Alexandria's POV
MADALING-ARAW na nang lumabas ako ng bar. Dumiretso kami ni Seiichi rito matapos manggaling sa racing club. Sinipat ko pa muna ang relo para makita kung anong oras; 3:00AM. Mabuti na lang at smart watch iyon kaya reliable kahit madilim.
Wala nang katao-tao noon na makikita sa kalsada. Maging ang ilang kalapit establishment kung saan pawang sa gabi nagbubukas ay kakaunti na lang ang mga tao. Marahil ay mga nagsiuwi na rin gaya ko.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa marating ang parking lot kung saan nakagarahe ang motorsiklo ko. Nang makalapit ay mabilis kong kinapa ang susi sa bulsa ng pantalon upang sana'y buhayin ito, ngunit natigilan ako nang mapansin kong may isang bulto ng anino na nakamasid sa akin sa hindi kalayuan. Madilim sa kinapupwestohan n'ya kaya naman imposibleng maaninag ko ang mukha nito. Subalit nasisiguro kong lalaki ang may-ari ng bultong iyon dahil sa mukha itong malaking tao na may malaking katawan.
"Ikaw na naman!" nakangisi kong usal sa sarili habang pasimpleng nakatingin sa kinaroroonan niya.
Marahil ay nahalata niyang nakatingin ako sa gawi niya kaya mabilis siyang umalis sa kinaroroonan at naglakad palayo sa lugar na iyon. Napangisi ako sa sarili habang nakatingin sa kalsada kung saan siya nagdaan. Makikilala din kita ,ungas!
Ang totoo'y, ilang beses ko nang napapansin na may sumusunod-sunod sa akin lalo na kung mag-isa lang ako. Parati kong ring nahuhuling may kahina-hinalang mga tao ang palihim na nagmamasid sa'kin mula sa malayo. Ngunit nagkukunwari lang akong hindi napapansin ang mga ito. Nasisiguro ko ring hindi lang iisa ang mga ito. Natitiyak ko iyon dahil kahit 'di ko nakikita ang mga mukha ng mga ito, dahil mga naka-disguise sila, ay magkakaiba naman ang taas at laki ng katawan ng mga ito.
Noong una, ramdam ko ang kaba at takot pero kalaunan, nasanay na ako sa presensiya ng mga ito. Alam kong may balak silang masama sa'kin pero ang ipinagtataka ko, kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin sila gumagawa ng ano mang hakbang upang kantiin ako. Pero kung ano man ang balak ng mga demonyong ito, lagi naman akong handa para roon.
Sumakay na 'ko sa motorsiklo at ini-start 'yon, saka ko sinuot ang helmet pati na rin ang gloves. Bago ako umalis ay pasimple pa muna akong nagmasid sa paligid, dahil baka sakaling naririyan pa siya sa tabi-tabi. Mahirap nang maunahan ng kalaban. Lalo na kung ang kalaban mo ay patalikod kung tumira. Hindi mo alam kung saan at kailan ka nito aatakihin ng mga ito.
Nakahinga ako nang maluwang ng mapansin kong tahimik ang paligid. Wala rin akong naaaninag o nakikitang mga kahina-hinalang mga tao. Kinabig ko na si Amber at minaniobra palabas ng parking lot. At nang marating ang kalsada ay mabilis kong pinaharurot iyon at tinahak ang daan pauwi sa bahay.
---
NANG makarating ng bahay at maiparada ko na si Amber sa garahe, ay tinungo ko ang main door ng bahay. Pagsilip ko sa babasaging bintana kung saan nababalutan ng manipis na kurtina, ay nakita kong madilim ang kabuohan ng bahay. Madali kong kinapa sa bulsa ng suot kong jacket ang duplicate key at mabilis itong isinusok sa keyhole ng main door. Nang tuluyang makapasok ay tahimik na ang loob ng bahay. Siguradong tulog na si Papa ngayon.
Ini-lock ko ulit ang main door at nagtungo sa kusina saka ini-on ang main switch ng ilaw. Tumaas ang kilay ko nang mapansin ang pagkaing nakatakip sa lamesa. Nilapitan ko ito at ini-angat ang takip. Spicy adobo ang naroon at ginisang gulay. Ngunit katulad ng dati, ay hindi ko iyon ginalaw. Lagi akong ipinagtatabi ng pagkain ni Papa ngunit ni minsan ay hindi ko iyon kinakain o kaya ay tikman man lamang. Wala akong gana lalo na kapag siya ang nag-luluto.
Ibilinalik ko ang pagkakatakip niyon pagkatapos ay lumapit ako sa puswelo at nagtimpla ng kape. Nang matapos ay agad akong umakyat ng hagdan at nagtungo sa sariling kwarto. Pagpasok ay inilapag ko sa side table ang tasa ng umuusok na kape saka ko hinubad ang suot kong sapatos, jacket at pantalon.
Naka-panty na lang ako at manipis na sando nang magtungo sa cabinet upang kumuha ng damit pantulog. Isang printed na kulay asul na ternong damit at pajama ang kinuha ko, saka ako dumiretso sa banyo para maligo at mag-toothbrush. Ilang minuto lang ang itinagal ko r'on saka ako lumabas ng banyo. Nakabihis na ako habang pinupunasan ang basang buhok ng tuwalya. Habang nagpupunas ay tinungo ko ang kama at naupo sa gilid ng kama noon at inabot ang umuusok pang kape.
Ang sarap!
Habang nagkakape ay nanumbalik sa balintataw ko ang lalaking nakita ko sa parking lot ng bar, kanila lang. Sino ka nga ba? Bakit lagi mo akong sinusundan? May nag-utos ba sa'yo, ungas ka?
Sa napagtanto kong iyon ay may isang taong pumasok agad sa isipan ko na posibleng siya ang may pakana. Siya lang naman ang may dahilan para gawin ang gano'n, sigurado ako. Hilatsa pa lang ng mukha ng hinayupak na 'yon ay hindi na gagawa ng maganda. Alam kong hindi s'ya titigil hangga't hindi nakagaganti sa ginawa ko sa kan'ya. Lalo't sa asta pa lang ng hayop na 'yon, tila hindi ito matatahimik 'pag hindi nakukuha ang gusto.
Tang'na ka! 'Wag ka lang magpapahuli sa'kin! Babalian kita ng leeg, ngingisi-ngisi kong wika sa isipan habang umiinom ng kape.
Ilang sandali rin ang itinagal ko sa pagkakape at nang makitang ubos na iyon ay inilapag ko ang tasa ibabaw ng side table. Ini-on ko ang lampshade saka pinatay ang switch ng ilaw. Matapos noon ay inayos ko ang sarili at tahimik na umusal ng panalangin bago tuluyang nahiga.
Lord, thank you for guiding me, wherever I am. Thank you for the blessings. And forgive my sins. Alam kong 'di ako naging mabuting anak, pero sana 'wag po kayong magsasawa na patawarin ako sa lahat nang magiging kasalanan ko pa. And please God, bigyan mo ako ng kapanatagan ng isip. . .
---
Heinz POV
"MR. ALVAREZ, kumusta ang new mission mo?" pormal na tanong nu Mr. Dominguez; ang may-ari ng DISG. Kasalukuyan kaming nasa private office niya dahil gusto raw niya akong makausap.
"Masyado mailap ang babaeng anak ni Mr. Saavedra, Sir," saad kong pilit itinago ang iritasyon sa mukha. Nakita kong bahagyang napangiti si Mr. Domiguez sa sinabi kong iyon pero sumenyas siyang magpatuloy lamang ako sa pagsasalita. "Ilang beses ko nang nakausap at nakasama ang babaeng 'yon pero hindi ko makuha ang ugali n'ya. Masyadong tahimik at parang ayaw makipag-usap. Takot yata sa lalaki, eh!" dagdag ko pang natawa pa sa huling sinabi. Maging si Mr. Dominguez ay natawa rin dahil doon.
"But she's beautiful, right? And you're handsome. I think, kayang-kaya mong paamuin ang kahit sinong babae," wika pa ni Mr. Dominguez saka tumingin sa akin ng makahulugan.
Pero 'di yata ang isang 'to!
Alanganin akong tumingin sa kausap pagkatapos ay kumamot-kamot. "Mukhang kakaiba ang isang ito, Sir. Hindi yata uubra ang appeal ko sa babaeng 'yon dahil pakiramdam ko, galit s'ya sa lalaki." Napatango-tango pang muli si Mr. Dominguez habang magkasalikop ang dalawang kamay na nakapatong sa glass table. "At isa pa, engaged na siya," dagdag ko pa na tila ikinagulat pa ng kaharap ko.
Kumunot-noo si Mr. Dominguez, habang iginagalaw-galaw ang kinauupuang swivel chair. "Oh really? Pero bakit naman inilapit pa sa atin ni compadre ang problema niya kung may fiancé naman pala ang anak niya? Hindi ba't mas mainam kung ito ang kakausapin niya upang mapagsabihan ang nobya?"
"I think, isa iyon sa mga dahilan kung bakit nagrebelde ang anak niya, Sir. Marahil ay ayaw niya sa fiancé niya."
Iyon pa lamang ang namumuong hinala ko kung bakit nagrerebelde si Alexandria. Marahil ay ayaw ng babae sa fiancé nito kung kaya't kumuha pa si Mr. Saavedra ng magpapatino sa kaniyang anak, sa halip na ang mapapangasawa dapat nito ang gagawa noon. Lalo na kung mahal nila ang isa't-isa. I wonder kung anong klaseng tao ang Cyrus Montemayor na ito. . .
"Kilala mo na ba kung sino ang fiancé ng dalagang ito?"
"Ayon kay Agent Raiko, ang anak ni Mayor Rodrigo Montemayor na si Cyrus Montemayor ang fiancé ng babae," pormal na sagot ko rito.
"Kung ganoon, hindi pala basta-basta ang nobyo ng anak ni compadre." Tumango-tango pa ang matanda. "Okay, do everything for this mission, Mr. Alvarez. Kaya ko sa iyo ipinagkatiwala ang misyong iyan dahil alam kong kayang kaya mo ito. You're not a top agent for nothing, Mr. Alvarez. Babae lang iyan, use your charm. Sayang ang gandang lalaki mo," nakangiting saad pa nito saka tinapik-tapik ako sa balikat.
Hindi ko mapigilang mapangiti sa tinuran na iyon ni Mr. Domiguez. Palabiro siyang tao subalit pagdating sa trabaho ay istrikto ito. Palibhasa ay isa ang Dominguez Investigative And Security Group sa pinagkakatiwalaang ahensya sa Pilipinas. Minana pa niya ito sa yumao niyang lolo na dating heneral ng AFP. Mabait din si Mr. Domiguez sa mga empleyado lalo na't kung mahusay ang mga ito sa trabaho. Halibawa na lang sa 'tulad kong top agent sa buong departamento. Malaki ang tiwala niya sa akin kung kaya't bilang ganti, mas lalo ko pang pinag-iigihan ang aking trabaho.
Ngumiti na ako ng malapad sa sinabi niyang papuri. "Thank you for trusting me Mr. Dominguez. And I promise, I will do my very best for the successful of this mission," sinsero at pormal na saad naman.
"Good. You may go, Mr. Alvarez. Alam kong marami ka pang tinatapos na paper works. Ayaw ko nang maabala ka pa ng husto. Thank you for coming to my office."
Tumango naman ako sa kanya saka tumayo na. "Mauna na po ako, Mr. Dominguez," paalam ko pa saka tinungo ang salaming pinto at lumabas na.