwi ka na?!” habol ang hiningang sambit ni Cielo sa akin nang maabutan ako nito papalabas ng building. Nagmadali kasi ako at ayoko na muna siyang kasabay ngayong uwian. Kanina nga pagkabalik ko galing banyo ay hindi ko na kinausap si Cielo at nagkunwaring abala sa pag-review kahit anong pangungulit nito sa akin. Mabuti nga at natigil na sila sa pag-uusap tungkol kay Martina. Dahil kung hindi ay baka napaiyak na lang ako kanina. Kahit kasi hindi ako si Martina ay sobrang sakit ng mga sinasabi nila. Hindi ko lang maiwasang tamaan. Tipid na tumango ako kay Cielo. “A-ah h-hindi pa. Papasok ako sa resto bar,” ani ko at inalis ang pagkaka-akbay nito sa akin. Nagmadali akong naglakad papalabas ng campus at saka nag-abang ng dyip. Bahala na kung anong isipin ni Cielo. Ang importante ay maiwasan ko muna siya ngayon. Masyadong mapanakit ang mga narinig ko sa kanya kanina. Pagkalabas ko ng campus ay ilang minuto lang akong naghintay ng masasakyan. Mabuti nga at hindi ako naabutan ni Cielo dahil mayamaya lang din ay may dyip na. “Punuan na! Sumabit ka na lang, Miss ganda. Bihira na sa panahon ngayon ang gentleman,” ani ng driver sa akin, nakatingin ito sa salamin sa unahan ng dyip. May nginunguya pa itong kung ano. Bawat minuto sa akin ay mahalaga. Alas sais pa lang naman ng hapon at mamaya pang alas otso ang pasok ko sa resto bar pero dahil gusto kong kumita ngayon ng malaki laki ay papasok na ako. Plano ko nga rin mag over time hanggang alas dos ng madaling araw lalo na at hapon pa ang pasok ko kinabukasan. “Sige ho, Maraming salamat.” Tumango ako sa driver at akmang sasabit na dahil panigurado naman ay may bababa ding pasahero mamaya nang may narinig akong magsalita. “Ikaw na dito, Miss ganda sa kinauupuan ko. Baka mahulog ka pa,” boses ng lalake ang nagsalita. At nang lingunin ay pamilyar na lalake ang bumungad sa akin. Katulad din kanina ay nakalantad ang malalim nitong dimple. “A-ah hindi na,” ani ko at nag-iwas ng tingin dito. Nakakahiya naman sa team captain ng basketball ng unibersidad namin. “Sige na. Delikado ang sumabit. Saka sabi nga ni Manong ay bihira na ang gentleman ngayon,” kumbinse nito sa akin. At mula sa gilid ng mga mata ko ay umalis na ito sa kinauupuan niya. “’Wag ka na ngang choosy, ate! Si Clint na iyan oh!” sabat ng panigurado ay estudyante rin ng unibersidad dahil bukos sa kilala nito ang binata ay suot din nito ang unipormeng katulad ng sa akin. Iba-iba kasi ang uniporme ng bawat departamento ng kolehiyo. Para na rin madaling makilala. “Oo nga at nang makaalis na tayo!” ani naman ng konduktor. Kaya kahit nakakahiya ay wala na akong nagawa at pumasok sa loob. Nginitian ko si Clint. “S-salamat.” Ngumiti naman ito pabalik sa akin. “Walang anu man,” anito. Ako na ang unang nag-iwas ng tingin. Kumuha ako ng barya sa bag ko at pinaabot kay Manong driver. “Sa downtown lang ho ako. Salamat,” ani ko at sumandal sa likod ko. Pinikit ko ang aking mga mata upang kahit papaano ay marelax ako mula sa mga iniisip ko: sa klase at maging kina Cielo. Malayo-layo pa naman ang byahe kaya ayos lang iyon. Ilang sandali pa ay naramdaman ko na ang pag-alis ng dyip. *** ILANG minuto din siguro akong