CHAPTER 09: SAME SURNAME
Napatingin ako kay Felix at kita kong natigilan siya. "Why?" walang emosyong tanong niya kasalungat sa ekspresyon ni Clyde na malawak ang ngiti.
"Crush siya ni Aphrodite!"
Halos mapaubo ako nang ipatong ni Felix ang kamay niya sa kanang hita ko.
Tinawanan ako ni Clyde at inabutan naman ako ni mommy ng tubig at tissue. "Nahihiya ka pa kay kuya!" tukso niya sa akin.
"I'm busy," sagot ni Felix at pinisil ang hita ko.
Ngumiwi si Clyde at muling dumaldal para ipagtanggol ako. Halos hindi ko maintindihan ang sinasabi niya dahil sa paghaplos at pisil ni Felix sa hita ko.
Uminom na ako ng tubig nang maubos ang lahat ng nasa plato at hinawakan ang kamay ni Felix na nasa hita ko para alisin. "Una na po ako," paalam ko at tumayo nang sa wakas ay bitawan ako ni Felix. "Goodnight po," bati ko sa kanila at yumakap sa mga magulang. Hindi ko na ginawa iyon sa magkapatid.
Sinigurado kong naka-lock ang pinto ng kwarto ko bago ako naglinis ng katawan at nagbihis ng pantulog. Napatingin ako sa hitang hinawakan ni Felix at nakitang namumula ang balat ko roon. Gigil ba naman niyang pinisil-pisil iyon! Nakakairita talaga siya!
Hinayaan ko na iyon at hinarap ang study table. Nakangiti kong inilabas ang dapat na ibibigay kong painting kay Travis. Dadalhin ko 'to bukas at susubukang ibigay sa kanya!
Imbes na magsimula nang mag-advance reading ay nag-online ako. Napangiti ako nang makitang online din siya. Pinindot ko ang message button sa profile niya at nag-isip ng sasabihin.
Kinakabahan ako! Pero gusto ko siyang makausap. Paano ko ba sisimulan?
"Good evening, Sir!"
Mabilis ko iyong binura dahil sobrang pormal at baka ma-student zone lang ako.
"Hi, Travis!" Iyon na lang ang sinend kong mensahe sa kanya. Binitawan ko ang phone at tumalon sa kama habang naghihintay ng message niya. Nabasa niya na ba o baka busy siya?
Itinago ko ang mukha sa malambot na unan at tumili roon. I therefore conclude na crush ko na siya! Finally, nahanap ko na ako ng ideal man ko! Gwapo, matangkad, sweet, matalino, mabait at mabango!
Napabangon ako nang may kumatok. Feel ko si Felix na naman iyon. Pero what if si Clyde lang? O si mommy? O si Ate Gina?
Sa huli ay binuksan ko iyon. Napanguso ako nang bumungad si Felix. "Sabi ko na nga ba! Ano na namang kailangan mo sa akin?" dismayadong tanong ko sa kanya.
Imbes na sumagot ay itinulak niya ang pintong hawak ko kaya lumuwag ang pagkakabukas no'n at walang pasabing pumasok.
"Felix, ano na namang gagawin mo rito? May sarili ka namang kwarto!" dagdag ko nang padapa siyang humiga sa kama ko. Kinuha pa niya ang isang unan at niyakap iyon.
Napabaling siya sa akin nang tumunog ang phone ko. Muling bumalik ang excitement at kaba sa puso ko. Si Travis ba 'yon? Binalewala ko si Felix at umupo sa harap ng study table para tignan ang notif.
Halos mapunit na ang ngiti ko nang makita ang pangalan ni Travis. Nag-reply siya!
Travis: Hey!
Travis: Are you home by now?
Nagtipa agad ko ng isasagot.
"You're smiling like an idiot," puna ni Felix sa akin.
"So?" pagbasag ko sa kanya dahil hindi ko siya hahayaang sirain ang kilig na nararamdaman ko ngayon.
Aphrodite: Yup! Kanina pa after no'ng last subject. Ikaw? Nakauwi ka na ba?
Nakita ko ang tatlong dots sa tabi ng profile niya kaya napatili ako. Nagre-reply agad siya!
"Sinong kausap mo?"
"Felix!" Mabilis kong itinaas ang kamay para bawiin sa kanya ang phone ko pero itinaas niya rin ang kamay niya at tumingala para tignan iyon. "Akin na nga 'yan! Nakakainis ka naman, e!"
"So, you're talking to Travis, huh? While me, I was blocked!" iritadong aniya.
"Ayaw ko nga kasi sa 'yo! Akin na 'yan!" sigaw ko dahil sa inis at napatitig sa kanya nang manlambot ang ekspresyon niya at ibinaba na rin ang kamay.
Kinuha ko ang phone sa kanya at bumalik sa upuan. "Doon ka na sa kwarto mo," mas mahinahong pakiusap ko sa kanya nang hindi siya tinitignan.
"You're stressing me out," sagot niya, walang connect sa sinabi ko.
"Hindi ko tinatanong."
"I'm just telling you so you are f*****g aware!"
Inirapan ko lang siya nang sigawan niya ako. Nawalan na tuloy ako ng gana na humarot sa crush ko. Panira kasi 'tong si Felix!
Isinuot ko ang earpods at nakinig na lang ng music bago binuklat ang libro. Doon ko na lang itinuon ang atensyon ko. Nag-log out na rin ako ng social media para hindi ma-distract.
Pinagkrus ko ang braso sa ibabaw ng libro at itinago roon ang mukha. Hindi ako makapag-focus! Naiinis pa rin ako! Bakit kasi ganito si Felix?
Hanggang sa naiyak na ako dahil sa inis. Hindi ko na alam ang gagawin sa kanya! Palagi na lang siya ang nasusunod! Simula nang dumating siya rito ay parang kontrolado na niya ako. Ni hindi niya ako nirerespeto dahil lang sa nangyari no'ng gabing 'yon! Masyado niya akong kino-kontrol. Ayaw ko na! Ayaw ko talaga sa kanya!
Umahon ako ang may nag-alis sa earpods ko. Si Felix. Ayan na naman 'yong nag-aalala at maamo niyang mga mata. Maniniwala na naman ako tapos ano? Magpaauto hanggang sa gagawin na naman niya ang gusto niya sa akin?
"Why? Is it because I shouted? I'm sorry."
Mas lalo akong napaluha at napahikbi. Tinakpan ko ang mukha ko pero kinuha niya ang kamay ko at inalis iyon. "N- nakakainis ka. Sobra!"
Sinundan ko siya ng tingin nang lumuhod siya sa harap ko. Hawak niya pa rin ang kamay ko at nakatuon sa akin ang buong atensyon niya habang nakatingala siya.
"Oo na! Gusto ng katawan ko 'yong ginawa mo noong gabing 'yon," pag-amin ko pagtungkol sa unang gabi na nagkita namin. "Sinubukan ko namang iwasan ka no'ng nalaman kong kapatid mo si Clyde. Sinubukan ko rin namang itrato ka bilang kuya ko pero anong ginawa mo?"
Napakagat labi ako nang humikbi ako. "Ni hindi mo na ako nirespeto sa harap ng pamilya mo kanina," puno ng pait na sambit ko.
"Ano bang gusto mo? Alam ko namang ayaw mo akong maging kapatid—"
Napatigil ako nang magsalita siya na naiinis din pero kinokontrol niya na huwag sumigaw, "f*****g yes! Ayaw kitang maging kapatid, Aphrodite!" Mas humigpit ang hawak niya sa kamay ko.
Muli akong napahikbi dahil sa pagkirot ng dibdib. Pero hindi ko inaasahan ang idinagdag niya at ang emosyong nagpakita sa mga mata niya. "I want you to have the same surname with me but not with that kind of relationship. 'Cause I want more! I want to stay with you, to kiss you, touch you and make love with you. Kung naiinis ka dahil do'n, then sorry. I just want your f*****g time and attention, Aphrodite."
Umiling ako at binawi ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya. Nakita kong sinundan niya iyon at balak pang hawakan ulit pero hindi ko na siya pinayagan. Mas lalo tuloy kumirot ang dibdib ko. "H-hindi ko gusto 'yong gusto mo."
Nakita ko ang paggalaw ng panga niya at ibinaba ang tingin sa hita ko.
"Gusto kong maging parte ng pamilya niyo, Felix. Gusto kong maging kapatid mo. Hanggang do'n lang. At si Travis, siya ang gusto ko. Gusto ko siyang maging boyfriend."
"Tangina!" rinig kong mura niya. Nakita ko pa ang pagkuyom ng kamao niya bago siya muling nag-angat ng tingin sa akin. Napaawang ang labi ko nang makita ang panunubig at pamumula sa palibot ng mga mata. Maging ang labi niya ay namumula. "Hindi pa naman kayo, 'di ba? Liligawan kita. I will prove that—"
"Ayaw ko nga, e!" pigil ko sa kanya at marahas na pinunasan ang panibagong luhang pumatak sa pisngi ko. "Ayaw ko sa 'yo, hindi mo ba naiintindihan 'yon? Kuya lang ang turing ko sa 'yo!"
"Ang daya mo," mariing sambit niya at lumunok ng mariin. "Hindi naman tayo magkadugo pero bakit diring-diri ka sa akin? Bakit ayaw mo sa akin?"
"No'ng inampon ako ng mga magulang mo, isiniksik ko na sa kokote kong kayo na 'yong bago kong pamilya, Felix! Si Clyde, itinuring ko na siyang totoong kapatid ko. At masaya ako kasi gano'n din siya. Lumaki kasi akong mag-isa lang. Kaya no'ng sinabi ng mommy mong dalawa na ang kuya ko, sabi ko, magiging mabait na kapatid ako sa inyo. Hindi 'yong ganito!" Umiling ako sa kanya.
Tumango siya at narinig ko ang malalim na hininga niya. "I understand." Matapos sabihin 'yon ay tumayo na siya at iniwan ako.
Napahawak ako sa naninikip na dibdib ko at muling iniyak ang sakit na nararamdaman. Hindi ko alam na may gusto siya sa akin. Hindi naman ako umiyak no'ng nireject ko 'yong mga manliligaw ko sa School. Pero bakit kay Felix, nasasaktan ako? Siguro dahil may parte sa aking gusto iyong sinabi niya? Na gusto ko rin siyang makasama?
Pero bawal! I don't want to cross that line. Ayaw kong mawala ang tiwala sa akin ng pamilya niya.
Humikbi ako at hinayaan ang sariling mapagod. Nang kumalma ay napagdesisyonan kong bumaba at pumunta sa dining room para uminom.
Halos mapatalon ako sa gulat nang makita roon si Felix. May hawak siyang beer na naka-can at sa kabilang kamay ay ang sigarilyo na nakaipit sa pagitan ng labi niya.
Nilunok ko ang barado sa lalamunan ko bago tahimik na lumapit sa ref para kumuha ng tubig. Hindi siya nagsalita habang nagsasalin ako sa baso. Pumunta ako sa gilid habang umiinom para panoorin siya at iwasan ang usok na ibinubuga niya.
Nakatulala lang siya at parang hindi niya ako napansin. Maya-maya pa ay iyong can naman ang inilagay niya sa labi niya at ininom iyon. Dahil ba sa akin kaya siya nagkakaganyan?
Bumuntong hininga ako at tahimik na hinugasan ang ginamit na baso. Nagpupunas ako ng kamay gamit ang tissue nang magsalita siya.
"'Wag ka nang magpapakita sa akin kung ayaw mong mas mabaliw ako sa 'yo. Baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko."