Chapter 2

1530 Words
Chapter 1: Positibo Hawak ko ang pregnancy test sa aking mga kamay. Ayoko sanang gawin ito dahil lamang sa ilang simpleng pagkahilo, pero pinilit ako ng aking ina kaya wala na akong nagawa kundi sumunod nalang. Lumabas ang resulta sa loob ng ilang minuto, at bumilis ang kabog ng aking dibdib. Hindi maaari. Imposible. Buntis ako. Hindi ko alam kung matatawa o maiiyak ako. Kung nangyari ito anim na buwan na ang nakakaraan, tiyak na lulundag ako sa tuwa bago ito isigaw sa buong mundo. Pero sa sandaling ito, ang aking kasal sa tanyag na negosyante ng fashion industry na si Alexander Lancaster ay nakabitin na lamang sa isang hibla. Pagkatapos nang dalawang taon ng pagiging mag-asawa, ay biglang nawalan nang gana si Alexander, malamig, at parang balewala na ako sa kanya; bihira na niya akong hawakan. Kaya alam ko ang eksaktong araw kung kailan ito nabuo. Nang gabing iyon ay umuwi siya mula sa isang cocktail party; matagal na mula nang makita ko siyang ganoon ka-ganado, at nang matapos siya, natulog siya sa tabi ko. Inakala kong babalik na sa dati ang lahat, pero nagkamali ako. Kinabukasan, halos hindi man lang niya ako binati. Napaluha ako, at niyakap ako ng aking ina. "Sarah, napakagandang balita nito. Hindi ka dapat malungkot. Ito ang kailangan sa inyong pagsasama. Sigurado akong magbabago si Alex kapag nalaman niyang magiging ama na siya," ani ng aking ina, pilit pinapalakas ang aking loob. Ngunit palagi kong naiisip na ang isang anak ay hindi kailanman magiging solusyon sa mga problema, at duda akong ang batang dinadala ko sa aking sinapupunan ang magiging dahilan upang maayos ang relasyon naming mag-asawa, upang maibalik si Alex. "Hindi maaari. Hindi ko gagamitin ang batang ito para maibalik ang lahat sa dati." Basag ang boses ko, ngunit malinaw ang aking mga salita. Tiningnan ako ng aking ina na parang hindi makapaniwala sa aking mga nasabi. Lumapit siya sa aparador at kinuha ang aking maleta, pati na rin ang lahat ng aking mga damit na maayos na nakatiklop. "Halika na, ayusin mo na ang mga gamit mo. Sasakay ka sa susunod na flight, pupunta ka kay Alex at sasabihin mong magkakaroon kayo ng anak. Makikita mo, magiging maayos ang lahat. Magmamahalan kayo, magiging masaya kayong pamilya, at ibibigay nyo ang lahat ng pagmamahal sa aking apo." Sana'y mahawahan rin ako ng siglang mayoon ang aking ina. Kahit na hindi pa niya nakikilala si Alexander ng personal, sobrang taas ng kanyang paniniwala na magiging mapagmahal itong asawa tulad ng dati. "Umalis? Ngayon? Apat na araw pa bago ang flight ko," sabi ko, hindi inaalis ang mata ko sa aking ina na maingat na tinitiklop ang bawat piraso ng damit sa aking maleta. "Sasakay ka sa private jet, mas komportable at nakakarelax. Pwede mong isipin kung anong sasabihin mo kay Alexander habang nasa byahe." Iniwan niya ang huling damit na natapos niyang itiklop at lumabas ng kwarto, bitbit ang kanyang cellphone, iniwan akong mag-isa kasama ang halos puno ko nang maleta. Pinunasan ko ang mga luha sa aking pisngi, nag-isip ako ng positibong bahagi ng balita, at hindi nagtagal ay naka-isip ako. Hinaplos ko ang aking impis pang tiyan, parang nararamdaman ko na ang buhay na umuusbong sa loob ko. Nang sandaling iyon, nawala ang lahat ng negatibo. Magiging ina na ako, at ang pinakamagandang bahagi ay magkakaroon ako ng anak sa lalaking minahal ko. Magiging ina na ako. Paulit-ulit kong binigkas ito sa aking isipan, habang may ngiti sa aking labi, sinimulan kong ipunin ang mga damit na dinala ko para sa maikling bakasyon at isang-linggong pagbisita sa aking ina dito sa Bohol. Huminga ako ng malalim nang makabalik ako ng Manila. Parang naglalagablab ako sa kaba at hindi ko mapigilan ang panginginig ng aking mga binti. Ang ideya ng aking ina ay isang malaking pagkakamali. Hindi ako makapag-relaks o makapag-isip kung paano ko sasabihin kay Alex ang balita. Ang tanging ginawa ko ay haplusin ang aking tiyan at mag-isip tungkol sa lahat ng negatibong bagay. Sumakay ako ng taxi papunta sa bahay, habang tinatawagan ko si Alexander sa cellphone, ilang beses ko siyang tinawagan. Gusto kong malaman kung nasaan siya dahil gusto ko s’yang sorpresahin, pero ang tawag ko ay diretsong napupunta sa voicemail. Ayos lang, wala namang problema. Malamang ay nasa kumpanya pa siya. Alas-dos pa lang ng hapon, kaya’t planado ko na ang lahat sa isip ko. Iniwan ko ang aking mga bagahe sa bahay at dali-dali akong pumunta sa kumpanya, bitbit ang pregnancy test na nakalagay sa isang kahon ng regalo na ibinigay sa akin ng aking ina. Oo, ganun siya ka-detalyado. Hindi ko man lang naisip iyon. Simple pero sigurado ang mga plano ko, at magiging maayos na sana ang lahat kung hindi lang dahil sa kapatid ni Alexander na nadatnan ko sa aking bahay. Pagkarating ko, hindi na siya nag-aksaya ng oras at agad akong tiningnan ng may inis, parang hindi niya kayang tiisin ang presensya ko at parang iritang-irita siyang makita ang mukha ko. "Andito na ang hindi naman kailangan dito" sabi niya habang nakairap at saka ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa, isinusukat niya ang mga bagong koleksyon na ilalabas ng Lancaster Collection sa loob ng isang buwan. Magulo ang sala, nagkalat ang mga damit sa kung saan-saan, habang may dalawang designer mula sa kumpanya ang nagbibigay sa kanya ng mga suhestiyon. Para bang nakalimutan niyang nasa bahay ko siya at siya ang hindi dapat naroroon. "Sinong nagbigay sa'yo ng permiso para pumasok?" "Pasensya na at pumasok ako sa bahay KO," binigyang diin ko ang salitang "ko", at tiningnan niya ako ng may panunuya, na para bang nakakatawa ang sinabi ko. "Bahay mo? Bahay ito ng kapatid ko, at mas may karapatan akong dito kaysa sa'yo. Alamin mo ang lugar mo. Isa ka lang gold digger", sabi niya nang may pagyayabang na halos gusto ko na siyang sampalin, pero pinili ko na lang na huwag siyang pansinin at ipagpatuloy nalang ang aking plano. Hindi niya alam ang kanyang pinagsasabi, hindi niya makita ang katotohanan sa sobrang taas ng tingin niya sa kanyang sarili. Hindi ako kailanman nagustuhan ni Gina, ang nakababatang kapatid ni Alexander, at lalo na ng kanyang ina. Palagi nilang sinasamantala ang bawat pagkakataon para ipahiya ako, at sa palaging parehong dahilan—na ang isang mahirap na tulad ko, ay hindi karapat-dapat maging asawa ng isang matagumpay na lalaking tulad ni Alexander, na ipinanganak sa isang mayamang pamilya. Sinubukan kong huwag pansinin ang bawat atake ng mga Lancaster, dahil mas pinili kong iwasan ang mga posibleng alitan sa hinaharap. Hindi ko na rin sinabi kay Alexander ang tungkol dito, ang huling bagay na gusto ko ay magkaroon ng mas malaking problema kung saan ang pamilya niya ang magiging masama sa paningin ng mga tao, at kahit na totoo man, hindi ako magdadalawang-isip na ipagtanggol sila bago ang aking sarili. Kailangan ko lang tiisin ang mga pang-aabuso mula sa dalawang babaeng ito at iwasan sila hangga't maaari. At ngayon, higit sa lahat, dahil sa nalaman ko na dinadala ko ang anak namin ni Alexander, mas higit na kailangan kong maging kalmado para sa kapakanan naming dalawa. Ang hindi nila alam, pati na rin si Alexander, ay nagmula ako sa isang kilala, makapangyarihan, at mas mayamang pamilya kaysa sa mga Lancaster. Ngunit pinili kong bumukod sa aking pamilya nang magka-igihan kami ni Alexander noong kolehiyo, at nagpasya kaming ipagpatuloy ang aming relasyon pagkatapos ng graduation; nagpakasal kami, at nangako na mamahalin at igagalang ang isa't isa hanggang kamatayan. Siyempre, hindi sumang-ayon ang pamilya ko sa relasyon namin ni Alexander, ni ayaw nilang makilala siya. Kaya't binigyan ako ng tatay ko ng pagpipilian: pakasalan si Alexander o kunin ang aking posisyon sa Doinel fashion house. Ang aking ina lang ang tanging sumuporta sa akin, kahit na pinili niyang dumistansya dahil ayaw niyang kontrahin ang aking ama. Nagkikita kami ang aking ina dalawang beses sa isang taon, at hindi ko na nakita ang aking ama mula nang magpakasal ako. Pinunasan ko ang aking mga luha habang inaalala ko ang huling araw na nakita ko siya. Hindi siya masaya sa naging desisyon ko, dahil gusto niyang sumunod ako sa mga yapak nya at maging kilala sa mundo ng fashion tulad nya. Gayunpaman, naalala ko ang huling sinabi niya sa akin. “Lumipad ka, lumipad ka nang mataas, ngunit huwag mong hahayaan na putulin nila ang iyong mga pakpak. At kung mangyari man iyon, tandaan mo na narito ako, naghihintay na may bukas na mga bisig upang ayusin ang iyong mga pakpak at muling ituro sa iyo kung kailan ang tamang sandali upang makalipad kang muli ng mas mataas”. Miss na miss ko na ang aking ama, lalo na sa mga pagkakataong binabalewala ako ni Alexander at malamig ang kanyang pakikitungo, parang wala na siyang nararamdaman para sa akin. Tuwing nararamdaman ko na hindi na niya ako gusto, na halos hindi nya na ako magawang tingnan bago matulog, hindi ko na maalala ang huling pagkakataon na sinabi niyang mahal niya ako. Sa mga pagkakataon na iyon, nami-miss ko ang aking ama, dahil hindi niya hahayaan na tratuhin ako nang ganoon. Hindi niya papayagan ang kanyang anak na magtiis sa kakapiranggot, lalo na't ibinigay niya sa akin ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD