Mabilis na lumipas ang mga araw. Naging abala si Shawn sa trabaho. Madalas hindi na ito nag-aalmusal sa umaga, kaya mag-isa na lang kinakain ni Hainna ang mga inihahanda niya. Wala rin kasi ang biyenan, nasa Tagaytay kasama ang mga kaibigan nito. Sa tuwing gabi, nakakatulog na lang siya kakaintay sa asawa. Nalulungkot siya dahil pakiramdam niyang iniiwasan siya ni Shawn. Dahil ba sa hindi siya buntis? Nais tuloy niyang pagsisihan ang pag-amin na hindi siya buntis. "Saan po kayo pupunta, Ma'am?" tanong ni Manang Helen nang pagbaba niya. Bihis na bihis siya. Nais lang naman niyang mamasyal. Naiinip na siya sa bahay. Magpapasama sana siya kay Bea kaso may pasok ito, kaya mag-isa na lang siyang mamamasyal. "Ang sabi po ni Sir Shawn, huwag daw po kayong payagan lumabas ng bahay," sagot ni M