naka-idlip dahil mayamaya ay narinig ko na ang pagsigaw ng kundoktor ng lugar. Nasa downtown na ako. Nang idilat ko ang aking paningin ay nagsisibabaan na ang ilang mga pasahero. Hindi ko na nakita si Clint at baka bumaba na iyon kanina pa. Bumaba na din ako at nagtungo sa resto bar na pinapasukan ko. Pagkarating sa locker room ay naabutan ko doon si Lulu. Binati ako nito at nginitian. “Aga natin ngayon ah. Mag over time ka mamaya, Prinsesa?” Binuksan ko ang locker ko saka kinuha ang uniform. Tumango ako dito. “Oo, Lulu. Kaylangan. Madaming gastusin ngayon sa eskwela eh.” “Napakasipag mo talaga! Pero sakto lang din at mag-under time ako. May lakad din kasi ako eh!” “Sige…” Nagpaalam na ako dito na magbibihis na muna ako. Tumango naman ito. Nang ready na ako ay lumabas na ako at naghintay ng papasok na customer. Ilang minuto pa ay may inabutan na ako nito ng menu. At nang makuha ko ang order ay pumasok ako sa kusina. Saktong pagkarating ko doon ay narinig kong may kausap si Lulu. Isa rin sa mga waitress. “Oo, kasing edaran lang din ata iyon ni Prinsesa. Part time din. Magsisimula bukas.” Hindi ko na lang iyon inintindi at binigay ang order na hawak ko sa chef namin. Sa buong durasyon ng trabaho ay pinag-igihan ko ang ginagawa ko para naman hindi masayang ang pagpapapasok nila sa akin dito. Mabait din kasi ang manager at may konsiderasyon sa mga estudyanteng tulad ko. May fifteen minutes break ako sa trabaho at ang ginawa ko ay nagre-review habang kumakain. Wala akong pinalipas na minuto na wala akong ginagawa. Napansin pa ako ng mga kasamahan ko at binati ako. “Napaka sipag mo talagang bata ka. Sana iyong anak ko ay katulad din sa ‘yo,” ani ng isang waitress na si ate Myrna. “Salamat po, Ate. Kaylangang magsipag para makaahon sa hirap. Para sa mga magulang ko,” ani ko naman, nakangiti. Hindi ko kasi maiwasang ganahan kapag naiisip ko sila nanay. Para sa kanila ang lahat ng ginagawa ko. *** TULUYAN na akong nakaramdam ng pagod nang pumatak ang alas dos ng madaling araw. Tapos na ang shift ko at panay na ang hikab ko. Uuwi na ako para magpahinga. Masakit na rin ang likod at magkabilang braso ko. Matapos kong magpaalam sa manager at mag time out ay lumabas na ako ng resto bar para mag-abang ng masasakyang dyip. Madaling araw na at delikado na ang daan pauwi. Pero dahil meron naman akong mga nakakasabay ng uwi na mga taga Cordova ay kahit papaano nawawala ang takot ko. Dahil sa pagod ko ay hindi ko na napansin na hindi katulad noong mga nagdaang gabi ay may itim na sasakyang titigil sa harap ko at aalis lang kapag nakasakay na ako. Hindi ko na lang pinapansin ang mga ganoong bagay dahil nagsimula lang naman iyon nang magkaroon kami ng engkwentro ni Senyorito Alaric. Madaling araw na kaya pahirapan na sa pagsakay ng dyip. Ngunit pasalamat na lang ako at hindi naman ako inabot ng kalahating oras bago nakasakay. Panay hikab pa ako sa loob ng sasakyan. Pinipigilan ko kasing makatulog at baka may mangyari sa akin. Nang matanaw ko na ang bahay naming ay agad na akong pumara. Dumiretso na ako sa paglalakad ngunit tila nawala ang antok ko nang mapansing may pulang sasakyang nakahinto sa hindi kalayuan. Bigla ay nakaramdam ako ng kaba. Hindi ko alam kung bakit. Napailing ako at ilang segundong tinitigan ang sasakyan. Pagkalipas ng ilang segundo ay umalis na ito. Ngunit kahit ganoon ay hindi pa rin mawala ang malakas na kalabog ng dibdib ko. Hindi na ito maganda. Pumasok ako sa loob ng bahay at saktong naabutan ko si tatay habang nagkakape sa hapag. Lumapit ako dito at inabot ang kanang kamay nito. “Tay, mano ho. Bakit gising pa ho kayo?” tanong ko. Hinila ko ang kahoy na upuan at naupo sa harapan niya. “Si nanay ho?” dagdag ko pa. “Kaawaan ka ng D’yos, anak. Tulog na ang nanay mo,” tugon niya ngunit bakas pa rin ang pag-aalala sa kanyang mga mata. “May problema po ba tayo, Tatay?” nag-aalala na rin na sambit ko. Nagpakawala ito ng mabigat na paghinga. “Anak, ilang gabi ko nang nakikitang laging may nakamasid sa tapat ng bahay natin. Nag-aalala ako.” Nawalan ako ng imik. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba kay Tatay na ganoon din sa trabaho ko. Nangangamba ako na baka ay patigilin niya ako sa trabaho lalo na at pinakiusapan ko na lang si tatay na payagan niya ako. Natatakot din kasi ito at delikado na sa gabi. Kaya nga sa tuwing umuuwi ako ay madalas naabutan ko si tatay na gising pa. Maliban na lang ngayon na mahahalata mong may dinadala. “T-tay, m-may nakita akong pulang sasakyan sa labas pagkarating ko…” Napatingin sa akin si Tatay. Napailing ako. “Anak, pasensya ka na ha. Pero nangangamba ang tatay. Natatakot ako na baka tauhan iyon ng Asyenda Ferranci at minamanmanan tayo. Matagal silang nanahimik. B-baka paalisin na tayo dito. H-hindi ko kaya anak. A-atin ang lupang ito. Pinaghirapan namin ito ng nanay mo.” Tila may kung anong kumirot sa puso ko nang makita ang pagtulo ng luha ni tatay. Dinaluhan ko ito at agad na niyakap. Kung totoo man na taga Asyenda Ferranci ang nagmamanman sa amin ay hindi ko hahayaang paalisin nila kami dito. Gagawa ako ng paraan. Hindi ako makakapayag na saktan nila ang mga magulang ko. Hinaplos ko ang likod ni tatay. “Hindi mangyayari iyan, Tay. Kahit anong mangyari ay hindi tayo aalis dito,” pagpapalakas ko ng loob kay tatay kahit ang totoo ay hinang hina na ako sa loob ko. Ang sakit na makitang umiiyak ang sarili kong ama. Buong buhay ko ay nakita ko kung gaano katapang ni tatay. Wala itong inuurungan. Pero ang makitang may luhang kumawala sa mga mata nito ay nakakadurog ng puso. Kung hindi lamang ako nilinlang ni Senyorito Alaric at tumupad ito sa usapan namin ay hindi ito mangyayari. Napakuyom ako ng kamao at tumingala nang maramdaman ko ang nagbabadyang luha mula sa aking mga mata. *** KAHIT pagod mula sa klase at trabaho ay hindi ako nakatulog dahil sa pag-iyak ni tatay. Parang dinudurog ang puso ko kaninang madaling araw. Nasasaktan ang mga magulang ko sa sitwasyon namin. At gusto kong saktan ang sarili ko dahil may ginawa nga ako ngunit palpak naman. Napapa-isip din ako kung sino ang taong nagmamasid sa amin. Maging ang sasakyan na laging humihinto sa harapan ko sa tuwing uuwi ako galing trabaho. Walang nakaalitan ang mga magulang ko maliban sa mga Ferranci. Kaya malakas din ang loob ko na baka sila nga iyon. Sila ang tao sa likod ng dalawang