Nandito ako ngayon sa Mapa Hall. Ako ang President ng Student Sociological Society kaya kailangan kong dumalo rito. Kilala ko na rin ang ilang Presidente ng ibang kurso. Ito na ang pangatlong pagpupulong namin ngayong taon.
"Melissa Mantova!"
Napatingin ako sa tumawag sa akin sa karamihan ng mga estudyante. Si Ulah iyon na President ng Student Psychological Society (SPS). Matangkad, matalino, malakas ang appeal ng babaeng ito.
"Uy, Ulah, ‘musta?" bati ko sa kanya.
"Ikaw ang kumusta! ‘Dami kong narinig tingkol sa ‘yo, ha," aniya at tumabi sa akin. Kapansin-pansin ang mahaba at makintab niyang buhok.
Nagdadatingan na rin ang ilang estudyante. May mga guro na rin at opisyal ng Student Alliance (SA).
"Wala 'yon. Huwag kang maniwala roon," sabi ko at inayos ang suot kong cap nang patalikod sa ulo para mas makita ko ang mukha niya.
Pinagtitinginan kami ng mga dumaraan na naghahanap din ng mapupuwestuhan nila.
"You are really scary, alam mo ba? Kumakalat na rito sa buong school ang pagiging karate kid mo." Tumawa siya nang mahinhin.
Hindi ko naiwasan ang mapatingin sa entrance ng hall. Papasok kasi roon si Franklin kasama ang President ng SA. Kahit malayo ay talagang kumikinang ang kaguwapuhan niya. Hindi niya kasama ang nakasabit lagi sa braso niyang si Thalia. Bawal kasi rito ang hindi kasali.
"Hindi naman. I'm just defending my friends," sagot ko na ang mga mata ay hindi inaalis kay Franklin at umaasang makikita niya ako at tatabihan sa nakakainip na pulong na ito.
"Alam mo pinapahanga mo talaga ako."
"Huh?" Napatingin ako sa mukha ni Ulah na titig na titig sa akin. Pakiramdam ko ay may dumi ang mukha ko.
Pero teka, tama ba ang narinig ko? Humahanga rin siya sa akin? Ang akala ko ay sila Amanda at Leni lang ang inlove na inlove sa akin... Don't get me wrong. Iyon talaga ang term ko kasi puro admiration para sa akin ang lumalabas sa bibig nila. Kaya ko nga sila mga best friends, eh.
"Kung... kung lalaki ka lang siguro nagkagusto na ako sa ‘yo," pagtatapat niya. Pumangalumbaba pa si Ulah at papikit-pikit na tumitig lalo sa akin.
Pambihira! Natotomboy ba ito sa akin? O natotomboyan siya sa akin? Naku ha, kung alam lang nito kung gaano ako ka-girly. Okay fine, sometimes, boyish talaga ako. Gaya ng hitsura ko ngayon.
Puwede kasing hindi magsuot ng uniporme ngayon dahil excuse ako sa mga klase ko para sa pulong na ito. Nakasuot ako ng kamiseta na maluwag at may nakaburdang granada ang gitna. Maong ang pantalon ko at de goma ang sapatos. Ganito kasi ako sinanay ni Itay. Pero ‘pag nandiyan si Inay, nagbebestida rin naman ako. Kaya girl talaga ako, nagkaka-period, period!
"Ba't mo naman nasabi iyan?" tanong ko.
Itong si Ulah ang tipikal na babae. Nakabestida at naka-flat shoes. Nakalugay ang buhok kagaya nina Amanda at Leni na hindi ko pa nakitang may pinggol ang mga ulo. May mga hikaw na suot at may kolorete sa mukha. Mababango at mahihinhin kumilos.
"Nagulat ako nang manalo ka sa speech contest..." Ang tinutukoy ni Ulah ay ang English Department Speech Competition na muntik na akong mag-first place. Pero runner up pa rin ako. Sabi nga ng mga hurado, close fight. Senior kasi kaya raw pinagbigyan. Sophomore pa lang ako noon.
"Nagulat ako nang kinanta mo ang favorite song ko on stage..." pagpapatuloy niya.
Ah, naaalala ko iyon.
Kasi may isang magpapakita ng galing na na-mental block 'ata at hindi na nakakilos sa entablado. Lalaki pa naman pero dinaga ang dibdib nang makita ang dami ng manonood. Eh, ako ang Emcee on that Foundation Day. Siyempre umepal ang lola. Hayun napakanta. Akalain ba na nakapag-duet kami noong lalaki at bumenta sa madla! Nagkataon lang na alam ko ‘yong kanta.
"Hindi ka lang sa academic magaling. Tapos narinig ko na lang na ipinagtanggol mo against those bullies ‘yong friend mo. Nakakabilib ka talaga," sabi ni Ulah. Namamalikmata pa rin siyang nakatingin sa akin. Nagkibit balikat ako at ngumiti sa kanya. "Buti na lang friends tayo!" mahinang humalakhak si Ulah.
Narinig namin ang isang guro na nagsalita gamit ang mikropono. Magsisimula na ang pagpupulong. Iginalaw ko ang aking mga mata at nakita si Franklin… malayo sa akin.
Nasa Junior na ako ng Sociology course. Isang taon na lang ay magtatapos na ako. Gusto kong maging guro sa eskuwelahan na ito. Balita ko kasi, malaki ang suweldo dahil gobyerno ang may palakad dito. Actually, sikat ang Great Moon College School. Marami kasi ang naki-kick out galing dito. Marami ring nae-expelled at kung ano-ano pa ang marami.
I'm eighteen, never been touched, never been kissed.
Walang magkagusto sa aking lalaki kasi nasosopla ko kaagad. Ay mali. May nagkakagusto pala pero hayun nga, hindi pa nakakapagtapat, binabara ko na.
Si Itay ang nagturo sa akin ng the moves. Stuntman si Itay sa mga pelikula. Para sa akin, siya ang talagang bida. Madalas ay nag-do-double siya dahil hindi kaya ng bida ang mga stunt na kaya niya. Si Itay ang nagturo sa aking sumuntok ng malakas, tumambling mula sa itaas ng puno at sumipa kapag may kalaban.
Nagagalit nga si Inay dahil kung ano-ano raw ang itinuturo ni Itay sa akin. Kanina lang bago kami naghiwalay nang ihatid niya ako rito sa eskuwela ay nag-sparring pa kami. Malungkot ang mga mata ni Itay kanina. Siguro ay dahil sa ubo niya na ilang araw na niyang iniinda. Pero dumiretso pa rin siya sa trabaho kahit masama na ang pakiramdam.
Si Itay lang kasi ang nagtatrabaho para sa amin. Wala kasing gustong tumanggap kay Inay na trabaho dahil wala raw siyang natapos. Second year high school lang ang inabot ni Inay. Pero huwag ka, masipag ang inay ko. Dati pa nga siyang umeekstra sa pelikula. Kundi lang ayaw ni Itay, malamang sikat na rin ang inay ko. Maalaga at mahal na mahal niya kami ni Itay ko.
Si Itay ay dating mekaniko na sinuwerteng maging stuntman dahil matipuno ang katawan at siyempre, guwapo. Ako naman, nagpa-part time rito sa library ng school. Sayang din kasi, pambaon ko rin iyong kikitain ko roon.
Hindi ako nahihiya dahil halos lahat ng estudyante rito sa school ay nagpa-part time. Puwera na lang sa mga medyo nakaaangat sa buhay. Libre ang tuition dito. Sari-saring estudyante ang mayroon dito sa Great Moon College. May service crew, may janitor, may messenger. At may addict, may snatcher, at may p****k. O saan ka pa?
Natigil ang guro sa pagsasalita nang may lumapit ditong isa pang guro at may ibinulong. Napansin kong napatingin sila sa dako ko at natahimik.