Fearless, Fierce Love by Mar Mojica : Chapter Five

503 Words
Hindi ko akalain na magdadatingan ang mga kaklase ko rito sa aming munting bahay. Halos wala na kaming malakaran at marami ang nakatayo na lang at nag-uusap-usap. Kagabi pa nandito sina Amanda at Leni. Hindi nila ako iniwan. Magdamag kaming nag-iiyakan lang. Nandoon lang si inay sa tabi ni itay. Nakaupo at hindi nagsasalita. Kinakamayan siya ng mga nakikiramay. Pagod na pagod ang mukha niya. Mugto ang mga mata sa puyat at kaluluha. May mga mumunting ngiti na sumisilay sa kanyang labi sa tuwing may mga lalapit sa kanya at naghahatid ng pagdamay. "Mel, condolence." Nag-angat ako para sinohin iyon. Maging sina Amanda at Leni ay seryoso rin ang mga mukha na tiningnan ang nagsalita. Mapait ang aking ngiti nang masilayan ko ang maamong mukha ni Franklin. Kahit malungkot ang mga tingin niya sa akin ay hindi ko pa rin maiwasan na hindi hangaan ang kaguwapuhan niya. Sana lang ay naipakilala ko man lang siya kay itay. Sumungaw ang mumunting luha sa mga mata ko. Kumurap-kurap ako at lumunok para pigilan ang aking sarili. Katabi ni Franklin si Thalia, katulad pa rin ng dati— nandito rin siya. Nakasuot siya ng itim gaya ng marami tanda ng pakikiramay. Kapansin-pansin na walang suot na kolorete si Thalia ngayon. Nanibago tuloy ako sa kanya. "Condolence," ani Thalia. Nagulat ako sa biglang paglahad ni Thalia ng kamay sa harap ko. Nasulyapan ko rin ang mga kaibigan ko na bahagyang nanlaki ang mga mata. Parang hindi ko siya kilala ngayong marunong din pala siyang dumamay sa namatayan. Kinuha ko ang palad niya. "Salamat," sabi ko. Nanatili kaming tahimik at naroon lang sila sa tabi namin na nakatayo. Wala na kasing bakanteng silya. Pinagigitnaan ako nina Amanda na hawak ang kanang kamay ko at ni Leni na kaliwang kamay ko naman ang hawak. May narinig akong tunog ng sasakyan. Marahil ay may dumating na naman para magbigay ng habag sa aming pamilya. Namangha ako sa tuloy-tuloy na pagdating ng mga bisita. Mga guro, kaklase, schoolmates, kapitbahay at mga kasamahan ni itay sa trabaho ay nandirito sa aming munting tahanan. Nasa labas na nga ng aming bakuran ang marami at may nagboluntaryo pang naglagay ng tolda sakaling umulan para may masilungan. Kagabi ay kausap ni inay ang boss ni itay. May mga kasama rin itong artista na hindi gaanong sikat at hindi ko kilala. Sina Amanda at Leni lang ang nagsabi sa akin na lumalabas pala sa drama sa TV ang mga dumalaw kagabi. May mga sobre silang ibinigay kay inay at umalis din agad. Narinig kong umingay ang maliit na pasilyo papasok sa aming bahay. May mga nagbubulungan. "Sino ang mga ‘yan?" bulong ni Aling Marites na narinig ko naman. "Ang gara ng kotse!" puna naman ni Aling Marisa. Sumabat din si Aling Maricon, "Mukhang mayaman. Baka mga artista rin?" “Malaki ang abuloy ng mga iyan! Dali kayo paraanin n’yo!” natatarantang sabi ni Aling Marian. Hindi ko naisip na ang mga taong iyon pala na pinagkakaguluhan ng mga kapitbahay ang siyang magpapabago ng aming buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD