Episode 14

2050 Words
“Kay gara naman ng bahay na ito, iho. Sobrang garbo! Ang ganda-ganda!” Hindi matapos-tapos ang papuri na ibinibigay ni Nanay Dalisay sa bahay ni Lenus. Katulad niya nung una siyang mapunta roon ay halos hindi matikom ang bibig ni Nanay sa pagkamangha. “Ay! Salamat naman po, Tita. Naku po! Please, pakipasok na po ang tsinelas ninyo at hindi pa po kasi nakakamop ngayong araw.” Iginiya kami ni Lenus papasok sa loob ng bahay nila. Inimbitahan niya kami para naman daw makarelax si Nanay Dalisay. May kinukuha pa nga itong mag-aalaga sana kay Brie na hinindian ko na. May ibinigay ding bagong wheelchair si Lenus kay Brie kung kaya’t sinamantala ko nang ilibot si Brie sa kabahayan. Itinuro nito ang isang swing sa may garden na agad naman naming pinuntahan. “Kumusta ka na, Brie?” Ngumiti ang aking anak kay Lenus. Nang iniunat ni Lenus ang kaniyang mga braso ay agad na sumama si Brie sa lalaki. “Gustung-gusto ka niya,” komento ko habang bitbit ni Lenus si Brie at nakikipaglaro rito. “Tutal ay sumasama naman sa’yo, puntahan ko muna si Shirley sa kusina para makapaghanda naman ng pagkain.” “Sure. Maglalaro muna kami nitong sweetheart ko,” ika ni Lenus sabay ngiti kay Brie na mahigpit ang yakap sa doll na bigay din ni Lenus. Kinintalan ko ng halik sa pisngi si Brie. “How about me?” pabulong na tanong ni Lenus. “Anong how about me?” nagtatakang baling ko kay Lenus. Ngumisi ito. “Wala akong kiss?” Tinampal ko ang braso nito. “Kiss ka diyan! Puro ka kalokohan!” He giggled. Bumaling ito kay Nanay. “Tita, nananakit po ang anak niyo!” “Patriiice!” bigkas ni Nanay sa pangalan ko. Nakita rin kasi nito ang napalakas kong palo sa braso ni Lenus. “Puro po kasi biro ‘tong lalaking ‘to,” sumbong ko kay Nanay habang nakaturo ang hintuturo ko kay Lenus. Pinanlakihan lamang ako ng mata ni Nanay. “Hanapin ko po muna si Shirley, Nay,” paalam ko na lang kay Nanay sabay irap kay Lenus na ngingisi-ngisi sa akin. Binaybay ko ang daan papasok sa bahay ni Lenus at dumiretso sa kusina. Naabutan ko si Shirley na naghihiwa ng mga sangkap para sa mga lulutuin nitong mga ulam. “Ano namang ngiti ‘yan?” untag ko sa ngiti nitong mukhang nanunukso. “Aba’t parang nadadalas ata ang pagbisita mo rito kina Sir Lenus ah. Magtapat ka nga sa akin, Patrice. Nililigawan ka ba ni Papi?” “Parang tanga ‘to. Hindi noh! Magkaibigan lang kami nun.” “Artista ka? Pangshowbiz naman kung sumagot ka.” “Hindi nga talaga. Tinanong lang naman niya ako kung gusto ko siyang maging kaibigan, umuo naman ako. So, ito kami.” “Apakashowbiz talaga!” “Hindi nga talaga!” “Oo na!” Natatawa pang sang-ayon ni Shirley sa akin. “Nga pala, nabanggit kasi sa akin ni Sir Lenus na nagkagalit daw kayo nung rehearsal dahil hindi ka niya nasundo nun dahil sa ex niya. “Ex niya ‘yung girl?” “Yup! ‘Yung babae kasi ay pinatulog niya rito nung nakakaraan. Ang balita ko rin ay ex-gf niya nga ‘yun. Ang sabi sa akin ni Sir, nagkaemergency daw. Nagkataon namang nagkakwentuhan kami nung babae. Bumalik ulit kasi rito nung andito na si Sir Rowan. Kasal na pala ‘yun at tumatakas lamang sa nambubugbog na asawa. Pinatuloy dito ni Sir dahil pinakausap din kay Sir Rowan.” Ako naman ngayon ang nanunuksong tumingin kay Shirley. “Bakit biglang nag-iba na ang tawag mo kay Rowan. Nung kasal lang nila Max ay Rowantot ang tawag mo sa kaniya, ngayon ay Sir Rowan na? At saka bakit hindi ka pumunta sa after party nila Max? Kasama mo ba si Rowan?” “K-kuwan, ano, ahh, naligaw kami tas n-nasiraan ang sasakyan namin. T-tumuloy na lang kami sa isang maliit na hotel dahil masyado ng gabi.” “Ahh…ganun pala nangyari. Okay, sinabi mo e.” “T-totoo naman ang sinasabi ko ah.” “Masyado kang defensive, bes. Okay