Fearless, Fierce Love by Mar Mojica : Chapter Four

844 Words
"Ms. Mantova, you are to report at the counselling office, now," utos ng guro na nakakunot noo. Napatingin lahat sa direksiyon ko. Binalot ako ng kaba. Bakit? Anong nagawa ko? Sumulyap ako kay Franklin. May pag-aalala akong nakita sa mga tingin niya. O nag-iilusyon lamang ako? Bumuntonghininga si Ulah at tinapik ang braso ko. Iniisip ko kung ano ang nagawa ko. Hindi kaya nagreklamo ang mga magulang ng gorilyang iyon dahil sa ginawa ko sa kanya? Hindi ko napigilang mapatiim bagang. Humanda siya 'pag nagkita kami ulit. Mabigat ang mga paa na tinungo ko ang counselling office. Mga ilang silid lang ang layo no'n mula rito sa bulwagan. Kumatok muna ako bago itinulak ang pinto ng opisina. Naroon ang matandang Counsellor at may kausap sa telepono. Itinuro niya sa akin ang silyang nasa harap ng mesa niya nang makita ako. Umupo ako sa silya at inilibot ang paningin sa loob ng counselling office. Pulos patungkol sa bullying ang nakakabit na poster sa mga dingding. Pagbaba ng hawak na telepono ay narinig ko ang buntonghininga ng Counsellor. "I'm sorry, Ms Mantova. Nakikiramay kami sa inyong pamilya." Ano raw? Nakikiramay? Bakit at para saan? "Ma'm, hindi ko po maintindihan." Natakpan ng Counsellor ang sariling bibig. "Oh, I'm sorry. Hindi mo pa ba alam? Televised kanina ang nangyari sa father mo." Kinabahan ako. Ano ang nangyari kay Itay? Tiningnan ko nang diretso ang matandang babae. "Ma'm sabihin n’yo po sa akin kung ano ang nangyari sa itay ko. At ano po ang napanood n’yo sa TV?" Tinitigan niya ako. Parang may sasabog mula sa kanyang bibig kapag ibinuka na niya ito. "Huwag kang mabibigla Ms Mantova. Your father died in an accident. It was all over the news. I'm so sorry," umiiling na sabi niya. Parang hindi rumehistro agad sa utak ko ang mga sinabi niya. Patsi-patsi ang nauunawaan ko. Father. Died. Accident. Sh*t! Hindi totoo ito. Tumayo ako at alam kong namumutla ang hitsura ko. Nabigla ako sa nalaman ko. Pero hindi ako naniniwala. Kanina lang ay magkasama kami ni Itay. Masaya kaming naghiwalay. Baka naman hindi ang itay iyon? Baka nagkakamali lamang ang counsellor na ito. "Ms Mantova, calm down. I heard that he passed away at the hospital. Sa Central Hospital." Pagkarinig ko roon ay mabilis akong tumakbo palayo. Alam ko kung saan ang lugar na iyon. Kailangan kong makumpirma kung totoo ang mga narinig ko. Nagmadali ako habang dinig na dinig ko ang dagundong ng tunog sa dibdib ko. Central Hospital. Dumiretso ako sa Information. Hawak ko ang aking sumbrero at nakasabit sa kanang balikat ko ang backpack. "Excuse me po. Saan po ang Admission?" Itinuro sa akin ng babaeng nakaupo roon kung saan ang admission. Malalaki ang mga hakbang ko. God no. Please huwag po ang itay ko. Hindi maalis ang kaba sa dibdib ko. "Miss, may na-admit ba ritong Henry Mantova?" tanong ko sa babaeng nakaupo sa may admission area. "Ah, yung stuntman?" Sh*t! "O-Opo.” Nanginig ang boses ko. Gusto ko nang sumigaw sa takot. May pinindot-pindot sa laptop ang babae. Natakpan nito ang bibig nang may mukhang nabasa siya roon na ikinagulat. "K-Kaano-ano mo siya, miss?" tanong ng babae sa akin. "T-Tatay ko po." Tinitigan ako ng babae. Nakita kong kinagat nito ang labi at tiningnan muli ang monitor sa harap niya. "Umakyat ka na lang sa second floor, miss. Sorry," sabi nitong hindi makatingin ng diretso sa akin. Pangalawang sorry na ito na narinig ko ngayon. Puwede bang tama na ang sorry? Takot na takot na ako! Ramdam ko ang pangangatal ng aking mga tuhod. Saan ba ang second floor? Hindi na ako makapag-isip nang matino. May bumabara sa lalamunan ko at nahihirapan akong huminga. Nakita ko ang elevator. Kahit gusto kong magmadali, ang mga paa ko ay nanghihina naman. Pagbukas ng elevator ay sumakay ako. Pinindot ang number two. Mag-isa lamang ako sa elevator na puro salamin. Nakita ko ang aking sarili. Tss, namumutla ako. Tumunog ang humintong elevator. Lumabas ako mula roon at luminga-linga sa tahimik na paligid. May nabasa ako roon na lalong nagpasikip ng aking dibdib. May pana na nakaturo kung saan ito patungo. Hindi ko na maisara ang bibig ko dahil sobrang sikip na ng paghinga ko. Tangin*! Napamura ako nang makita ko si Inay na nakaupo na mag-isa sa isang mahabang silya. May hawak siyang panyo na ipinapahid sa mga mata. Unti-unti ang paglapit ko kay Inay. Parang sasabog na ang dibdib ko. Nanginig ang labi ko pati na ang mga kamay at paa ko. Nagtama ang mga mata namin ni Inay nang mag-angat siya ng mukha. Kitang-kita ko ang malungkot na pagngiti niya sa akin. Hindi ko na kinaya. Tumakbo ako palapit sa kanya. Napaluhod ako sa kanyang harapan at sinalubong niya ako ng kanyang mahigpit na yakap. Dumaloy ang masaganang luha mula sa aking mga mata. Parang dinudurog ang aking puso. Dinig na dinig ko ang mga impit na iyak ni Inay. Walang makapagsalita sa amin. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Ayaw kong marinig. Ayaw kong tanggapin. Sh*t! Hindi ito nangyayari ngayon. Nananaginip lang ako! Hindi ito totoo!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD