Kaya paano siya mamumuhi sa lalaki? Paano niya susumbatan ang lalaki na ginamit o pinaasa lang siya gayong hindi nga naman niya ito narinig na mag-I love you sa kanya kahit minsan? Paano niya aakusahan si Lio na sinayang lang nito ang dalawang taon ng buhay niya gayong labis rin naman siyang lumigaya sa piling nito sa loob ng dalawang taong iyon? Paano niya sasabihin sa lalaki na pinagsisisihan niya ang dalawang taon na iyon dahil lang ayaw na nitong dagdagan pa ang panahong magkasama sila?
Gabi-gabi niyang iniyakan ang binata matapos ang kasumpa-sumpang araw ng pakikipaghiwalay nito sa kanya. Ang totoo, hanggang ngayon, may mga gabi pa rin na iniiyakan niya si Lio. Bigla na lang siyang magigising sa gitna ng gabi na basa ng luha ang mga pisngi niya. At laman ng isip ang binata. Hindi madaling kalimutan ang dalawang taon.
Noong unang mga gabi matapos makipaghiwalay ni Lio sa kanya ay buo ang paniwala niyang mababaliw na siya nang tuluyan. Kung ano-ano kasi ang pumapasok sa isip niya. Madalas pa natatagpuan na lang niya ang sarili na tumatawa mag-isa habang patuloy ang pagdaloy ng mga luha sa mata niya. At siguro kung wala ang suporta ng matalik niyang mga kaibigang sina Ginji, Cocco at Ivy, kasama na siya sa bilang ng mga nasa mental ward ng hospital ngayon.
Kahit na kuya ni Ivy si Lio ay sa kanya kumampi ang kaibigan niya. In fact, Ivy even threathened to disown her older brother for the hurt he caused her. Pero ayaw naman niyang magkalamat ang relasyon ng magkapatid dahil sa kanya kaya ipinaunawa niya kay Ivy na walang ginawang masama si Lio sa kanya. Hindi siya ipinagpalit sa ibang babae ni Lio. Hindi siya pisikal na sinaktan ng lalaki. Hindi siya minura o pinagsalitaan ng hindi maganda ni minsan. Sadyang hindi lang talaga siya kayang mahalin ni Lio anumang gawin niya at kahit gaano pa katagal ang paghihintay niya na mangyari iyon.
At hindi isang malaking kasalanan ang kawalan ng taos-pusong pagmamahal ni Lio para sa kanya. Isa nga iyong trahedya. Pero hindi iyon kasalanan. Hating someone and not loving someone are two entirely different things. Pero sa dalawa, marahil iyong huli ang mas masakit para sa isang taong umiibig. Dahil kahit papaano, masasabing isang damdamin pa rin ang pagkamuhi sa isang tao. At may ilan pa ngang nagsasabing kakambal ng pag-ibig ang pagkamuhi. Samantalang ang hindi pagmamahal sa isang tao ay kawalan ng anumang uri ng damdamin.
Maya-maya ay tumayo na si Didi mula sa bath tub. Pumasok siya sa shower cubicle. Nagbabanlaw na siya nang marinig niya ang pagtunog ng doorbell ng townhouse niya. Nagulat siya at natatarantang inabot ang pink towel na nakasabit sa towel rack malapit sa shower cubicle ng bathroom. Mabilisan niyang tinuyo ang katawan saka ibinalot sa basang buhok ang towel. Kinuha niya ang pink bath robe na nakasabit rin sa towel rack at isinuot.
Sumulyap siya sa wall clock sa dingding ng silid niya paglabas niya ng bathroom. Hindi siya mali ng tingin sa orasan. Five-fifteen pa lang ng umaga. Masyadong maaga pa para dumating si Lio. Six o’ clock karaniwang dinaraanan ng binata si Chinoy. Isinasama ni Lio ang aso sa pagja-jogging ng binata sa park sa loob ng subdivision nitong twenty minutes lang ang layo mula rito sa subdivision niya.
Nagtatakang bumaba siya ng hagdan. Wala naman siyang ibang inaasahang dumating o bumisita sa kanya ng ganoon kaaga. Kaya sino ang nagdo-doorbell sa gate niya?
Sumilip muna siya sa bintana sa sala upang tingnan kung sino ang nasa labas ng gate. Kitang-kita ang sinumang nasa labas ng gate dahil sa siwang sa pagitan ng mga kulay pulang aluminum bars. Parang may sariling buhay ang puso niya na kusang lumundag sa magkahalong tuwa, kaba at kasabikan nang makita niyang kotse nga ni Lio ang nakaparada sa gate at si Lio mismo ang nakatayo sa tapat ng pedestrian gate.
Nakasuot ng pulang hooded sweater at puting sweat pants si Lio. Madilim at malamig pa ang buong paligid. Ni hindi pa lumilitaw kahit isnag sinag mula sa araw. At dahil huling linggo na ng Nobyembre, sadyang malamig na rin talaga ang panahon. Pero hindi sapat ang lamig ng paligid para ipagpaliban ni Lio ang nakagawian na nitong pagja-jogging sa umaga.
Araw-araw na nagja-jogging si Lio bago ito magpunta sa vet clinic at pet shop nito na matatagpuan sa Pahanilag Building, ang commercial and condo building na walking distance lang mula sa building na kinaroroonan naman ng pag-aari niyang bakeshop. Kaya naman madalas ay inihahatid at sinusundo siya ni Lio noong sila pa. Sabay silang pumapasok at umuuwi kahit pa kadalasan ay mas late siyang umaalis sa bakeshop niya kaysa sa lalaki sa clinic nito.
Isang veterinarian si Lio. At katabi ng vet clinic na pag-aari ng binata at ng kaibigan nitong si Brandon ay ang pet shop ng dalawa.
Kahit gaano pa kaabala si Lio sa trabaho at negosyo nito ay hindi nito nakakaligtaan ang pag-eehersisyo at pag-aalaga sa katawan nito. Aside from jogging every morning, he also goes to a boxing gym once a week. Hindi naman nangangarap na maging susunod na Manny Pacquiao o Floyd Mayweather Jr. si Lio. Pero nagti-training ito at paminsan-minsan lumalaban sa ilang amateur fights. Kaya naman very fit ang katawan ng binata sa ilalim ng suot nitong sweater at jogging pants. He was strong and built like a football player. Malapad ang mga balikat, nagtitigasan ang mga biceps, pectorals, abs at thighs. At six-foot and two inches, he was very tall and big. Pero walang excess fat ang katawan ng binata.
Lalaking-lalaki ang anggulo ng mukha ni Lio. Hindi pwedeng pagkamalang babae kahit pa mahahaba ang mga pilikmata nito. Halos kakulay ng buhangin sa disyerto kapag tirik ang araw ang mga mata ng binata. Matangos ang ilong, maninipis ang mga labi at malalaki ang mga tainga nito.
Itim na itim ang buhok ni Lio na madalas naka-top knot at shaved ang gilid. At bago pa nauso ang mga balbas sa lalaki tulad nina Nick Bateman, Joe Manganiello at Julian Edelman ay alaga na ni Lio ang balbas at bigote nito. Hindi dahil sa iniisip ni Lio na mas macho at astig itong tingnan sa balbas at bigote nito. Kung hindi dahil mabilis talagang tumubo at humaba ang bigote at balbas ng binata. Pirming may five o’ clock shadow si Lio kahit gaano pa ka-regular mag-ahit ang binata. Kaya mas pinili na lang ni Lio na hayaang tumubo ang balbas at bigote nito. Tini-trim na lang ni Lio ang balbas nito kapag masyado na iyong humaba.
Maliban sa kulay ng mga mata ay magkahawig na magkahawig sina Lio at ang New England Patriots football player na si Julian Edelman. Lalo na pagdating sa balbas at bigote ng dalawang lalaki. Kaya nakakatawa na siya pa ang mas may kilala sa naturang NFL player kaysa kay Lio. Naalala niya kasi noon nang banggitin niya sa dating nobyo na kamukha nito si Julian Edelman ay blangko ang anyong tiningnan lang siya ng binata. Hindi fan ng American football ang binata kaya wala itong ideya kung sino ang Julian Edelman na binanggit niya.
Actually, nakilala lang din naman niya ang naturang NFL player dahil biglang nagkaroon ng interes ang ama niya na manood ng American football nitong nakalipas na mga taon. At ang ama rin niya ang unang nagbanggit sa kanya na kamukha nga ni Lio ang isang kilalang football player.
Pero hindi pa nakakaharap ni Lio ang ama niya bagamat nakilala at nakausap na ng ama niya ang binata sa Skype at telepono. Sa tuwing uuwi kasi siya ng Camiguin upang bisitahin ang ama at madrasta niya, hindi nakakasama si Lio sa kanya. Kung hindi may dadaluhang seminar, may pasyente sa clinic, may out of town trip ay may inaasikaso naman sa pamilya si Lio.
Noon, hindi siya nagtataka kung bakit laging hindi pwede si Lio na sumama sa kanya sa pagpunta niya sa bahay ng ama niya. Pero ngayong naghiwalay na sila, nagdududa na siya na posibleng ang ilang dahilang ibinigay ni Lio sa kanya noon kaya hindi siya masamahan ng binata pauwi ng Camiguin ay gawa-gawa lang ng binata. At ang totoo ay sadyang ayaw lang ng binata na makaharap nang personal ang ama niya.
Kung bakit, hindi rin niya alam. Basta iyon ang pakiramdam niya. Ilang beses naman nang nakaharap ni Lio ang mama niya at ang amain niya, pati na ang mga half-siblings niya sa ina. Kaya kung tutuusin, walang dahilan para iwasan ni Lio na makaharap ang ama niya.
Maliban na lang kung batid na ni Lio noon pa man na imposibleng matutunan siya nitong mahalin kahit gaano pa katagal na panahon ang lumipas. At dahil alam ni Lio na isa siyang daddy’s girl at mas malapit siya sa ama niya kaysa sa ina at mga half-siblings niyang narito rin sa Metro Manila, sadyang iniwasan ni Lio na makaharap ang ama niya. Para nga naman hindi kailanganin ng binata na ma-guilty o managot sa kanyang ama sa sandaling dumating na ang panahon na iiwan siya’t sasaktan ng binata. Bagay na nangyari na nga ngayon.
Kung ganoon nga ang dahilan ni Lio, nauunawaan niya ang binata. Dahil pareho sila sa puntong iyon. Ayaw rin niyang pag-isipan ng masama ng ama niya si Lio. Kaya nga hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nababanggit sa ama na hiwalay na sila ni Lio. Natitiyak kasi niyang walang pag-aatubiling luluwas dito sa Manila ang ama niya para komprontahin si Lio at ipagtanggol siya sa p*******t ng binata sa damdamin niya.
Bumunot muna si Didi ng malalim na paghinga bago niya binuksan ang pinto ng bahay niya at lumabas upang pagbuksan ng gate si Lio.
“Good morning! Ang aga mo yata ngayon?” nagtatakang tanong niya sa kaswal na boses.
Hindi agad sumagot si Lio. At nang sundan niya ang direksyong tinititigan ng binata ay nahuli niyang nakatuon iyon sa cleavage niyang hindi sinasadyang lumitaw dahil sa pagluwag ng tali ng bathrobe na suot niya. Nawala sa isip niya na bathrobe lang ang suot dahil sa labis na pagtataka at kasabikan na makaharap ang binata.
Medyo nag-init ang mukha na mabilis na inayos niya agad ang suot na bathrobe. Hinigpitan niya ang pagkakatali ng bathrobe. Bahagya pa siyang napangiwi nang ma-realize na ang bathrobe na suot niya ngayon ay iniregalo ng binata sa kanya noong nakaraang Pasko. At maraming erotikong eksena sa pagitan nila ng binata ang nasaksihan ng bathrobe na iyon. Base sa kakaibang kislap sa mga mata ni Lio, naalala rin ng binata ang mga eksenang iyon.
Malakas na tumikhim siya para pukawin ang atensyon ng binata. Pagkuwan ay nagkunwari siyang pinupukol ito ng masamang tingin. Pero deep inside ay kinikilig siya sa kaalamang attracted pa rin ang binata sa kanya. Hindi iyon maikakaila ng interes na hindi itinago ng matiim nitong pagtitig sa dibdib niya.
Ilng beses na napakurap muna si Lio bago sinalubong ang nagbababalang tingin niya. Napakamot ang lalaki sa batok saka medyo ngumisi sa kanya na tila ba sinasabing ‘I’m a man, baby. Of course I would look!’
At iyon ang isa pa sa mga dahilan kung bakit hindi niya maggawang magalit ng tuluyan sa lalaki. Dahil si Lio lang ang nagparamdam at nagturo sa kanya na sa kabila ng plus size niyang figure ay sexy at kaakit-akit pa rin pala siya. Mula pagkabata ay insecure at conscious siya sa kanyang laki at pigura. Alaga kasi siyang tuksuhin maging ng sariling pamilya niya na isa raw siyang biik, hippopotamus, balyena, dugong at kung ano-ano pang masasakit na insulto patungkol sa katabaan niya.
Mga panunuksong nginingitian at tinatawanan lang niya. Pasok sa isang tainga, labas sa kabila. Hindi niya ipinapahalata sa mga nanunukso sa kanya na bawat masakit na salita ng mga ito ay parang latigong lumalatay sa damdamin niya. Hindi niya ipinapakita sa mga nanlalait sa kanya na may kakayahan ang bawat salita ng mga ito na pigilan siyang kumain ng ilang araw hanggang sa puntong hinihimatay na siya sa gutom.
Si Lio lang ang nagtagumpay na kumumbinsi sa kanya na mali ang matagal na niyang paniniwala na dahil sa hugis ng katawan niya ay pangit siya at imposibleng magustuhan siya ng isang lalaking tulad ni Lio. He loved all her curves and love handles. He even loved her huge appetite. Gustong-gusto ni Lio na pinagmamasdan siyang kumain. Natural na natural at hindi raw kasi siya maarte sa pagkain. Kahit sinong kasabay niyang kumain ay ginaganahan din sa pagkain dahil hindi siya nahihiyang ipakita ang appreciation niya sa nakahain sa harapan niya.
Hindi raw siya tulad ng ibang babae na magyayaya sa mamahaling restaurant tapos ang oorder-in lang ay salad at appetizer pero kung tingnan ang plato ni Lio ay parang gusto namang sunggaban ang pagkaing kinakain ng binata. Tuloy pakiramdam ni Lio ay parang sadyang ginugutom nito ang ka-date.
Niyayaya siya ni Lio noon na sumabay sa pagpunta nito sa gym para mag-exercise o kaya ay sabayan niya ito sa pagja-jogging nito. Pero hindi dahil sa intensyon ng binata na papayatin siya kung hindi dahil gusto lang nito maging malakas ang katawan at puso niya. He didn’t want her to diet but he insisted that she needs to exercise regularly so she will be healthy and strong.
Para kay Lio ay perpekto raw ang pangangatawan niya at hindi niya kailangang maging kasing katawan ng Ate Greta niya na isang modelo. Dahil kay Lio, sa kauna-unahang pagkakataon mula pagkabata niya ay naniwala siyang maganda at kaakit-akit siya kahit hindi niya kasing katawan ang ate, kuya at ina niya.