na. Malaki ka na. Alam mo na ang ginagawa mo.” Inirapan lang ako ni Shirley pagkatapos ay nagkatawanan kami. “Mabalik tayo kay Sir Lenus. Alam mo bang puro magaganda ang kwento ng mga kasambahay nila rito? Ang dalawa nga sa kanila ay matagal nang nagtatrabaho sa kanila. Marami raw ari-arian sila Sir. Galante raw at kapag may kailangan ay madaling lapitan. Namana raw iyon ni Sir sa nanay nito na doktora rin. Ang kaso raw ay naging malungkutin at babaero si Sir nang magkasunod na mamatay ang nanay nito at stepbrother.” “Ganun ba?” “Oo. Kaya nga kapag niligawan ka ni Sir Lenus, sagutin mo na agad! Muka namang gusto ka e!” “Sabi ngang magkaibigan lang kami e. Ikaw talaga, bes!” “Well, sinasabi ko lang naman in case ligawan ka nga…” “Walang ganun, bes!” “Hmp!” Pumunta na si Shirley sa kalan at nagsimula nang magluto. Ako naman ay sumilip kina Nanay at Brie. Nagkukwentuhan pa rin si Nanay at Lenus habang kalong pa rin ni Lenus si Brie. Hindi ko muna sila binalikan at nilubos ko na ang pagtulong kay Shirley. “Ang dami naman nating iluluto. Ilan ba ang kakain?” “Tayo-tayo lang.” “Eh pwede ng pamfiesta tong pinrepare ah!” Nangingising tumitig sa akin si Shirley. “Marami talaga magpaluto si Sir. Pero mas marami ngayon. Tinanong niya pa ako kung anong paborito mong pagkain kaya ayan, hindi mo ba napansin?” Inalisa ko ang mga pinaluto. Tinolang native na manok, sinigang na hipon, may iba’t ibang klase rin ng piniritong isda, may alimango at iba’t ibang seafoods. May kalamay mais at buko pandan at kung anu-ano pang matatamis. “Ngayon mo sabihin sa aking hindi ka nililigawan ni Sir. Aba’y kulang na lang sabihing pambirthday mo ang handa dahil lahat ay peyborit mo.” “Ayan ka na naman sa mga hinala mo, bes. Sadyang magaling lang mag-accommodate ng bisita si Lenus.” Isa na namang makabuluhang tingin ang ipinukol ni Shirley sa akin. “Shirley ah!” Pumalahaw ang tawa ni Shirley sa kusina. “Okay, sige na, titigil na po!” — Pinastyro ni Lenus ang ibang pagkain at ngayon nga ay may pupuntahan daw kami. Nasa 50 rin siguro ang naipack namin ni Shirley kanina. Nagpaalam lang ako kay Nanay bago umalis at natutulog na si Brie sa isa sa mga guest room. Hindi nagtagal ay binabaybay na namin ang daan papunta sa isa sa mga kilalang charity center sa aming bayan. Karamihan ng mga nakapisan dito ay mga inabandonang mga bata o ‘yung mga batang kalye. Agad naman kaming sinalubong ng mga tauhan ng charity center. “Shirley, pakisamahan na sila sa loob,” utos ni Lenus kay Shirley. Sumunod ako kay Shirley pero hinatak lang ako ni Lenus. “Samahan mo ako sa opisina ng director.” “Ha? B-bakit kelangan pa kita samahan dun?” “Basta.” Nagpahila na lang ako rito hanggang sa makatuloy na nga kami sa loob ng opisina. Isang babaeng nasa 60s ang sumalubong sa amin. Pagkapasok namin ay agad na tumayo ang director at sinalubong ng yakap si Lenus samantalang ako naman ay pinasadahan nito mula ulo hanggang paa. Iginiya kami nito sa sofa. “M-magandang hapon po,” nahihiyang bati ko rito. “Magandang hapon naman, iha.” Halata ko na parang hindi naman talaga ako gustong batiin sa pagtitig nito sa akin. Pero hinayaan ko na lang. “Andiyan si Sandra ngayon. You want me to call her? Matutuwa ‘yun na makita ka,” masiglang wika nito kay Lenus. “I-It’s okay, Tita. Madalas naman kaming magkasama sa hospital.” “That’s good to hear, iho,” abot tenga ang ngiti ng matanda. Lenus gave her a shy smile. “Tita, para po sa pang-araw araw niyo rito.” Inabot naman ng ginang ang isang tseke. Lumapad ang ngiti nito ng makita ang halagang nakasulat roon. “Anak ka nga ni Diana,” turan nito. “Kamusta ka naman, iho? Kung hindi mo mamasamain ay sino ba ang ineng na kasama mo? Siya na ba