Alexandria's POV
MAAGA akong umalis ng bahay kaysa sa normal kong pag-alis 'pag nagpupunta ng racing club. Ayaw ko siyang makita. Oo, galit ako sa kan'ya pero mas galit ako sa sarili ko. Galit ako sa sarili ko dahil gusto ng puso kong maniwala sa mga sinabi ni Papa pero ang isip ko ay nagsasabi naman na kasinungalingan lang ang lahat.
Nakarating ako sa racing club na parang wala ako sa sarili. Mabuti na lang at hindi ako naaksidente. May mga kakilalang bumabati sa akin pero puro tango lang ang isinusukli ko sa kanila. Marami-rami na ring tao ng mga oras na iyon pero maaga pa. Isang oras pa bago mag simula ang karera. At pinili ko talagang pumunta ng mas maaga. Pakiramdam ko kasi ay napapaso ako sa bahay, lalo na't kasama ko r'on ang matandang iyon.
Dumiretso ako sa field na naroon na alalatagan ng bermuda grass. Ang harap naman nito ay isang ilog kung saan sa kabilang bahagi ay natatanaw ang mga kabahayan. Malinis naman ang ilog dahil alaga ito ng pamunuan ng lugar na iyon. Medyo madilim rin sa parteng iyon pero may mga ilaw naman ng poste malapit sa kalsada kung saan isinasagawa ang karera, na bahagya rin namang tumatanglaw sa kinaroroonan ko.
Humiga ako sa damuhan at ini-unan ko ang dalawa kong braso sa ulo habang ang mga binti ko naman ay pinag-ekis ko.
"May problema ka na naman ba?" tanong ng isang pamilyar na boses. Nakauwi na pala siya!
Hindi ako tuminag sa pagkakahiga. Hindi na rin ako nag-abalang bumangon para alamin pa kung sino iyon, dahil boses pa lang ng isang 'to ay memoryado ko na. Naramdaman kong humiga din si Seiichi sa damuhan di-kalayuan sa akin.
"Kailan ka dumating?" kaswal na tanong ko.
"Kanina lang."
Hindi na ako umimik at pinagmasdan ko na lang ang madilim kalangitan. Napansin ko ring walang buwan at bituwin. Uulan pa yata. . .
"Nag-away na naman kayo ng Papa mo 'no?"
Bumuntong-hininga ako. "Oo."
Naramdaman kong tumagilid siya paharap sa'kin. Ako naman ay nanatiling nakatiyaha lang at nakatingin sa madilim na kalangitan.
"Ano na naman ang pinag-awayan n'yo?" usisa pa nito.
Bumuntong-hininga pa ulit ako bago nag-umpisang magkwento sa kan'ya. Sa buong kwento ay nakikinig lamang siya. Ito ang isa sa gusto ko sa ugali ni Seiichi. Hinahayaan lang niya akong magkwento habang siya ay matamang nakikinig lang sa mga sentimyento ko sa buhay.
"Baka naman talagang nagsisisi na si Tito Rodney?" tanong ni Seiichi pagkatapos niyang marinig ang naging dahilan kung bakit kami nagkasagutan ng matandang iyon.
Bumangon ako sa pagkakahiga at umupo ng pa-Indian sit habang si Seiichi naman ay nakatingala upang makita ako. "'Di ko alam. Kung nagsisisi man s'ya, hindi pa ako handang tangapin 'yon. Masyado pang masakit eh," sagot ko habang nakatingala sa madilim na langit.
"After all this years? Ang tagal na nang nangyari, Alex. Why not try to listen to Tito Rodney's explanation? Why don't you try to forgive him?"
"Tuwing naiisip ko kung pa'nong nagpakamatay si Mama dahil sa kanya, sa tingin mo pa'no ko pakikingan ang paliwanag n'ya? Sa tingin mo Seiichi, paano ko s'ya magagawang patawarin kung 'yung matandang 'yon ang may kasalanan kung bakit miserable ang buhay ko ngayon, ha? Paano? He does not deserve to be forgiven!" mariin kong turan ng may namumuong luha sa mga mata.
Ramdam ko ang pamimigat ng dibdib dahil sa mga sinabi kong 'yon. Maging ang mga luha na nakadungaw na sa gilid ng aking mga mata ay nagbabadya ng pumatak. Ramdam ko ang galit. . . ang sakit. . . ang lungkot. Kaya naman yumukod ako upang itago ang mukha kay Seiichi. Pero naramdaman kong bumangon s'ya sa pagkakahiga sa Bermuda grass at saka tumabi sa akin. Pagkatapos no'n ay hinagod-hangod n'ya ang likod ko. Dahil doon, unti-unti na ngang pumatak ang luha ko.
"It's okay to cry because somehow, it helps to lessen the pain. Normal lang ang umiyak dahil nasasaktan tayo. . . Normal lang masaktan kasi tao tayo. 'Wag mong parusahan ang sarili mo sa isang bagay na 'di naman ikaw ang may kasalanan, Alex. H'wag mong pahirapan ang sarili mo. . . You have to move on," sinserong wika ni Seiichi habang marahang hinahagod ang likod ko.
Sa isang saglit, nanumbalik ang lahat ng sakit at lungkot na ilang taon ko nang pilit ikinukubli sa puso ko. Ang sakit at lungkot na naging dahilan upang tumigas ang puso ko. Ang pagkamuhi ko sa sarili kong ama na naging dahilan upang baguhin ko ang pagkatao ko, ang pananaw ko at ang paniniwala sa buhay. Pilit kong binago ang sarili dahil ayaw kong kaawaan ako ng ibang tao. Pinili kong ipakita ang suwail at demonyong pagkatao ko dahil gusto kong ikubli ang sakit at lungkot sa puso ko.
Pero hindi ko pala kaya. Kailangan ko pala nang mapagsasabihan ng dinaranas ko. Naisip ko rin, na kahit nagtagumpay man tayong ipakita sa iba na matapang tayo, hinding hindi natin maitatago sa mismong sarili natin ang katotohanan. Maaaring malinlang natin sa panlabas na anyo ang mga tao sa ating paligid, pero hindi natin malilinlang ang ating sarili. Hinding hindi. Gaano man tayo katapang, darating pa rin tayo sa puntong kailangan natin ng taong makakasama. Kakailanganin pa rin natin ng taong makakapagparamdam sa atin na hindi tayo nag-iisa. Dahil sa mundong ito, hindi tayo nilikha ng Diyos para mag-isa lamang.
Sa sobrang bigat nang nararamdaman ko, sanhi ng halu-halong emosyon ay ang tahimik kong pag-iyak ay naging hagulhol. Umiyak ako nang umiyak habang nakatungo sa dalawa kong braso. Si Seiichi naman ay tahimik lang panay ang paghagod sa likuran ko. Lubos kong ipinagpapasalamat dahil kasama ko s'ya ngayon. Ang taong punop man ng kalokohan ang pag-iisip ay may mabuti at tapat namang kalooban.
Ilang minuto rin ang itinagal na gano'n lang kami ni Seiichi. Hanggang ang malakas kong paghagulhol ay naging hikbi na lang. Sumisinghot-singhot na rin ako noon pero hindi pa rin ako nag-aangat ng tingin kay Seiichi. Nanatili lang akong nakatungo habang nakatunghay sa madilim na ilog na nasa harapan ko. Itinigil na rin ang paghagod sa likod ko ngunit kahit 'di ako nakatingin sa ungas na ito, ramdam kong mataman n'ya akong pinagmamasdan.
"Are you okay na, Ba---Alex?" maya-maya'y pa ay pukaw ni Seiichi sa pananahimik ko.
Gusto kong matawa sa damuhong ito pmdahil sa pagtangka niyang tawagin akong Babe. Marahil ay iniisip pa rin niya ang naging pagtatalo namin no'ng nakaraang araw, dahil sa pagpapakilala n'ya sa kaniyang sarili na fiancé ko kuno kay Heinz. Hindi pa kasi kami nagkakausap simula ng mangyari iyon, ngayon lang.
Pinunasan ko ang mga mata bago nag-angat ng tingin sa kan'ya saka marahang ngumiti. "Okay na 'ko. Salamat Seiichi, dahil nand'yan ka lagi sa tabi ko," sinsero kong saad sa kan'ya.
Ngumiti naman ang damuho nang malapad pagkarinig noon "Ano ka ba? Wala 'yon 'no? Magkaibigan tayo 'di ba? Basta kung kailangan mo ako, 'andito lang ang Knight in Shining, Shimmering, Splendid armour mo!" ngiting-ngiti pa n'yang sabi. Sa sobrang pagkakangiti pa nga ng ungas, halos hindi na makita ang mata sa sobrang pagkasingkit.
