Hindi ko na nagawa pang makasagot nang bigla akong hilahin ni Lavinia. Sumunod na lang na alam ko, nasa loob na kami ng tricycle ng kaibigan ko. Narinig ko pa ngang sinabi niya ang pangalan ng isang fastfood bagay na nagpaalala sa aking manananghalian nga pala kami. Tila alam na alam nito kung pano ako iiiwas sa binata. Sa tingin ko rin, iyon ang nais niyang gawin lalo pa't napapansin siguro nito ang tensyong nararamdaman ko pag biglang nakakasalamuha sina Kyle.
"Ano bang gusto mong kainin? Pwede ba magdala ng pagkain doon sa workshop? Baka magutom tayo pag nag arts na eh'. Ano sa tingin mo? Hindi ba naka- attend ka na before?" biglaang bukas ni Lavinia ng usapan. Nilingon ko ito ngunit wala sa akin ang tuon nito kung hindi ay nasa daan. Pinapanood niya ata kung paano magmaneho si Kuyang Driver.
"Yung pinasukan kong workshop noon pwede naman magbaon ng pagkain. Wala rin namang sinabi kanina na bawal kay pwede naman sigurong magbitbit?" sagot ko habang sinusubukang idahilan ang pananaw ko. Sandali lamang, lumipat ang tingin nito sa akin. Ngumisi pa nga si Lavinia noon na siyang pinagtaka ko. Ano na naman kayang naiisip nito at bigla na lang ganoon ang reaksyon?
"Sabagay, sino bang nakakabawal sa akin?" mahinang sabi ng dalaga. Sa pagkakataong ito, muling inilayo ang tingin sa akin at binalik ang atensyon sa daan. Sino nga naman bang makakabawal sa babaeng ito? Sa ilang linggong kasama ko siya, napatunayan kong may sariling batas na sinusunod tong si Lavinia. Iniisip ko tuloy kung may taong makakapag patiklop dito? Duda ko naman ay wala. Matigas pa yata sa carbon ang ulo nitong babae na ito.
Walang sampung minuto at narating namin ang kainan. Matapos mag abot ng bayad sa tric, dumiretso kami noon sa kainan. Dahil medyo nauuna ako sa kasama ko, akmang hahawakan ko na sana ang handle ng pinto nang mapansin kong may nauna nang gumawa noon para sa akin. Inasahan ko nang isa sa mga customer iyon ngunit nang lingunin ko kung sino iyon, para bang natigilan ako panandalian sa kinalalagyan ko.
"A-ahh... S-sorry—"
"Uyy kayo ulit! Dito rin pala kayo kakain sana pala nagsabay- sabay na lang tayo sa tric?" Hindi ko na pinansin kung sino yun dahil alam ko naman na yung kaninang kasama rin ni Kyle yung nagsalita.
Naiwan kami ng binatang magkatitigan sa isat- isa. Sandali pa't nailang ako kaya naman nauna na akong umiwas ng tingin. Ilang beses ba rapat kaming magkaka banggaan sa araw na ito? Talaga yatang nilalapit kami ng tadhana. Hindi ko alam kung matutuwa ako o hindi. Oo, hinahanap- hanap ko nitong mga nakaraan yung presensya ni Kyle pero parang ibinabalik sa amin ang lahat ng pagkakataon ngayong Sabado na ito.
"Wala akong balak sumabay sa inyo. Sige na, mauna na kayo. Nagbago isip ko, may naalala akong bagong kainan. Tara Nukk!" nagmamadaling tugon ni Lavinia. Wala pa man akong desisyon ay nauna nang naglakad ang kaibigan ko palayo. Wala akong nagawa kung hindi ang sumunod dito. Naiwan naman yung dalawa ngunit halata roon sa babae ang pagtataka sa naging reaksyon ni Lavinia. Kung anong paglalapit sa amin ni Kyle, siya namang effort ni Lavinia na tutulan iyon. Hindi ko na rin tuloy alam.
--
Tulad ng sabi ni Lavinia, may alam nga itong kainan. Hindi rin ako binigo nito gayong masarap at bago sa panlasa ang mga putaheng nasa harapan namin. Kahit papano, binibigyan ko ng puntos ang kaibigan ko dahil sa pagpapakilala niya sa akin dito sa bagong puntahan na ito. Pag may pagkakataon, irerekomenda ko ito sa kanila Daddy para naman matikman din nila dito.
Hindi siya mukhang fastfood actually. Kung titignan na mabuti, cafe ito pero hindi lamang inumin at matatamis na pagkain ang hinahain dito. More of, kombinasyon siya ng restau at cafe. Maganda ang ambiance, camera worthy, pasado sa panlasa ang mga pagkain at higit sa lahat, hindi ganon kamahal.
Busy'ng- busy ako sa pag oobserba ng lugar habang nariyan si Lavinia na abala naman sa pagkaing ng mga putaheng nakahanda sa harapan namin. Napakarami noon at wala akong ideya kung bakit inorder ni Lavinia ang lahat ng ito. Iniisip ko tuloy na baka hindi ito kumain kanina bago umalis o sadyang gutom lang siya talagang inabutan tong tanghali na to?
"Ala- una ba ang balik doon? Ubusin mo yan, Nukk ah. Kailangan mong kumain ng marami para tumaba ka. Para ako lang ang sexy sa ating dalawa," walang emosyong saad niya habang patuloy pa rin sa pagkain. Malakas kumain si Lavinia pero hindi mahahalata gayong balingkinitan ang katawan niya. Kung iba lang ang makakakita, talaga namang nakakainggit ang shape ng babae na to.
"Oo, start na non ng art activities. Nag eenjoy ka ba? ...Ay! Kahit hindi ko na pala tanungin, halata naman na nag eenjoy ka kasi attentive ka talaga kanina. Parang hindi nga ikaw yun," wika ko na siyang nakakuha ng atensyon ng dalaga. Tinaasan niya ako ng kilay pero hindi 'yong ekspresyon na tila hindi natuwa sa sinabi ko. Para bang sinasabi ng mukha nito na pinagbibintangan ko siya ganon.
"Paano mo nasabi? Eh mula kanina yung atensyon mo pasilip- silip sa pwesto nila Kyle. Selos na selos ka diyan tapos nakuha mo pa kong punahin ha?" nang iintrigang tono ng kasama ko. Halos mabilaukan ako sa sinabi niya lalo na't saktong sumubo ako noon ng pagkain sa kalagitnaan ng litanya niya. Ako? Magseselos? Pabalik- balik ang tingin??
"Hoy wag mo kong titigan nang ganyan! Alam ko ibig sabihin niyan! Oo, totoo naman, Nukk! Nagseselos ka. Kaya nga balik- balik ang tingin mo sa kanila at pansin na pansin ko yun no. Kaya nga iniiwas kita hindi mo ba napapansin? Magpasalamat ka sa akin, best friend ako no," tuloy- tuloy na birada niya. Seryoso ang tono nito pati na rin ang itsura niya.
Alam ko naman na best friend si Lavinia. Ang hindi ko lang matanggap ay yung sabihin niyang nagseselos ako gayong wala namang ganon. Bakit naman ako magseselos hindi ba? Magkaibigan lang naman yata yun sila ni Kyle. Isa pa, ano naman sa akin kung may ibang kasama siya?
"Duda ako dyan no. Bakit ako magseselos, Lavinia? Parang sira to. First of all, hindi naman ako dapat magreklamo kung may iba na siyang kinikita no?" wika ko. Medyo nakaramdam pa ako ng inis noon. Marahil sa pang iintriga ni Lavinia. Wala akong ibang maisip na rason kung bakit ako bigla na lang maiinis. Maya- maya lang nga'y narinig ko agad na bumanat ang kasama ko.
"Sino bang nagsabing may ibang kinikita? Ikaw no, advance ka mag isip? Pinangungunahan mo," natatawa- tawa niyang baling. Noon din, magkakasunod na pagkain ang diniretso nito sa bibig niya. Naiwan naman akong tila ginigisa sa sariling upuan kahit pa iyon lang naman ang naging tugon ng dalaga. Sira ulo to, alam na alam niya kung pano at saan titirahin ang consciousness ng taong kausap niya. No wonder, ang dali- dali niya lang ngang nati- trigger si Kyle.
Wala na akong alam na sabihin pabalik sa dalaga kaya naman hinayaan ko na lang siyang matapos sa kakatawa at pati na rin sa pag ubos ng pagkain niya. Ano bang magiging laban ko eh' si Lavinia na ito? Master na nito ang pang sa- silence ng kausap kapag gusto niya. Bagay na kinabibilib ko rin naman.
Sa totoo lang, medyo ilag din ako sa topic na binuksan nitong babaeng ito. Ewan ko ba? Oo alam ko ilang ako kay Kyle pero mas may i-iilang pa pala ako buhat nang banggiting niya yung kaso tungkol sa kasama nito na kaklase namin. Kanina ngang tinitignan ko sila sa venue, masyado silang malapit sa isat- isa at hindi rin maitatanggi ang madalas na pag sasalo nila ng tawanan. Bagay na nagiging uncomfortable ako sa tuwing nahuhuli ko nga ang dalawa.
Kahit ganoon, hindi ko kina- count iyon na pagseselos. Naalala ko lang kasi noong time na kaparehong mga ngiti rin ang sinasalubong ko sa tuwing nagbibiro si Kyle sa akin o di kaya'y nagbabato ng mga pick up lines niyang corny. Aaminin ko naman na napapaisip ako na baka ganon din ang ginagawa niya kasama yung babae na yon. Na baka nga nalipat na ang atensyon nito roon kaya hindi na niya ako pinapansin pa nitong mga nakaraang araw. Ewan ko na rin talaga. Ano ba kasi dapat ang maramdaman ko hindi ba?
"Tara na, Nukk. Balik na tayo mag a-ala una na rin. Wag mo masyadong isipin si Kyle," pang aasar lalo ng dalaga.
"Sira ka talaga!"