sasakyan na iyon. At hindi ako mapapanatag dahil doon. Alam ko na may pinaplano sila. Maaaring paalisin na kami ng tuluyan sa bahay at lupa namin ng sapilitan at iyon ang ikinakatakot ko. Wala na akong maibibigay pa kay Senyorito Alaric. Kaya hindi ko alam kung paano sila mapipigilan. Sa kaiisip ay nakatulog din ako ng mag-uumaga na. Naggising ako ng alas otso. Hindi ko na naabutan pa si nanay at tatay. Malamang ay nasa bukid na sila. Kaya naman matapos kong mag-almusal ay dumiretso na ako sa kubo para tumulong sa gawain. Pagkarating doon ay naabutan kong nag-uusap si nanay at tatay. Mababakasan sa kanilang mga mukha na hindi sila natutuwa sa pinag-uusapan nila. “Nakausap ko ang asawa ni Rudy sa palengke, Sito, kanina,” dinig kong saad ni nanay. “Dumating daw kahapon galing ibang bansa ang tagapagmana ng Asyenda na si Alaric Ferranci,” dagdag pa ni Nanay. Natigilan naman ako sa paghakbang ko ng aking mga paa. Tila napako ako sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam kung ano ang uunahin kong emosyon dahil iba-iba ngayon ang nararamdaman ko pagkarinig ko pa lamang ng pangalan ng kinasusuklaman ko. “Kung ganoon ay malakas ang kutob ko na tauhan ng asyenda ang nagmamasid sa atin ilang araw na. At sigurado rin ako na gumagawa na sila ng hakbang upang paalisin tayo dito,” dinig kong tugon ni tatay ngunit kumpara kagabi ay walang iba akong nakikita sa kanya kundi galit. “Hindi ba at nakwento mo sa akin na nabanggit ni Rudy na kinausap ni Ysa ang batang Ferranci?” Muli ay natigilan ako sa sinabing iyon ni Nanay. Akala ko ay nakalimutan na nila ang issue na iyon! “Kung totoo man na ang anak natin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo pinapaalis dito… b-baka pwedeng kausapin ulit ni Ysa ang senyorito—” Naputol si nanay nang umiling si tatay, halatang hindi ito sangayon sa suhestyon ng huli. Napabuga ito ng hangin at mayamaya ay nagsalita. “Amy, hindi! Sa tingin mo ba ay ganoon kadali makipag-usap sa mga Ferranci na iyon, mahal?” Muling umiling si tatay at nagawa pang sabunutan ang sarili niyang buhok. “Kilala mo ang mga Ferranci na iyan, Amy! Tuso sila! Lalong lalo na ang tagapagmana na si Alaric Ferranci! Kabilaan pa ang mga babae! Kaya hindi ako naniniwala sa sinabi ng anak natin na si Ysa na walang hininging kapalit sa kanya ang huli upang ‘wag tayo paalisin dito!” galit na galit na ani tatay ngunit hindi nakatakas sa paningin ko ang pagtulo ng luha sa kanang mata nito. “At oras na mapatunayan ko na tama ang kutob ko sa kung ano ang binigay na kapalit ni Prinsesa—” Tumingala si tatay sa kalangitan at napailing. “Patawarin ako ng D’yos, pero makakapatay ako.” “D’yos ko…” Maging si nanay ay napaluha na rin. Napaiwas ako ng tingin. Napapikit ako. Anak nila ako at kilala nila ako. A-alam nila na sa una pa lang na nagsisinungaling na ako. A-ang tanging dinadasal ko na lang ay sana ‘wag nilang malaman kung ano ang kapalit na hiningi sa akin ni Senyorito Alaric dahil alam kong bukod sa madudumihan ang mga kamay ni tatay ay madudurog ang mga puso nila. Ayokong mangyari na tuluyang kaming masira dahil lamang sa bahay at lupa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD