May tatlumpung- minuto rin kaming nakaupo at tulad ng bilin ni Lavinia ay masugid kong inobserbahan ang paligid. May ilang saglit pa bago ko makita ang sinasabing department store ng dalaga.
“Lav! Lav! Ito yung sinasabi mo hindi ba? Red Camia?” mataas na tono kong tanong sa katabi.
Nito ko lang din napansin na nakatulog pala ito sa byahe at nagising lamang buhat ng pagtatawag ko sa kanya para lamang ipakita ang malaking pamilihan.
Wala pa sa ulirat ay tumango ito ng marahan sabay kusot ng mata buhat ng sandaling pagkakatulog nito. Maya- maya pa ay nag ayos ito ng upo gayun din naman ako. Napansin ko rin na sa sandaling ito ay mas naging alerto na ang kasama ko sa aming paligid.
“Manong makibaba po ng Nueva Caceres,” ani ng dalaga at saka tinuon ang tingin sa akin.Wika nitong muli, “Tandaan mo yan. Para sa susunod pwede ka na talagang mag commute mag isa at hindi ko na kailangan mag alala kung dadayuhin kita sa kung saan ka nag aabang.”
May pagkamataray ang tono ng dalaga ngunit hindi ko iyon minasama. Sa halip ay napangiti pa ako dahil halatang- halata ko sa kanya ang pag aalala. Na- touch ako roon dahil sino ba naman ang mag aakalang may gagawa noon para sa akin? Ni hindi ko rin naman hiniling iyon sa kanya at nagkusang loob talaga siya para tulungan ako.
--
Makababa ng jeep ay ilang ulit akong nagpasalamat sa kasama. Sa wari ko nga ay tila nakukulitan na si Lavinia sa ilang beses kong pag te- thank you sa kanya.
Habang naglalakad patungo sa building namin, hindi ko inaasahan ang biglang pagsulpot ng pamilyar na lalaki.
“Hello! Good morning! Sabay na ako sa inyo papasok,” ani Kyle.
“Edi sumabay ka? Kailangan talaga ipag paalam mo pa no?” iritadong tuon ni Lavinia sa kadarating na lalaki.
Nang silipin ko ang lalaki ay sakto namang salubong na ang dalawang kilay nito sa direksyon ni Lavinia. Bagay na pinag alala ko dahil baka mamaya ay mag away pa itong dalawa. Masyadong maagang bungad ang violence sa umaga.
“Ikaw ang init ng dugo mo sa akin no? Pinaglihi ka ba sa sama ng loob? Pasalamat ka babae ka!” paghahamon ni Kyle. Noon din ay napahinto sa paglalakad si Lavinia na kanina lang ay medyo nauuna sa amin. Ganon na lang din at napahinto rin kaming dalawa ni Kyle. Sandali pa’y naramdaman ko ang lalaki na nagtatago sa likurang bahagi ko.
“Unang-una sa lahat… babae ako. Hindi babae lang. Susunod, mainit ang dugo ko sa lahat. Wag kang feeling special. Kuha mo?” walang emosyong tugon ni Lavinia. Nakuha namang tumango ng ilang beses ni Kyle.
Sumunod noon ay nagpatuloy sa paglalakad si Lavinia patungo sa direksyon ng classroom namin. Tahimik kaming sumunod ni Kyle at damang- dama namin ang tensyon sa loob ng ilang minutong paglalakad. Nagtagal iyon hanggang sa sandaling maabot namin ang silid- aralan.
Nang makaupo ako sa pwesto ay maingat kong isinabit ang bag sa likurang bahagi ng upuang nasa harapan ko. Sakto namang naagaw ang atensyon ko ng dalawang kaklase kasa- kasama ko kanina lang.
“Hoy, Lavinia dyan ang pwesto ko. Baka gusto mo lang umalis no?” pagsisimula ni Kyle.
“Juls? Alphabetical ba? May sinusunod ba tayong seating arrangement?” baling ni Lavinia sa likurang row. Tila may banta sa boses nito habang kausap ang isa pa naming kaklase. Agad din namang sumagot ang babae at mabilis itong tumanggi sa tanong ni Lavinia.
“Wala naman. Hindi naman nag assign si Sir ng seating arrangement,” wika ng dalaga. Halata mo sa tono nitong nasindak siya ni Lavinia.
“Narinig mo yon? Pwede ka naman pumwesto sa pwesto ko dati. Sige na, naiinis na ako sa mukha mo,” iritadong sambit ng dalaga. Napakuyom naman ng kamao si Kyle sa narinig.
“Ang bully mo! Kaya wala kang kaibigan, eh! Jan ka na nga,” padabog na bawi ng lalaki at saka tinungo ang bakanteng upuan sa dulong bahagi ng silid.
May kung ano naman sa sinabing iyon ni Kyle at nakaramdam ako ng bahagyang inis. Gusto ko sanang I-call out ang huli niyang tinuran para sa katabi ko ngunit naramdaman ko ang pagkalabit ni Lavinia sa balikat ko. Napaharap tuloy ako sa kanya sa pag asang may nais itong sabihin sa akin.
“Totoo namang wala akong kaibigan. Hayaan mo na.” Noon lang siya ngumiti. Sa obserbasyon ko naman ay tila hindi naman nga siya naapektuhan sa mga sinabi ni Kyle. Ganon na lang din at hinayaan ko na lang na lumipas ang inis ko sa naunang tagpo.
--
Nauna nang natapos ang dalawang subject at tulad kahapon ay nagtungo kami sa canteen para mag tanghalian. Walang bago sa tagpo dahil tulad kahapon ay marami pa ring studyante ang nag sisiksikan sa pila. Karamihan din ay namu-mroblema sa paglo-load ng ID dahil hindi naman nga tumatanggap ng cash sa counter.
Sa loob ng isang oras ay nakuha naming makapag tanghalian ng maayos. Tumambay pa kami sandali bago pumasok sa loob ng classroom. Nang makapasok, kapansin- pansin ang maagang pag dating ni Sir kaya naman tahimik kaming lahat na tinahak ang mga pwesto namin.
“Iiwanan ko lang kayo ng activity. Hintayin lang natin iba niyong mga kaklase at may iaanunsyo rin pala ako,” sambit ng guro sa harapan.
Gaya ng sinabi ay hinintay nga ni Sir na makumpleto ang klase bago ito nagsimulang mag discuss. Tulad kahapon, nagpauna lamang siya ng mga iilang paksa at mga paraan kung papano namin gagawin ang maiiwang activity.
Kalaunan, natapos na rin siya sa nais iparating na paksa ngunit ilang sandali lang ay binitawan na rin niya ang isa pang anunsyo. Ang akala ko pa naman ay yung activity na mismo ang tinutukoy niya kanina. May iba pa pala?
“Okay class, as your concerned adviser, may nasagap akong balita outside,” pabitin na wika ni Sir na nagdulot ng sunod- sunod na bulungan sa mga kaklase ko. Animo’y naghihinuha na rin ang mga ito ng posibleng balitang ipaparating sa amin.
“Huwag kayong kabahan masyado. Gusto ko lang naman I-promote sana na may gaganaping art workshop sa susunod na sabado. Kung interesado kayo, pwede ko kayong tulungan na makapag palista. Papangunahan ng malapit kong kaibigan yung workshop and I guarantee you all, marami kayong matututunan doon.”
Nagpatuloy lamang si Sir sa pagpapakilala ng proyektong sinusuportahan. Sa pagmamasid ko ay napansin ko namang marami sa mga kaklase namin ang interesado sa sinabing workshop. Ilang sandali lang ay isa-isa nang nagpuntahan ang mga ito sa harapan upang makipag partisipa sa gaganaping workshop.
“Hindi ka ba sasama? Mag eenjoy ka roon. Mukha namang passion mo talaga ang pagdo-drawing?” narinig kong baling ni Lavinia sa akin. Noon ko lang din muling napansin ang presensya ng dalaga. Akala ko hindi marunong makinig to sa klase. Sundan mo pa ang pwesto nitong tila tamad na tamad ang pagkakaupo.
“Hindi ko pa alam. Ikaw ba? Kung sasama ka, sasama ako,” proposal ko kasama.
“Hindi ko naman hilig yan. Pero kung gusto mong pumunta ako, sige? Why not?” ani ng dalaga.
Noon din at tinawag ni Lav ang babaeng kausap niya kanina. Kung tama ang alala ko ay Juls ang palayaw na ibinigay nito sa kanya. Ngumiti naman ang dalaga sa amin bago tumayo at tunguhin ang direksyon sa harapan. Sa wari ko’y pinakisuyo sa dalaga ang pagsusulat ng mga pangalan namin roon.
“Baka isipin mo ang bossy ko o bully ako sa kanya. Hindi ah! Magkaklase kami niyan mula elementary,” depensadong tono ni Lavinia na hindi man lang magawang tumingin sa direksyon ko.
“Wala naman akong iniisip na ganon. Pero bakit parang takot naman siya sayo tuwing tinatawag mo siya?” balik ko sa katabi.
“Sinaksak ko siya ng lapis nung Kinder. Nung elementary sinikmuraan ko siya. Nitong Junior High lang sinabunutan ko nanay niya.” Walang emosyong sambit ni Lavinia. Ni walang halong pag aalala ang boses niya habang isinisiwalat ang lahat ng iyon sa akin. Habang ako? Naiwang laglag ang panga sa lahat ng sinabi niya.
Magsasalita pa sana ako ngunit nauna namang tumayo ang dalaga at hindi na nito hinintay pa ang reaksiyon o kumentong ipaparating ko sa nauna niyang sinabi. Minsan, hindi ko alam ang mararamdaman sa dalaga dahil sa mga ipinaparating niyang impormasyon at pati na pakikitungo sa akin.