Pagpatak ng alas kwatro ng hapon, isa-isa ng natapos ang mga kasama namin sa venue. Medyo patapos na rin ako sa trabaho ko. Kaunting detalye na lang at handa na ring ihelara sa harapan kasama ng ibang mga obra ng mga kalahok.
Sandali kong sinilip ang gawa ni Lavinia at hindi naman ako binigo ng dalaga. Kung susumahin, may pagka dark na theme ang gawa ni Lavinia hindi lang dahil sa choice of colors nito kung hindi pati na rin sa mismong nilalaman ng canvass niya. Naroon ang ilang mga elemento tulad ng shards, dugo, walang mukhang karakter at iilang kulay na nagpapaangat pa lalo ng pinaka subject niya.
“Wag mo masyado titigan. Mukha lang akong walang hiya pero naii-intimidate ako dahil alam ko namang mamaw ka sa pang co- conceptualize, Nukk!” paliwanag ng dalaga.
Mukhang tapos na siya sa obra niya gayong paisa-isa na niyang nililigpit ang mga materyales niya. Di ko tuloy mapigilang ma-pressure gayong hindi pa pinal ang gawa ko. Gayon pa man, sinagot ko rin ang naunang pahayag ng kasama ko.
“Para ka namang sira. Napatitig kasi ako ang lalim ng concept mo. Bilib na bilib nga ako,” ani ko.
“Ang eme nito! Wag nga ako, Nukk. Kung pinapakilig mo ako, nagsa- succeed ka ha,” matawa-tawang balik niya sa akin. Noon din, bumalik ako sa pagde-detalye nang sa ganon ay makasabay ako sa pag pasa ni Lavinia.
Kung tama ang alala ko, ilalagay lang sa harap ang mga obra namin at pansamantalang ie-exhibit hanggang sa isang linggo. Ang pagkakaintindi ko rin nga ay may ilang iimbitahang mga bisita at kung papalarin na may magustuhan sila sa isa sa mga obra, ipagbibigay alam sa artist para ipagbili. Though, subject for approval pa rin syempre ng may ari.
“Ikaw itong humuhugot sa art mo eh! Tignan mo naman yang pa-floral at abstract subject sa obra mo,” biglang baling ni Lavinia na medyo kinagulat ko pa. Nang gugulat naman kasi talaga.
“Huwag kang malikot huy, palampas lampas na nga ang kamay ko sa pagmamadali,” ani ko. Dahil na rin nga huli na kong nagsimula, napapaliwanag noon kung bakit medyo huli na rin akong natapos.
“Huy! Hindi kaya ako malikot. Nakatanaw nga lang ako rito mula sa pwesto ko,” ani Lavinia. Nakita ko pa siya sa gilid ng mga mata ko kung pano magreklamo. Natawa na nga lang ako. Maya lang ay nagpatuloy ito. Wika niya, “Pero walang halong biro, mas nabibilib ako kasi hindi ko na lang nakikita sa sketchpad mo. Mas may buhay ang mga ideya mo kasicolored media tayo ngayon,”paliwanag ni Lavinia.
Napalingon naman ako sa dalaga nang rumehistro sa utak ko ang sinabi nito tungkol sa sketchpad ko. Papaanong alam niya ang tungkol doon?
“Anong ibig mong sabihin sa sketchpad ko?” maikling sambit ko. Sandali lang at ngumiti ito ng malapad at tila nakakaloko. Dagdag ko tuloy, “Huwag mong sabihing isa ka rin sa palihim na sumisilip sa mga gawa ko roon?” medyo nahihiya-hiya pa ako. Naaalala ko pa naman na kaya pala magulo ang mga gamit ko nitong mga nakaraan gayong sa pagkakaalam ko ay medyo masinop naman ako sa paglalagay ng mga kagamitan ko sa bag.
“Uhm, p-parang ganon na nga. Huyy! Pero ano baaa! Maging proud ka nga! Ang ganda ng mga gawa mo. Nakita ko pa nga nag a-anatomy ka rin pala ha?” wika nito.
“Woy! Bakit naman-” hindi ko na nagawa pang magreklamo gayong itinuon ng dalaga ang atensyon ko gawa ko sa pamamagitan ng bahagyang pagtulak sa pisngi ko. Senyales na tapusin ko na ang ginagawa ko. Itong babaeng to talaga. Napaisip din tuloy ako hanggan saan ang inabutan niya sa mga gawa ko? Nakakailang tuloy.
Tulad naman ng sinabi ng dalaga, nagpatuloy ako sa pagpipinta. Tyinaga kong tapusin ang obra ko kahit na nate-tempt na rin akong magligpit gawa ng tapos na halos ang mga kasama namin sa paligid. Mabuti na lang din at nandyan si Lavinia para ipag cheer ako na tapusin. Kung di lang talaga dahil dito, ipapasa ko na ang canvass ko.
Simple lang naman ang ginawa ko. Dalawang karakter ang nilalaman ng canvass. Parehong dinetalye sa pamamagitan ng mga bulaklak sa bawat dulong linya. Sinubukan ko ring i-abstract ang mga bulaklak para na rin sa aesthetic purposes. Noong una ay nahirapan pa nga ako gayong hindi ko ganong gamay kung papaano ikakalat ang pintura. Kalaunan ay natutunan ko na rin naman at doon na nagtuloy-tuloy ang pag gawa ko.
Nariyan at naalala ko ang palabas na napanood ko kamakailan lang. Kung saan sinasabi rito na para makalikha ka ng magandang obra ay handa ka dapat na sirain ang nauna mong sining para magbigay ng espasyo sa pagpapabuti ng gawa mo. Tingin ko naman ay nakuha ko ang punto noon sa sining na ginawa ko ngayon.
“Tingin ko ayos na ito. Pasa na tayo?” ani ko habang matamang tinititigan ang nasa harapan ko.
“Halika na. Sigurado na yan na mabibili,” banggit ni Lavinia na agad ko namang inilingan. Sa dami ng maagagaling na artist dito, tila malabo para sa akin ang sinasabi ng kaibiga. Para sa akin, ayos na akong makilahok dito at matuto ng ilang mga techniques mula sa kaninang seminar. Ngunit kung papalarin man, edi ayos na rin. Sa ganoong paraan ay sigurado naman akong tataas din ang aking moral.
Matapos ang ilang sandaling pagde- detalye, inaya ko na rin si Lavinia sa harapan. Saka rin noon nag paalala ang host na maaari na rin kaming umuwi pagkatapos pumirma sa attendance sa labas.
Saglit lamang naman kaming nagpasa ni Lav. Pumirma na rin muna kami at saka tinungo ang pwesto namin kanina. Sinigurado ko munang naayos ko na ang mga gamit ko at nilinis na rin ang pwesto na pinag gawaan ko. Nakakahiya naman kasi kung iiwan na lang ng ganon iyon. Maya-maya pa ay narinig ko na na magyaya si Lavinia at tumango na lang ako.
“May dadaanan nga pala ako pauwi pero parehas pa rin naman tayo ng daan kaya masasabayan pa rin kita,” wika nito. Habang nakikinig ay sinasalin ko na ang mga brushes ko sa loob ng lalagyan. Nag alok pa nga noon si Lavinia na tulungan ako ngunit sinenyasan ko ito.
“Saan punta?” maikling tugon ko. Agad din itong sumagot. Wika niya, “Sa kabilang bahay lang naman ni Lola. Kailangan kasi ng tao. Ikaw ba? Diretso uwi ka naman na no?” Hindi ako nakasagot agad dahil natuon ang atensyon ko sa huling piraso ng mga tube paints ko. Sa sandaling matapos ay tinanguan ko na ito. Saka na rin ako nag ayang kumilos na.
“Pero baka gusto mong kumain muna? Pu-pwede naman. Baka isipin nila Tita ginugutom ka ng kasama mo,” pag aalok ng dalaga na medyo tinawanan ko pa. Napaka conscious naman nito at naisip pa talaga iyon.
“Huy ano ba? Masyado ka naman nag aalala. Hindi na siguro dahil sabi mo nga ay may lakad ka rin. Tara na?” ani ko.
Mabilis na tugon nito, “Sigurado? Di ka gutom ha? Halika na.”
Pahakbang pa lamang ako ay laking gulat ko nang tila may makabungguan akong pader. Ano bang meron sa paligid at panay na lang akong nababangga? Parang inuulan ako ng pader nitong mga nakaraan. Nang tingalain ko naman iyon ay bumungad si Kyle sa akin na seryosong nakatingin sa akin. Hindi pa man ako nakaka-recover ay narinig ko na ito.
“Pasensya na Lavinia pero hihiramin ko muna si Nukk,” iyon na lamang ang huling narinig ko bago pa man ako hilahin palabas ng pasilidad ni Kyle.