Sa paglabas ni Cyran at Eli mula sa bahay ay bumungad sa kanila ang isang bakuran na may lawak na singkwenta metro kuwadrado. Naliligiran ito ng mga bakal na bakod.
Sa kanilang unahan na hindi kalayuan ay may isang lalaking nakaharap sa kanila. Labing anim na taong gulang ang lalaki at nakasuot siya ng isang pulang sombrero, bughaw na sweat shirt at tsinelas. Kumaway ang lalaking ito at kumaway naman pabalik si Eli. Katabi ng binata ang isang malaking hukay sa kanyang kaliwa. Malalim ang hukay nito at hindi makita ni Cyran kung ano ang nasa hukay at kung para saan ito.
“Siya si Franco,” pagpapakilala ni Eli. “Siya ang nakakakita sa’yo sa paanan ng bundok.”
“Kung dahil sa kanya ay siguro ay patay ka na ngayon.”
Walang maalala si Cyran sa lahat ng nangyari nang mawalan siya ng malay sa paanan ng bundok. Pero sa kabila ng katotohanan na humihinga siya ngayon ay lubos niyang ipinagpapasalamat ito. Kahit papaano ay mayroon pa rin palang ibang tao na hindi masama katulad ng iniisip niya. Pero dahil hindi rin naman talagang ibang tao si Eli kundi dahil isa rin siyang Jinzo katulad niya.
“Matagal ka na naming hinahanap Cyran,” paliwanag muli niya. “Hindi lang kami kundi ang buong mga tao sa siyudad na gustong pumatay sa’yo.”
“Maraming Tracker ang naghahanap sa’yo tuwing Advent Season.”
“Tracker?” nalilitong tanong ni Cyran dahil hindi siya pamilyar sa salitang ito.
“Mga taong binabayaran ng gobyerno upang hanapin ang mga nawawalang Jinzo,” madaling sagot ng matanda.
“Isa si Franco sa mga inutusan ko bilang maging isa sa Trackers upang unahan ang iba na hanapin ka bago ka pa man nila patayin.”
“Pero hindi rin ako tumigil sa paghahanap sa’yo.” Lumingon siya kay Cyran. “Malaki ang tiyansa na makita ka namin sa panahon ng Advent Season at hindi kami tumigil taon-taon.”
“At hindi ako nagkamali.”
Pinagmasdan ni Cyran ang kulay rosas na kalangitan at may mapayapang ulap. Lumulubog na ang araw at unti-unti nang lumilitaw ang mga bituin sa langit. Agad niyang napansin ang transparent dome na nakapalibot sa buong siyudad. Gawa ito sa makakapal na salamin na kapansin-pansin sa mga mata ngayon ng binata. Dahil sa mga salamin ay nagkaroon ng maputlang kulay ang araw na nasa pagitan ng pula at kulay rosas.
“Nandito ka ngayon sa siyudad ng Magwayen,” pagpapakilala ng matanda. “Isa ito sa tatlong pangunahing siyudad na pag-aari ng lupain ng Maharlika.”
“Ito ang tanging siyudad kung saan pinapahintulutan ang mga ina upang manganak para makontrol ang subhuman.” Tumingin siya kay Cyran. “Ito rin ang tanging lugar kung saan nakakakulong ang tatlong Akuma.”
Agad niyang nalalanghap ang maaliwalas na hangin. Magaan ang hangin na ito sa kanyang baga. Hindi hamak na mas malinis ang hangin na nandito ngayon kumpara sa kabundukan kung saan siya lumaki. Pinagmasdan ng binata ang kalangitan at dito na niya napansin ang mga malalaking gusali sa kanilang paligid. Iba’t-iba ang lawak at laki ng mga gusali na may mga magkakaiba ring kulay na liwanag sa bawat bintana nito. May mga ilan ring gusali na silindrikal ang hugis na para kanya ay kamangha-mangha.
Totoo ngang nandito na sa siyudad pero hindi niya alam kung magiging masaya ba siya ngayon o hindi.
“May iba pang mga siyudad maliban rito?” pagtataka ni Cyran.
Ngumiti si Eli. “Marami pa pero hindi ito kasing ganda katulad dito.”
“Kung masasabi mong maganda ang lugar na ito,” dagdag niya.
