Kabanata 8: Drako
Pavian’s POV
NANG huminto ang sinasakyan nilang van ay napatingin sa labas ng bintana at napamaang siya dahil sumalubong sa kaniyang paninin ang isang napakalaking mansyon na may nakakalat na mga unipormadong lalaki na halatang mga tagapagbantay.
Bumaba na rin ang katabi niyang lalaki at napakunot ang noo niyang nang alalayan pa ito ng mga tagapagbantay sa tarangkahan. Naisip niyang mukhang may katungkulan o hindi kaya’y matagal na sa Drako ito. Palinga-linga lang siya sa paligid at alam niyang konting pagkakamali sa galaw niya’y mamatay siya agad-agad. Kakaiba rin ang pakiramdam niya sa lugar na ito.
“Hijo, oras na pumasok ka sa samahan ay habambuhay ang loyalidad mo. Kapag gumawa ka naman ng hakbang laban sa ‘min ay kamatayan ang naghihintay para sa ‘yo,” nakangisi nitong turan at wala sa sariling napalunok siya sa sariling laway.
“Opo, nakahanda po ‘kong ibigay ang loyalidad at katapatan ko sa inyo,” aniya na ikinalaki lalo ng ngisi nito.
“Bueno, pumasok ka na sa loob para naman makita at makilala mo ang mga kasamahan sa Drako.” Tumango naman siya at sumunod sa kanila. Nang pumasok sila sa loob ay may pinuntahan silang isang lagusan na pababa. Nakakamangha dahil ngayon lang niya nakita ang ganitong mga bagay. Halatang mga batikan sila sa gawaing ito. “Ang miyembro ng Drako ay nagkakaroon ng malaking halaga sa bulsa. Huwag kang magtataka kung nagmamay-ari sila ng mga mamahaling bagay dahil maliit na bagay lang ‘yon para sa Drako. Lahat ng mga pinapangarap mo’y matutupad basta’t maayos ang trabaho.”
May pinindot-pindot pa ito na naglikha ng isang ilaw at may bumukas na naman na lagusan. Napakaraming pasikot-sikot at halatang mahihirapan ang mga kalaban na lumusob. Hanggang sa nakarating sila sa isang malaking quarters, malayong-malayo sa lungga na kanilang inookupa noon ni Onyx. Malinis at halatang mamahalin ang mga muwebles, may makikita ring mga armas na halatang hindi basta-bastang nabibili. Iba’t-ibang klaseng mga baril, kutsilyo at mga bomba ang nakasabit.
“Ito ang Drako Quarters, dito ginaganap ang mga pagtitipon ng mga miyembro para malaman ang mga misyon nila. Ang pinakamagaling na miyembro ay may immunity na makuha ang mga VIP na misyon. Kadalasan ang mga gano’n ay mga pinapatrabaho ng mga mayayamang tao. Ang Drako ang magliligpit ng kalat nila o hindi kaya’y bumabangga sa kanila.”
Tumango naman siya at maya-maya pa’y nakarinig siya ng boses ng babae mas bata sa kaniya. Maganda ang kutis nito at halatang alagang-alaga.
“Daddy! I’m waiting for you. Where did you go?” naiinis na tanong ng babae na ikinatawa naman ng kasama niyang lalaki.
“May sinundo lang akong bagong miyembro. Pasensiya na’t natagalan kami sa pagbalik. I want you to meet Pavian Guillermo,” sagot nito at napabaling naman sa kaniya ito at pinasadahan siya nang tingin.
“Magandang araw po,” magalang niyang pagbati na ikinangisi naman nito. Nagulat pa siya nang naglahad ito ng kamay sa kaniya.
“I’m Chantal Ledesma. Nice to meet you, Pavian.” Tinanggap naman niya inaalok nitong pakikipagkamay at naramdaman niyang tila humigpit ang hawak nito sa kaniyang kamay na ikinatikhim ng kasama niyang lalaki na ama pala ni Chantal.
“Chantal, please go back to your room,” sita nito at akmang tatanggi si Chantal pero napanguso na lang.
“Babawi ka, Daddy. You know what can I do if I’m mad, right?” Natawa naman ang ama nito.
“Yeah. You’re my daughter, and I know what’s running in your pretty head. Just follow me,” saad nito at muling bumaling sa kaniya si Chantal.
“See you again, Pavian.” Tumango naman siya at umalis na ito.
“Let’s continue. Nasabi ko na sa ‘yo ang lahat ng mga dapat mong pakakantandaan. Gusto kong malaman mo na ayaw ko sa mga taong sinungaling. Anyways, Tawagin mo pala ‘kong Boss.” Napakunot ang kaniyang noo kaya’t napangisi naman ito. “Ako ang pinuno ng Drako.”
Nagulat naman siya ro’n dahil hindi niya nahalatang ang kasama niya mismo ang pinuno ng Drako. Kitang-kita niya ang pagkaaliw sa itsura nito dahil sa kaniyang reaksyon.
“Alam kong nagtataka kung bakit ako ang sumundo sa ‘yo. Gusto ko lang kasing makilala ka ng personal lalo na’t si Onyx mismo ang nakiusap sa ‘kin na papasukin ka sa Drako. Naintriga ako at ayaw kong pinapatagal ang pagkainip ko. Hindi puwedeng lumabas ang mga pinag-usapan natin kundi mamatay ka pero kapag nakita kong magaling ka’y aangat ka sa lahat. Hahasain ka namin dito sa Drako at alam kong malayo ang mararating mo.”
“Maraming salamat po. Hindi ko po kayo bibiguin at sisiguraduhin ko pong gagalingan ko para makabawi po ‘ko sa inyo,” aniya at marahan siyang tinapik sa balikat nito.
“Gustong-gusto ko ang sinabi mo, Hijo. Siya nga pala, kailangan mo munang maglagi rito ng isang buwan para mag-ensayo at kilalanin ang iba pang mga miyembro. May buhay ka ba sa labas?” Nakaramdam naman siya ng hiya pero natutuwa siya na tanggap siya rito.
“Sige po. Ahm. , , May nobya po ‘ko na naghihintay po sa pagbabalik ko,” sagot niya at napangisi naman ito.
“Alam naman ba niya ang tunay mong katauhan?” Napakagat naman siya sa kaniyang labi dahil hindi naman alam ni Nerissa ang ginagawa niya ngayon basta’t ang alam lang nito’y kasama niya si Onyx na ngayon ay nagpakalayo-layo na.
“Hindi po pero ang alam niya’y kasama ko po si Onyx.”
“Pag-ibig, hanggang saan kaya ‘yan magtatagal? Oras na malaman niya ang lahat nang ito’y may mangyayaring hindi inaasahan at maswerte ka kung tatanggapin ka nang buong-buo.”
‘Matatanggap kaya ni Nerissa ‘yon? Alam ko naman sa sarili ko na mahal namin ang isa’t-isa at matatanggap din niya ito.’
“Matatanggap naman po niya siguro lalo na’t mahal na mahal po namin ang isa’t-isa.” Napailing naman ito pero hindi nabubura ang ngisi sa labi.
“Pang-ilan mo siyang nobya, Hijo?” tanong nito.
“Unang beses po at paniguradong huli. Gusto ko po siyang pakasalan oras na matapos ko po ang lahat ng kailan kong gawin,” sagot niya.
“Ano’ng pangalan ng nobya mo, Hijo? Sigurado ka bang siya na? Paano na lang kung hindi pala?” Napangiti naman siya habang umiling.
“Siya po si Dra. Nerissa Yap at mahal na mahal ko po siya. Kahit anumang mangyari ay maganda po ang motibo ko sa kaniya,” sagot niya.
“Masyadong napakabilis, Hijo. Alam kong medyo bagito ka pa sa pag-ibig pero tandaan mo na maraming babae, may totoo at nagpapanggap lang. Darating din ang araw na magigising ka sa katotohanan at hindi mo dapat pinapairal ang pagiging mabuti mo. Ang mga mabuti ay madaling kunin ng langit pero ang masamang damo ay hindi. Madali kang matatalo at kailangan mong maging pusong bato.”
Hindi naman maiproseso ng utak niya ang mga pinagsasabi nito. Hindi naman sa tutol siya sa mga pinagsasabi nito pero hindi naman siya basta-bastang magagalit nang walang dahilan. Hindi na tuloy siya nakapagsalita at nakarinig naman sila ng tunog na ikinabuntonghininga naman nito.
“Samahan mo muna ‘ko, Hijo.” Tumango naman siya at sumunod dito at may pinasukan silang isang silid na may malawak na espasyo kung saan may mga kalalakihan na hindi nalalayo sa edad niya at iba nama’y matanda sa kaniya na pawang nagkakaroon ng sugapaan.
“Mierpey! Mierpey! Mierpey!” sigawan ng mga kalalakihan at lumapit sila ro’n at do’n niya napansin na may isang lalaking sunud-sunod na sinusugod ng mga kalalakihan na mas malaking pangangatawan kaysa rito. Kitang-kita niya kung paano nito nilalabaan ang mga kalaban kahit na marami ang mga ito. Nakakahanga at napapatumba nito ang mga kalaban.
“Nagmamayabang na naman si Mierpey. Naghamon na naman ng away,” nakangising turan ni Boss kaya’t napalingon siya rito bago ibinalik ang kaniyang atensyon sa lalaking nakikipaglaban.
Nang napabagsak nito ang huling kalaban ay isinuklay nito ang daliri sa buhok habang nakangisi. “Ano? Wala pala kayong palag? Hinding-hindi ninyo ‘ko matatalo kahit na pagsama-samahin pa kayo! Mga walang kwenta, may papalag ba sa ‘kin?”
“Mayro’n at paniguradong matatalo ka,” mapaghamong turan ni Boss na ikinatahimik nilang lahat at napabaling sa gawi nila. Nagsiyukuan ang mga kalalakihan maliban kay Mierpey na nakatingin na sa kaniya. “Labanan mo si Pavian at nang makita natin kung sino ba’ng mas malakas sa inyong dalawa.”
Nagulat naman siya ro’n at hindi niya napaghandaan ‘yon. Akmang magsasalita siya nang biglang humalakhak si Mierpey.
“Matatalo niya ba ‘ko? Masyado mo ata akong minamaliit pero pagbibigyan kita, Boss. Gusto ko rin naman na ipaalam sa kasama niyo kung sino ba’ng tunay na kakatakutan,” asik ni Mierpey. Masyado itong mayabang at batak din naman siya sa pakikipaglaban lalo na’t sinanay siya ni Onyx.
“Oh? Hindi ako naniniwala sa sabi-sabi lang dahil mas gusto kong makita mismo ng mga mata ko. Ihanda ang entablado para sa kanilang dalawa at manonood tayong lahat kung sino ba’ng mas malakas sa kanilang dalawa kundi may karampatang parusa ang matatalo,” singit ni Boss.
Nagbulung-bulungan ang mga kalalakihan pero bakas ang kuryosidad nila tungkol sa kaniya lalo na’t bagong salta lang naman siya sa Drako at makikipaglaban na agad. Hindi naman siya puwedeng tumanggi dahil si Boss na mismo ang nagsabi.
Tumingin siya kay Mierpey na halatang minamaliit na siya sa tingin. Iminuwestra nito ang kamay para palapitin siya. Unti-unting inihakbang niya ang kaniyang mga paa para lumapit sa entablado at tumalon ito ro’n na naglikha ng ingay. Nang nakarating na siya sa entablado’y kitang-kita niya ang pagiging mayabang nito.
“Kung sino ka man, maghanda ka sa pagbagsak mo. Kawawa ka naman dahil kararating mo lang ay matitikman mo ang pagkatalo mo. Pagkatapos nito’y wala ka nang mukhang maihaharap.”
Hindi niya napigilang ngumisi. “Huwag kang magsalita ng tapos. Hindi mo pa ‘ko kilala at baka ikaw ang matalo.”
Namula ito sa galit at kitang-kita niya ang pag-igting ng panga nito. Hindi niya hahayaang matahin siya nito nang gano’n-gano’n na lang. Hindi pa nito nakikita kung ano’ng kaya niyang gawin.