Episode 3

2435 Words
“Nakailang hikab ka na ah!” komento ko kay Shirley na parang pagod na pagod kahit alas siyete pa lang ng umaga. Best friend ko siya at tindera naman ng karne. Magkatalikuran lamang ang pwesto namin. Tindera ako ng isda sa palengke pero hindi ko iyon kinahihiya dahil alam kong marangal ang trabaho ko, namin ni Shirley. “Kasi naman nakakaantok ‘yung init, bes! Naubos din ‘yung energy ko kanina dahil sa lumipad na namang ipis sa paa ko! Hindi lang isang beses ah! Tumatlo pa!” Napangiti ako sa tinuran nito. Ganito kami sa palengke. Minsan nga nakikipagpatintero rin kami sa mga daga e. Tumitig ako sa paa namin dahil nakabota rin kami lalo na’t laging basa ang semento namin sa wet market. Masaya naman kami rito sa palengke. Natigil ang pagmumuni-muni ko nang may inginuso si Shirley. Mag-asawa siguro na bagong kasal dahil mukang nasa 20s lang. Magkahawak-kamay ang dalawa. Medyo malaki na rin ang tiyan ng babae. “Kakainggit ayy! Mukang mahal na mahal nung lalaki si girl. Todo alalay!” bulong nito sa akin. Tipid akong napangiti habang nakatingin sa dalawa na papasok na sa loob ng palengke. Pag-ibig? Wala akong panahon sa mga ganiyan. Para lamang ‘yan sa may matitibay na puso, at matagal nang nawasak ‘yung sa akin. Matagal ko nang tinanggalan ng karapatan ang sarili ko na umibig. "Opo, Four fifty talaga yan. Pero four hundred na lang sa'yo, suki. Ilan ba kukunin mo?" nakangiti kong wika sa namimili. "Four hundred na lang 'to, ganda? Sige, isang kilo na nitong isda mo." Ngumiti pa ang lalaki sa akin. "Balik ka suki ah!" Bilin ko pa rito nang papaalis na ito. Napangiti ako dahil mukhang mabilis akong makakauwi ngayon sa bahay. Madali lang mauubos ang paninda ko. Hindi pa nakakalayo ang huling customer ay may sumunod na namang dalawa pa na tumingin-tingin sa mga isdang paninda ko. Agad namang nagsalita ang katabi kong si Mona na kapwa tindera ko rin ng isda. "Mga kuyang pogi, ito o, ibigay ko na lang sa inyo ng two eighty. Naku! Sariwang-sariwa pa," pang-eengganyo pa nito. "Hindi katulad ng iba diyan." Alam kong ako na naman ang pinapatutsadahan nito ngunit hindi ko na lang kinibo. Sanay na ako sa pagpaparinig nila. Pasok sa isang tenga, labas sa kabila. Siniko ako ni Shirley. "Pigilan mo ako, Patring, ke aga aga," bulong nito sa akin. "Hayaan mo na," saway ko sa kaniya. Ibinalik ko ang tingin sa namimili. Tiningnan lang saglit ng lalaki ang isda ni Mona at bumaling pa rin sa akin. "Magkano dito, ganda?" tanong nito sa kapareho ring isda na tinutukoy ni Mona. "Po?" nabigla kong tanong. "Ayy! Three hundred po pero kung marami po kayong bibilhin, ibibigay ko na lang po ng two sixty," nakangiti kong sagot na ikinaismid ni Mona. "Kung tig-isang kilo kami nitong katabi ko, pwede ko pa rin bang makuha ang discount?" pagpapa-cute pa ng lalaki sa akin na kinalabit pa ang katabi rin nitong lalaki. Mukhang hindi magkakilala ang dalawa. Nagkasabay lang marahil sa pamamalengke. "Oo nga! Puwede ba 'yun,ganda?" ika ng pangalawang lalaki. Ngumiti ako na lagi ko namang ginagawa sa lahat ng customers ko, na ayon na rin sa iba ay isa sa mga charms ko. "Puwede naman po. Ano po, tig-isang kilo na po kayo?" Nanlaki ang mata ng dalawa at tuwang-tuwang nagsipagtanguan. Siyempre naman noh! Sobrang mura na kaya nun. Kalahati na lang ng tutubuin ko. Pero okay lang, basta may kita sa araw-araw, swak na. Isa pa, sigurado akong babalik sila. Maganda kaya ang mga isda ko. Kasingganda ko. Oops! Minsan lang ako magbuhat ng bangko kaya pagbigyan niyo na ako. "Salamat