Naka-drugs 'ata ang loko! This time ay natawa na ako nang tuluyan nang tuluyan. Magaan na rin ang dibdib ko. Pakiramdam ko, nabawasan ang ilang kilo ang mabigat kong dinadala roon. "Gago ka talaga! Kung anu-ano na naman sinasabi mo. Naka-drugs ka ba?" natatawang buska ko pa sa kan'ya.
Malakas naman siyang humugot ng hininga na tila nabunutan ng tinik. "'Buti naman at tumawa ka na. Yay! Kanina pa 'ko nahihurapan, eh. 'Di ako sanay na nagdadrama ka," biro pa niyang kakamot-kamot.
"Gago ka!" asik ko sa kan'ya saka pinukol ito ng masamang tingin.
Tumawa naman ang ungas at nag-peace sign. "Joke lang. Ang seryoso mo."
Hindi ako sumagot kaya naman nanahimik siya. Tila ba nagpapakiramdan lang kami ng mga oras na iyon kung sino ang unang magsasalita. Ilang saglit pa nga, tumikhim si Seiichi bago magsalita. Nakataas ang mga kilay ko naman ng balingan s'ya ng tingin. Nakayuko ang ungas na para bang hiyang-hiya. "I-I'm sorry. . . dahil sa nangyari l-last time. 'Yung ipinakilala kitang fiancé sa kaibigan mo," nakanguso n'yang saad habang nanatiling nakayuko pa rin. "Kung gusto mo, ipapahanap ko s'ya tapos babawi---"
"Okay na 'yon," putol ko sa sinasabi niya. Sa sinabi kong iyon ay nag-angat siya ng tingin, hindi makapaniwala. Kung kaya't inulit ko ang sinabi. "Ang sabi ko, okay na 'yon. Mainit lang talaga ang ulo ko n'on kasi nga, nag-away kami ni Papa, 'di ba?" Tumango naman ito. "Tapos sumabay ka pa," dagdag ko pa.
Sa sinabi kong iyon ay tila nabunutan siya ng tinik at umaliwalas ang mukha. "So, 'di ka na galit? Bati na tayo?"
"Hindi na nga. 'Wag pa ulit-ulit, Seii. Nakakabobo yan."
"Akala ko pa naman, kaya sinabi mong hayaan ko na kasi gusto mo rin," pumapalatak pang hirit pa ng ungas.
"Gago! Galing ka lang ng Japan, nabaliw ka na!" sabay sinuntok ko siya ng mahina sa balikat.
Ngumuso naman ang ungas sa akin. "Kahit kailan talaga, napaka-mean mo."
"Mean. . . mean your face! Dinalhan mo ba 'kong pasalubong? 'Yong alak?" maangas pang tanong ko. Nakasimangot pa rin ang damuho. Hindi maipinta ang mukha. Kupal talaga! Lihim akong napailing dahil doon.
"Oo, dinalhan kita ng sake, happy?" nagmamaktol pa ring tugon niya.
Hindi ko naman pinansin ang pag-iinarte ng ungas. "Good," tumatango-tangong saad ko. "Teka, ano nga pala ang ginawa mo d'on? Pinagalitan ka ba ng Tatay mong Hapon?"
Sa sinabi kong iyon ay nagbago ang ekspresyon niya. Sumeryoso ito. At sa pakiwari ko ay may hindi magandang nangyari. "Wala 'yon. Na-miss daw n'ya 'ko."
Sinungaling! Pero hindi ko na isinatinig pa iyon. Kilala ko si Seiichi. Magsasabi siya kapag gusto na niyang pag-usapan. "I see," iyon na lamang ang isinagot ko.
"Eh ikaw, sino ba 'yung Heinz na 'yon? Saan mo nakilala? Parang may gusto pa 'ata sa'yo ah?" pag-iiba niya ng usapan. Daglian namang sumama ang mukha ko.
"Gago! Siya 'yong nagligtas sa'kin no'ng nabaril ako sa bar mo. 'Di mo ba natatandaan 'yung pangalan n'ya, ha?"
Nagulat naman ang damuho sa narinig. "Talaga? Ba't hindi mo sinabi agad? 'Di man lang ako nakapagpasalamat," nanghihinayang pang turan niya.
Tumayo na ako dahil pakiramdam ko ay nananakit na ang puwetan ko sa matagal na pagkakaupo, saka iyon pinagpagan. "Hayaan mo na. May iba pa namang pagkakataon," kibit-balikat kong saad at saka tumalikod na.
"Gano'n?"
"Oo, gano'n!"
"Wait, Babe! Hintayin mo 'ko!" narinig ko pang sigaw niya saka nagmamadaling sumunod sa akin.