Hindi alam ng binata ngayon kung ano ba ang gusto niyang maramdaman ngayon. Gusto talaga niyang maging masaya ngayon dahil isa ito sa mga bagay na gusto niyang maranasan. Pero bakit ganoon? Bakit pakiramdam niya ngayon ay nagsisisi siya na nandirito siya?
Itinuro ni Cyran ang kanyang kamay sa kalangitan. “Para saan yan?”
“Isa yang Geodesic Dome,” sagot naman ni Eli. “Napapansin mo ba ang pader sa malayo?” sabay turo niya sa kanyang unahan.
Napansin niya ang matataas na pader na itinuturo ni Eli. Mula sa kinatatayuan niya ngayon ay hindi na niya makita ang labas ng siyudad na ito dahil natatakpan ito ng mga pader. Kahit saang direksiyon siya tumingin ngayon ay tanging pader lamang ang hangganan nito. Masyadong mataas ang pader na nasa tatlumpong metro ang taas. Hindi ito gawa sa semento kundi sa mga metal na pinagtagpi-tagpi.
“Ang mga pader na yan ang humahawak sa Dome,” paliwanag ng matanda. “Hindi lang basta pader ang mga iyan kundi isang makina na nakakabit sa higanteng salamin na nakapalibot sa buong siyudad.”
“Pero bakit?” tanong ni Cyran.
“Ang Geosedic Dome ang nagsisilbing kontrol sa hinihinga nating hangin at proteksiyon sa mga kaaway sa labas.”
“Walang nakakapasok rito at wala ring nakakalabas nang basta-basta,” Tumingin muli si Eli kay Cyran. “Kaya ang ipinagtataka ko rito ay kung paano ka nabuhay sa labas tuwing Advent Season sa loob ng maraming taon?”
Ngayon lang naisip ni Cyran kung paano nga ba nagagawa ito ng kanyang ina at kahit kailan ay hindi pa niya ito natanong tungkol rito. Ngayong naitago na ni Sariah ang tungkol sa pagiging Jinzo ay marahil marami pa siyang impormasiyon na itinatago sa kanya.
“Hindi ko alam,” tanging sinabi ng binata.
Dito na simulang naglakad si Eli papunta sa lalaking nasa harapan nila. Sumunod naman si Cyran. Habang lumalapit siya ay unti-unti niyang nakikita ang hitsura ni Franco. Halos nasa rurok na siya ng ng kanyang paglalaki. Maganda ang postura ng kanyang katawan na unti-unti nang humuhubog ang kanyang dibdib at mga braso. Halos kasing tangkad na rin siya Eli na halos nasa lima at kalahating talampakan. Maputi ang kompleksiyon ng kanyang balat katulad ng nyebe. Nagpangabot ang kanilang mga mata sabay namang ngumiti si Franco. Perpekto at maputi ang kanyang ngipin. Nangungusap ang kanyang mga mata. Medyo makapal ang kanyang mga kilay ganoon na rin ang kanyang mga pilik. Matangos ang kanyang ilong at mapula ang kanyang mga labi. Unti-unti na rin siyang tinutubuan ng bigote at balbas. Bumilis ang t***k ng puso niya dahil ito ang unang pagkakataon na makakilala siya ng isang lalaki na hindi man kasing bata niya ay mas bata kaysa sa iba.
Nang makalapit sila kay Franco ay iniabot niya ang kamay kay Cyran. Nanginginig ay nakipagkamay naman si Franco.
“Ako nga pala si Franco,” pagpapakilala niya.
“Salamat sa ginawa mo para sa akin,” naiilang na sagot ni Cyran.
“Kay Heneral Torres ka dapat magpasalamat, hindi sa’kin,” madaling sagot ni Franco sabay tumingin siya kay Eli.
Tumingin si Cyran kay Eli at gusto sana niyang magsalita pero hindi na niya nagawa. Minsan na niyang narinig sa kanya ang salitang heneral at alam niyang ang katulad niya ay humahawak ng awtoridad sa mga taong nasasakupan nito.
“Tingnan mo ang nasa hukay Cyran,” utos ni Eli sa kanya.
Lumakad si Franco papunta sa kaliwa sa tabi ng matanda. Kinakailangang lumapit pa si Cyran sa hukay dahil hindi niya makita ang nasa ilalim nito. Bumilis ang t***k ng puso dahila hindi niya alam kung ano ba ang makikita niya rito. Bakit ba lagi tayong nakakaramdam ng takot bago natin malaman ang katotohanan?