INVITED TONIGHT

2075 Words
                                                                                             Kaya para mapakalma lang ang ina at mapigilan ito sa panunugod kay Tita Jeng, ipinangako niya sa ina na hindi na niya tatawaging Mama Jeng ang madrasta. Buti na lang at naunawaan din naman ni Tita Jeng iyon nang ipaalam niya ang tungkol roon sa madrasta.          “Hindi ko alam kung saan napunta ang utak mo, Didi! O sinasadya mo lang talagang inisin at sirain na naman ang gabi ko?!” pandidilat sa kanya ng ina.          Tumayo ang kanyang ina at lumapit sa kanya. Hinagod pa nito ng tila nandidiring tingin ang suot niyang light gray turtleneck knit top at dark gray trousers at mules. Magdi-dinner sila kasama ang pamilya ng fiance ng ate niya para pag-usapan ang tungkol sa kasal ng kapatid niya. And since hindi naman sila sa five-star restaurant kakain at sa halip ay dito lang sa bahay ng ina niya, hindi niya inisip na kailangan pa pala niyang mag-formal dress pa tulad ng ina at mga kapatid. Mukhang dadalo sa Academy Awards ang tatlo sa suot ng mga ito. Parehong naka-evening gown ang ina at Ate Greta niya habang ang Kuya Hans naman niya, bagamat naka-coat and tie ay dark jeans naman ang suot na pang-ibaba.           Napangiwing humingi siya ng paumanhin sa ina. Dapat nga siguro inisip niya iyon lalo na at alam niyang gusto ng ina niya na ma-impress ang pamilya ng fiance ng ate niya.          “I would lend you one of my dresses but I doubt if kakasya sa iyo ang mga iyon, Didi,” pumapalatak at iiling-iling na komento ng Ate Greta niya. “Oh, well, never mind. Hindi ka naman importante. I mean, hindi naman importanteng maganda ang bihis mo. But I really wish you’d stop embarassing me in front of Brandon’s family. Baka isipin nila inaalila ka namin kaya hinahayaan ka naming magmukhang sa palengke o Divisoria namimili ng damit,” eksasperadong pagpapatuloy ng kapatid niya.          “Sorry, ate. Hindi ko alam na formal dinner pala tayo ngayong gabi kaya hindi ako nagsuot ng formal wear,” mababa ang tonong sabi na lang ni Didi para hindi na humaba pa ang diskusyon nilang magkapatid.          Kahit pa maaari niyang sabihing totoo naman talaga na parang alila ang naging trato sa kanya ng tatlo noong nandito pa siya sa poder ng ina. Noong bata pa sila ay siya ang tagasalo ng mga lumang damit, sapatos at gamit ng ate niya kahit na kayang-kaya naman siyang ibili ng mga bagong damit at gamit ng ina. Pinapagalitan pa siya ng ina kapag nakikita nitong halos gula-gulanit na ang suot niya gayong natural naman na mangyayari iyon dahil sa kalumaan na ng damit na bigay ng ate niya bukod pa sa nai-stretch iyon ng husto dahil hindi nga sila magka-size ng ate niya.          Maaari rin niyang idahilan kay Ate Greta na wala namang sinabi ang ina nila tungkol sa dress code para sa gabing iyon nang tawagan siya ng ina para pumunta ngayong gabi. Ang buong paniwala lang talaga niya ay isang family dinner iyon para pag-usapan ang mga napiling miyembro ng entourage at sponsors sa kasal ng ate niya at ni Brandon. Four months from now ang wedding date na napili ng ate niya. Pero imbes na padaliin ang proseso ng paghahanda sa kasal nito sa pamamagitan ng pagkuha ng wedding planner lalo na sa napakaikling panahon na inilaan nito para sa preparasyon sa kasal nito, nagpasya ang ate niya na ito mismo at si Brandon ang magpaplano ng buong kasal.          Bagay na tinutulan ng ina nila noong una. Katwiran ng ina niya, nariyan naman ang kaibigan niyang si Ginji na isang wedding planner at nagmamay-ari ng sarili nitong events planning company. Tiyak na makakakuha pa raw sila ng discount mula kay Ginji dahil kaibigan niya ang babae. But her sister and Ginji never really got along. Ginji hates her sister and vice versa.  Kaya todo tanggi ang ate niya sa suhestyon ng ina nila. Besides, Ginji is fully booked until next year kaya kahit pa gustuhin ni Ginji ay wala na rin itong maggagawa pa para isingit ang kasal ng kapatid niya sa schedule nito.          “At least you should have done something to your hair!” puna muli ng ina niya na dinaklot ang mahaba niyang buhok na hinayaan niya lang nakalugay ngayong gabi imbes na itinirintas tulad ng hilig niyang gawin. Medyo marahas ang pagkakadaklot ng ina sa buhok niya kaya bahagyang napangiwi siya at maagap na umiwas rito para mabitawan na nito ang buhok niya.          “Tama na nga, Mom. Wala ka nang maggagawa para ma-improve ang hitsura ni Didi. Ganyan na iyan since birth, ‘di ba? Mukhang balyenang na-stranded sa beach at may kumpol ng seaweed sa ulo. Bakit sa palagay mo hiniwalayan ni Lio iyan?” patamad na sabi ni Kuya Hans. Kaswal na kaswal ang tono nito. Ni hindi siya tinapunan man lang ng tingin habang iniinsulto siya. Sa halip ay muli lang nitong nilagok ang laman ng kopitang hawak nito.          Medyo namumula na ang mukha ni Kuya Hans. Lasing na naman ang lalaki base sa bahagyang pagsuray ng hakbang nito nang tumayo upang humakbang patungo sa mini bar malapit sa side door patungo sa malawak na hardin ng bahay ng ina. Bagay na hindi na ikinagulat ni Didi dahil matatawag na isang functioning alcoholic ang kapatid niya. Hindi niya alam kung nagsimula itong maging alcoholic dahil sa mga parties na madalas nitong dinadaluhan bilang parte ng trabaho nito as a talent manager o sadyang alcoholic na ito bago pa man napasok sa trabahong iyon.          Imboluntaryong napaiwas na lang ng tingin si Didi sa pamilya niya. Just hearing her ex-boyfriend’s name still makes her a bit teary-eyed. At isang bagay ang matagal na niyang natutunan mula sa nakasanayang pagtrato ng pamilya niya sa kanya, partikular na ng mga kapatid niya, at iyon ay ang huwag na huwag magpapakita ng anumang malalim na emosyon sa mga ito. Dahil tiyak na sasamantalahin iyon ng mga kapatid niya para lalo lang siyang tuyain at paringgan.          Her friends think she was just too sweet and nice that’s why she doesn’t react to her mother or her siblings’ insults. Pero ang totoo, self-preservation at defense mechanism niya ang hindi pagbibigay ng bayolente o galit na reaksyon sa mga pang-iinsulto ng ina at ng mga kapatid niya sa kanya. Dahil matagal na niyang natutunan na kung magpapakita  siya ng tapang at aalma sa mga salita ng tatlo, mas lalala lang ang pang-iinsulto ng mga ito sa kanya.           Kaya mas mabuti pang magbingi-bingihan at magbulag-bulagan na lang siya sa pagtrato ng ina at mga kapatid niya sa kanya. Tutal bibihira na rin naman silang magkita-kita ngayong nakabukod na siya ng tirahan sa mga ito. Both her brother and sister still live with their mother kahit na thirty-four na ang dalawa at may kanya-kanyang matagumpay na career nang sasapat para makabili ng sariling bahay ng mga ito. Katwiran ng dalawa, bakit pa magbabayad ng renta sa bahay o bibili ng sariling bahay ang mga ito gayong libre naman na pinatitira ang mga ito sa bahay ng ina nila.          Kung maaari nga lang ay nililimitahan niya ang bilang ng mga pagkakataong nakakasalamuha ang mga kapatid at ina. Tuwing may okasyon o kaya kapag tinatawagan siya at may kailangan sa kanya ang ina at mga kapatid ay saka lang siya pumupunta dito sa bahay ng ina niya. Samantalang sa bahay ng ama niya at ni Tita Jeng sa Camiguin ay every other weekend siya bumibisita kahit na mas malayo iyon kumpara sa bahay rito sa Alabang ng ina niya. Bagay na madalas ring isumbat sa kanya ng ina niya.          Hindi naman daw niya ina si Tita Jeng pero kung bisitahin niya ang babae ay daig pa sa pagbisita niya sa totoong ina niya. Nang idahilan naman niya na ang ama rin niya ang binibisita niya sa Camiguin at hindi lang si Tita Jeng ay aakusahan naman siya ng ina niya na ingrata siya. Oo, galing din daw siya sa ama niya pero ang ina niya raw ang nagbuwis ng buhay nang iire siya nito sa mundo.          And that makes her feel guilty all over again. Natatabunan ng guilt ang anumang hinanakit at galit niya sa pagtrato sa kanya ng ina sa tuwing binabanggit nito na nalagay sa panganib ang buhay nito nang iire siya nito sa mundo.          Lio once told her that her mother is a very manipulative woman. Hindi man raw siya kailanman pinagbuhatan ng kamay ng ina pero pang-aabuso pa ring matatawag ang pagkontrol at pagpapaikot nito sa kanya habang lumalaki siya. Siyempre, sinalungat niya iyon. Dahilan para magganap ang kauna-unahang pagtatalo nila ni Lio noon. Kahit pa sa likod ng isip niya ay alam niyang may punto nga si Lio roon. at halos pareho ng sinabi ni Lio ang sinasabi sa kanya ng ama niya, ni Tita Jeng at ng ibang mga kaibigan niya.          Napansin ni Didi na nagpalitan ng makahulugang tingin ang ina niya at si Ate Greta nang ibalik niya ang tingin sa dalawa. May kutob siyang dahil iyon sa pagbanggit ni Kuya Hans sa pangalan ni Lio. At parang alam na niya kung ano ang dahilan ng pag-uusap sa mata ng ina at ni Ate Greta.          Si Lio ang best friend ng fiance ni Ate Greta na si Brandon. Dahil nga sa kanila ni Lio kaya nakilala ng ate niya si Brandon. Kaya natural, inaasahan niyang kabilang sa mga bisita at bahagi ng entourage si Lio. Malamang pa nga ay si Lio ang kuning best man ni Brandon lalo na at wala namang kapatid na lalaki si Brandon.          “Didi, alam kong medyo awkward sa iyo ang mangyayaring ito pero si Lio ang napiling best man ni Brandon. Bestfriends sila since college at wala rin namang kapatid na lalaki si Brandon kaya logical choice talaga si Lio as hisbest man,” pagkumpirma ng ate niya sa hula niya.          Marahang tumango lang siya. “Walang problema sa akin iyon, ate. Kasal ninyo ni Brandon ito. Ang mahalaga ay masunod ang gusto ninyo.”          “Iyon nga mismo ang sinasabi ko sa kanya kanina pa. Hindi naman kasi ikaw ang bride kaya wala kang karapatang tumutol sa magiging best man sa kasalang ito,” tumatango-tangong pahayag naman ng ina nila.          “Oh, and Lio is invited tonight too, Didi,” pahabol pa ng ate niya.          Nahigit ni Didi ang kanyang paghinga sa kaalamang ilang minuto mula ngayon ay muli niyang makikita ang dating nobyo. Sa ibang pagkakataon, hindi siya matataranta o mag-aalala dahil ilang beses naman na silang nagkita ni Lio mula nang maghiwalay sila. Pero ngayon ang unang beses na magkikita silang magkasama ng pamilya niya matapos nilang maghiwalay.          Lio never really liked her family because he saw how they treated her. And he did not hide from her how much he hated it. Hindi maunawaan ni Lio kung bakit hindi niya ipinagtatanggol ang sarili laban sa masasakit na salita ng mga kapatid niya. At karaniwan na ang muntik-muntikang pang-aabot ng Kuya Hans niya at ni Lio dahil sa maaanghang na salita ng kuya niya sa kanya.          Kaya nag-aalala siya sa mangyayari mamaya. Ang isang bahagi niya ay nangangamba na baka muling magkasagutan sina Kuya Hans at Lio sa sandaling magbitaw ng komento ang kuya niya tungkol sa paghihiwalay nila ni Lio. Pero may kaunting pagdududa at takot din siya na baka kahit marinig ni Lio ang puno ng insultong komento ni Kuya Hans sa kanya tungkol sa paghihiwalay nila ni Lio ay balewalain lang iyon ni Lio. Tutal, hindi na siya nobya ni Lio. Wala nang tungkulin ang binata na ipagtanggol siya. Wala nang pakialam ang binata sa kanya.          At hindi niya alam kung ano ang gagawin sakaling mangyari nga ang pambabalewalang iyon ni Lio sa kanya. But then again, Lio has always been protective of those people whom he thinks need his protection. Kahit ano pang pagtanggi ng binata sa tuwing sinasabi niyang isa itong gentleman, alam niya na likas ang pagiging maginoo nito. Kaya hindi magsasawalang-kibo lang si Lio kapag nakita o narinig ang pang-iinsulto ng mga kapatid o ina niya sa kanya.          Hindi alam ni Didi kung alin ang mas hindi niya gugustuhing mangyari. Ang ipagtanggol siya ni Lio dahil atas ng likas na pagiging maginoo nito o ang balewalain siya nito dahil wala na talaga itong pakialam pa sa kanya. Mukhang malapit na niyang malaman dahil nauulinigan na niya ang pagparada ng mga sasakyan sa harapan ng bahay ng ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD