Sinalubong ako ng malapad na ngiti ng binata. Hindi niya na rin napigilang mapasigaw marahil nang dahil sa labis na saya gayong sinagot ko na siya. Ganoon na lamang at isang mabilis na karipas ang napansin namin buhat nang biglaang pagsulpot ni Kuya Iver.
"Teka! Teka! Nahuhuli ba ako sa balita? Anong nangyayari?" magkasunod na tanong ng nakatatanda. Nariyan pa at nakuha nitong mag ayos ng bonet habang may tangan pa rin brush sa isang banda ng kamay nito. Mukhang nakuha namin ang atensyon nito kahit pa busy ito sa pagpipinta o kung ano man ang ginagawa niya kanina. Ilang sandali pa at lumipat ang tingin ni Kuya kay Kyle na hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang napakasayang reaksyon sa mukha nito.
"Yung ngiti mo lil' bro parang naka jackpot ka ah? Ano? Sinagot ka na ba?!" magkasunod muling tanong ng lalaki. Dali-dali namang kumaripas itong si Kyle para yakapin ng mahigpit ang isa pa naming kasama. Di ko naman maiwasang hindi matuwa sa ngayong nasasaksihan kong tema. Nagtatalon- talon pa ang dalawa na para bang nagse selebreyt ng pagkapanalo sa isang liga. Kung iisipin mo nga naman.
"Huy congratulations sainyo! Nakakatuwa naman at ang studio ko pa talaga ang nakasaksi ng kakornihan niyo!" natatawa- tawang banggit ng lalaki. Kasunod noon ang pag aapir at pagtama ng mga dibdib ng dalawang lalaki.
"Kuya, maraming salamat sa pagpapatuloy mo samin. Sobrang saya ko talagam Kuya! Akalain mo yun? Girlfriend ko na si Nukk! Woohoo!" sigaw ni Kyle sa huling salita sa linya nito kasabay ang muling pagkaripas nito patungo sa pwesto ko. Isang mahigpit na yakap ang sumalubong sa akin noong sandali rin na iyon.
Nanatili kami sa ganoong pwesto at tila ayaw na nga ring bumitaw ng binata mula sa pagkakayakap. Kaya naman, inilagi ko ang isang kamay ko sa likod niya at hinayaang lasapin ang pagkakataon na iyon. Animo'y kusang hinahatak ng sariling mga emosyon ang magkabilang gilid ng mga labi ko. Sino bang mag aakalang ganito talaga ang magiging reaksyon ni Kyle.
"Maraming maraming salamat, Nukk. Promise, hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay mo sa akin. Sa abot ng makakaya ko, papasayahin kita palagi at iingatan," seryosong namutawi sa mga labi ng binata ang mga salitang tila kumurot naman sa puso ko. Wala akong ideya kung dinig ba iyon ng isa pa naming kasama gayong mahinang palakpak na lamang ang iginawad ni Kuya Iver sa nasasaksihan nito.
Maya-maya pa, unti- unting bumitaw sa pagkakayakap si Kyle. Sinalubong ako ng nangingilid na mga likido sa mata ng binata. Hindi ko tuloy mapigilang mahawa sa kanya kaya dali- dali kong pinunasan ang nag aambang mga luha sa mata ng aking nobyo.
"Huyy, ano ba? Para ka namang sira bakit ka umiiyak?" sa muling pagkakataon ay nagsalita ako. Agad namang bumungisngis si Kyle bilang tugon sa akin. Wika niya, "Wala lang. Sobrang saya ko lang kasi. Hindi ko naman ine-expect na sa ilang araw natin na di nag usap, sa ganitong sitwasyon magiging tayo. Nakakatuwa lang."
"Hala hindi naman halatang masaya ka? Patingin nga ng ngiti?" ani ko na sinuklian ng kaparehas na tawa ang binata. Natigilan naman kami pareho nang muling magparamdam ang nakatatandang lalaki na kasa- kasama pa rin nga pala namin.
"Ay nako! Ayun lang! Tama na nga iyan. Ayoko sana putulin ang pagsasaya niyo pero ngayon ko lang din napansin ang oras. May lakad ako ng alas singko. Kung ayos lang sa inyo eh sa labas niyo na ituloy ang pagla- loving loving niyo na yan," tuloy- tuloy na sabi ni Kuya Iver.
Wala naman kaming magawa kung hindi ang sumunod na lamang sa nakakatanda. Natawa pa nga kami sa reaksyon nito gayong tila magkahalong inggit at tuwa ang pinararating niya sa amin. Bago umalis ay nagpaalam pa kami sa kanya at muling nagpasalamat sa pagtanggap niya sa amin sa lugar niya. Nang matapos ay nagpasya kami ni Kyle na maglakad- lakad muna hanggang sa makakita ng makakainan.
Dumaan muna rin kami ni Kyle sa field para magpahangin. Bago pa man iyon ay nakuha ko na ring tumawag sa bahay para magpaalam. Hinabilin nila Mama na huwag magpapagabi. Mabuti na lang fin at hiniram ni Kyle ang selpon ko para sabihing ihahatid niya ako pauwi nang sa gayon ay mabawasan din ang pag aalala nila. Umoo naman sina Mama at masaya kong ibinaba ang tawag noon.
"Nasubukan niyo na ba roon sa bagong tayo na cafe? Doon sana kami kakain kanina kaso nag alangan kami sa oras e," ani ng binata. Marahil ang tinutukoy nito ay yung kinainan namin ni Lavinia. Inilarawan ko sa binata ang cafe at taman naman ako na iyon nga ang sinasabi niya.
"Masarap ba roon? Ang kaso kasi natikman mo na. Hanap na lang tayo ng iba," aniya muli.
"Pero hindi mo pa nasubukan. Pwede namang kumain ulit doon. Malay mo, hanap- hanapin mo rin yung mga putahe roon?" sambit ko nang sinusubukang mapapayag ang binata. Ayoko naman na maging tungkol sa akin ang lahat ng bagay. At saka, malapit na lang naman yun dito. Para hindi na rin kami mapagod at gabihin pa lalo sa paghahanap kung sakali.
"Sigurado ka? Pero pwede naman sa iba. Yun din kasi ang kinain mo kanina, baka magsawa ka agad. May ibang pagkakataon pa naman for me to try that cafe," pag babalik ni Kyle.
"Kyle, ayos lang. Let's try it... t-together," nahihiyang wika ko lalo na sa dulong linya ngunit nagulat na lang ako sa biglaang pamumula ng binata. May nasabi ba ako?
"Nukk naman eh. Nahihiya tuloy ako," ani Kyle sabay talikod at takip pa nito ng mukha. Parang sira naman. Na- conscious na rin tuloy ako.
"B-bakit? Anong ginawa ko?"
"Sinadya mo yun no?" nakatakip pa rin ito ng mukha na pilit ko namang inaabot para makita ang reaksyon niya.
"Anong sinasadya? Ang alin?" takang- taka na rin ako. Di ko naman mapigilang mapangiti gayong kahit nagtatakip ng mukha si Kyle, kitang- kita ko pa rin ang tenga nito na animo'y nangangamatis na sa pamumula. Teka sandali? Kinikilig ba siya?
"Sinasadya mo yon sigurado ako, Nukk. Ikaw ha? Porke alam mong kahinaan kita, sinusuno mo pa talaga," aniya na tila ba nakaka recover na gayong nagagawa na nitong lumingon- lingon ng pakonti- konti.
Natawa ako lalo nang mapagtantong tila naaasar din ang tono nito gayong wala naman akong maalalang kasalanan. Kinilig ba talaga siya roon sa sinabi kong iyon? Maya- maya pa't ginulat ako ng mokong sa sandaling paikutin nito ang braso niya sa leeg ko. Aktong sasakalin ako ni Kyle pero mahahalatang pabiro iyon.
Ani ng binata, "Sa susunod na babanat ka ng pasimple, simplehan mo pa. Lalaki ako, pero ako ang pinapakilig mo."
"Ayaw mo ba noon? Ang sabi ko lang naman, subukan nating dalawa. Unang date natin to," pag niningas ko sa naunang apoy. Nagrtagumpay naman ako nang muli na namang napatalikod ang binata pagkatapos bumitaw ng mabilis sa akin.
"Aaahhhh! Diyos ko po! Masisiraan ako ng bait sa girlfriend ko," pangawang tinig ni Kyle na nasundan pa. Muli itong humarap sa akin at itinuloy ang pag aamba niyang manakal. Dagdag ni Kyle, "Ang cute cute mo. Wala ka pang ginagawa, hulog na hulog na ako. Ngayon aba naman pasimple ka nang bumabanat, mahal ko."
Sa sinabing iyon ni Kyle, ako naman ang natigilan at tila nahawa sa sitwasyon ng binata. Para bang sa isang iglap ay nagningas ang buong mukha ko matapos ang pagde deklarang iyon ng aking nobyo. Nariyan at dahan dahan kong naramdaman ang pag aliwalas sa bandang leeg ko.
"Wala pa man, kinilig din siya oh? Huli ka!" pang aasar ni Kyle. Bakit ko nga ba nakalimutan pansamantala na bihasang bihasa ang mokong na to sa ganitong larangan? Ang akala ko pa naman noong una ay ako ang makakahuli sa kanya ngunit mabilis niya talaga akong nabawian. Wala akong ibang naging reaksyon kung hindi ang irapan siya.
"Ewan ko sayo, Kyle. Ano? Kakain ba tayo?" ani ko na lang. Mahinang tawa naman ang itinugon ng kasama ko bago pa niya tuluyang iniabot ang kamay nito. Kahit pa medyo naaasar ay kinuha ko iyon pasimpleng napangiti na rin. Noon din ay tinungo namin ang kainan.