ha, pretty," sabay pang bigkas ng dalawa bago nagsipagbayad at umalis. Nagbubugaw ako ng aking mga paninda nang siniko na naman ako ni Shirley. "Patring, galing mo talaga. Mauuna ka na namang makaubos ng benta. Ano bang sikreto mo?" Tipid akong ngumiti kay Shirley. "Sikreto niya? Matawag lang ng maganda nagbababa na ng presyo ng isda niyang bilasa," singit ni Magda. Na sinegundahan pa ng kapwa rin namin tindera na si Aiza. "Oo nga, Mona. Hayaan mo na lang at matindi ang pangangailangan. Kamukat-mukat mo bukas 'yan may buntis na naman dito sa hilera natin tapos naiwan na namang luhaan." "At sino naman ang tinutukoy mo, ha, Aiza?" Hindi na nakapagpigil ang palaban kong kaibigan. "Shirley, hayaan mo na. Huwag mo nang patulan." Pigil ko sa kaniya dahil ayaw ko ng gulo. "Hindi, Patring! Napipika na ako sa bunganga ng mga pangit na 'yan e! Ang sabihin mo, nabibilasa ang mga isda nila dahil na rin sa mga pangit nilang pag-uugali! Akala mo kung sinong walang baho? Hoyyy! Kabit ka lang din naman ni Arturo!!" "Anong sabi mo?? Sinong pangit?! Sinong kabit?!" Namaywang na si Aiza habang si Mona ay umabante na. Sinugod nito si Shirley at sinabunutan. Makikisabunot na rin sana si Mona nang hinatak ko ang damit niya. "Tama naman na, Mona. Please.. Magtinda na lang tayo." "Anong magtinda?! E ikaw lang naman ang kumikita ngayon?!" Sinugod na rin ako nito para sabunutan. Rinig na rinig ko ang mga mura at galit ng ibang nagtitinda dahil nga sa nabubunggo na namin sila. Parang may palabas sa palengke na pinalibutan kami ng iba pang mamimili maging ng mga kapwa namin tindera. Walang gustong umawat hanggang dumating na ang mga tanod at paghiwa-hiwalayin kami. "Pambihira naman kayo. Ke aga aga nagsisipag-away kayo! Ano ba talagang mga gusto ninyong mangyari? Kayo ang pagpiyestahan at hindi ang mga tinda niyong isda?! Magsipagtino kayo ah!" ika ni Mang Ambo na isa sa mga umiikot na tanod sa palengke. "Pasensiya na po, Mang Ambo, hindi na po mauulit," hingi ko nang paumanhin sa matanda. "Kuuuh! Magsitigil na kayo ha?! Hala! Balik sa puwesto!" utos nito sa amin. Nakaamba ang batuta nito. Tahimik kaming nagsibalik sa puwesto. "Okay ka lang ba, Shirley?" tanong ko kay best friend habang inaayos ang buhok nito. Natatawa itong pinalis ang kamay ko. "Amoy isda na tuloy ang buhok ko." Tinipon pa nito ang buhok nito at inamoy. "Amoy bulaklak na may konting lansa." Tatawa-tawa na lang kaming bumalik sa puwesto. Alam kong patuloy pa rin kaming iniirapan ng dalawang inggitera pero hindi na namin pinansin. Inayos ko ang tinda kong isda. Konting oras pa at makakauwi na ako kay Brielle. Limang taon na ang anak ko at may cerebral palsy siya. Proud na proud ako sa anak ko dahil napakastrong niya. Gagawin ko ang lahat para sa kaniya. Gagawin ko ang lahat para sa pamilya ko. Sila ang buhay ko. Mabilis na natapos ang araw. Alas–onse pa lang ay halos paubos na ang isda na binebenta ko. Alas-dos nang tuluyan nang maubos ang mga isda. May mangilan-ngilang naiwan. Iyon na lang ang iuuwi ko bilang pang-ulam namin sa bahay. Kasabay ko ring naglakad pauwi si Shirley. Isang kanto lamang ang layo niya sa tinitirhan naming maliit na bahay. Kahit paano ay naging konkreto na iyon. Naipundar ko sa pagtitiyaga ko sa pagtatrabaho. "Meryenda muna tayo," aya sa akin ni Shirley. Binunot ko sa aking bulsa ang cellphone ko na malapit nang bumigay sa kalumaan at tiningnan ang oras. "Sa bahay na lang ako chichibog, She. Hinihintay na ako ni Nanay at Brie sa bahay." Hinigpitan ni Shirley ang kapit niya sa braso ko. "Ito naman! Saglit lang tayo. Doon lang naman tayo sa tusok-tusok sa kanto. Sagot ko, 'wag ka mag-alala." Nagpahila na lang ako kay Shirley. Alam ko namang hindi ito titigil hanggat hindi ako pumapayag. Isa pa, totoo namang nagugutom pa rin ako. "Patring, saan tayo sa makalawa?" kaswal na tanong ni Shirley habang tumutusok ito ng fishball. Kumunot ang noo ko. "Anong saan?" "Ayan na naman po siya! Liligtas na naman sa paparty niya." "Anong papar–?" Napahinto ako nang marealize ang ibig sabihin ni Shirley. "Kailangan pa ba 'yun?" Hinampas ako ni Shirley sa braso. "Ayan ka na naman e. Napaka KJ mo talaga! Itreat mo naman ang sarili mo paminsan-minsan. Puro ka trabaho! Tignan mo nga 'yang sarili mo! Kelan ka huling namili ng damit mo? 'Yang buhok mo, ni hindi mo man lang masuklay. Alam kong mahirap ang buhay, bes. Pero hindi naman masama na magrelax ka kahit man lang sa birthday mo." I let out a weak laugh. "Saan naman ako kukuha ng pera, aber?" Tumingin ako sa aking cellphone at nang makita kong mag-alas tres na ng hapon ay nagmamadali kong hinigop ang binili kong s**o. "Mauna na ako, bes! Kukuha pa ako ng ilalako kong kakanin." Humugot ako ng fifty pesos. "Hep hep hep! Sige na ako na!" pigil sa akin ni Shirley. Iniabot ko ang bayad sa nagtitinda ng fishball. "Hindi na uy! Lagi ka na lang taya. Mauna na ako ah!" Tumusok pa ulit si Shirley at naglagay na lang sa plastic cup na hawak niya. "Manong, bayad ko po! Salamat!" At sumunod na lang din ito sa akin. Siniko ako ni Shirley. "Sasama ako sa'yo. Wala naman ako gagawin sa bahay. Maglaro muna kami ni Brielle.” Sinulyapan ko si Shirley. "Salamat bes ah." Napangisi ito nang tumingin sa akin. "Para saan naman?" "Na lagi kang naglalaan ng oras para matulungan ako sa pag-aalaga kay Brielle." Sumubo ito ng kikiam. "Asan na ba kasi ang ate mo? Kailan ba niya balak balikan si Brie?" Napahinto ako sa paglalakad sa sinabi ni Shirley. "Shirley, 'di ba sabi ko sa'yo hindi na natin pag-uusapan 'to?" ika ko. "Pero hindi mo naman talaga—" "Tumigil ka na!" Napatingin sa akin si Shirley dahil sa pagtaas ng boses ko. "S-sorry na, bes. Sige, hindi na ako magtatanong." Para naman akong napahiya dahil nakita kong nasaktan din si Shirley. "S-sorry.." Bumuntong-hininga si Shirley. "Hindi ko lang kasi kayang makita kang nahihirapan." Nagsimula na akong maglakad ulit. "Para sa akin, hindi pabigat si Brielle." Sumabay naman sa akin si Shirley. "Hindi naman kasi 'yun ang ibig kong sabihin." Sinulyapan ko saglit si Shirley. "Okay lang ako, Shirley. Totoo 'yun!" Malakas na napabuntong hininga si Shirley at mayamaya ay kinuha na muli ang kamay ko at hinigit ako. "O 'sya! Lika na, magkaiyakan pa tayo rito sa daan." Hinila na ako nito para lumiko sa kanto namin. “Teka lang…” pigil ko rito. “May dadaanan pa kasi ako. Andiyan kasi si Max ngayon." "Ahhh! Kaya naman pala," may tunog-panunuksong turan ni Shirley. "Bakit kasi hindi ka pa umamin? Kitang kita namang may gusto rin sa’yo ‘yung tao." "Alam mo namang may girlfriend na 'yun." "Yan tayo e! So, hanggang tingin ka na lang?" "Langit 'yun, Shirley. Sapat na sa aking hanggang ngayon ay magkaibigan kami. Buti nga hindi ako pinapalayo nila Tita Flora sa kaniya e. Kahit naman mabait sa akin ang pamilya nila, hindi pa rin ako sigurado kung gugustuhin nila ako para sa anak nila. Mabait pa ang girlfriend niya. Okay na 'yun." Nalulungkot na kinuha ni Shirley ang braso ko at parang pusang lumingkis sa akin. "Ang hirap talaga maging mahirap." Huminto kami sa isang may kalakihang bahay. Bahay iyon ng aking kababatang si Max. Sobrang bait nito sa akin kahit na magkalayong-magkalayo ang aming estado sa buhay. Sila ang may-ari ng consignacion sa lugar namin. Ito ang naging sandalan ko noong bata pa ako. Ngunit nang mag-aral na ito sa Maynila ay naging madalang na ang uwi nito sa amin. Buti na nga lang at nakilala ko naman si Shirley. Silang dalawa lang ang tanging naging kaibigan ko sa buong buhay ko. "Max!" sigaw ko habang kumakatok sa gate nila. Nag doorbell na rin ako. "Patring! Shirley!" Kumaway pa ito sa amin bago lumapit at buksan ang kanilang may kataasang gate. "Ito na ang bayad ko sa araw na 'to. Ang gaganda kasi ng mga isda na lagi mong binibigay sa akin, mabilis na nauubos," puri ko pa. "Wala 'yun. Ano pa ang silbi ko bilang best friend mo kung sa ganitong bagay lang ay hindi pa kita matulungan? Besides, hindi naman ako ang nangingisda nun! Nagbibilin lang naman ako kina Kuya Jose na sa'yo muna unang ialok." Ikinampay pa nito ang isang kamay sabay tipid na ngingiti. "S-salamat palagi," tugon ko sa kaniya. Nagkatitigan na naman kami. Katulad ng dati, parang may gustong sabihin sa akin si Max pero wala naman siyang sinasabi. Tumikhim lamang si Shirley kaya kami natauhang dalawa. "Helloooo! Baka naman puwedeng ibilin mo na rin ako, Max! Kaibigan mo na rin naman ako ah!" "Isa lang kasi ang puwede kong ibilin," sakay naman ni Max sa patutsada ni Shirley. "Kaya si Patring lang 'yun," sabay kindat sa akin. Natatawa na lang ako nang pabirong umirap si Shirley. "Patrice?" tawag ng isang babae sa akin. Bumababa ito sa tatlong baitang na hagdan galing sa loob ng bahay nila Max. Si Lindsay. The ever so kind and beautiful Lindsay. Ang girlfriend ni Max. "Musta na?" bati ko naman dito. Lalapit sana ito sa akin upang bumeso pero ako na ang nahiyang lumayo. "Mabaho ako ngayon, Lindsay. Galing pa kasi ako sa palengke," paliwanag ko naman dito dahil nabakas ko ang pagkaasiwa nito. Hindi inaasahan ang pag-iwas ko. Hinatak ako at niyakap pa. "Walang baho-baho sa akin." Ipinakilala ko si Shirley dito at nagkamayan sila. Pagkatapos nun ay bumaling ito kay Max at inilingkis ang braso sa braso ng kasintahan. "Nasabi mo na ba sa kaniya ang balita?" Tumitig si Max sa akin na parang may sasabihin. Ako naman ay napataas ang dalawang kilay na naghihintay sa susunod pa niyang babanggitin. Bumaling si Max kay Lindsay at ngumiti. 'Yung ngiting dati ay sa akin lamang nito ibinibigay. "Ngayon pa lang, hon." Nahihiya itong tumitig sa akin. "Puwede ka ba namin maging maid of honor sa kasal namin?" Napapikit ng ilang beses ang mata ko. Hindi makapaniwala sa itinanong ni Max. Pabalik-balik ang tingin ko kay Max at Lindsay, naghihintay ng confirmation. "Yeah! You heard it, right, Patrice!" excited na wika ni Lindsay. Itinaas nito nang bahagya ang kamay na may suot na engagement ring. Hindi ko alam kung paano ako magrereact. May kumirot sa aking puso. Mabuti na lang at kasama ko si Shirley. Naramdaman ko ang pasimple nitong paghaplos sa aking likuran. Pinilit kong ngumiti. "S-syempre naman. Tinatanggap ko na maging maid of honor n-niyo." "Talaga?!" Humiwalay si Lindsay kay Max at yumakap sa akin. "Thank you," Max mouthed. Nginitian ko si Max. Hindi ko alam kung paano ko iyon nagawa kahit unti-unti akong nadudurog. Simula nang aminin ko sa sarili kong mahal ko si Max, ito na ata ang pinakamasakit. Sana ay kayanin kong makalakad nang nakangiti sa buong durasyon ng kasal niya. Gusto ko siyang maging masaya, kahit ang kirot kirot na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD