Kabanata 7: Burn
Pavian’s POV
“BUHAY KAYO?” usal ni Kuya Jo na akala mo’y nakakita ng mga multo na ikinangisi naman ni Onyx at unti-unting lumapit sa kinalalagyan ng mga ito. Ang mga babae nama na hubo’t-hubad ay nanginig sa takot.
“Oras na magsalita kayo tungkol dito’y babalikan ko kayo,” pagbabanta ni Onyx na ikinaiyak ng mga babae pero hindi nangialam sa kanilang gagawin.
“Ano’ng gagawin mo? Gagamit ka na naman ng punyetang pagbabanta mo sa ‘min? Wala ka na sa trono mo kaya’t huwag mo kaming didiktahan!” sigaw ni Kuya Jo at agad naman ni Onyx na inasinta ng baril ang noo nito. Bumagsak ito nang hubo’t-hubad habang naliligo sa sariling dugo.
“Animal ka hanggang sa huli. Ikaw ang babagsak sa walang kwenta mong trono,” nakangising turan ni Onyx at bumaling sa mga dati naming kasamahan na masama ang mga tingin sa kanilang dalawa na agad pinaputukan nito ng baril at sunud-sunod na rin ang pagbagsak ng mga hubo’t-hubad na katawan ng mga trumaydor sa kanila. Nakita niyang naglabas ng baril sina Leroy at Hulio habang nakatapat sa kanilang dalawa ni Onyx. “Oh? Babarilin mo kaming dalawa ni Pavian na kaibigan ang turing sa inyo. Mga ahas kayo at dapat sa inyo’y mamatay dahil hindi kayo nababagay na mabuhay habang nagpapaka-impokrito.”
Agad naman na tinutukan ni Leroy si Onyx at pinaputukan ngunit nalihis ‘yon nang barilin ko ang dibdib niya. Natumba si Leroy habang bumubulwak ang dugo sa bibig at napasigaw si Hulio dahil do’n.
“Gago ka, Pavian! Ano’ng karapatan mo na patayin si Leroy? Nararapat lang na mamatay kayo lalong-lalo ka na dahil nakakasawang magpanggap na kaibigan namin kahit sukang-suka na kami sa ‘yo!”
Natulala naman siya dahil do’n. Iba pa rin kapag mula sa bibig mismo nang inakala niyang kaibigan ang nagsasalita nang gano’n.
“Peke lahat nang ipinapakita ninyo sa ‘kin?” usal niya at napangisi naman ito.
“Oo! Bakit ka naman namin itatratong kaibigan? Hindi ka nababagay—” Hindi na niya hinayaang ituloy nito ang sasabihin nang barilin niya ang dibdib nito. Nagngangalit siya sa galit at hindi siya makapaniwala na niloko lang siya at ipinaikot. Nagmukha pa siyang tanga, ‘yon naman pala’y may binabalak pa lang masama sa kaniya.
Napatingin siya sa mga walang buhay na katawan ng mga taong inakala niyang totoo sa kaniya at itinuring pa niyang kaibigan pero nagpapanggap lang pala sila. Isang malaking palabas ang lahat dahil gusto nilang tirisin silang dalawa ni Onyx sa grupo.
“Tapos na rin ang trabaho natin, Bata. Halika na’t puntahan natin ang mga inosente para pakawalan,” tawag pansin sa kaniya ni Onyx at napabaling naman siya rito. Tumango naman siya at napatingin sa mga babaeng hubo’t-hubad na umiiyak sa isang sulok.
“Magbihis na kayo at umalis. Hindi namin kayo idadamay.” Tumango ang isang babae at inakay ang mga kasamahan para makapagbihis at umalis sa lungga nila Kuya Jo. Lumabas na silang dalawa at nagtungo sa kabilang parte kung nasaan ang mga iba nilang kasama na mga bata at pawang inosenteng nagsusunud-sunuran sa mga utos ng mga naghahari-harian.
“Kuya Onyx! Kuya Pavian!” sigaw nila habang bakas ang takot mula sa kanilang mga mata. Napangiti siya nang nakita ang ibang mga batang yakap-yakap ang bawat isa. Nakikita niya ang kaniyang sarili sa mga ito. Gusto niyang magkaroon nang magandang kinabukasan ang mga batang ito at maging masaya sa magiging bago nilang pamilya. Lumuhod siya at lumapit sila sa kaniya.
“Pakakawalan namin kayo at ihahatid sa isang ampunan. Gusto kong maging masaya kayo at mamuhay kayo na malayo rito. Kung puwede lang ay kalimutan ninyo ang buhay ninyo rito.” Nag-iyakan naman sila.
“Natatakot po kami, Kuya Pavian. Akala po namin mabuti si Kuya Jo pero ang sama-sama niya po sa ‘min at hindi niya po kami pinapakain nang maayos kahit na tumutulong po kami at lagi rin po kaming nabubugbog,” pagsusumbong ni Toto, ang batang palaban.
“Hayaan ninyo, wala nang mananakit sa inyo. Kalimutan ninyo ang lahat nang ito. Isang bangungot na dapat labanan at gumising sa panibagong bukas,” singit ni Onyx. “Ayusin ninyo ang inyong mga sarili dahil kailangan na nating makaalis dito.”
Mabilis na nagsisunuran ang lahat at kinuha ang mga gamit nilang nakasilid sa mga lumang bag at ang iba nama’y sa isang supot. Nang nakalabas sila’y tinawag siya ni Onyx at lumapit naman siya rito.
“Ilayo mo sila at susunugin ko ang mga animal. Sa labas ng bahay ampunan ay may susundo sa ‘yong van at sumama ka sa kanila dahil ‘yon ang magiging daan mo sa Drako, ang bago mong tahanan. Hanggang sa muli nating pagkikita, Bata.”
Mabilis itong tumakbo pabalik sa lungga nila Kuya Jo at naramdaman naman niyang may humatak sa kaniyang pantalon at napatingin siya ro’n.
“Kuya, alis na po tayo rito. Baka dumating po ang pulis at maisipang ibenta sina Pepe at Tody,” usal nito at bakas ang takot sa mga mata nito. Natigilan siya at agad na rumagasa ang galit at poot sa kaniyang sistema. Nag-igting ang kaniyang panga at agad na nagtungo sa mga natitirang mga bata.
“Sumunod kayo sa ‘kin at huwag kayong hihiwalay,” aniya at nagsitanguan sila. Nasa dalawampung bata ang mga kasama niya. Nakita niya ang isang trak ng basura na magiging transportasyon nila patungo sa bahay ampunan. Planado na rin nila ito ni Onyx kaya’t plantsado ang lahat. Nagtulungan ang mga bata na makasakay at ang iba nama’y binuhat niya lalong-lalo na ang mga batang takot na takot.
Naalala niya tuloy ang kaniyang sarili at sisiguraduhin niyang magkakaroon sila nang magandang buhay pagkatapos ng lahat. Hindi pa huli ang lahat para magkaroon ng bagong simula at alam niya sa kaniyang sarili na ligtas silang lahat. Nang nasiguro niyang nakasakay ang lahat ay sumakay siya sa loob para imaneho ang trak pero tumingin siya sa lungga kung nasaan si Onyx at napabuntonghininga siya bago pinaandar ang makina ng trak at pinasibad paalis.
Medyo nakalayo na sila nang narinig nila ang malakas na pagsabog na ikinatili ng mga kasama niyang bata at kasabay ‘non ang pagngalit ng apoy. Mukhang nagtagumpay si Onyx sa ginawa at siya naman ngayon ay kailangang gawin ang huling plano.
“MARAMING SALAMAT PO,” nakangiting turan ni Toto habang hawak-hawak ang kamay nina Pepe at Tody na ngayon ay hinihimas ang buhok ni Sister Janna, isa sa mga namamahala ng bahay ampunan.
“Magpakabait kayo at alam kong darating ang bago ninyong pamilya,” nakangiti niyang turan na ikinatango naman nila. Bumaling siya kay Sister Janna na nakangiti. “Salamat po. Sana po’y magkaroon sila ng bagong pamilya na mamahalin sila.”
“Magkakaroon sila, Hijo. Walang imposible sa taong naghahangad ng pagbabago.”
Tipid siyang ngumiti bago umalis do’n at nakita pa niya ang pagkaway ng dalawampung batang nailigtas niya na may mga ngiti sa labi. Lumabas na siya at naglakad hanggang sa nahagip ng kaniyang tingin ang isang van at may lalaking nakatayo ro’n na may pamilyar na kwintas na suot na kagaya nang kay Onyx.
“Pavian?” usal nito pero bakas ang awtoridad sa boses nito na ikinatango niya.
“Ako nga po,” sagot niya na ikinangisi nito.
“Halika na’t sumama ka para makilala mo ang bago mong pamilya.” Walang pagdadalawang isip na sumama siya rito. Lulan ng van ay tahimik ang naging paglalakbay nila patungo sa Drako. Kinakabahan siya dahil hindi naman niya kilala ang mga kasamang lalaki na halatang batak ang mga pangangatawan. Isang maling galaw lang niya’y mamaalam agad siya sa mundo. Nakita naman siguro nito ang pagiging tuod niya na ikinatawa naman nito.
“Relax, hindi ka namin papatayin. Pumapatay lang kami kapag bayad at may kaagrabiyado. Hindi kami pumapatay nang basta-basta,” nakangisi nitong turan at tinitigan siyang maiigi nito. “Himala at nagtuwala si Onyx sa ‘yo. Tuso ang lalaking ‘yon at magaling sa trabaho. Alam kong tinuruan ka niya at walang problema ro’n. Kahit na may ginawa siyang katarataduhan kaya’t napatalsik siya’y matindi pa rin ang loyalidad niya sa ‘min. Ikaw, kaya mo ba’ng maging matapat sa bago mong tahanan?”
Tumango naman siya. “Kayang-kaya ko po. Handa po ‘kong matuto dahil may kailangan po ‘kong patayin. Sisingilin ko pa po siya sa ginawa niyang pagkitil sa buhay ng Tatay ko.”
“Galit. Magandang panghawakan sa tuwing may gagawing dahas. Sino naman ang gusto mong patayin, Hijo?” tanong nito.
Nag-igting ang kaniyang panga at napayukom siya ng kaniyang mga kamao. Habang inaalala niya ang itsura ng pulis na ‘yon ay gusto niyang pumatay pero alam niya sa kaniyang sarili na kailangan niya ng kasama dahil may galamay ‘yon.
“Isa pong pulis. Tulungan ninyo po ‘ko na bawian ang taong ‘yon at gagawin ko po ang lahat para makabawi po sa Drako,” pagmamakaawa niya at matagal siyang tinitigan nito. Nakita niya pa ang pagkinang ng singsing nito na hinimas nito. Ginto ‘yon at may pulang diyamante sa gitna.
“Sige, ang buhay mo’y nakakulong na ngayon sa Drako. Tutulungan ka namin sa paghihiganti mo, Hijo.” Hindi niya man ito kilala pero natuwa siya na handa siyang tulungan nito sa gagawin niyang plano.
“Maraming salamat po, Sir.” Natawa naman ito sa sinabi ko. Nahiya naman siya dahil hindi niya kilala ito. Basta’t sinabihan lang siya ni Onyx tungkol sa Drako at hindi niya ipinakilala ang mga taong nasa likod ‘non. Mahilig talaga sa sorpresa ito kaya’t lagi siyang natutulala sa mga nangyayari.
“Wala pa ngang nagagawa’y nagpapasalamat ka na agad. Kakaiba kang bata ka kaya’t malaki ang paninindigan sa ‘yo ni Onyx.”
Wala sa sariling napangiti siya dahil do’n. Malaki ang tiwala sa kaniya ni Onyx at hindi niya sasayangin ‘yon.