“Salamat talaga, Max. Nung June pa kasi ako nagpalista sa doctor pero December pa matitingnan si Brie. Swerte na nga raw ako’t six months lang ako maghihintay, ‘yung iba nga raw isang taon bago masched e. Ang hirap pala magpacheck-up sa mga developmental behavioral pediatrician na tumitingin sa katulad ni Brie. Hindi naman namin kaya na lumuwas palagi para sa lungsod kami pacheck-up. Sa pamasahe pa lang ay mauubos na agad ang perang inilaan ko para kay Brie.”
Masaya akong yumakap kay Brie na kandong ko habang nakasakay sa likuran ng sasakyan nila Max.
Nasa passenger seat naman si Lindsay na papasok din sa ospital.
“No problem, Patrice. Dati pa naman ay sinabihan na kitang anytime ay pwede mo akong lapitan lalo na kung tungkol kay Brie. Pwede ka rin naming isabay ni Lindsay kapag luluwas kami sa Manila. But since meron na tayong doctor dito, pacheckup ka muna sa kaniya. You will surely like this doctor.”
Bumungisngis si Lindsay na ipinagtaka ko.
Hinatid pa kami ni Max at Lindsay hanggang sa clinic. Tinanguan ni Max ang secretary at pinapasok na kami.
“Good morning.. Lenus? A-anong ginagawa mo…”
Panandalian akong nalito sa aking nakita hanggang sa naunawaan ko na kung bakit siya naroroon mismo sa kwarto.
Alam kong doktor siya pero hindi ko alam ang kaniyang specialization.
“Good morning din, Patrice,” ngingiti-ngiting bati nito habang lumalapit sa amin.
“Ikaw nga ang bagong devped doktor dito sa hospital?!” hindi pa rin makapaniwalang turan ko.
“Yes, Patrice. Ako nga at wala nang iba. Maliban na lamang kung may iba pang Lenus Damien Cepeda rito sa hospital na ‘to. Tama ba ako, Max?”
Ngingisi-ngising tumango si Max. “Yes, Patrice. Si Lenus nga ang sinasabi naming doktor na titingin kay Brie.”
“Kaya ‘wag ka na mag-alala para sa anak mo, Patrice. Hindi naman sa pagyayabang pero magaling na doktor ‘yang si Kuya. Isa pa, libre ang consultation. Isumbong mo sa amin si Kuya ‘pag naningil ‘yan,” pabirong turan ni Lindsay.
“Talaga ba? Naku! S-salamat, m-maraming salamat talaga,” ika ko habang lumuluhod para buhatin si Brie. Niyakap ko ito nang mahigpit at umupo na sa upuang nasa harapan ng desk ni Lenus. Sobra ata akong naooverwhelm kaya’t nanginginig na ang tuhod ko.
Ilang taon ko nang pinapangarap na macheck up si Brie pero sa gamot pa lang sa seizure nito ay kulang na kulang na talaga ang pera ko. Malaking tulong ang libreng consultation lalo na’t umaabot ang isang checkup nang hindi bababa sa tatlong libo at limangdaan isang checkup.
“So, paano ba ‘yan? Iwanan na namin dito ang mag-ina?” ika ni Max bago nito ginulo ang buhok ko at ni Brie.
“Yes, you may do so, p’re! Sigurado akong marami ka nang naghihintay na pasyente.”
Nakipagkamay pa si Lenus kay Max.
“Mauna na kami, Patring. Si Kuya na bahala sa inyo ni Brie.”
Bineso pa ako ni Lindsay bago ito nakipag holding hands kay Max. Nginitian ko na lamang ang mga ito bago muling humarap kay Lenus.
“So, can we start our formal initial interview with this cutesie pretty baby?”
Hinaplos nito ang buhok ni Brie. Lumuhod na rin ito sa harapan namin. Tinry nito na kuhanin ang attention ni Brie na nakatingin lamang sa bintana.
“Lenus, formal interview?”
“Yes, formal interview na lang dahil ilang beses ko naman nang nakita si Brie sa bahay ninyo at sa bahay namin. Bukod sa’yo ay nakakwentuhan ko na rin si Nanay Dalisay at si Shirley kaya meron na akong initial assessment kay Brie.”
“Ganun ba? S-salamat, Lenus.. t-tagal ko nang gusto masundan ang checkup ni Brie p-pero kulang talaga sa pera. Huli siyang nacheckup nung 2 years old pa lang siya, f-five na siya ngayon. Hindi ko alam bakit dito pa sa aming lugar mo piniling magclinic pero s-sobrang salamat talaga, Lenus. Marami kang matutulungan dito sa bayan namin.”
He shyly smiled. “You’re always welcome, Patrice.” Tinapik pa nito ang binti ko. Tara na?”
Kinuha nito si Brie at inilagay sa wheelchair na binili nito.
Tinulak nito iyon papunta sa katabing room kung saan nito ginagawa ang mga further assessment nito sa mga bata.
Malinis ang katabing room dahil mabibilang lang ang gamit roon. May isang table na katamtaman ang laki at dalawang upuan lamang na magkaharap.
Umupo si Lenus sa harap naming dalawa ni Brie at naglabas ng clay, plate at cake candle. Naglaro sila ni Brie ng kunwariang birthday party. Marami pang ginawa si Lenus upang ma-assess si Brie. Umabot din iyon ng mahigit kumulang dalawampung minuto bago sila natapos.
Bumalik na kami sa main room ni Lenus.
“Patrice?”
“Hmm?”
“We need a lot of treatments for Brie. Mayroon akong mga alam na lugar o mga taong makakatulong sa kalagayan ni Brie pero I’m afraid wala ‘yun dito sa bayan ninyo. I really wanted to help you get the best treatment possible for your child but you need to come with me to Manila,” seryoso nitong sabi.
“M-Manila?”
“Yes. Don’t worry. Wala kayong gagastusin. Dun kayo magstay ni Brie sa bahay namin. Ako bahala sa inyo.”
“Pero… n-nakakahiya naman ‘yun, Lenus.”
Hinawakan ni Lenus ang dalawang kamay ko na nakasalikop. “Ibang tao nga natutulungan ko, ikaw pa kaya na kaibigan ko?”
Nilingon ko si Brie na nakatingin naman ngayon sa mga laruang nakadisplay sa cabinet.
Marami akong pangarap para sa kaniya. Na makalakad siya, na makapagsalita siya, na matuto siya makihalubilo sa ibang tao, na makapag-aral siya. Ang dami-dami! Pero hindi ko naman maibigay sa kaniya dahil hirap talaga sa buhay.
Hindi ko namalayang tumutulo na pala ang mga luha ko habang nakatingin sa aking anak. Nalaman ko lamang nang banayad nang pinalis ni Lenus ang mga luhang pumatak sa mga mata ko.
“You don’t have to cry, Patrice. Hindi ka na nag-iisa sa laban mong ito. Andito ako, tutulungan kita. You just need to allow me.”
“S-salamat, Lenus. Salamat…”
“Di ko alam na iyakin ka pala.”
Ginulo pa nito ang tuktok ng aking buhok.
“Hindi ako iyakin noh!”
He chuckled like he was always doing. “Tara na.” Lumakad ito patungo sa likuran ni Brie at itinulak na ang wheelchair.
“Ngayon na ba tayo luluwas?”
“Hindi pa.” Tumawa ito, amuse na amuse sa akin. “Pero, it’s almost lunchtime. Diyan na lang tayo sa cafeteria. Ihahatid ko na rin kayo kina Tita pagkatapos.”
“Tapos na ba ang clinic hours mo?”
“May lunchbreak naman. Babalik ako mayang 1pm.”
“T-teka lang.” Pinigilan ko ang patuloy nitong pagtutulak sa wheelchair. “Nakakahiya naman. Pwede namang sa bahay na lang kami kumain para di ka na maabala.”
“Paano kayo uuwi? I doubt kung andiyan pa sila Max at may iikutan pang ibang hospital ang mag-asawa.”
“Hindi naman problema ‘yun. Magcommute lang kami ni Brie.”
“Ihahatid ko na kayo.”
“Lenus, h-hindi na kailangan…”
Tinanggal nito sa pagkakakapit ang kamay ko sa wheelchair. “Kapag pinagtalunan pa natin ‘to, ‘yun ang magiging abala para sa akin. Kakain tayo tapos ihahatid ko na kayo dahil ipagpapaalam ko na rin kayo kay Tita. Period.”
Magsasalita pa sana ako ngunit pinanlakihan na ako nito ng mata.
Sumunod na lamang ako rito hanggang makarating kami sa cafeteria.
“Dalawang order nga ng meal niyo for today tapos 1 order ng spaghetti,” he told the waiter.
“Sige po, doc. Dalin ko na lamang po sa inyong table,” sagot ng isa sa mga waiter.
Tahimik lamang kaming kumain nang makumpleto na ang order namin. Nauna kong nilantakan ang isda na may sabaw habang sinusubuan ko na rin si Brie.
“Bakit parang hindi mo ata ginagalaw ang ginisang munggo mo? Masarap pa naman ‘yan at may halong dilis at chicharon,” komento ko.
Nadako ang paningin nito sa aking plato. Napangisi ito. “Ikaw naman po, bakit hindi ka kumakain ng pakbet? Wag mong sabihing ayaw mo sa gulay, hmm?”
Tindi ng iling ko. “Hindi ah… Ano kasi, uhm…” Nahinto ako sa pagkain nang binigyan na naman ako ni Lenus nang kaniyang signature charisma. “Ano na namang ngiti ‘yan, Lenus, hmm?”
Kumutsara ito nang ilang gulay na nasa pakbet at iniumang sa bibig ko. “Kung kumakain ka talaga ng gulay, you’ll eat this.”
Nagpalinga-linga ako sa paligid at bumulong. “Lenus, ‘wag naman ganiyan. Nakakahiya. Akalain pa nila girlfriend mo ako.”
“Come on! ‘Wag ka na magdahilan. Eat this,” bigkas nito sa mas malakas na boses.
Para lamang huminto ito ay pinilit ko na lang isubo ang pakbet at mga ilang nguya lang ay pinilit ko na itong lunukin. Napapikit ako nang malasahan ko ang dahilan kung bakit ayaw ko ng pakbet, ang ampalaya.
“Masarap ‘di ba?” pilyo pa itong nangalumbaba at ngumiti sa akin.
Humigop ako ng sabaw at tinitigan na rin ito. Kumutsara ako ng munggo at iniumang din sa bibig nito. Nakita kong lumunok ito at parang nawalan pa nga ng kulay ang mga labi. “Ikaw naman.”
Ngunit hindi ito nagpatalo at kumutsara ulit ng pakbet. Tinignan ko ang mga rekadong nasa kutsara. Lihim akong napangiti nang makita kong walang nakuhang ampalaya si Lenus. Katataas lang nito ng kutsara ay sinunggaban ko na iyon.
“Whow!”
“Oh! Nakadalawang kutsara na ako. Ikaw naman ang sumubo nito. ‘Wag mong sabihing ayaw mo ng munggo?”
Muli itong napalunok habang nakatingin sa kutsara.
“Duwag ka pala e!” patuloy ko pang panunuya. “Kung ayaw mo, tatawagin ko na si Max…”
Dahan-dahan itong ngumanga at pikitmatang isinubo ang munggo.
Ako naman ang napangisi. Mukha itong toddler na ngayon pa lang tinuturuan kumain. Halos maubos nito ang bote ng distilled water, masuka-suka.
Hindi ko na napigilang humalakhak. “Wag ka kasing laging nang-iinis, hmm, mister. Tatandaan ko na ngayon na ayaw mo sa munggo.”
Hindi na ito ngumiti hanggang maihatid kami sa bahay.
Patring! One point!