Sa pagpasok ng mag-asawa sa event hall ng kapitolyo ay bumungad sa kanila ang isang magarbong lugar. Malawak at maliwanag ang bulwagan na ito. Kulay krema ang kabuuang carpet sahig. May isang higanteng chandelier sa sentro nito na siguro ay nasa apat na dipa ang lawak. Nakahugis ito ng spiral at habang pababa ito ay paliit ng paliit naman ang lapad nito. Punong-puno ito ng kulay puting kristal at sa pagkakataong ito ay nagbibigay ang bawat isa ng kulay gintong liwanag. Nandito rin ang mga bilog na lamesa at mga upuan na tinakluban ng kulay puti at gintong mga tela. Sa kaliwang parte ay ang banda kung saan naririnig niya ang violin, piano at cello. Naka-uniporme ang mga bandista na kulay itim na amerikana at sabay-sabay silang tumutugtog ng isang malambing na melodiya. Sa kanan naman ay ang mga nakahanay na magarbong mga iba’t-ibang pagkain, inumin at alak.
Naka-antabay rito ang mga house servant na patuloy nagsisilbi sa mga bisita sa kanilang mga pangangailangan. May suot silang one piece uniform na kulay kayumanggi. Palda para sa mga babae at pantalon para sa mga lalaki. Mayroon itong medyo malaking bulsa sa tigkabilang dibdib ng uniporme. Kadalasan ay may suot silang mga neck shackle. Makapal ito at kulay pilak. Hindi ito ordinaryo na gawa lamang sa bakal dahil may mekanismo ito na ginawa para sa mga katulad nila.
Maraming mayayamang mga tao ang nandito ngayon. Kadalasan ay nandito ang iba’t-ibang pinuno, sayantipiko at mga negosyante. Ang lahat sa kanila ay mayroong eleganteng kasuotan. Masaya silang nakikipagusap sa bawat isa. Maraming tumatawa at nakangiti habang kumakain.
“Nandito na pala si Heneral Naga!” sambit ng isang magtabang lalaki sa kanilang unahan. “Palakpakan niyo sila para sa muling tagumpay ng Advent Season ngayon taon!”
Umagaw muli sila ng atensiyon sa mga tao sa sa kanilang paligid. Sabay-sabay nagpalakpalakan ang lahat ng mga tao sa kanila. Ngumiti ng mabuti si Eloisa at Ralph upang paunlakan ang kanilang mga palakpak. Ang lahat ng mga mata ngayon ay nasa kanilang direksiyon.
Itinaas ng heneral ang kanyang kanang kamay. “Nagkakamali kayo. Hindi ko puwedeng solohin ang ganitong klaseng pagkilala.”
“Narating natin ang kinatatayuan na meron tayo ngayon dahil sa pagtutulungan ng bawat isa.”
“Nararapat lang na palakpakan niyo rin ang inyong mga sarili,” malakas na sambit niya sa mga tao.
Dito ay nagkaroon muli ng malakas na palakpakan at sigawan ang mga tao. Pare-pareho silang nagbubunyi ngayon sa pagtatapos ng Advent Season.
“Halika kayo at samahan niyo kami rito sa aming lamesa,” sambit muli ng matabang lalaki sa kanila.
Dito na nila napansin ng magasawa ang isang matabang lalaki na nasa edad trenta. Matagal na nilang kakilala ang lalaking ito. Minsan nang naging kaklase ito ni Ralph. Hindi lang isang kakilala kundi isa ring kaibigan. Siya si Regis Gamboa, ang servant trader ng buong Maharlika.
Lumakad ang mag-asawa papunta sa kanya.
Hindi lang siya matabang lalaki kundi matangkad rin. Halos apat na beses ang laki ni Regis kumpara sa katawan ni Ralph. Kalbo siya at maputi. Matapang ang kanyang mga mata at makakapal ang kanyang mga labi. Nakasuot siya ng makintab na puting tuxedo at sapatos. Nangingibaw ang laki ng kanyang tiyan na halos pumutok na sa suot niyang damit ngayon. Bago pa man makalapit ang magasawa ay agad na siyang tumayo upang kamayan si Ralph.
“Magandang gabi sa’yo heneral,” masayang wika ni Regis. “At sa’yo rin Misis Naga. Ikaw pa rin talaga ang pinaka maganda rito sa buong siyudad.”
“Perpekto talaga kayo para sa isa’t-isa,” dagdag pa niya.
Ngumiti si Eloisa. “Huwag kang masiyadong bolero diyan Regis.”
“Akala ko ba hindi ka mahilig sa ganitong kasiyahan. Pero bakit nandito ka ngayon?” Tanong niya na may pagka-sarkastiko.
Pagkatapos nilang magkamayan ay pare-pareho na silang umupo sa kanilang mga upuan.
“Kilalang-kilala mo na talaga ako ‘no?” Tumawa si Regis. “Tama ka. Pero balita ko dadalo raw ang Hari ngayong gabi? Siyempre ayoko namang sayangin ang oportunidad na makita siya di ba?”
“Makita lang ba talaga o may bago ka na namang mga proposal sa pagpapayaman mo?” pabirong tanong ni Ralph.
“Ang mga negosiyante talaga ay habang-buhay na oportunista ‘di ba?” balik na tanong naman ni Regis habang nakangiti.
“Oo naman. Hindi ako nandito sa kinatatayuan ko ngayon kung hindi ko ginagawa ang mga kailangan,” pagmamayabang ni Regis.
Pagkatapos ay nagkaroon sila ng medyo mahabang kamustahan tungkol sa mga naging buhay nila sa halos isang taon na hindi nila pagkikita. Malapit na kaibigan ang turing ng heneral kay Regis na parang isang nakakatandang kapatid. Kahit kailan ay hindi siya hinusgahan nito sa mga paraan at mga bagay na kanyanga pinipili. Bakit naman niya magagawa ang maghusga kung lubos naman niya siyang naiitindihan?
“Kamusta naman pala kayo? Halos isang taon na rin pala nang huli tayong magkita-kita,” batid muli ni Regis sa magasawa.
“Mabuting-mabuti naman kami,” sagot ni Eloisa.
“Hindi niyo ba naisipan na magkaroon ng anak muli?” malibis na tanong niya. “Matagal na ring panahon ang lumipas. Alam niyo na, siguro panahon na para sumubok ulit?”
Nagkaroon ng katahimikan sa kanilang lahat. Sa pagkakataong ito ay nalito si Eloisa kung siya ba dapat ang sumagot sa tanong ni Regis o kung dapat ba na manahimik na lang siya.
“Hindi naman kami nagkaroon ng anak kahit kailan Regis,” kalmadong sagot ni Ralph sabay tingin niya kay Eloisa.
Hindi magawang magalit ni Ralph sa kanyang mga narinig kay Regis. Alam niyang pranka si Regis pero hindi ito ang magiging rason upang magalit siya sa kanya.
Ngumiti si Eloisa. “Wala naman kaming naging anak kahit kailan ‘di ba?”
“Tama ka. Sorry. Nalimutan ko na. Hindi ko alam ang sinasabi ko,” sabay tawa ni Regis kahit na alam nila na peke lamang ito.
“Anong gusto mong kainin honey?” tanong ng heneral.
Bahagyang nagulat si Eloisa dahil sa matagal na panahon ay ngayon lang siya muli tinawag ng heneral sa ganitong pangalan. Matamis ito sa kanyang mga tainga at gusto niyang maging masaya dahil dito. Pero baka naman pagpapanggap lang ang lahat?
“Kahit ano honey,” sagot naman ni Eloisa.
Tumayo si Ralph. “Sige, kukuha lang ako ng pagkain natin.”
Lumakad na palayo si Ralph. Dito na nagkatinginan si Eloisa at Regis. Hinintay muna nila na tuluyang makalayo ang heneral bago magsalita si Regis.
“Kamusta ka na, ‘yung totoo?” tanong niya.
“Okay lang ako, ano ka ba?” matapang na sagot naman ni Eloisa.
“Sinasaktan ka pa rin ba niya?” muli niyang tanong.
“Alam kong malaki ang pinagbago niya nang dumating sa inyo si Tris,” paliwanag niya. “Pero hindi mo dapat hayaan na saktan ka niya.”
“Mukha bang sinasaktan niya ako ngayon?” diretsong punto ni Eloisa.
“May pakiusap sana ako,” sambit muli ni Eloisa.
“Ano ‘yun?”
“Bigyan mo kami ulit ng isa pang house servant,” pakiusap niya.
“Alam mong madali kong magagawa ‘yan. Ang problema lang, ibibinigay ko na sa inyo ang lahat ng mga skillful na servant,” punto ni Regis. “Pero kahit anong galing nito, pinapatay lang ito ng asawa mo.”
“Hindi niya kailangang patayin ang mga walang laban.”
“Susubukan kong protektahan siya pero sa ngayon ay kailangan ko ng isa.”
“Sinabi mo na rin yan noon pero walang nangyari,” sabat ni Regis. “Paanong magkakaroon ng pagbabago ngayon?”
“Pero sige, bukas na bukas rin magpapadala ako sa bahay niyo.”