Mabilis ang naging byahe namin pabalik sa venue. Hindi ko alam kung dahil ba sa pagmamaneho ni Kuyang tricycle driver o dahil sa pagdadaldal ni Lavinia sa akin. Ikinukwento niya kasi ang isang palabas na kailan niya lang napanood. Kung tama ang alala ko ay isang pelikula iyon patungkol sa unang babaeng nakapag limbag ng batas. Ayon pa kay Lavinia, batay sa totoong buhay ang palabas na sinasabi niya.
Saka ko lang din napagtantong ganong mga tema ang tila hilig ng dalaga. Nagsunod-sunod din kasi ang pagku-kwento niya ng mga palabas na may kaparehong tema. Kung hindi man tungkol sa hustisya ay tungkol naman sa mga pang araw-araw na isyu.
Ang totoo pa nyan ay namangha ako sa angking kaalaman ng dalaga. Hindi lang pala puro pangwa-warshock ang alam nito. May tinatagong pagkaseryoso rin pala itong si Lavinia. Nanatili kaming ganon sa loo ng byahe kaya nga’t hindi ko na rin sigurado kung mabilis nga bang talaga ang byahe o naokyupa lamang ng kasama ko ang buong atensyon ko.
Nang makarating sa pasilidad ay agad din naman naming tinahak ni Lavinia ang kani-kaniyang upuan. Medyo nakuha pang ma-badtrip ng kasama ko gayong may nauna nang pumwesto sa kaninang inuupuan namin. Dahil walang choice, lumipat na lang kami sa iba pang bakanteng upuan. Sa dami ng tao, binalak pang mang warshock nitong kasama ko ngunit mabuti na lang ay napigilan ko.
“Bakit mo naman ako pinigilan?” wika ni Lavinia.
“May iba pa namang pwedeng upuan. Kumalma ka muna,” panunuyo ko sa dalaga. Agad-agad namang tinamaan ng bista ko ang dalawang magkatabing bakanteng upuan sa bandang gitna. Tinuro ko iyon at mabilis naman akong hinatak ng dalaga.
“Sabi ko sayo eh. Sa susunod ako na talaga ang taga pigil mo sa anger issues mo, Lavinia.”
“Hindi na kailangan no! Magwawala ako hanggat gusto ko,” seryosong tugon nito habang lilinga-linga sa paligid. Sa sandaling maipwesto ang mga sarili ay agad na ring nagsalita ang host sa harapan. Senyales ng pagsisimula ng aktibidad para sa nalalabing mga oras sa maghapon. Saktong-sakto lang ang paghahanap namin ng upuan. Ganon na lang at sumubok na kaming mag ayos ng aming mga kagamitan. Hindi pa man ako nakakarami ng baba, nariyan at natigilan ako sa pamilyar na tono.
“Nukk, may katabi ka ba sa isa pang upuan?” tinig ng isang lalaki na siya namang kinagulat ko. Kahit hindi lingunin ay alam ko kung kanino ang boses na iyon. Sasagot pa lang sana ako ngunit inunahan na ako ng isa ko pang kasama.
“Woy! Woy! Woy! Upuan ko iyan Ginoong Kyle. Paawat ka,” pag kontra naman na agad ni Lavinia. Dagdag pa nito, “Upuan yan ng mga gamit namin. Sinadya ko talaga yan kanina pa.”
“Huy! Hindi ba bawal yon? One is to one ang bilang ng mga upuan dito sa venue. Nangho-hoard ka ng upuan isusumbong kita sa facilitator!” bawi ni Kyle na halata sa tono nito ang pagbabanta.
“Kahit magsumbong ka pa sa nanay mo, akin ang upuan na yan,” ani Lavinia sabay turo sa kasalukuyang pwesto niya. Noon ko lang napansin na may tila portable na upuan siyang kalalapag lamang katapat ang stand para sa canvass niya. Huli ko nang napagtantong may sarili itong dalang upuan at tama nga siya na sa kanya ang upuang itinuturo ni Kyle.
“P-papaanong??” takang-takang turan ng binata. Dagdag pa nito, “Wala ka namang bitbit na ganyan kalaking upuan kanina ah? Kangaroo ka ba at may bulsa ka sa bandang tyan mo?”
Kahit ako ay nagtaka gayong kanina ko pa kasama si Lavinia at hindi ko rin napansin na may ganoon siyang dala-dala. Nasaan ba ang atensyon ko? Natigilan naman ako sa mumunting pagmumuni-muni sa sandaling marinig muli ang dalaga na ngayon ay nagtataas na ng boses. Mas halata ang pagka iritable nito kumpara sa kanina.
“Una sa lahat, hindi ito malaki! Portable ito,” wika nito matapos damputin at saka ipinakita sa amin kung paanong nako-compress ang bagay na hawak niya. Pareho namang napaawang ang bibig namin ng binata. Animo’y namangha sa tila mahikang palabas ng dalaga sa kanyang mumunting upuan.
Aniyang muli, “Pangalawa, wala kang pakialam doon! Panghuli, tantanan mo muna kami ni Nukk at bumalik ka na roon sa babaeng kasama mo. Paawat ka naman, Kyle. Ang productive mo rin e no?” banat ni Lavinia. Matapos ng linya nito’y muli nitong inabala ang sarili sa pag aayos ng mga gamit.
“Ba-babae? Si ano ba-” hindi pa man natatapos ng binata ang sinasabi ay sinagot siyang muli ng dalaga nang hindi man lang nililingon.
“Oo yung kanina mo pang kasama. Kung ako sa iyo, iisipin kong masama ang mamangka sa dalawang ilog! Mga lalaki nga naman talaga oh?”
Natigilan noon ang binata dahil sa inasal ni Lavinia. Marahil ay naiintindihan na nito ngayon ang pinupunto ni Lavinia. Bagamat madalas silang magtalo noon pa man, ibang klase ng gigil ang ipinakita ni Lavinia ngayon sa binata. Kahit ako, dama ko ang seryosong pantataboy ni Lavinia. Hindi ko naman alam ang gagawin kaya hinayaan ko na lamang na kainin ng katahimikan ang espasyo sa pagitan namin.
“Kung ano man ang iniisip niyo, hindi ganon yon-” sambit ni Kyle na siya na namang pinangunahan ni Lavinia. Awang-awa naman ako dahil kanina pa nasusungitan ang binata.
“Sige na! Sige na! Magpapaliwanang pa e, huli na nga. Doon ka na nga!” baling ni Lavinia. Nariyan pa’t natitigan ko ang kamay ni Lavinia na halata ang pang gigigil sa hawak nitong paint brush. Nang lingunin ang paligid, may iilang mga tao na rin ang nakatingin sa direksyon namin. Tila nakakagawa na rin kami ng kumosyon gayong nasipat ko pa ang isa sa mga abala sa pagpupulong na ito. Unti-unti itong lumapit para kamustahin kami.
“May problema ba rito?” wika ng Ginoo. Bumaba pa ang titig nito sa amin, tila hinahanapan kami ng kung ano man. Saka ko lang napagtantong hindi ko pa nasusuot ang ID mula kanina. Nagpakilala ako at nakuha naman ng lalaki iyon.
“Wala pong problema, Sir. Nag uusap-usap lang po kami rito. Pasensiya na po sa abala,” ani ko sa unang pagkakataon.
“Ganon ba? Ikaw, Kyle? May problema ba? San ang pwesto mo?” wika ng lalaki. Sumipat-sipat pa ito sa paligid para hanapan ng pwesto ang binata. Halata naman sa kanyang handa siyang tumulong dahil tila nakuha na rin niya ang problema sa pagkakataon na ito.
“Okay lang po, Sir. Doon na lang po ako sa bandang likuran. Nandoon din naman po yung ibang mga kaklase namin. Pasensya na po sa abala,” pag amin ni Kyle. Sinuklian na lamang ng magkakasunod na tango ng lalaki ang tugon ni Kyle.
“Susunod din naman pala,” narinig ko pang bulong ni Lavinia na sa kaparehong pagkakataon ay abala pa rin sa pagpapahid ng mga pintura sa canvass nito.
Wala na rin namang nagawa si Kyle noon kung hindi ang matamlay na magpaalam sa akin para bumalik sa nauna nitong pwesto. Bagay na medyo ikina-guilty ko gayong hindi napagbigyan ang binata sa pagsusubok nito. Nang lingunin ko naman si Lavinia ay nagsisimula na itong magpahid ng kung primaryang kulay sa nasa harapan nitong canvass. Ganon na lang din at humabol na ako’t nagsimula na ring ayusin ang mga gagamitin ko para mamaya.
“Tingin mo ba, hindi kaya medyo naging harsh ka kay Kyle kanina?” nag iingat kong panimula. Sa mga sandaling ito ay nakapag ayos na ako ng mga gamit at handa ng ipahid ang unang kulay ko.
“Hindi rin naman siya nag iisip. Bakit pa ako mag iisip?” tila malaman na turan ng dalaga. May iba pang mensahe sa litanya nito. Muli ko na namang sinilip si Kyle sa dulo ng pasilidad. Sa pagkakataong ito, wala na siyang kasama bukod sa mga materyales niya. Nasaan na yung babaeng kanina pang buntot ng buntot sa kanya?
“He ought to have acted with consideration. Alam niya naman ang pinupunto ko. Nanliligaw ata siya sayo tapos kung sino-sino ang kasama niya. Sana naman sa susunod, mag isip na siya. Hindi biro ang magselos,” ani muli ng katabi ko.
“Ha? Sinong nagseselos?” tarantang tanong ko. Saka kko na rin naramdaman ang tila pamumuo ng mainit na sensasyong umakyat sa pisngi ko. Kamuntikan ko pang nasipa ang lalagyan ng pinturang nasa paanan ko. Hindi naman ako ang tinutukoy nitong babae na ito, di ba? At saka bakit naman ako magseselos? Walang dapat pagselosan!
Mas tumindi pa ang naramdaman kong pag init ng pisngi nang taasan ako ng kilay ng kaibigan ko. Halata sa kanyang hinuhuli ako kahit wala namang dapat hulihin. Itong si Lavinia, forte niya ang ganitong bagay. Kayang-kaya niyang paaminin ang tao kahit wala namang dapat aminin.
“Ang dali-dali mong basahin, Nukk. We are friends, right? Even if it appears to you that I am the antagonist in your love life, please allow me to protect you.” daing ng dalaga at hindi man lamang ako nakuhang silipin matapos ang linya niyang iyon. Naiintindihan ko naman ang nais iparating nito ngunit hindi ko pa rin mapigilang hindi kamustahin ng palihim ang binata. May mga pagkakataong palingon-lingon pa ako sa direksyon ni Kyle. Ganoon ang naging ganap ko sa mga sumunod na oras.