ang nobya mo?” “Hin—” “Opo!” Napigil ang sasabihin ko sana sa sinagot ni Lenus ngunit ngumiti na lamang ako kahit naguguluhan ako sa pagpapakilala sa akin ni Lenus. “G-ganun ba. Imbitahin mo sana kami ni Sandra kung sakaling aabot kayo sa kasal,” makahulugan nitong wika. “Makakaasa po kayo, Tita,” malugod namang sagot ni Lenus. “Kami po’y makikihalubilo muna sa mga bata. Idinaan lamang po namin iyan. Alam kong ikagagalak ni Mama na ibigay ko iyan sa inyo.” “Salamat talaga, iho.” “You’re welcome po, Tita.” Pagtayo ni Lenus ay inabot niya ang isang kamay ko’t isinalikop sa mga kamay niya. Hawak-hawak pa rin niya ang kamay ko nang pumunta kami sa mga bata. Naabutan naming naglalaro ang mga chikiting. Pagpasok namin sa main hall ng center ay nanunukso na naman ang mga mata ni Shirley habang inginunguso ang magkasalikop naming kamay. “L-Lenus?” “Hmm?” “P-pwede mo na bang bitiwan ang kamay ko?” “Oh!” Magtatanong pa sana ako rito kung bakit ganun ang pakilala nito sa akin sa director ay nawalan naman ako ng tsansa. Masigla na kasi itong pumunta sa gitna at nakisali sa palaro. Nang mapagod sa pakikipaglaro ay tumabi ito sa akin. Nakaupo ako sa pandalawahang sofa. Inabutan ko ito ng mineral water. “Thank you dito.” Itinaas pa nito ang bote ng tubig. “Walang anuman.” “Salamat din kanina,” cool na sabi nito sabay kindat sa akin. Ako naman ay humugot nang malalim na hininga. “B-bakit nga pala ganun mo ako pinakilala?” Hinawakan muli nito ang aking isang kamay. “Come, I’ll show you something.” “Saan mo na naman ba ako dadalhin?” Sa halip na sumagot ay kinindatan lamang ako nito. Dumaan kami sa may likurang bahagi ng charity center. Dinala niya ako sa garden na nasa tabi ng maliit na chapel. “Nakikita mo ba ‘yung dalawang ‘yun?” Itinuro nito ang dalawang tao. Ang lalaki ay nagdidilig habang ang babae ay nagwawalis. “The girl is Sandra.” Pinagmasdan kong mabuti ang babae at napakunot ako. “Familiar siya.” “Yes, of course. Siya ‘yung xray technician dun sa ospital.” Pinasingkit ko pa ang mga mata ko para mabistuhan nang mabuti ang mukha ng babae. “Ahh… s-siya ba ‘yung anak ng direktor?” “Yes.. and.. the guy is her lover.” Nanlaki ang mata ko na pinagbalik-balik ang tingin sa magsing-irog at kay Lenus. Parang nagkakaideya na ako kung bakit ganoon ako ipinakilala ni Lenus. “Ordinary worker dito sa center ang lalaki. Dito na siya lumaki. In short, iniisip ni Sandra na baka ayawan ng nanay niya ‘yung lalaki dahil mahirap lang. Ako ang pinipiga ni Tita para ipakasal kay Sandra, kagaya ni Mama na gustung-gusto rin si Sandra para sa akin. Sinubukan din naman naming magdate ni Sandra para mapagbigyan ang mga magulang namin. Dahil doon, our parents became hopeful that we would end up together. Pero sadyang hanggang kaibigan lamang ang turing namin ni Sandra sa isa’t isa. I no longer want to give Tita Sandy false hope. And I wish Sandra would be strong enough to fight for her love. Malaya dapat tayong magmahal kung sino ang gusto nating mahalin.” Hindi na ako nakakibo sa lalim nang sinabi ni Lenus. Pinagmasdan ko lang ito habang nakangiting nakatunghay sa dalawang magsing-irog na nagtatawanan. Tirik na tirik ang araw kaya’t mas lalo kong napagmasdan ang mukha niyang mamula-mula dahil naiinitan. Hindi ko maalis ang mga mata ko sa kaniyang mukha partikular na sa kaniyang mga ngiting hindi na ata mawawala sa kaniyang mukha. Nakakagiliw siyang titigan. “Lenus!” Tinawag ni Sandra si Lenus. Kumaway naman si Lenus at tinanguan ang lalaki na ginantihan naman nito nang matamis na ngiti. May pumintig sa puso ko. Ipinilig ko ang aking ulo upang itaboy ang namumuo na atang paghanga sa lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD