KHAMALA’s POV:
Sa puno na ako ng acacia natutulog gabi-gabi. Pakiramdam ko mas ligtas ako. Hindi naman siguro tikbalang at kapre ang guardian angel ko diba?
Abala ako sa paglilinis, walang tao sa bahay dahil pumasok sina Emerald at Pipe. Gustong-gusto kong mag aral pero hindi na ako naglakas loob magtanong. Iisa lang naman ang sagot nila. Hindi pwede, dahil katulong ako.
Nang malinis ko ang buong bahay, nakapaglaba na ako. Pati ang labas ng bakuran na walis ko na rin. Nakapag siga rin ako ng tuyong dahon dahil wala si Emerald.
Pagod na pagod akong napaupo sa puno ng acacia. Pumikit ako at pinuno ko ng hangin ang aking baga. “Fresh air!” Mahinang usal ko. Humiga ako saglit dahil sa sobrang pagod nakatulog ako.
Napabalikwas ako ng bangon ng biglang may bumuhos ng tubig sa akin.
“Anu—?”
Hindi ko natuloy ang sasabihin ko ng bumungad sa akin ang malditang mukha ni Piper. “So, ito ang ginagawa mo? Natutulog ka sa oras ng trabaho?” Sita niya sa akin, nakapa-mewang sa harapan ko. Ngitngit ang kalooban ko dahil basa ang unan na gagamitin ko mamayang gabi dito.
“Eh—kas—” Isang malakas na sapok ang natanggap ko. Hindi ko na tuloy ang sasabihin ko.
“Nagdadahilan ka pa? Kailan ka pa natutong sumagot Khamala?” Napangiwi ako dahil malapit sa tenga ko siya sumigaw.
“So-sorry po, ma'am Piper.” Napayuko na lang ako. Akala ko aalis na siya pero basta niya na lang pinilipit ang tainga ko, at palakad kaming dalawa papasok ng bahay.
“Ma’am Piper please tama na po masakit.” Napahawak ako sa kanya niya. Kaya marahas niya akong binitawan at agad kumuha ng alcohol at nag spray sa kamay, pati sa mata ko nag spray din. Napapikit ako sa sobrang hapdi. Nangiyak-ngiyak na ako. Hindi na ako kumibo. Tahimik akong umiyak.
“Magluto ka! Gusto ko ng Salmon steak! Siguraduhin mong hindi sunog! Dahil mukha mo ang ilalapat ko sa kawali! Makikita mo!” Agad siyang nagmartsa palabas ng kusina. Agad akong lumapit sa lababo para ibabad sa tubig ang mga mata ko na inisprayan ni Piper ng alcohol. Hinilot-hilot ko rin ang aking tainga dahil masakit din iyon.
Mabilis akong kumilos, para magluto dahil kapag makupad na naman ako ay magagalit sila. Nitong mga nakaraang araw ay hindi na sila nagtatapon ng pagkain. Kaya kahit paano hindi ako nagugutom dahil may natitira silang pagkain.
Naghanda lang ako ng salmon, asin at paminta. Nag init na rin ako sa non-stick pan ng kaunting oil and butter. Nang mainit na iyon inilagay ko na ang salmon.
Iinilabas ko na rin ang lemon, para gagamitin ko mamaya. Nagpitpit na rin ako ng bawang at inilagay sa gilid.
Nang makaluto na ako naghain na ako para sa kanila. Saktong pumarada ang sasakyan ni Uncle Salvador. Nagsangkutsa rin ako ng asparagus, nilagyan ko lang ng salt and pepper ulit. Napatayo ako ng tuwid ng sabay-sabay silang tatlong pumasok sa dining table. Agad ko silang pinaghila ng upuan. Tahimik akong naka-abang sa bandang gilid ng ref baka may iuutos sila sa akin.
Nakahinga ako ng maluwag kung anong tahimik nilang dumating, gano’n din sa kanilang pag-alis, nagligpit ako. Inilagay ko sa plastik labo ang natirang ulam at asparagus. Nang makapag linis ako, agad akong nagpatay ng ilaw sa dining room, palabas sa kusina. Doon na lang ako kakain sa labas. Nang mailock ko ang pintuan. Umupo ako sa upuan a.k.a tulugan ko na rin at nilantakan ang salmon at asparagus. Konti lang iyon kaya mabilis kong naubos. May tubig din ako sa akin plastic tumbler. Agad akong uminom. Nang mabusog na ako, nag-unat ako, dahil inaantok na ako.
Kinuha ko ang aking kumot at banig, naipiling na lang ako sa unan ko dahil basa iyon. Isinabit ko iyon sa sampayan kanina kaya sigurado ako basa pa iyon. Nang mapatas ko na ang banig ko sa bagkuan, agad akong humiga at nag talukbong ng kumot. Nag-usal din ako maikling dasal.
Nang marinig ko ang tilaok ng manok sa kapitbahay, nagising ako. Ngunit napakunot ang noo ko ng may malambot akong unan. Binundol ako ng kaba, dahil may plastic ulit na may tatlong apple. Napatingin ako sa puno ng mayabong na acacia. Ipinatong ko ang kamay ko sa puno at tumingala, “h’wag niyo akong kainin, mamang kapre, tikbalang o engkantong ligaw. Bata pa ako okay?” Tinapik-tapik ko pa ang puno saka ako ngumiti.
Pumasok na ako sa loob ng bahay pagkaligpit ko ng aking higaan at inilagay sa dati kong pinapatungan. Pero hanggang ngayon nagtataka ako kung sino ang may butihing puso ang nagbibigay ng tulong sa akin.
Agad akong naghanda ng mailuluto, dahil may pasok sina Piper at Emerald ngayon, si Uncle rin. Nagluto ako ng skinless longganisa, sinangag, at scramble egg. Naglagay din ako ng kapeng barako sa coffee maker dahil gusto ni uncle na ang kape niya ay mapait. Parang kapalaran ko.
Nang maayos ko na mga plato at kubyertos, sa mesa agad akong nagligpit ng mga pinaglutuan ko. Pinunasan ang gas range at naghugas ng mga kawali. Kung may matira silang pagkain mamaya bonus na lang pero may apple naman ako. Napangiti ako sa isiping iyon. Hindi na ako magugutom.
“Khalama salin mo ako ng kape.” Utos ni Uncle, agad akong tumalima. Kita ko ang benda niya sa balikat hindi pa rin magaling iyon kahit ilang araw na ang nakakaraan.
“Heto po, Uncle.” Sabay lapag ng kape sa gilid ng plato niya.
“Kunin mo iyon plastic bag sa may kuwarto ko kulay yellow nasa gilid ng pintuan.” Utos niya ulit sa akin. Hindi na ako sumagot. Nang makita ko ang sinabi niya maagap kong kinuha iyon at bumalik sa hapag kainan.
“Heto na po, Uncle.” Ibinaba ko iyon sa gilid niya.
“Sayo yan.” Malamig niyang sagot na siyang ikinatanga at napaawang ang bibig ko.
“Ho?”
“Bingi ka ba? Sabi ko sayo yan! Umalis kana sa harapan ko. Baka ano pa magawa ko sayo!” Agad kong kinuha iyon, at lumabas ng bahay. Hindi ko alam kung ano ang maramdaman ko. Galit si Uncle pero binigyan niya ako ng mga libro, notebook, at lapis na panulat.
Napatingin ulit ako sa puno ng acacia. “Mamang kapre, tikbalang o engkantong ligaw, salamat po sa tulong niyo, bumait na po ang Uncle ko.” Yakap-yakap ko ang binigay ni Uncle sa akin. Sigurado marami na akong matutunan ngayon. Kahit dito lang ako sa bahay mag-aaral ako…
“Khamala!” Napatigil ang daydreaming ng marinig ko ang malakas na sigaw ni Piper sa akin.
“Nandiyan na, Ma’am Piper!” agad akong kumilos at pumasok sa loob.
“Kahit kailan talaga, ang bagal mo!” Akma niya akong sasampalin ng hinarang ko ang aking braso sa aking mukha at napayuko kaya doon tumama ang kamay niya.
“Linisin mo ang sapatos ko!” Galit niyang utos sa akin.
“O-opo, Ma'am Piper.” Kumuha ako ng kiwi sa sapatusan at bumalik ako sa kanya. Nakatayo siya at lumuhod ako para linisin ang sapatos niya kahit malinis pa naman iyon at makintab.
“Tapos na, Ma’am.” Napatingala ako sa kanya. Ngumisi siya at bigla na lang tinapakan ang kamay ko. Pero hindi ako sumigaw o nagreklamo ng masakit. Diretso ko lang siyang tiningnan sa mga mata niya. Agad siyang tumalikod.
Nang makaalis siya saka pa lang ako napangiwi sa sakit. Hinipan ko pa iyon. Para kahit paano mawala ang sakit. Bakas pa sa kamay ko ang marka ng sapatos niya. Ilang beses akong kumurap para hindi tumulo ang luha ko pero ilang segundo pa umagos na iyon ng hindi ko napigilan pa…Nanay ko…