“Ikaw?!” malakas na sigaw niya habang nakatingin sa nakangiting si Dak.
“Good morning.” Nahihimigan talaga ang pangangasar sa boses ni Dak kaya inis na inis si Katrina. Galing ito sa taas. Ibig sabihin ay dito ito natulog.
“Lola, bakit ka nagpapapasok ng magnanakaw dito sa bahay?” malakas na tanong niya sa lola niya. Ibig sabihin ay nanatili ng magdamag ang lalaki sa pamamahay niya.
“Hoy! Paulit-ulit nalang tayo ah! Hindi ko nga sabi tinangkang nakawan ka,” sabi ni Dak at umupo sa upuan sa hapagkainan.
“Ano ba ‘yang pinagsasabi mo Kat? Magkakilala kayo ng batang ‘yan?” tanong ng lola niya kaya naiinis siya lalo.
“Lola dapat hindi kayo nagpapapasok ng kahit na sino rito sa bahay. Lalo kung wala po ako, paano kung saktan ka ng lalaking ito? Paano kung nanakawan na tayo?” tanong niya na para bang hindi nakikinig sa kanila ang lalaking hinuhusgahan.
“Tumigil ka ngang bata ka. Alam ko naman ang ginagawa ko, ang batang ‘to… iniligtas niya ako sa mga lasing d’yan sa kanto noong nakaraang gabi,” sabi ng lola niya kaya masama siyang napatingin sa lalaking nakangiti lang habang nakatingin sa kanya.
Ang lakas ng loob na ngitian siya matapos ang kagaguhan na ginawa sa kanya.
“Oh tapos? E ‘di salamat sa pagliligtas sa lola ko, makakaalis ka na,” sabi niya at napahawak nalang sa noo niya nang ipalo sa noo niya ang hawak nitong sandok.
“Lola!” malakas na sabi niya.
“Tigilan mo ako Katrina ah,” sabi ng lola niya kapag mas nainis siya.
“Muntik na niya akong nakawan lola, hindi siya dapat pinagkakatiwalaan,” sabi niya kaya nakita niyang tumayo na si Dak sa kinauupuan nito kanina.
“Sumosobra ka na ah, paulit-ulit tayo rito. Hindi nga kita gustong nakawan, nagkataon lang na nakita kitang hinahabol ‘yong totoong nagtangkang nakawan ka, ako na nga ang nagmalasakit na habulin at kunin ang bag mo… ako pa ang mali?” mahaba nitong sabi kaya nakapamewang siyang lumapit dito.
“E ‘di salamat! Bakit ba nandito ka sa bahay namin?” tanong niya.
“Anong bahay mo? Bahay ko na rin pansamantala,” sabi nito at nakita niyang binubuksan ang supot na nasa ibabaw ng lamesa kung nasaan niya nilagay ang mga luto ng ina ng kaibigan.
Hinawakan niya sa braso si Dak at malakas na winaksi ang kamay kung saan gusto nitong kunin ang laman ng supot.
“Ang kapal ng mukha mo ah! Hindi ka naman kapamilya!” malakas na sigaw niya.
“Kapuso ako e,” asar nito at pilit na kinukuha ang supot.
“Dak ano ba!?” sigaw niya at talagang nagtutulakan na siyang pareho hanggang sa maramdaman niya ang pagpalo ng sandok sa noo niya.
Mukhang hindi lang siya ang pinalo ng lola niya kundi pati si Dak na nakahawak din sa noo nito.
“Tumigil nga kayo para kayong aso’t pusang dalawa,” sabi ng lola niya kaya masama siyang napatingin kay Dak.
“Apo, si Dak ay nangungupahan na. Tinanggap ko na. Kawawa naman ang batang ‘yan. Isang kwarto lang naman ang gusto niya kaya pinayagan ko na siyang upahan ang isang kwarto sa taas,” sabi ng lola niya kaya malalaki ang matang napatingin siya rito.
“Lola naman, isipin niyo naman po na babae ako. Hindi po natin kilala ang lalaking ito, paano po kapag may gawin siy---“
“Sa tingin mo pagnanasahan kita?” pagpuputol sa sasabihin niya ni Dak.
Masama siyang napatingin kay Dak dahil sa sinabi nito. Ngumiti lang sa kanya ang binata na mas lalo niyang kinainisan dahil halata naman na iniinis talaga siya nito lalo.
“Gago ka ah!” inis na sabi niya rito.
“Sinabi na magsitigil kayo. Apo, mapagkakatiwalaan naman si Dak. Sa tingin mo pagkakatiwalaan ko siya kung hindi ko masisiguro ang kaligtasan natin kapag nandito siya? Mas magandang may lalaki tayo rito sa bahay,” sabi ng lola niya kaya hindi nalang siya nakapagsalita.
“Tama ‘yan lola,” sabi pa ni Dak.
“Pwede bang manahimik ka na muna? Salita ka ng salita, ano ka ginto?” inis na sabi niya dahil sa inis.
Tumawa naman si Dak kaya inirapan niya ito dahil sa galit na nararamdaman.
“Isang buwan lang lola ah, isang buwan lang po,” may diin na sabi niya.
“Pero nakapaunang bayad na siya sa loob ng anim na buwan,” sabi ng lola niya.
“Ibabalik ko ‘yong binayad mo,” sabi niya pero tumawa lang si Dak.
“Hindi ko na tatanggapin. Bahala ka sa buhay mo baboy,” asar nito sa kanya kaya sasampalin na sana niya ito nang tumayo ito at tumakbo paakyat sa ikalawang baitang sa bahay nila.
Tumingin siya sa lola niya na naghahain na.
“Lola naman, dapat hinintay niyo po ang desisyon ko. Lalaki pa rin si Dak. Tsaka mahirap na baka may gawin po sa ating dalawa. Mabuti sana kung ako lang ang sasaktan niya, paano po kayo?” tanong niya at tinulungan ito sa pag-aayos sa mesa.
“May tiwala ka sa akin?” tanong ng lola niya kaya wala siyang nagawa kundi tumango.
“Kung gano’n hayaan mo si Dak na manatili rito. Hindi ko naman hahayaan na may mangyari sa ‘yo. Ikaw na lang ang meron ako, mamamatay muna ako bago kita ipahamak.”
“Lola sinabi ko naman na huwag niyong babanggitin ang salitang ‘mamamatay’ na ‘yan,” may inis na sabi niya dahil ayaw niyang marinig ang salitang ‘yon.
Paulit-ulit sinasabi ‘yon ng lola niya na para bang mawawala na ito.
Kaya nga masyado siyang nagsisikap sa trabaho ay para mabigyan ito ng magandang buhay sa hinaharap.
Kahit na ang mamahal ng gamot nito ay talagang inuuna niya kaysa mag-ipon para makalipat na sa magandang bahay.
“Hindi na,” sabi ng lola niya kaya napangiti nalang siya.
“Taas na po muna ako,” sabi niya kaya tumango ang lola niya. Sa taas talaga ang kwarto niya pero mukhang gugustuhin niyang lumipat sa ibaba at sa isang kwarto na lang sa ibaba ang lipatan niya kahit na maliit.
Ayaw naman niyang malapit sa kwarto ng lalaki. Dating kwarto ng lola niya ang kwarto sa itaas kaso mukhang sa ibaba na ang bagong kwarto ng lola niya.
Naglakad siya at nakita niyang nakabukas ang kwarto ni Dak. Nakita niyang nakahiga ito sa bakal na kama at nakapikit.
Kumatok siya kaya nagmulat ng mga mata ang binata. Sumilay na naman ang mapang-asar na ngiti nito kaya nainis siya pero hindi nalang niya pinansin at kinausap ng masinsinan ang binata.
“Wala kang makukuha sa amin, kung meron ka mang gustong kunin na gamit. Siguraduhin mo lang na wala kang masasaktan lalo ang lola ko,” malamig na sabi niya kaya tinawanan na naman siya ni Dak.
“Anong pinagsasabi mo? You are thinking too badly,” he said calmly.
“Hindi talaga kita kayang pagkatiwalaan.”
“Hindi ko naman sinabing pagkatiwalaan mo ako. Pero sasabihin ko sa ‘yo. Hindi ako masamang tao, hindi ko kayo sasaktan ni lola.”
“Sana nga, dahil kung nagkataon, sisiguraduhin kong makukulong ka sa bilangguan,” sabi niya bago ito iwan at naglakad sa katapat nitong kwarto at pumasok sa kwarto niya.
Magkatapat lang talaga ang kwarto nila ni Dak. Dapat gumawa siya ng mga ‘hindi dapat’ at ‘dapat’ gawin dito sa bahay.
Hindi pwedeng may malalabag doon si Dak dahil lalaki ito at hindi naman pwede na uuwi ito kung kailan nito gustong oras ng pag-uwi o magsama ng kung sino-sinong adik d’yan sa labas.
Pagkatapos niyang magbihis ng pambahay ay tinignan niya sa email niya kung meron pinadalhang mensahe ang kumpanya kung saan siya nagtra-trabaho.
Hindi niya akalain na napasarap ang paggamit niya sa telepono kaya napatingin nalang siya nang may kumatok sa pinto ng kwarto.
“Pig, let's eat.”
Naiinis na tumayo siya at masamang tumingin kay Dak na sinabihan siyang baboy. Kanina pa talaga siyang inis na inis.
“Sinong baboy?” galit na tanong niya rito pagbukas na pagbukas palang niya ng pinto para kausapin ito.
“Ikaw,” sabi nito at nakangisi pa.
Lumiit ang mga mata niya dahil sa sinabi nito. Talagang sinusubukan nito ang kakayahan niya. Kayang-kaya niya itong patumbahin kahit pa maganda ang pangangatawan nito at nakatingala siya rito dahil sa tangkad nito.
“Isang sabi mo pa ng baboy…” malamig na sabi niya.
“Bakit anong gagawin mo?”
“Well I’m go---“
“Baboy.”
Malakas niya itong sinampal dahil sa tinawag nito sa kanya kaya ngumiti siya at tinulak ang binata.
“Pinayagan kitang tumira rito… pero hindi tayo magkaibigan kaya matuto kang lumugar dito,” sabi niya dahil hindi niya rin gusto na inaasar siya nito at tinatawag siyang ‘baboy’ na para bang sobrang lapit nila sa isa’t isa.
Hindi niya gusto ang takbo ng tadhana para sa kanya at sa Dak na ‘yon. Hiniling niya na sana ay ang una at huli nilang pagkikita ay ang gabing ‘yon.
Hindi niya gusto ang ngisi ng binata. Lahat ng meron dito ay hindi niya gusto.
Anong gagawin niya para mapaalis sa buhay nila ng lola niya si Dak?
Hindi niya kasi alam pero pakiramdam niya ay si Dak ang magiging malaking gulo sa buhay nila. Sobrang iba ng kislap sa mga mata nito.
Isang nakakainis at hindi marunong kumilala ng kausap ang meron sa pag-uugali si Dak.
Asal kalye. Mukha kasing tambay kaya siguro gano’n ang ugaling meron ito.
Ayos naman na sana e. Tinaggap na niya noong una siyang ininsulto nito at tawaging ‘baboy’ pero hindi niya gusto na inuulit nito. Si Eduardo lang ang may karapatan na inisin at biruin siya ng gano’n.
“Baboy!” napapikit siya nang marinig niya ang boses ni Dak sa likod niya. Pababa kasi siya sa kahoy na hagdanan.
“Shut up,” she said coldly to Dak.
“Magandang baboy…”